Institute
Lesson 7: Pagtitipon sa Ohio


“Lesson 7: Pagtitipon sa Ohio,” Materyal para sa Titser ng Kasaysayan ng mga Banal sa mga Huling Araw: 1815–1846 (2018)

“Lesson 7,” Materyal para sa Titser ng Kasaysayan ng mga Banal sa mga Huling Araw: 1815–1846

Lesson 7

Pagtitipon sa Ohio

Pambungad at Timeline

Noong taglagas ng 1830, ang mga missionary na tinawag na mangaral sa mga Lamanita ay humimpil sa Kirtland, Ohio, upang ibahagi ang ipinanumbalik na ebanghelyo. Sa maikling panahon, mahigit isandaang katao, kabilang si Sidney Rigdon at maraming miyembro ng kanyang kongregasyon, ang nabinyagan. Noong Disyembre 1830, tumanggap si Joseph Smith ng paghahayag kung saan inutusan ng Panginoon ang mga Banal na nakatira sa New York na magtipon sa Ohio (tingnan sa D at T 37). Si Joseph Smith at ang kanyang asawa, si Emma, ay naglakbay patungong Kirtland, at dumating noong Pebrero 1831. Bago ang pagdating ni Joseph Smith, ang ilan sa mga Banal sa Ohio ay nalinlang ng mga huwad na espirituwal na karanasan. Sa pamamagitan ng paghahayag sa Propeta, tinulungan ng Panginoon ang mga Banal na makilala at maiwasan ang panlilinlang (tingnan sa D at T 4650).

Oktubre–Nobyembre 1830Sina Oliver Cowdery, Parley P. Pratt, Ziba Peterson, at Peter Whitmer Jr. ay nangaral ng ebanghelyo sa hilagang-silangang Ohio sa loob ng ilang linggo.

Enero 2, 1831Idinaos ang ikatlong kumperensya ng Simbahan sa Fayette, New York, at ipinaalam ni Joseph Smith ang paghahayag na nag-uutos sa mga Banal na magtipon sa Ohio (tingnan sa D at T 37–38).

Pebrero 4, 1831Dumating sina Joseph at Emma Smith sa Kirtland, Ohio.

Abril–Mayo 1831Ang mga Banal na nakatira sa New York ay lumisan patungong Kirtland, Ohio.

Mga Babasahin ng mga Estudyante

Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846 (2018), mga kabanata 10–11

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Inutusan ng Panginoon ang mga Banal na magtipon sa Ohio

Isulat ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Thomas S. Monson (1927–2018) sa pisara:

“Ang pinakamalaking pagsubok sa buhay na ito ay pagsunod” (Thomas S. Monson, “Ang Pagsunod ay Nagdudulot ng mga Pagpapala,” Ensign o Liahona, Mayo 2013, 92).

  • Sa palagay ninyo, bakit ang pagsunod sa Panginoon ang pinakamalaking pagsubok sa buhay na ito?

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang ilan sa mga hamong nakaharap o makakaharap nila sa pagsunod sa mga alituntunin ng ebanghelyo at sa mga kautusan. Anyayahan silang maghanap ng isang alituntunin habang pinag-aaralan nila ang tungkol sa pagtitipon ng mga Banal sa Ohio na makahihikayat sa kanila na mapanampalatayang sundin ang Panginoon.

Idispley ang mapa na “Misyon sa mga Lamanita, 1830–1831.”

mapa ng misyon sa mga Lamanita

Ipaalala sa mga estudyante na noong taglagas ng 1830, sina Oliver Cowdery, Peter Whitmer Jr., Ziba Peterson, at Parley P. Pratt ay tinawag na mangaral sa mga Lamanita, o mga American Indian. Sa pagpunta nila sa mga lupain ng mga Indian sa kanluran ng Missouri, humimpil sila sa Mentor at Kirtland, Ohio. Habang nananatili roon, ibinahagi nila ang ipinanumbalik na ebanghelyo sa kaibigan ni Parley at dating ministro na si Sidney Rigdon, at sa marami pang iba.

  • Batay sa nabasa ninyo sa kabanata 10 ng Mga Banal: Tomo 1, paano nakaapekto ang pangangaral na ito ng mga missionary sa Ohio sa bagong tatag na Simbahan? (Mahigit na 100 katao ang nabinyagan. Ang paglago ng Simbahan sa Kirtland ay naghanda ng daan upang magtipon ang mga Banal sa Ohio.)

Ipaliwanag na hindi nagtagal matapos ang tagumpay ng mga missionary sa Ohio, tumanggap si Propetang Joseph Smith ng dalawang paghahayag na magkakaroon ng malaking epekto sa hinaharap ng Simbahan. Ang isa ay paghahayag na natanggap ng Propeta habang ginagawa niya ang kanyang inspiradong pagsasalin ng Lumang Tipan. Ang paghahayag, na nakatala sa Aklat ni Moises, ay nagsalaysay kung paano ang sinaunang propetang si Enoc ay tinipon ang mabubuting tao at itinayo ang isang lunsod ng kabanalan na tinatawag na Sion, na “sa paglipas ng panahon, ay dinala sa langit” (Moises 7:21). Nakasaad din sa paghahayag na bago ang Ikalawang Pagparito, ang mga tao ng Panginoon ay muling titipunin at magtatayo ng isa pang lunsod ng Sion (tingnan sa Moises 7:62). Sa isa pang paghahayag, na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 37, inutusan ng Panginoon ang mga Banal sa New York na magtipon sa Ohio (tingnan sa D at T 37:3).

Sabihin sa mga estudyante na bumuo ng mga pares at hanapin ang kabanata 10 ng Mga Banal: Tomo 1. Sabihin sa kanila na basahin nila nang malakas kasama ng kanilang partner ang pahina 124, simula sa talata na nag-uumpisa sa “Sa pagtatapos ng Disyembre …” at nagtatapos sa talata sa pahina 126 na nagsisimula sa “Bilang lider ng …” Sabihin sa mga estudyante na alamin kung paano tumugon ang mga Banal sa New York sa paghahayag ng Panginoon na nag-uutos sa kanila na magtipon sa Ohio.

  • Ano ang nakaakit sa inyong pansin tungkol sa iba’t ibang paraan ng pagtugon ng mga miyembro ng Simbahan sa utos ng Panginoon na magtipon sa Ohio?

  • Paano natutulad ang iba’t ibang reaksyong ito sa paraan kung paano tayo maaaring tumugon sa utos at payo na ibinibigay sa pamamagitan ng mga propeta ng Panginoon ngayon?

  • Anong mga sakripisyo ang ginawa ng mga Banal upang magtipon sa Ohio? (Tingnan sa D at T 38:37.)

Idispley ang sumusunod na pahayag ni Newel Knight, at anyayahan ang isang estudyante na basahin ito nang malakas. Hilingin sa mga estudyante na alamin kung ano ang handang isakripisyo ni Newel Knight at ng mga Banal sa Colesville upang masunod ang Panginoon:

“Bilang pagsunod sa mga kautusan na ibinigay, ako, kasama ng Colesville Branch, ay nagsimulang magsagawa ng mga paghahanda upang pumunta sa Ohio. …

“Tulad ng maaaring asahan, obligado kaming isakripisyo ang aming ari-arian. …

“Matapos isaayos ang pinakamagandang paghahanda namin para sa paglalakbay, nagpaalam kami sa lahat ng minamahal namin sa mundong ito … [at] kami ay nagsimulang pumunta sa Ohio noong [unang bahagi] ng Abril [1831]” (Newel Knight autobiography at journal, circa 1846–1847, 28–29, Church History Library, Salt Lake City; iniayon ang pagbabaybay, paggamit ng malalaking titik, at pagbabantas sa pamantayan).

  • Ano ang mga pagpapalang ipinangako ng Panginoon sa mga Banal kung susundin nila ang Kanyang utos na magtipon sa Ohio? (Bibigyan ng Panginoon ang mga Banal ng “higit na kayamanan” kung susunod sila sa Kanyang utos na magtipon sa Ohio [D at T 38:18; tingnan din sa D at T 38:19, 32]. Ipinapahiwatig nito na ang mga ipinangakong pagpapala ng Panginoon ay higit pa kaysa sa mga sakripisyong hinihiling na gawin ng mga Banal.)

  • Anong alituntunin ang matututuhan natin mula sa salaysay na ito tungkol sa paraan kung paano tayo pagpapalain ng Panginoon kung tayo ay handang magsakripisyo upang sumunod sa Kanya? (Maaaring gumamit ng ibang salita ang mga estudyante, ngunit tiyaking matutukoy nila ang alituntuning katulad ng sumusunod: Kung magsasakripisyo tayo upang sundin ang Panginoon, magbibigay Siya ng mga pagpapala na higit pa sa sakripisyong ginawa natin. Isulat sa pisara ang alituntuning ito.)

Anyayahan ang isang estudyante na basahin nang malakas ang sumusunod na talata:

Hindi lubos na naunawaan ng mga Banal ang lawak ng ipinangakong mga pagpapala ng Panginoon noong panahong sila ay inutusan na magtipun-tipon sa Ohio. Sa pagdating ng panahon, ang katuparan ng mga ipinangakong pagpapala ng Panginoon ay naging malinaw: Matapos makarating sa Kirtland, natanggap ng Propeta ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 42, na nagtatalaga ng mga batas ng Panginoon upang tulungan ang mga Banal na itatag ang Sion. Nakatanggap ang propeta ng mahigit limampung iba pang mga paghahayag sa Ohio na naglalaman ng mga tagubilin mula sa Panginoon at mahahalagang katotohanan ng ebanghelyo. Gayundin, ang mga Banal ay “pinagkakalooban ng kapangyarihan mula sa kaitaasan” (D at T 38:32) nang matanggap nila ang pagbuhos ng espirituwal na kaloob at mga palatandaan sa panahon ng pagtatayo, paglalaan, at paggamit ng Kirtland Temple. Ang mahahalagang susi ng priesthood ay ipinanumbalik sa Kirtland Temple, pati na rin ang kapangyarihang ibuklod ang mga pamilya sa kawalang-hanggan.

  • Sa paanong paraan ang mga pagpapalang ito ay higit pa sa mga ginawang sakripisyo ng mga Banal sa New York upang sundin ang Panginoon?

Idispley ang sumusunod na tanong, at anyayahan ang mga estudyante na pag-isipan ito at pagkatapos ay isulat ang sagot sa kanilang study journal: Anong mga pagpapala ang natanggap ninyo sa pagpili ninyong magsakripisyo upang sundin ang Panginoon?

Pagkatapos ng sapat na oras, anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi sa klase ang isinulat nila.

Magpatotoo na kapag mayroon tayong walang-hanggang pananaw, ang mga pagpapalang natatanggap natin sa ating mga sakripisyo ay laging mas nakahihigit kaysa sa anumang bagay na isinuko natin (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Sakripisyo,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org). Anyayahan ang mga estudyante na isipin kung anong mga sakripisyo ang maaaring kailanganin nilang gawin upang mas mapanampalatayang sundin ang isang alituntunin ng ebanghelyo o kautusan. Hikayatin sila na kumilos ayon sa anumang pahiwatig na matatanggap nila.

Dumating sina Joseph at Emma Smith sa Kirtland, Ohio

Ipaliwanag na matapos matanggap ang utos ng Panginoon na magtipon sa Ohio, nadama ng Propeta ang “pangangailangan na agarang makarating sa Kirtland” (Mga Banal: Tomo 1, 126–27). Handang magsakripisyo upang sundin ang Panginoon, nilisan nina Joseph at Emma ang Fayette, New York, sa kalagitnaan ng taglamig, kahit na si Emma ay nagdadalantao at nagpapagaling pa mula sa isang matagal na karamdaman. Dumating sila sa Tindahan ni Newel K. Whitney sa Kirtland noong Pebrero 4, 1831.

tindahan ni Newel K. Whitney

Magdispley ng larawan ng Tindahan ng mga Whitney sa Kirtland.

Ipaliwanag na si Newel K. Whitney ay isang kilalang negosyante, at siya at ang kanyang asawang si Elizabeth Ann (kilala bilang si Ann), ay mga bagong miyembro ng Simbahan noon. Anyayahan ang isang estudyante na magbasa nang malakas mula sa pahina 129 ng Mga Banal: Tomo 1, simula sa talatang nag-uumpisa sa “Noong Pebrero 4, 1831, isang paragos …” at nagtatapos sa talatang nagsisimula sa “‘Ako si Joseph …’” Sabihin sa mga estudyante na alamin ang nangyari nang nagkita sina Newel K. Whitney at Propetang Joseph Smith.

  • Ano ang nakikita ninyong interesante o mahalaga sa pag-uusap sa pagitan ng Propeta at ni Newel K. Whitney?

  • Batay sa sinabi ng Propeta kay Newel, ano ang isang dahilan kung bakit bumisita si Joseph Smith kina Newel at Ann sa Kirtland?

Ipaliwanag na bago sila mabinyagan, sina Newel at Ann Whitney ay taimtim na nanalangin para sa patnubay ng Panginoon at tumanggap ng malakas na espirituwal na karanasan. Anyayahan ang isang estudyante na basahin nang malakas ang sumusunod na salaysay ni Ann Whitney:

Elizabeth Ann Whitney

“Hatinggabi noon—kaming mag-asawa ay nasa bahay namin sa Kirtland, nagdarasal sa Ama na ipakita ang daan nang napasaamin ang Espiritu at nalukuban ng ulap ang bahay. … Isang mataimtim na pagkamangha ang namayani sa amin. Nakita namin ang ulap at nadama ang Espiritu ng Panginoon. Pagkatapos ay narinig namin ang tinig mula sa ulap na nagsasabing, ‘Maghanda na matanggap ang salita ng Panginoon, sapagkat parating na ito’” (Elizabeth Ann Whitney, sa Andrew Jenson, Latter-day Saint Biographical Encyclopedia [1901], 1:223; tingnan din sa “Newel K. Whitney: A Man of Faith and Service,” Museum Treasures series, Mar. 25, 2015, history.ChurchofJesusChrist.org).

Ipaliwanag na ang pangako ng Panginoon na darating ang Kanyang salita ay bahagyang natupad nang unang ipinahayag ng mga missionary ang ipinanumbalik na ebanghelyo sa Kirtland. Bukod pa rito, sinabi ni Ann sa kanyang asawa na naniwala siya na ang pagdating ng Propeta sa kanilang tahanan sa Kirtland ay katuparan ng pangakong ito. Habang nananatili sa mga Whitney, tinanggap ng Propeta ang mga paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 41–44. (Tingnan sa Elizabeth Ann Smith Whitney, “A Leaf from an Autobiography,” Woman’s Exponent, Set. 1, 1878, 7:51; tingnan din sa Jenson, Latter-day Saint Biographical Encyclopedia, 1:224.)

  • Ano ang itinuturo ng mga salaysay na ito sa inyo tungkol kay Joseph Smith? (Maaaring magbigay ang mga estudyante ng ilang tamang sagot, kabilang ang sumusunod: Si Joseph Smith ay isang inspiradong Propeta ng Diyos.)

  • Ano ang inihahayag ng mga salaysay na ito tungkol kina Newel at Ann Whitney?

  • Anong alituntunin ang matututuhan natin mula sa mga salaysay na ito tungkol sa isang paraan na sinasagot ng Diyos ang ating mga panalangin para sa banal na patnubay? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat ang sumusunod na alituntunin sa pisara: Habang nagdarasal tayo para sa banal na patnubay, maaaring ipakita ng Diyos sa atin ang daan sa pamamagitan ng Kanyang mga piling tagapaglingkod.)

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang alituntuning ito, ipaliwanag na maaaring ipagkaloob ng Ama sa Langit ang ating mga idinadalangin at hangaring mapatnubayan habang pinag-aaralan natin ang mga banal na kasulatan at mga turo ng mga lider ng Simbahan, taimtim na nakikinig sa pangkalahatang kumperensya, at humihingi ng payo mula sa mga lokal na lider ng Simbahan.

Si Joseph Smith ay nakatanggap ng paghahayag para matulungan ang mga Banal na makilala ang huwad na mga espirituwal na pagpapakita at maiwasan ang mga panlilinlang

Ipaliwanag na hindi nagtagal matapos dumating sa Kirtland si Propetang Joseph Smith (1805–44), napansin niya na “may ilang kakatwang paniwala at mga huwad na espiritu na nasa” mga bagong binyag na miyembro ng Simbahan (Manuscript History of the Church, vol. A-1, p. 93, josephsmithpapers.org). Ang ilan ay may maling pagkaunawa tungkol sa impluwensya at mga gawain ng Espiritu Santo.

Anyayahan ang dalawang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng sumusunod na pahayag nina John Whitmer at John Corrill, dalawang miyembro ng Simbahan noon. Hilingin sa klase na pakinggan ang mga halimbawa ng kilos ng ilang nabinyagan sa Kirtland noong una.

John Whitmer

“Ang ilan ay nagkaroon ng mga pangitain at hindi masabi kung ano ang nakita nila, ang ilan ay nag-iisip na nasa kanila ang espada ni Laban, at iwinawasiwas ito [na parang kawal na nakasakay sa kabayo], may mga umaaktong parang Indian na kunwari ay nagtutuklap ng anit, may ilan na nagpapadausdos sa sahig o biglang tatalilis … [sa] sahig na simbilis ng ahas. … Sa ganoong paraan binulag ng diyablo ang mga mata ng ilang mabubuti at tapat na mga disipulo” (John Whitmer, sa The Joseph Smith Papers, Histories, Volume 2: Assigned Histories, 1831–1847, mga pat. Karen Lynn Davidson at iba pa [2012], 38; iniayon ang paggamit ng malalaking titik sa pamantayan).

“[Ang ilan sa mga unang nabinyagan] ay kumilos sa kakaibang paraan, … kung minsan ay tumatakbo sa mga bukirin, tumatayo sa mga tuod ng puno at doon ay nangangaral na parang napaliligiran ng isang kongregasyon, habang lubos na nasusukluban ng mga pangitain na tila hindi batid ang mga nagaganap sa nakapaligid sa kanila” (John Corrill, sa The Joseph Smith Papers: Histories, Volume 2, Assigned Histories, 1831–1847, mga pat. Karen Lynn Davidson at iba pa [2012], 143; iniayon ang pagbabantas sa pamantayan).

  • Ano sa palagay ninyo ang maaaring panganib o pinsala sa Simbahan kung patuloy ang ganoong mga pagkilos ng mga Banal?

Ipaliwanag na nagtanong si Propetang Joseph Smith sa Panginoon tungkol sa mga pag-uugaling ito at natanggap ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 50. Anyayahan ang isang estudyante na basahin ang Doktrina at mga Tipan 50:2–3 nang malakas. Hilingin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang inihayag ng Panginoon tungkol sa mga kakaibang espirituwal na pagpapakita.

  • Ano ang itinuro ng Panginoon sa mga Banal tungkol sa mga espirituwal na pagpapakita na ito?

  • Ano ang ilang paraan na ginagawa ng kaaway upang linlangin ang mga miyembro ng Simbahan ngayon?

Idispley ang sumusunod na pahayag ni Propetang Joseph Smith tungkol sa “mga kakatwang paniniwala” at “mapanlinlang na mga espiritu” sa kalipunan ng mga Banal, at anyayahan ang isang estudyante na basahin ito nang malakas:

Joseph Smith

“Nang may kaunting pag-iingat, at ilang katalinuhan, di nagtagal ay tinulungan ko ang mga kapatid na madaig ang mga ito. … Ang mga huwad na espiritu ay madaling nakilala at tinanggihan sa pamamagitan ng liwanag ng paghahayag” (Joseph Smith, sa Manuscript History of the Church, vol. A-1, p. 93, josephsmithpapers.org).

  • Anong alituntunin ang matututuhan natin mula sa pahayag ng Propeta kung ano ang makatutulong sa mga Banal sa mga Huling Araw na makilala ang kasinungalingan at panlilinlang? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat ang sumusunod na alituntunin sa pisara: Sa pamamagitan ng liwanag ng paghahayag, makikilala natin ng kasinungalingan at panlilinlang.)

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang alituntuning ito, anyayahan ang isang estudyante na basahin nang malakas ang sumusunod na pahayag ni Pangulong James E. Faust (1920–2007) ng Unang Panguluhan:

James E. Faust

“Mayroong … malakas na kalasag laban sa kapangyarihan ni Lucifer at ng kanyang mga hukbo. Ang proteksyong ito ay nakasalalay sa kakayahang makakilala sa pamamagitan ng kaloob na Espiritu Santo. Ang kaloob na ito ay palaging dumarating sa pamamagitan ng personal na paghahayag sa mga taong nagsisikap na sundin ang mga utos ng Panginoon at sundin ang payo ng mga buhay na propeta” (James E. Faust, “The Great Imitator,” Ensign, Nob. 1987, 35–36).

  • Sa palagay ninyo, bakit ang pagsunod sa mga utos at payo ng mga buhay na propeta ay tumutulong sa atin na matanggap at magamit ang kaloob na makahiwatig?

  • Ano pa ang maaari nating gawin upang maanyayahan ang liwanag ng paghahayag para mahiwatigan natin ang mga kasinungalingan at panlilinlang? (Tingnan sa D at T 50:21–23, 29–32, 35.)

Tapusin ang lesson sa pamamagitan ng pagbabahagi ng iyong patotoo tungkol sa mga alituntuning itinuro sa lesson at hikayatin ang mga estudyante na kumilos alinsunod sa mga alituntuning ito. Anyayahan ang mga estudyante na maghanda para sa susunod na klase sa pamamagitan ng pagbabasa ng kabanata 12 ng Mga Banal: Tomo 1.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Mga kakatwang paniniwala at mga huwad na espiritu

Ipinaliwanag ng Propetang Joseph Smith (1805–44) ang panganib sa Simbahan ng panatismo sa relihiyon at mga huwad na espirituwal na pagpapakita sa Kirtland:

Joseph Smith

“Pagkatapos na maitatag ang ebanghelyo sa Kirtland, at habang wala pang mga awtoridad ng Simbahan, maraming mga mapanlinlang na espiritu ang napasimulan, maraming kakaibang pangitain ang nakita, at mga ligaw at masigasig na paniniwala na tinanggap … , binuo upang madungisan ang simbahan ng Diyos, upang ang Espiritu ng Diyos ay lumayo, at upang maalis at wasakin ang mga maluwalhating alituntunin na binuo para sa kaligtasan ng sangkatauhan (Joseph Smith, ”Try the Spirits,“ Times and Seasons, Abr. 1, 1842, 747, josephsmithpapers.org; iniayon ang pagbabantas sa pamantayan).