“Lesson 13: Ang Kirtland Temple,” Materyal para sa Titser ng Kasaysayan ng mga Banal sa mga Huling Araw: 1815–1846 (2018)
“Lesson 13,” Materyal para sa Titser ng Kasaysayan ng mga Banal sa mga Huling Araw: 1815–1846
Lesson 13
Ang Kirtland Temple
Pambungad at Timeline
Noong Disyembre 1830, inutusan ng Panginoon ang mga Banal na magtipon sa Ohio (tingnan sa D at T 37), at kalaunan ay ipinangako Niya na doon sila ay “papagkalooban ng kapangyarihan mula sa kaitaasan” (D at T 38:32). Noong Disyembre 1832, inutusan ng Panginoon ang mga Banal na magtayo ng “isang bahay ng Diyos”—isang templo—sa Kirtland (D at T 88:119). Pagsapit ng Hunyo 1833, kaunting pagbabago lamang ang kanilang nagawa at matalas silang pinagsabihan ng Panginoon (tingnan sa D at T 95:1–3). Matapos mapagsabihan, kaagad na sinimulan ng mga Banal ang pagtatayo ng templo, na nangailangan ng malaking pagsisikap at mga sakripisyo. Noong Enero 21, 1836, natanggap ni Propetang Joseph Smith ang isang pangitain tungkol sa kahariang selestiyal sa malapit nang matapos na templo. Inilaan ng Propeta ang templo noong Marso 27 (tingnan sa D at T 109), at noong Abril, 3, nagpakita ang Panginoon sa templo at tinanggap ito bilang Kanyang bahay (tingnan sa D at T 110:7). Nagpakita rin sina Moises, Elias, at Elijah, at ipinagkatiwala ang mga susi ng priesthood kina Joseph Smith at Oliver Cowdery.
-
Disyembre 1832Inutusan ng Panginoon ang mga Banal na magtayo ng templo (tingnan sa D at T 88:119).
-
Simula ng Hunyo, 1833Nag-umpisa na ang mga Banal sa pagtatayo ng Kirtland Temple.
-
Enero 21, 1836Tumanggap si Joseph Smith ng pangitain tungkol sa kahariang selestiyal (tingnan sa D at T 137).
-
Marso 27, 1836Inilaan ni Joseph Smith ang Kirtland Temple.
-
Abril 3, 1836Tinanggap ni Jesucristo ang Kirtland Temple, at ipinagkatiwala nina Moises, Elias, at Elijah ang mga susi ng priesthood kina Joseph Smith at Oliver Cowdery.
Mga Babasahin ng mga Estudyante
Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846 (2018), mga kabanata 20–21
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Tumugon ang mga Banal sa Kirtland sa utos na magtayo ng isang bahay ng Diyos
Ipakita ang kalakip na larawan, at ipaliwanag na ito ay isang larawan ng Kirtland Temple. Ipaliwanag na inutusan ng Panginoon ang mga Banal na itayo ang Kirtland Temple sa paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 88:1–126, na natanggap ni Propetang Joseph Smith noong Disyembre 1832.
Anyayahan ang isang estudyante na basahin nang malakas ang Doktrina at mga Tipan 88:119. Sabihin sa klase na pakinggan kung paano inilarawan ng Panginoon ang “bahay,” o templo, na Kanyang iniutos sa kanila na itayo.
-
Ano ang pinakamahalaga para sa inyo sa paglalarawang ito ng “bahay” na iniutos sa mga Banal na itayo?
Ipaliwanag na noong Hunyo 1833—anim na buwan matapos iutos sa mga Banal sa Ohio na magtayo ng isang bahay ng Diyos—kaunti lamang ang pag-usad na kanilang nagawa sa pagtatayo ng templo. Anyayahan ang isang estudyante na basahin nang malakas ang Doktrina at mga Tipan 95:3, 8, 11–14. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang sinabi ng Panginoon tungkol sa kanilang ginawa.
-
Sa talata 3, ano ang sinabi ng Panginoon sa mga Banal tungkol sa kakulangan ng pag-usad sa pagtatayo ng templo?
-
Anong alituntunin ang matutukoy natin sa talata 11 ayon sa pangako ng Panginoon sa Kanyang mga banal? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat ang sumusunod na alituntunin sa pisara: Kapag sinunod natin ang mga utos, magkakaroon tayo ng kapangyarihan na maisakatuparan ang kalooban ng Panginoon.)
-
Sa talata 13–14, ano ang ipinangako ng Panginoon na gagawin Niya upang tulungan ang mga Banal na magtayo ng templo?
Anyayahan ang isang estudyante na basahin nang malakas ang sumusunod na dalawang talata. Sabihin sa klase na pakinggan kung paano tinupad ng Panginoon ang Kanyang pangako.
“Ilang araw [matapos matanggap ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 95], tinupad ng Panginoon ang Kanyang pangako, na pagbibigay kay Joseph Smith at sa kanyang mga tagapayo sa Unang Panguluhan ng isang kahanga-hangang pangitain kung saan nakita nila ang detalyadong plano para sa templo. Si Frederick G. Williams, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, ay naalala kalaunan: ‘Natanggap ni Joseph [Smith] ang salita ng Panginoon na isama ang kanyang dalawang tagapayo, sina [Frederick G.] Williams at [Sidney] Rigdon, at humarap sa Panginoon at Kanyang ipakikita sa kanila ang plano o modelo ng bahay na itatayo. Lumuhod kami, nanalangin sa Panginoon, at lumitaw ang gusali sa layong abot-tanaw namin, at ako ang unang nakatuklas dito. Pagkatapos ay sama-sama naming tiningnan ito. Matapos naming makitang mabuti ang panlabas na hitsura nito, parang lumapit ang gusali sa mismong harapan namin’ [Frederick G. Williams, sinipi ni Truman O. Angell, sa Truman Osborn Angell, Autobiography 1884, 14–15, Church Archives, The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, Salt Lake City, Utah]” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 317).
“Ang isang napakahalagang tanong na nalinaw sa pangitaing ito ay kung ano ang mga materyales na gagamitin sa pagtatayo ng bahay. Naalala ni Lucy Mack Smith ang isang pulong ng konseho kung saan pinagpasiyahan na ang isang gusali na may poste ay masyadong mahal; sa halip ay isang bahay na yari sa troso ang iminungkahi. Ipinaalala ni Joseph Smith ‘na sila ay hindi gumagawa ng isang bahay para sa kanilang sarili o sa sinumang tao kundi isang bahay para sa Diyos.’ Sinabi niya, ‘At magtatayo ba tayo, mga kapatid, ng isang bahay na yari sa troso para sa ating Diyos? Hindi, mga kapatid, may plano ako na mas maganda kaysa riyan. May plano ako ng bahay ng Panginoon, na Siya mismo ang nagbigay.’ Naalala ni Lucy si Joseph na nagsasabing ang planong ito ay magpapakita sa kanila ‘ng pagkakaiba ng sa palagay natin ay ang pinakamainam at ng Kanyang mga Ideya.’ Ang mga kapatid ay ‘namangha’ nang ilarawan ni Joseph ang buong plano, na nasasaisip ang isang istrukturang yari sa bato. [Lucy Mack Smith, “Lucy Mack Smith, History, 1844–1845,” book 14, page 1, josephsmithpapers.org; iniayon ang pagbabantas sa pamantayan.]” (Lisa Olsen Tait at Brent Rogers, “A House for Our God,” sa Revelations in Context, mga pat. Matthew McBride at James Goldberg [2016], 167, o sa history.ChurchofJesusChrist.org).
-
Ayon sa mga kuwentong ito, paano tinupad ng Panginoon ang Kanyang pangako na tutulungan ang mga Banal na isagawa ang Kanyang kalooban?
Idispley ang kalakip na larawan ng pagtatayo ng Kirtland Temple. Ipaliwanag na “noong tag-init ng 1833, mayroon lamang 150 mga miyembro ng Simbahan na nakatira sa [Kirtland],” at dumanas sila ng maraming balakid habang sinisikap nilang itayo ang templo (Lisa Olsen Tait at Brent Rogers, “A House for Our God,” 169) .
Hatiin ang klase sa maliliit grupo na may tigalawa o tigatlong estudyante. Bigyan ang bawat grupo ng isa sa mga kalakip na handout tungkol sa mga paghihirap na hinarap ng mga Banal sa pagtatayo ng templo at ng ilang paraan na nalampasan nila ang mga paghihirap na ito. Hilingin sa mga grupo na basahin nang sama-sama ang kanilang handout at talakayin ang kanilang mga sagot sa mga tanong sa handout.
Pagkatapos ng sapat na oras, hilingin sa isang estudyante mula sa isang grupo na nag-aral ng handout 1 at sa isang estudyante mula sa isang grupo na nag-aral ng handout 2 na ibuod sa klase ang impormasyon sa kanilang mga handout. Anyayahan sila na ipaliwanag kung paano nalampasan ng mga Banal ang mga naranasan nilang paghihirap nang sundin nila ang utos na magtayo ng templo. Pagkatapos ay itanong sa klase:
-
Kailan kayo nakatanggap ng kapangyarihan na maisakatuparan ang kalooban ng Panginoon habang sinusunod ninyo ang Kanyang mga kautusan?
Inilalaan ni Joseph Smith ang Kirtland Temple sa Panginoon
Ipaliwanag na pagsapit ng Enero 1836, sinimulang gamitin ni Propetang Joseph Smith at ng iba pa ang mga natapos nang bahagi ng templo.
Sabihin sa mga estudyante na hanapin ang kabanata 21 ng Mga Banal: Tomo 1. Anyayahan ang ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng pahina 267, simula sa talatang nag-uumpisa sa “Noong hapon ng Enero 21 …” at nagtatapos sa talata sa pahina 269 simula sa “Puspos ng Espiritu …” Sabihin sa klase na alamin ang inihayag ng Panginoon sa Propeta sa templo.
-
Paano nakatutulong sa atin ang mga paghahayag na ito hinggil sa maliliit na bata at sa mga namatay nang walang kaalaman sa ebanghelyo na mas maunawaan ang katarungan, awa, at pagmamahal ng Ama sa Langit?
Ipaliwanag na noong Marso 27, 1836, nagtipon ang mga Banal sa Kirtland Temple para sa paglalaan nito. Inihayag ng Panginoon ang panalangin ng paglalaan kina Joseph Smith, Oliver Cowdery, at sa iba pa isang araw bago ito, at inimprenta nila ito para sa paglalaan (tingnan sa D at T 109, pambungad ng bahagi).
Anyayahan ang isang estudyante na basahin nang malakas ang Doktrina at mga Tipan 109:22. Sabihin sa klase na pakinggan kung ano ang ipinagdasal ni Propetang Joseph Smith sa panalangin ng paglalaan.
-
Batay sa talata 22, anong mga pagpapala ang matatanggap natin sa ating pagsamba sa Panginoon sa templo? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat ang sumusunod na alituntunin sa pisara: Sa ating pagsamba sa Panginoon sa templo, tayo ay masasandatahan ng Kanyang kapangyarihan, makapagtataglay ng Kanyang pangalan, matatanggap ang Kanyang kaluwalhatian, at magkakaroon ng mga anghel na magbabantay sa atin.)
-
Batay sa nabasa ninyo sa kabanata 21 ng Mga Banal: Tomo 1, ano ang ilan sa mga espirituwal na manipestasyon na naranasan ng mga Banal bago, habang, at matapos ang paglalaan ng Kirtland Temple? (Kung kinakailangan, ipaliwanag na marami ang nakadama ng saganang pagbuhos ng Espiritu, ang ilan ay nakakita ng isang maliwanag na ulap at haliging apoy sa ibabaw ng templo, ang ilan ay nakita ang Tagapagligtas, at ang ilan ay nakakita ng mga anghel.)
Idispley ang kalakip na larawan. Ipaliwanag na noong araw ng Linggo, Abril 3, 1836—isang linggo matapos ilaan ang Kirtland Temple—nagpakita ang Tagapagligtas kina Propetang Joseph Smith at Oliver Cowdery sa templo at tinanggap ito bilang Kanyang bahay (tingnan sa D at T 110:1–8).
Anyayahan ang isang estudyante na basahin nang malakas ang sumusunod na pahayag ni Pangulong James E. Faust (1920–2007) ng Unang Panguluhan. Hilingin sa klase na pakinggan kung sino pa ang nagpakita kina Joseph Smith at Oliver Cowdery sa pagkakataong iyon.
“Nagpakita si Moises at ibinigay kina Propetang Joseph Smith at Oliver Cowdery ang mga susi ng pagtitipon ng Israel. Pagkatapos nito, nagpakita si Elias at ipinagkatiwala ang ebanghelyo ni Abraham, na sa ‘aming binhi lahat ng susunod na salinlahi sa amin ay pagpapalain’ [D at T 110:12]. Pagkatapos nito ay nagpakita ang propetang si Elijah at ibinigay sa kanila ang mga susi ng dispensasyong ito, kabilang ang kapangyarihang magbuklod, ang ibuklod sa langit ang ibinuklod sa lupa sa loob ng mga templo [tingnan sa D at T 110:13–16]. Sa gayon, iniabot ng mga propeta ng mga dating dispensasyon ng ebanghelyo ang kanilang mga susi kay Propetang Joseph Smith dito, sa huling “dispensasyon ng kaganapan ng mga panahon” na binanggit ni Apostol Pablo sa mga taga Efeso [Mga Taga Efeso 1:10]” (James E. Faust, “Ang Pagpapanumbalik ng Lahat ng Bagay,” Ensign o Liahona, Mayo 2006, 62).
-
Paano tayo pinagpapala ngayon ng mga susi ng priesthood na ipinagkatiwala kina Joseph Smith at Oliver Cowdery sa Kirtland Temple? (Halimbawa, maaaring mabanggit ng mga estudyante na ang kapangyarihang magbuklod na ibinalik ni Elijah ay nagbibigkis o nagbubuklod sa mabubuting mag-asawa at mga miyembro ng pamilya sa isa’t isa hanggang sa kawalang-hanggan.)
Balikan ang alituntunin na nasa pisara: “Sa ating pagsamba sa Panginoon sa templo, tayo ay masasandatahan ng Kanyang kapangyarihan, makapagtataglay ng Kanyang pangalan, matatanggap ang Kanyang kaluwalhatian, at magkakaroon ng mga anghel na magbabantay sa atin.” Anyayahan ang isang estudyante na basahin nang malakas ang sumusunod na pahayag ni Elder Joseph B. Wirthlin (1917–2008) ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sabihin sa klase na pakinggan kung anong kapangyarihan ang matatanggap natin sa ating pagsamba sa Panginoon sa templo.
“Sa bahay ng Panginoon, maaaring mapagkalooban ang mga miyembro ng Simbahan ng ‘kapangyarihan mula sa itaas’ [D at T 95:8], kapangyarihan na tutulong sa atin na mapaglabanan ang tukso, matupad ang mga tipan, masunod ang mga kautusan ng Panginoon, at magbahagi ng malakas at walang takot na patotoo sa pamilya, mga kaibigan, at mga kapitbahay” (Joseph B. Wirthlin, “Cultivating Divine Attributes,” Ensign, Nob. 1998, 27).
Anyayahan ang mga estudyante na pagnilayan kung paano sila nabiyayaan ng kapangyarihan nang sumamba sila sa templo. Anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi sa klase ang kanilang mga naiisip. (Ipaalala sa kanila na huwag magbahagi ng anumang napakapersonal o napakasagrado.) Maaari ka ring magbahagi ng iyong karanasan o patotoo.
Hikayatin ang mga estudyante na sambahin ang Panginoon sa templo nang madalas kung may pagkakataon upang sila ay masandatahan ng Kanyang kapangyarihan.
Anyayahan ang mga estudyante na maghanda para sa susunod na klase sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga kabanata 22–23 ng Mga Banal: Tomo 1.