Institute
Lesson 19: Mga Karanasan sa Piitan ng Liberty at sa Far West


“Lesson 19: Mga Karanasan sa Piitan ng Liberty at sa Far West,” Materyal para sa Titser ng Kasaysayan ng mga Banal sa mga Huling Araw: 1815–1846 (2018)

“Lesson 19,” Materyal para sa Titser ng Kasaysayan ng mga Banal sa mga Huling Araw: 1815–1846

Lesson 19

Mga Karanasan sa Piitan ng Liberty at sa Far West

Pambungad at Timeline

Noong Disyembre 1, 1838, sina Propetang Joseph Smith, Hyrum Smith, Sidney Rigdon, Lyman Wight, Alexander McRae, at Caleb Baldwin ay inilipat sa piitan ng Clay County, na kalaunan ay nakilala bilang Piitan ng Liberty, sa Liberty, Missouri. Habang ang Propeta at ang kanyang mga kasamahan ay nagdusa sa piitan, ang mga Banal ay napilitang lisanin ang estado ng Missouri bilang resulta ng utos na pagpuksa ni Gobernador Boggs. Noong Abril 16, 1839, habang inililipat ang mga bihag patungo sa ibang lugar, pinayagan silang makatakas, at muli silang sumama sa mga Banal at kanilang mga pamilya sa Illinois. Dalawang araw matapos tumakas ang Propeta, sina Brigham Young at iba pang mga miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol ay nagsimulang maglakbay patungo sa Far West, Missouri, upang sundin ang utos ng Panginoon na ilagak ang batong-panulok para sa isang templo (tingnan sa D at T 115:11–12).

Disyembre 1, 1838Sina Joseph Smith at limang iba pa ay inilipat sa Piitan ng Liberty.

Enero–Abril 1839Nilisan ng mga Banal ang Missouri.

Abril 16, 1839Si Joseph Smith at ang kanyang mga kasamahan ay pinayagang makatakas.

Abril 26, 1839Ang mga Apostol at iba pang mga miyembro ng Simbahan ay inilagak ang batong panulok sa timog-silangan para sa templo sa Far West.

Mga Babasahin ng mga Estudyante

Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846 (2018), kabanata 33

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Si Propetang Joseph Smith at lima pang mga kapatid ay nagdusa sa Piitan ng Liberty

Si Joseph Smith sa Piitan ng Liberty

Idispley ang kalakip na larawan ni Joseph Smith sa Piitan ng Liberty, at isulat sa pisara ang sumusunod na tanong: “O Diyos, nasaan kayo?” (D at T 121:1).

  • Batay sa nabasa ninyo sa kabanata 33 ng Mga Banal: Tomo 1, anong mga sitwasyon ang nagtulak kay Propetang Joseph Smith upang tanungin ito? (Kung kinakailangan, ipaalala sa mga estudyante na sina Joseph Smith at lima pang mga kapatid ay nawalay sa kanilang mga pamilya at ibinilanggo sa di-makataong kalagayan habang ang iba pang mga Banal ay ninakawan ng kanilang ari-arian, at pinalayas mula sa kanilang mga tahanan, inabuso, at sa ilang pagkakataon ay pinatay.)

Anyayahan ang isang estudyante na basahin nang malakas ang sumusunod na pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sabihin sa klase na pakinggan kung paano inilarawan ni Elder Holland ang tanong ni Joseph Smith.

Jeffrey R. Holland

“Iyan ay isang mapait at personal na pagsamo—na nagmula sa puso, isang pagdadalamhati ng espiritu na nadarama nating lahat kung minsan sa ating buhay” (Jeffrey R. Holland, “Lessons from Liberty Jail” [Brigham Young University fireside, Set. 7, 2008], 5, speeches.byu.edu).

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga pagkakataon na sila o isang taong kilala nila ay nakaranas ng sakit, espirituwal na kalungkutan, o iba pang mga paghihirap. Hilingin sa mga estudyante na hanapin ang mga katotohanan sa lesson ngayon na makatutulong sa kanila kapag sila at kanilang mga mahal sa buhay ay nakaranas ng mga paghihirap.

Ipaalala sa mga estudyante na sina Joseph Smith at ilang iba pang mga kapatid ay dinakip ng milisya ng Missouri sa Far West noong Oktubre 31, 1838. Pinalakad ng milisya ang mga lalaki mula sa Far West patungo sa Independence at pagkatapos ay papunta sa Richmond, Missouri. Sa Richmond, sina Joseph Smith at ang iba pang mga kapatid ay dinala sa harapan ni Hukom Austin A. King, na nag-alok na palalayain ang mga tao na “tatalikuran ang [kanilang] relihiyon at itatatwa ang Propeta” (Justin R. Bray, “Within the Walls of Liberty Jail,” sa Revelations in Context, mga pat. Matthew McBride at James Goldberg [2016], 257, o sa history.ChurchofJesusChrist.org). Bawat isa sa kanila ay tinanggihan ang alok. Sa paunang paglilitis, nagpasiya si Hukom King na ikulong sina Joseph Smith at ang iba pang mga kapatid, ang ilan sa kanila ay mga lider ng Simbahan, habang kanilang hinihintay ang paglilitis sa mga kaso ng pagtataksil. Noong Disyembre 1, 1838, sina Propetang Joseph Smith, Hyrum Smith, Caleb Baldwin, Sidney Rigdon, Lyman Wight, at Alexander McRae ay ikinulong sa piitan sa Liberty, Missouri. (Tingnan sa Bray, “Within the Walls of Liberty Jail,” 256–63, o sa history.ChurchofJesusChrist.org.)

Piitan ng Liberty

Idispley ang kalakip na larawan ng Piitan ng Liberty, na kinuha ng may apatnapung taon makalipas ibilanggo roon ang Propeta. Ipaliwanag na ito ay malapit sa kung ano ang maaaring hitsura ng piitan nang sina Joseph Smith at lima pang mga kapatid ay ibinilanggo roon.

Anyayahan ang isang estudyante na basahin nang malakas ang sumusunod na pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland tungkol sa Piitan ng Liberty:

Jeffrey R. Holland

“Ang piitan, na kabilang sa iilan at tiyak na isa sa mga mas nakakatakot na piitan sa rehiyong iyon, ay itinuring na hindi matatakasan, at marahil ay ganoon nga. May dalawang palapag ito. Ang itaas o pangunahing palapag ay mararating mula sa labas sa pamamagitan lamang ng isang maliit at mabigat na pintuan. Sa gitna ng palapag na iyon ay isang lihim na pintuan kung saan ibinababa ang mga bilanggo sa ibabang palapag o bartolina. Ang labas ng pader ng bilangguan ay yari sa magaspang na tinigpas na apog na dalawang talampakan ang kapal, kung saan ang loob na dingding ay yari sa mga troso ng oak na 12 pulgada ang kapal. Ang dalawang pader na ito ay pinaghihiwalay ng 12-pulgadang espasyo na puno ng mga bato. Kapag pinagsama-sama, ang mga pader na ito ay bumubuo ng matibay at halos imposibleng malusutang bakod na apat na talampakan ang kapal” (Jeffrey R. Holland, “Lessons from Liberty Jail” [Brigham Young University fireside, Set. 7, 2008], 2, speeches.byu.edu).

modelo ng loob ng Piitan ng Liberty

Idispley ang kalakip na larawan, at ipaliwanag na ito ay isang larawan ng isang muling itinayong loob ng Piitan ng Liberty, kabilang ang bartolina kung saan ikinulong ang mga bihag.

Hatiin ang klase sa grupo ng tigalawa o tigatlo, at bigyan sila ng mga kopya ng kalakip na handout, “Mga Kalagayan sa Piitan ng Liberty.” Sabihin sa kanila na basahin ang handout at talakayin sa kanilang grupo ang kanilang mga sagot sa tanong sa handout.

Mga Kalagayan sa Piitan ng Liberty

Jeffrey R. Holland

“Masasabi ko na hanggang sa mamatay [si Joseph Smith] bilang martir lima’t kalahating taon kalaunan, wala nang hihirap pa sa dinanas ni Joseph sa kanyang buhay maliban sa malupit, ilegal, at di-makatarungang pagkakakulong sa Piitan ng Liberty. …

“Ang pagkain na ibinigay sa mga bilanggo ay magaspang at kung minsan ay kontaminado, napakarumi, na isa sa kanila ay nagsabi na ‘hindi [nila] ito makakain hanggang sa mapilitan na lang [sila] ng gutom’ [Alexander McRae, sinipi sa B. H. Roberts, A Comprehensive History of the Church, 1:521]. Mga apat na beses silang binigyan ng pagkaing may lason, at nagkasakit sila nang malubha kaya ilang araw silang nagsuka at halos magdeliryo, na hindi alintana kung mabubuhay pa sila o mamamatay. Sa mga liham ni Propetang Joseph, nagsalita siya tungkol sa piitan bilang ‘impiyerno, napaliligiran ng mga demonyo… kung saan napilitan kaming walang ibang marinig maliban sa lapastangang pagsumpa, at saksihan ang isang tagpo ng kalapastanganan, at kalasingan at pagkukunwari, at kahalayan sa lahat ng uri ng pagpapakasasa’ [sa The Joseph Smith Papers, Documents, Volume 6: February 1838–August 1839, mga pat. Mark Ashurst-McGee at iba pa (2017), 361; iniayon ang pagbabaybay at pagbabantas sa pamantayan].

“… ‘Panulat, o wika, o mga anghel,’ isinulat ni Joseph, ay hindi sapat upang ilarawan ang ‘kasamaan ng impiyerno’ na pinagdusahan niya roon [Letter to Emma Smith, 4 April 1839, sa Personal Writings of Joseph Smith, rev. ed., comp. Dean C. Jessee (2002), 463, 464; iniayon ang pagbabaybay at paggamit ng malalaking titik sa pamantayan]. At nangyari ang lahat ng ito, ayon sa ilang kuwento, sa panahong itinuring na pinakamaginaw na taglamig na naitala sa estado ng Missouri.” (Jeffrey R. Holland, “Lessons from Liberty Jail” [Brigham Young University fireside, Set. 7, 2008], 1–3, speeches.byu.edu).

“Ang apat na buwang pagkabilanggo sa Piitan ng Liberty … ay lubos na nagpahina nang pisikal sa mga bilanggo. Halos hindi makasilip ang sikat ng araw sa pagitan ng dalawang maliit, at nahaharangan ng bakal na mga bintana na masyadong mataas upang makadungaw, at ang mahahabang oras sa kadiliman ay nagsanhi ng pagkapinsala ng paningin ng mga lalaki. … Bagama’t pinayagan ang maliit na siga, dahil walang tsimenea na paglalagusan ng usok, lalo pang nahirapan ang mga mata ng mga bihag. Sumakit ang kanilang mga tainga, nayanig ang kanilang mga ugat, at sa isang pagkakataon ay nangisay si Hyrum Smith. …

“Marahil ang pinakanakapanghihina ng loob sa mga nalalabing bilanggo ay ang ideya ng mga pamilya ng mga Banal sa mga Huling Araw, kabilang na ang sa kanila, na nagkalat, dukha, at pinalayas sa buong estado ng Missouri” (Justin R. Bray, “Within the Walls of Liberty Jail,” sa Revelations in Context, mga pat. Matthew McBride at James Goldberg [2016], 259, o sa history.ChurchofJesusChrist.org).

  • Kung kayo ang nasa Piitan ng Liberty, paano kayo maaaring maapektuhan ng mga kalagayang ito sa pisikal, emosyonal, at espirituwal?

handout ng Mga Kalagayan sa Piitan ng Liberty

Matapos magkaroon ng sapat na panahon ang mga estudyante upang rebyuhin ang handout, idispley ang sumusunod na pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Jeffrey R. Holland

“Karamihan sa atin, kadalasan, ay tinatawag na ‘piitan’ o ‘bilangguan’ ang Piitan ng Liberty—at totoo naman iyon. Ngunit si Elder Brigham H. Roberts, sa pagtatala ng kasaysayan ng Simbahan, ay nagbanggit tungkol sa pasilidad bilang isang templo, o, mas tumpak, bilang isang ‘templong piitan’ [tingnan sa B. H. Roberts, A Comprehensive History of the Church, chapter heading ng kabanata 38, 1:521]” (Jeffrey R. Holland, “Lessons from Liberty Jail” [Brigham Young University fireside, Set. 7, 2008], 3, speeches.byu.edu).

  • Kung isasaalang-alang ang lahat ng naranasan nina Joseph Smith at ng iba pang mga bilanggo sa Piitan ng Liberty, sa paanong paraan maihahalintulad ang piitan sa templo? (Ang piitan ay isang lugar kung saan si Propetang Joseph Smith ay napalapit sa Panginoon at tumanggap ng paghahayag.)

Ipaliwanag na idinikta ni Propetang Joseph Smith ang dalawang liham sa mga Banal noong Marso 1839 na naglalaman ng ilan sa mga paghahayag na kanyang natanggap. Ang mga bahagi ng liham na ito ay kasama sa Doktrina at mga Tipan 121–23.

Ipabasa sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 121:7-9 nang malakas, at ipabasa sa isa pang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 122:7-9 nang malakas. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang inihayag ng Panginoon kay Joseph Smith tungkol sa kagipitan.

  • Anong mga alituntunin ang matutukoy natin mula sa mga pangako ng Panginoon kay Joseph Smith tungkol sa kanyang mga paghihirap? (Maaaring matukoy ng mga estudyante ang ilang alituntunin, kabilang ang sumusunod: Kung ating pagtitiisang mabuti ang ating mga paghihirap, lahat ng ating pagdurusa ay magbibigay sa atin ng karanasan at para sa ating ikabubuti. Isulat sa pisara ang alituntuning ito.)

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng pagtiisan nang mabuti ang ating paghihirap?

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante. Sabihin sa klase na pakinggan kung ano ang itinuro ni Elder Holland tungkol sa kung paanong ang ating mga paghihirap ay makapagbibigay sa atin ng karanasan at maging para sa ating ikabubuti kung lubos nating titiisin ang mga ito.

Jeffrey R. Holland

“Maaari kayong magkaroon ng sagrado, naghahayag, at malalim na karanasan sa pagkatuto mula sa Panginoon sa anumang sitwasyong naroroon kayo. Oo, hayaan akong sabihin ito nang mas malakas: Maaari kayong magkaroon ng sagrado, naghahayag, at malalim na karanasan sa pagkatuto mula sa Panginoon sa lubhang kalunos-lunos na mga pangyayari sa inyong buhay—sa pinakamalulubhang mga sitwasyon, habang tinitiis ang pinakamasasakit na kawalang-katarungan, habang hinaharap ang pinakamabibigat na problema at oposisyong naranasan ninyo.

“… Ang sukdulang paghihirap ng tao ay pagkakataon ng Diyos upang magturo, at kung tayo ay magpapakumbaba at mananalig, maniniwala at hindi sisisihin ang Diyos sa ating mga problema, maaari Niyang palitan ang di-makatarungan at di-makatao at nakapanghihinang mga piitan ng ating buhay bilang mga templo—o isang sitwasyon man lang na maghahatid ng aliw at paghahayag, banal na patnubay at kapayapaan. …

“… Sa katunayan, sa ating pagdurusa maaaring mas mapalapit tayo sa Diyos kaysa sa buong buhay natin. Ang gayong kaalaman ay magagawang parang templo ang bawat pagdurusa” (Jeffrey R. Holland, “Lessons from Liberty Jail” [Brigham Young University fireside, Set. 7, 2008], 3–4, 6, speeches.byu.edu).

  • Ano ang napansin ninyo sa mga pahayag na ito ni Elder Holland?

  • Paano ang pagpili na maging mapagkumbaba, tapat, at nananalig ay makatutulong sa paghahanda ng ating mga puso na tumanggap ng paghahayag mula sa Panginoon anuman ang ating kalagayan?

  • Kailan ninyo nadama na ang isang partikular na dalamhati ay nagbigay sa inyo ng makakatulong na mga karanasan at para sa inyong ikabubuti? (Ipaalala sa mga estudyante na huwag magbahagi ng anumang bagay na napakapribado o napakapersonal. Maaari ka ring magbahagi ng sarili mong karanasan.)

Anyayahan ang mga estudyante na isipin ang isang paghihirap na maaaring nararanasan nila. Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa kanila na isulat ang isang plano na naglalarawan kung ano ang gagawin nila upang pagtiisan nang mabuti ang paghihirap na iyon.

Ipaliwanag na noong Abril 1839, habang sinasamahan patungong Boone County, Missouri, si Joseph Smith at ang kanyang mga kasama ay pinayagang makatakas. Nagtungo sila sa Quincy, Illinois, kung saan muli nilang nakasama ang kanilang mga pamilya.

Naglakbay ang mga Apostol pabalik sa Far West at isinakatuparan ang utos ng Panginoon

Sabihin sa mga estudyante na hanapin ang kabanata 33 ng Mga Banal: Tomo 1. Anyayahan ang ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng pahina 441, simula sa mga talatang nagsisimula sa “Habang nakikipagbuno si Joseph …” at nagtatapos sa talata sa pahina 442 na nagsisimula sa “Gusto niya na ang mga apostol sa Quincy …”

  • Kung kailangan ninyong magpasiya kung babalik o hindi sa Far West, ano sa inyong palagay ang pipiliin ninyo? Bakit?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Wilford Woodruff (1807–98). Sabihin sa klase na pakinggan kung paano tumugon ang mga Apostol sa utos ng Panginoon.

Wilford Woodruff

“Tinawag ang Labindalawang Apostol sa pamamagitan ng paghahayag na magtungo sa Far West … upang ilagak ang saligan ng batong panulok ng Templo. … Ang mga taga-Missouri ay nanumpa sa lahat ng mga Diyos ng kawalang-hanggan na kung ang bawat iba pang mga paghahayag na ibinigay kay Joseph Smith ay natupad, hindi dapat iyon matupad. … Ang pangkalahatang pakiramdam sa Simbahan, batay sa nalalaman ko, ay sa sitwasyong ito, ay imposibleng maisakatuparan ang gawaing ito; at tatanggapin ng Panginoon ang kalooban para sa mga gawa. … Nang tinanong ni Pangulong Young ang Labindalawa, ‘Mga Kapatid, ano ang gagawin ninyo tungkol dito?’ Ang sagot ay: ‘Nangusap ang Panginoon at ito ay dapat nating sundin.’ Nadama namin na ang Panginoong Diyos ay nagbigay … ng utos at nanalig kami na magpatuloy at isakatuparan ang mga ito, nadarama na ito ay Kanyang gawain kami man ay mabuhay o mamatay sa katuparan nito” (Wilford Woodruff,“Discourse,” Deseret News, Dis. 22, 1869, 543).

  • Anong mga alituntunin ang matututuhan natin mula sa halimbawang ito ng mga Apostol? (Maaaring matukoy ng mga estudyante ang ilang alituntunin, kabilang ang mga sumusunod: Maaari nating piliing sundin ang mga utos ng Panginoon anuman ang sitwasyon. Kapag nagtiwala tayo sa Panginoon, magagawa natin ang iniutos Niya.)

Ipaliwanag na noong umaga sa takdang araw ng Abril 26, 1839, sina Brigham Young at apat na iba pang mga Apostol, kasama ang iba pang mga miyembro ng Simbahan, ay naglakad papunta sa lugar ng templo sa Far West. Si Alpheus Cutler, na siyang magiging dalubhasang manggagawa ng templo, ay pinagulong ang isang malaking bato sa timog-silangang sulok ng lote ng templo. Ang maliit na grupo ay umawit ng mga himno at nanalangin. Bukod pa rito, inordenan sina Wilford Woodruff at George A. Smith bilang mga Apostol upang punan ang mga bakante sa Korum ng Labindalawa. Habang naghahanda ang maliit na grupo ng mga Banal na lisanin ang Far West, humimpil si Theodore Turley sa bahay ng kanyang dating kaibigan, si Isaac Russell, na nag-apostasiya mula sa Simbahan at nanatili sa Far West. Nabigla si Isaac na si Theodore ay nasa Far West kasama ang mga miyembro ng Labindalawa at ang propesiya ng Panginoon na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph Smith ay natupad (tingnan sa Manuscript History of the Church, vol. C-1, adenda, 26 April 1839, ikalawa sa dalawang tala, p. 14).

Wakasan ang lesson sa pagpapatotoo tungkol sa mga katotohanang tinalakay ninyo sa lesson na ito, at sa paghikayat sa mga estudyante na ipamuhay ang mga katotohanang iyon.

Sabihin sa mga estudyante na maghanda para sa susunod na klase sa pagbabasa ng kabanata 34–35 ng Mga Banal: Tomo 1.

handout ng Mga Kalagayan sa Piitan ng Liberty