“Lesson 16: Nagtipon ang mga Banal sa Hilagang Missouri,” Materyal para sa Titser ng Kasaysayan ng mga Banal sa mga Huling Araw: 1815–1846 (2018)
“Lesson 16,” Materyal para sa Titser ng Kasaysayan ng mga Banal sa mga Huling Araw: 1815–1846
Lesson 16
Nagtipon ang mga Banal sa Hilagang Missouri
Pambungad at Timeline
Noong Enero 12, 1838, inutusan ng Panginoon sina Propetang Joseph Smith at Sidney Rigdon na lisanin ang Kirtland, Ohio, at lumipat sa Far West, Missouri. Nang dumating ang Propeta sa Far West, sinang-ayunan niya ang isang bagong desisyon ng konseho na palitan ang stake presidency sa Missouri, na binubuo nina David Whitmer, John Whitmer, at William W. Phelps. Ang tatlong lalaking ito ay kalaunang itiniwalag dahil sa pagsuway at paghihimagsik laban sa pamunuan ng Simbahan. Si Oliver Cowdery, na noon ay naglilingkod bilang Katuwang ng Pangulo ng Simbahan, ay itiniwalag din kalaunan dahil sa kanyang pagsuway at paghihimagsik. Noong tagsibol at tag-init ng 1838, tumanggap si Joseph Smith ng mahahalagang paghahayag tungkol sa pangalan ng Simbahan at sa lugar ng pagtitipon para sa mga Banal, kabilang na ang Adan-ondi-Ahman (tingnan sa D at T 115–16).
-
Enero 12, 1838Sina Joseph Smith at Sidney Rigdon ay tumakas mula sa Kirtland, Ohio, upang lumipat sa Far West, Missouri.
-
Marso 14, 1838Dumating si Joseph Smith sa Far West, Missouri.
-
Abril 12, 1838Si Oliver Cowdery ay itiniwalag dahil sa pagsuway at paghihimagsik.
-
Mayo 19, 1838Si Joseph Smith ay pumili ng lugar para maging isang pamayanan ng mga Banal sa mga Huling Araw na kalaunan ay inihayag na Adan-ondi-Ahman (tingnan sa D at T 116).
Mga Babasahin ng mga Estudyante
Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846 (2018), mga kabanata 26–28
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Tumakas si Joseph Smith mula sa Kirtland, Ohio, patungong Far West, Missouri
Idispley ang kalakip na larawan ng Kirtland Temple. Ipaliwanag na sa isang paghahayag na ibinigay kay Propetang Joseph Smith noong Setyembre 1831, sinabi ng Panginoon na Siya ay “magpapanatili ng matatag na muog sa lupain ng Kirtland, sa loob ng limang taon” (D at T 64:21). Mula Enero hanggang Abril 1836, mga apat at kalahating taon matapos ibigay ang paghahayag na iyon, ang mga Banal sa Kirtland ay nagkaroon ng kagila-gilalas na espirituwal na mga karanasan, kabilang na ang paglalaan ng Kirtland Temple noong Marso 1836.
-
Ano ang nagbago sa mga Banal sa Kirtland sa huling bahagi ng 1836 at sa kabuuan ng 1837? (Ang mga Banal sa Kirtland ay naharap sa tumitinding oposisyon mula sa mga tao sa pamayanan na hindi miyembro ng Simbahan at mula sa mga tumuligsa sa Simbahan.)
Anyayahan ang isang estudyante na basahin nang malakas ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Brigham Young (1801–77) at ang pahayag na itinala sa kasaysayan ni Joseph Smith:
“Noong umaga ng Disyembre 22 [1837], nilisan ko ang Kirtland bunga ng matinding galit ng mga mandurumog at ng nangibabaw na pag-uugali sa mga tumiwalag, na nagbantang gapiin ako dahil ipinapahayag ko sa pribado at pampublikong lugar, na alam ko, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, na si Joseph Smith ay propeta ng Kataas-taasang Diyos, at hindi lumabag at nahulog gaya ng ipinahayag ng mga nag-apostasiya” (Brigham Young, “History of Brigham Young,” Millennial Star, Ago. 1863, 518).
“Isang bagong taon ang sumikat sa simbahan sa Kirtland sa kabila ng lahat ng kapaitan ng diwa ng pagtalikod na pinangungunahan ng mga mandurumog; patuloy na tumindi at naging painit ito nang painit hanggang sa ako at si [Sidney] Rigdon ay napilitang tumakas mula sa nakamamatay na impluwensya nito” (Manuscript History of the Church, vol. B-1, p. 780, josephsmithpapers.org).
-
Paano nakatutulong sa atin ang mga pahayag na ito na maunawaan ang lawak ng pagbabago ng kondisyon sa Kirtland mula 1836 hanggang sa katapusan ng 1837?
Ipaliwanag na ang desisyon nina Joseph Smith at Sidney Rigdon na tumakas mula sa Kirtland ay dahil sa isang paghahayag na ibinigay ng Panginoon noong Enero 12, 1838. (Ang paghahayag na ito ay hindi nakatala sa Doktrina at mga Tipan.) Anyayahan ang isang estudyante na basahin nang malakas ang sumusunod na bahagi ng paghahayag na iyon:
“Ganito ang wika ng Panginoon, Ipadala sa panguluhan ng aking Simbahan ang kanilang pamilya sa lalong madaling panahon na magagawa ito at lumipat sa kanluran kaagad kapag malinaw na sa kanila kung paano, at panatagin ang kanilang mga puso , sapagkat Ako ay paroroon sa kanila [.] …
“Patayuin din ang lahat ng inyong mga tapat na kaibigan kasama ng kanilang mga pamilya at sabihin na tipunin ang kanilang mga sarili sa Sion” (sa “Journal, March–September 1838,” 53, josephsmithpapers.org; iniayon ang pagbabaybay at pagbabantas sa pamantayan).
-
Batay sa sinabi ng Panginoon kay Propetang Joseph Smith, anong alituntunin ang matututuhan natin tungkol sa pagsunod sa payo ng Panginoon? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Kapag sinusunod natin ang tagubilin ng Diyos, Siya ay makakasama natin.)
Idispley ang kalakip na mapa na “Ilang Mahahalagang Lugar sa Kasaysayan Noong Bago Pa Lang Ang Simbahan,” at ipaliwanag na sinunod nina Joseph Smith at Sidney Rigdon ang utos ng Panginoon at nilisan ang Kirtland noong gabi na natanggap nila ang paghahayag na ito. Matapos maglakbay sakay ng kanilang mga kabayo nang buong magdamag, sina Joseph at Sidney ay tumigil at naghintay hanggang masamahan na sila ng kanilang mga pamilya. Pagkatapos ay ipinagpatuloy nila ang kanilang paglalakbay patungong Far West, Missouri.
Anyayahan ang isang estudyante na basahin nang malakas ang sumusunod na salaysay na nakatala sa kasaysayan ni Joseph Smith, na naglalarawan kung ano ang nangyari sa Propeta at sa kanyang pamilya sa kanilang paglalakbay patungong Far West:
“Lubhang napakalamig ng panahon, at kung minsan ay napilitan kaming itago ang aming mga sarili sa mga bagon upang hindi mahuli ng mga humahabol sa amin, na nagpatuloy sa kanilang paghahanap hanggang sa mahigit 200 milya mula sa Kirtland na nasasandatahan ng mga pistola, … upang kitilin ang aming buhay. Madalas magkrus ang aming mga landas; dalawang beses silang napunta sa mga bahay kung saan kami huminto. Minsan ay magdamag kaming nanatili sa parehong bahay kasama nila, na tanging tabing lamang ang nasa pagitan namin, at narinig namin ang kanilang mga pagsumpa, at pagmumura, at banta sa amin kung mahuhuli nila kami, at sa kalaliman ng gabi ay dumating sila sa aming silid at sinuri kami, ngunit nagpasiyang hindi kami ang mga hinahanap nila. Sa ibang pagkakataon ay nadaanan namin sila sa mga Lansangan, at tumitig sa kanila at sila sa amin, ngunit hindi nila kami kilala” (Manuscript History of the Church, vol. B-1, p. 780, josephsmithpapers.org; iniayon ang pagbabaybay at pagbabantas sa pamantayan).
-
Paano naipakita ng salaysay na ito ang pangako ng Panginoon na makakasama Siya ng Unang Panguluhan at ng kanilang mga pamilya habang naglalakbay sila?
-
Kailan ninyo nadama na kasama ninyo ang Panginoon habang sumusunod kayo sa Kanyang mga kautusan?
Dumating si Joseph Smith sa Far West, Missouri, at isinaayos ang Simbahan
Anyayahan ang isang estudyante na basahin nang malakas ang sumusunod na paglalarawan ni Propetang Joseph Smith sa nangyari nang ang Propeta at ang kanyang pamilya ay malapit na sa wakas sa Far West noong Marso 1838:
“Walong milya ang layo namin mula sa lunsod ng Far West nang kami ay sinalubong ng isang pangkat ng mga kalalakihang kapatid mula sa lunsod … na nakaunat ang mga bisig at mainit kaming tinanggap at malugod kaming binati sa aming pagdating sa kanilang lipunan. Sa aming pagdating sa lunsod, kami ay malugod na binati ng mga Banal sa lahat ng dako … sa kanilang lupaing mana” (“Letter to the Presidency in Kirtland, 29 March 1838,” sa “Journal, March–September 1838,” 23–24, josephsmithpapers.org; iniayon ang pagbabaybay, paggamit ng malalaking titik, at pagbabantas sa pamantayan).
-
Kung kayo ang nasa katayuan ni Joseph Smith, ano ang maiisip o mararamdaman ninyo matapos lisanin ang kaguluhan sa Kirtland at pagkatapos ay dumating sa Far West?
Ipaliwanag na kahit si Joseph Smith ay mas maayos na pinakitunguhan ng mga miyembro ng Simbahan sa Far West, mayroon pa ring ilang mabibigat na problema sa loob ng Simbahan na kailangan niyang tugunan.
-
Batay sa nabasa ninyo sa kabanata 26 ng Mga Banal: Tomo 1, anong pasiya ang ginawa nina Oliver Cowdery, John Whitmer, at William W. Phelps na nakaapekto sa kanilang katayuan sa Simbahan? (Ang bawat isa sa kalalakihang ito, na naglilingkod bilang mga lider sa Simbahan, ay pinili na ipagbili ang lupain sa Missouri para sa personal na pakinabang matapos nilang ilaan ang mga lupaing iyon sa Panginoon. Hinanapan din nila ng mali ang pamunuan ng Simbahan at nagpakita ng diwa ng paghihimagsik.)
Idispley ang kalakip na larawan ni Oliver Cowdery. Anyayahan ang isang estudyante na basahin ang Doktrina at mga Tipan 23:1 nang malakas. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na hinahanap ang babalang ibinigay ng Panginoon kay Oliver Cowdery noong 1830. Bago basahin ang talata, ipaliwanag na ang babalang ito ay ibinigay walong taon bago nirepaso ng mga lider ng Simbahan ang katayuan ni Oliver Cowdery sa Simbahan. Hilingin sa mga estudyante na ibahagi ang malalaman nila.
-
Anong alituntunin ang matututuhan natin mula sa talata 1 sa kinahahantungan ng kapalaluan? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat ang sumusunod na alituntunin sa pisara: Kung magpapadaig tayo sa kapalaluan, aakayin tayo nito sa tukso.)
Anyayahan ang isang estudyante na basahin nang malakas ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994). Hilingin sa klase na pakinggan ang kanyang itinuro tungkol sa kapalaluan.
“Iniisip ng karamihan sa atin na ang kapalaluan ay pagkamakasarili, pagmamagaling, pagyayabang, pagmamataas, o pagmamalaki. Lahat ng ito ay mga sangkap ng kasalanan, ngunit ang sentro, o pinakamahalaga, ay wala pa rito.
“Ang pinakatanda ng kapalaluan ay pagkapoot—pagkapoot sa Diyos at sa ating kapwa. Ang kahulugan ng pagkapoot ay ‘pagkamuhi, pagiging masungit, o pagsalungat.’ Ito ang kapangyarihang hangad ni Satanas upang makapaghari sa atin.
“Ang kapalaluan ay talagang likas na pakikipagkumpitensya. Sinasalungat natin ang kalooban ng Diyos. Kapag nagmamataas tayo sa Diyos, iyon ay dahil sa ugaling ‘ang aking kalooban ang masusunod at hindi ang inyo.’ …
“Kapag sinalungat natin ang kalooban ng Diyos, hindi natin mapipigil ang ating mga pagnanasa, gana, at silakbo ng damdamin. (Tingnan sa Alma 38:12; 3 Ne. 12:30.)
“Hindi matatanggap ng palalo ang awtoridad ng Diyos na papatnubay sa kanilang buhay. (Tingnan sa Hel. 12:6.)” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Ezra Taft Benson [2014], 271–72).
-
Paano makatutulong sa atin ang pahayag na ito na mas maunawaan ang alituntuning natukoy natin mula sa Doktrina at mga Tipan 23:1?
Isulat sa pisara ang sumusunod na mga tanong:
Hatiin ang klase sa mga grupo na may tigalawa o tigatlong estudyante, at hilingin sa kanila na hanapin ang kabanata 26 ng Mga Banal: Tomo 1. Anyayahan ang mga estudyante na magsalitan sa pagbabasa nang malakas sa kanilang mga grupo mula sa pahina 347, simula sa talatang nag-uumpisa sa “Noong Abril 12, bumuo si Edward Partridge …” at nagtatapos sa talata sa pahina 348 na nagsisimula sa “Tinalikuran ni Oliver …” Hikayatin ang mga estudyante na talakayin ang kanilang mga sagot sa mga tanong sa pisara sa kanilang mga kagrupo.
Matapos magkaroon ang mga estudyante ng sapat na panahon upang talakayin ang kanilang mga sagot sa mga tanong sa pisara, anyayahan ang isang estudyante na basahin nang malakas ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Wilford Woodruff (1807–98) at ang kasunod na talata. Hilingin sa klase na pakinggan kung ano ang nangyari kay Oliver Cowdery matapos niyang lisanin ang Simbahan.
“Nakita ko si Oliver Cowdery noong nasa kanya pa ang kapangyarihan ng Diyos. Wala pa akong napakinggan na nagbahagi ng malakas na patotoo tulad ng ginawa niya noong nasa kanya pa ang impluwensya ng Espiritu. Ngunit nang sandaling iwan niya ang kaharian ng Diyos, ay iyon na rin ang sandali ng pagbagsak ng kanyang kapangyarihan” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Wilford Woodruff [2004], 114).
Noong Oktubre 21, 1848, matapos ang mahigit isang dekada ng pagkawalay, si Oliver Cowdery ay muling nakisama sa mga Banal sa Council Bluffs, Iowa. Sa isang kumperensya na ginanap noong araw na iyon, nagbigay si Oliver ng taos-pusong patotoo tungkol sa katotohanan ng Aklat ni Mormon at sa pagpapanumbalik at awtoridad ng priesthood. Habang nasa Council Bluffs, si Oliver ay nagpatotoo rin kina George A. Smith at Orson Hyde na “matapat na tinupad ni Joseph Smith ang kanyang misyon sa harapan ng Diyos hanggang kamatayan” (George A. Smith, “Letters to the Editor,” Millennial Star, Ene. 1849, 14). Matapos na mapagpakumbabang pakiusapan ang mga nangungulong awtoridad na muling mapabilang sa Simbahan, muling nabinyagan si Oliver Cowdery sa Council Bluffs, Iowa.
-
Anong mga pagpapala ang nawala kay Oliver Cowdery nang talikuran niya ang pagiging miyembro sa Simbahan ng Panginoon?
-
Sa anong mga paraan kalaunang naipakita ni Oliver Cowdery na siya ay nagsisi sa kanyang kapalaluan?
Hikayatin ang mga estudyante na suriin ang kanilang buhay at pagsisihan ang anumang nararamdamang kapalaluan na maaaring mayroon sila.
Inihahayag ng Panginoon ang lokasyon ng Adan-ondi-Ahman, at ang mga Banal ay nakaranas pa ng mga pakikipaglaban sa ibang mamamayan ng Missouri
Anyayahan ang isang estudyante na basahin nang malakas ang sumusunod na talata:
Noong Abril 1838, tumanggap ang Propeta ng paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 115. Sa paghahayag na ito, tinukoy ng Panginoon ang opisyal na pangalan ng Simbahan, inutusan ang mga Banal na magtayo ng templo sa Far West, at inatasan ang mga Banal na magtayo ng iba pang mga stake sa mga karatig pook. Noong Mayo 18, 1838, si Joseph Smith at ang ilang iba pang mga lider ng Simbahan ay umalis sa Far West at naglakbay patungo sa hilaga upang humanap ng iba pang lugar na maaaring tirhan ng mga Banal sa Missouri. Nang sumunod na araw ay nakarating sila sa tahanan ni Lyman Wight, na nakakuha ng ari-arian sa isang lugar na tinatawag na Spring Hill. Habang binibisita ang lugar na ito, natanggap ng Propeta ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 116.
Anyayahan ang isang estudyante na basahin ang Doktrina at mga Tipan 116:1 nang malakas. Hilingin sa klase na pakinggan ang inihayag ng Panginoon tungkol sa lupaing ito.
Idispley ang kalakip na larawan, at ipaliwanag na ito ay isang larawan ng Adan-ondi-Ahman, ang “lupain na kung saan nanirahan si Adan” (D at T 117:8). Bago siya namatay, tinipon ni Adan ang kanyang mabubuting angkan sa lugar na ito at ibinigay sa kanila ang isang basbas. Habang si Adan at ang kanyang angkan ay nagtitipon doon, “ang Panginoon ay nagpakita sa kanila” at “ibinadya [ni Adan] kung anuman ang sasapitin ng kanyang angkan hanggang sa kahuli-hulihang salinlahi” (D at T 107:54, 56).
-
Kung naroon kayo nang natanggap ni Propetang Joseph Smith ang paghahayag na tumutukoy sa lupain ng Adan-ondi-Ahman, ano kaya ang madarama ninyo?
-
Sa Doktrina at mga Tipan 116:1, ano ang ibig sabihin ng “si Adan ay darating upang dalawin ang kanyang mga tao” sa Adan-ondi-Ahman? (Bago ang Ikalawang Pagparito ni Jesucristo, si Adan at ang kanyang mabubuting angkan, na kinabibilangan ng mga Banal sa lahat ng dispensasyon, ay magtitipun-tipon sa Adan-ondi-Ahman upang salubungin ang Tagapagligtas [tingnan sa Daniel 7:9–10, 13–14; Mateo 26:29; D at T 27:5–18; 107:53–57].)
Ipaliwanag na bagamat ang mga Banal sa hilagang Missouri ay nakaranas ng mga pagpapala, tulad ng mga paghahayag na natanggap ng Propeta at ng lumalaking pamayanan na kanilang itinayo, dumanas rin sila ng dumaraming pakikipaglaban sa iba pang mga mamamayan sa Missouri.
-
Batay sa nabasa ninyo sa mga kabanata 27–28 ng Mga Banal: Tomo 1, anong mga labanan ang naganap sa pagitan ng mga miyembro ng Simbahan at ng iba pang mga tao noong panahon ng tag-init at sa simula ng taglagas ng 1838? (Noong Hunyo, hayagang kinondena ni Sidney Rigdon ang mga tumutuligsa sa Simbahan. Noong Hulyo, nagbabala si Sidney na ipagtatanggol ng mga miyembro ng Simbahan ang kanilang sarili laban sa kanilang mga kaaway. Noong Agosto, isang gulo ang naganap nang ang mga miyembro ng Simbahan ay sinalakay sa Gallatin, Missouri, nang magtangka silang bumoto. Noong Oktubre, pinilit ng mga mandurumog ang mga Banal na naninirahan sa DeWitt, Missouri, na lisanin ang kanilang mga tahanan.)
Anyayahan ang isang estudyante na basahin nang malakas ang sumusunod na mga talata:
“Si Joseph Smith ay naniwala na ang oposisyon mula sa mga sumasalungat sa Simbahan at iba pang mga kalaban ang nagpahina at sa huli ay sumira sa kanilang komunidad sa Kirtland, Ohio, kung saan dalawang taon lamang bago nangyari ito ay natapos nila ang templo dahil sa malaking pagsasakripisyo. Pagsapit ng tag-init ng 1838, nakita ng mga lider ng Simbahan ang pagdami ng katulad na mga banta sa kanilang layunin na lumikha ng isang maayos na komunidad sa Missouri.
“Sa pamayanan ng mga Banal sa mga Huling Araw sa Far West, ang ilang mga lider at miyembro ay bumuo ng isang grupong paramilitar na kilala bilang Mga Danita, na may layuning ipagtanggol ang komunidad laban sa mga tumutuligsa at itiniwalag na mga Banal sa mga Huling Araw, at gayundin sa iba pang mga taga-Missouri. Malawakang sumasang-ayon ang mga mananalaysay na sinang-ayunan ni Joseph Smith ang Mga Danita ngunit marahil ay hindi sinabi sa kanya ang lahat ng kanilang mga plano at marahil ay hindi nagpahintulot sa lahat ng kanilang mga gawain” (“Peace and Violence among 19th-Century Latter-day Saints,” Gospel Topics, topics.ChurchofJesusChrist.org).
-
Paano nakaapekto ang mga karanasan ng mga Banal nang pinalayas sila mula sa Jackson County, Missouri, at sa Kirtland, Ohio, sa kanilang pagtugon sa pag-uusig na naranasan nila sa hilagang Missouri?
Anyayahan ang mga estudyante na maghanda para sa susunod na klase sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga kabanata 29–31 ng Mga Banal: Tomo 1. Hikayatin silang alamin ang iba’t ibang paraan kung paano tumugon ang mga miyembro ng Simbahan sa lumalaking tensiyon at karahasan na kanilang nakaharap.