Institute
Lesson 18: Ang Pagpapalayas sa mga Banal mula sa Missouri


“Lesson 18: Ang Pagpapalayas sa mga Banal mula sa Missouri,” Materyal para sa Titser ng Kasaysayan ng mga Banal sa mga Huling Araw: 1815–1846 (2018)

“Lesson 18,” Materyal para sa Titser ng Kasaysayan ng mga Banal sa mga Huling Araw: 1815–1846

Lesson 18

Ang Pagpapalayas sa mga Banal mula sa Missouri

Pambungad at Timeline

Noong Disyembre 1, 1838, sina Propetang Joseph Smith, Hyrum Smith, Sidney Rigdon, Lyman Wight, Alexander McRae, at Caleb Baldwin ay inilipat sa piitan ng Clay County, na kalaunang nakilala bilang Piitan ng Liberty, sa Liberty, Missouri, habang naghihintay ng paglilitis para sa mga maling paratang ng pagtataksil. Samantala, ang mga Banal sa hilagang Missouri ay dumanas ng matinding paghihirap na dulot ng pang-uusig. Bagama’t sinabihan ang mga Banal na maaari silang manatili sa Missouri hanggang tagsibol, pinuwersa ng mga lokal na mandurumog ang karamihan sa mga Banal na lumikas mula sa estado pagdating ng Pebrero 1839. Dahil sina Joseph Smith at ang iba pang mga miyembro ng Unang Panguluhan ay nasa kulungan at walang sinang-ayunang destinasyon para sa paglipat, ang mga pinalayas na Banal ay ginugol ang nalalabing panahon ng taglamig at tagsibol na nakakalat sa paligid ng Ilog Mississippi sa Iowa at Illinois. Marami ang nakatagpo ng pansamantalang kanlungan sa Quincy, Illinois, matapos maayos na tinanggap ng mga lokal na mamamayan.

Disyembre 1, 1838Sina Joseph Smith at limang iba pang mga miyembro ng Simbahan ay ikinulong sa Piitan ng Liberty.

Enero 16, 1839Sa isang liham mula sa Piitan ng Liberty, hinirang ng Unang Panguluhan ang Korum ng Labindalawang Apostol na pansamantalang pamahalaan ang mga gawain ng Simbahan.

Enero 26, 1839Binuo ang isang komite ng Simbahan upang tulungan ang mga maralita na lumikas mula sa Missouri.

Pebrero 1839Karamihan sa mga Banal ay nagsimulang lumikas mula sa Missouri.

Pebrero 27, 1839Isang komite ng mga mamamayan ng Quincy, Illinois, ang nagpasa ng resolusyon na nagbibigay ng tulong at trabaho sa mga Banal.

Mga Babasahin ng mga Estudyante

Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846 (2018), kabanata 32

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Ang Mga Banal sa Missouri ay napilitang lumikas

Idispley ang kalakip na mapa, “Missouri, Illinois, at Iowa Area ng Estados Unidos,” at sabihin sa mga estudyante na hanapin ang Far West, Missouri. Ipaalala sa mga estudyante na ang utos na pagpuksa ay ibinigay ng gobernador ng Missouri na si Lilburn W. Boggs noong Oktubre 27, 1838, na humantong sa mga mandurumog na umatake at magnakaw sa Far West at sa iba pang mga pamayanan ng mga Mormon sa hilagang Missouri. Ipaalala rin sa mga estudyante na noong panahong ito, sina Propetang Joseph Smith, ang kanyang mga tagapayo sa Unang Panguluhan, at iba pang mga miyembro ng Simbahan ay dinakip at ibinilanggo sa Richmond at Liberty, Missouri.

mapa ng mga lugar ng Missouri, Illinois, at Iowa
  • Batay sa nabasa ninyo sa kabanata 32 ng Mga Banal: Tomo 1, ano ang ilan sa mga partikular na hamon na hinarap ng mga Banal sa hilagang Missouri matapos silang palayasin mula sa kanilang mga tahanan? (Hindi alam ng mga Banal kung saan pupunta, kulang sila sa pagkain at kagamitan, ang ilan ay nasaktan sa pakikipagsagupaan sa mga milisya ng Missouri o sa mga pag-atake ng mga mandurumog.)

  • Kung kayo ay kasama sa mga Banal na napilitang tumakas mula sa Missouri noong panahong iyon, ano sa palagay ninyo ang inyong maiisip o mararamdaman? Bakit?

  • Habang nakakulong si Propetang Joseph Smith sa Piitan ng Liberty, sino ang kanyang hinirang na manguna sa paglisan ng mga Banal mula sa Missouri? (Ang Korum ng Labindalawang Apostol, kung saan si Brigham Young ang Pangulo nito.)

Sabihin sa mga estudyante na hanapin ang kabanata 32 ng Mga Banal: Tomo 1. Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng pahina 431, simula sa mga talatang nagsisimula sa “Nagpatulong na si Brigham …” at nagtatapos sa talata sa pahina 432 na nagsisimula sa “Nagpasya silang simulan … ” Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang ipinayo ng Brigham Young sa mga Banal na gawin habang naghahanda silang lumikas mula sa Missouri.

  • Batay sa panukala ni Brigham Young, anong alituntunin ang matututuhan natin tungkol sa responsibilidad na taglay natin bilang mga disipulo ni Jesucristo? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang alituntuning tulad ng sumusunod: Bilang mga disipulo ni Jesucristo, tayo ay may responsibilidad na tulungan ang mga maralita at nangangailangan.) Isulat sa pisara ang alituntuning ito.

  • Ano ang ilang paraan na magagampanan natin ang ating responsibilidad na tulungan ang mga maralita at nangangailangan ngayon?

Amanda Smith

Idispley ang kalakip na larawan, at ipaliwanag na ito ay ang larawan ni Amanda Smith, isa sa libu-libong Banal na napilitang lumikas mula sa Missouri.

  • Bakit napakahirap lalo na kay Amanda Smith at sa kanyang pamilya na sumunod sa paglikas na hinihingi ng utos na pagpuksa? (Kung kinakailangan, ipaalala sa mga estudyante na pumanaw ang asawa ni Amanda at isa sa kanyang mga anak sa pagpaslang sa Hawn’s Mill. Sa pamamagitan ng mahimalang espirituwal na patnubay, inakay siya upang malaman kung paano gamutin ang kanyang anim na taong gulang na anak, si Alma, na binaril sa balakang. Naghihintay pa siya sa paggaling ng balakang ni Alma noong nagsimulang lumikas mula sa Missouri ang iba pang mga Banal)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na tala ni Amanda Smith. Hilingin sa klase na pakinggan kung paano nanampalataya si Amanda habang nananatili siya sa Hawn’s Mill, hinihintay na maging sapat na malusog si Alma upang mailikas.

Amanda Smith

“Hindi ko maiwanan ang kahambal-hambal na kuwento nang hindi ko isinasalaysay ang ilan sa mga insidente noong mga limang linggong iyon noong ako ay isang bilanggo kasama ang aking sugatang anak sa Missouri, malapit sa tagpuan ng pagpaslang, at hindi makasunod sa utos na pagpuksa.

“Lahat ng mga Mormon sa komunidad ay tumakas palabas ng Estado, maliban sa ilang mga pamilya ng mga nagdadalamhating babae at mga bata. …

“Sa aming lubos na kapanglawan, ano ang magagawa naming mga babae kundi manalangin? Ang panalangin ang aming tanging pinagmumulan ng kaaliwan; ang aming Ama sa Langit ang aming tanging katuwang. …

“Isang araw isang mandurumog ang nagpunta mula sa gilingan dala ang [kautusan] ng kapitan:

“‘Sinabi ng kapitan na kung kayong mga babae ay hindi ihihinto ang inyong … pagdarasal ay magpapadala siya ng hukbo at papaslangin ang bawat … isa sa inyo!’ …

“Ang aming mga panalangin ay napatahimik sa takot. Hindi namin tinangka na hayaang marinig ang aming mga boses sa bahay habang nananalangin. Makapagdarasal ako sa aking kama o sa katahimikan, ngunit hindi ko kayang mabuhay nang ganoon katagal. …

“Hindi na ako nakatiis. Nananabik akong marinig muli ang tinig ko sa pagsamo sa aking Ama sa Langit.

“Ako ay palihim na nagtungo sa taniman ng mais, at gumapang sa isang [bungkos ng tagdan ng mais]. Tulad ito ng templo ng Panginoon sa akin noong mga sandaling iyon. Ako ay nanalangin nang malakas at buong taimtim.

“Nang lumabas ako mula sa maisan isang tinig ang nagsalita sa akin. Ito ay isang tinig na kasinlinaw kung nakarinig man ako ng isa. Ito ay hindi isang tahimik at malakas na pahiwatig ng espiritu, ngunit sa halip ay isang tinig, na inuulit ang isang talata sa himno ng mga banal:

Ang kaluluwang kay Jesus nagtiwala,

Kahit kailanman ay ‘di ko itatatwa.

Pilitin mang sya’y yanigin ng kadiliman,

Di magagawang talikuran kailanman!

“Mula sa sandaling iyon ako [ay] wala nang takot. Nadama ko na walang makasasakit sa akin” (Amanda Smith, sa Edward W. Tullidge, The Women of Mormondom [1877], 129–30).

  • Ano ang matututuhan natin mula sa halimbawa ni Amanda na makatutulong sa ating panahon ng pagsubok at paghihirap? (Maaaring matukoy ng mga estudyante ang iba’t ibang alituntunin, kabilang ang sumusunod: Habang mataimtim tayong nagdarasal sa gitna ng ating mga paghihirap, aaliwin at palalakasin tayo ng Panginoon. Isulat sa pisara ang alituntuning ito.)

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng pahina 434 ng Mga Banal: Tomo 1, simula sa talatang nagsisimula sa “Nagpalakas kay Amanda … at nagtatapos sa talata sa kasunod na pahina na nagsisimula sa “Hindi pinapansin ang lalaki …” Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung paano mas napalakas ng Panginoon si Amanda at kanyang pamilya matapos ang kanyang panalangin. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

  • Kailan kayo nakaranas ng kapanatagan o lakas mula sa Panginoon habang taimtim kayong nanalangin sa gitna ng inyong mga paghihirap?

Ang mga pinalayas na Banal ay nakatagpo ng pansamantalang kanlungan sa Quincy, Illinois

Tukuying muli ang mapa ng “Missouri, Illinois, at Iowa Area ng Estados Unidos,” at sabihin sa mga estudyante na hanapin ang Quincy, Illinois. Ipaliwanag na sa pagitan ng Enero at Marso 1839, karamihan sa humigit-kumulang na 8,000 hanggang 10,000 mga Banal na naninirahan sa hilagang Missouri ay iniwanan o ibinenta ang kanilang mga lupain, mga bahay, at karamihan sa kanilang mga ari-arian habang lumilikas sila mula sa estado. Marami ang nakatagpo ng pansamantalang kanlungan sa kabilang banda ng Ilog Mississippi sa Quincy, Illinois, isang lunsod na mga 170 milya (275 kilometro) ang layo mula sa Far West. Tiniis ng mga tumakas ang mahihirap na kalagayan sa kanilang mga paglalakbay sa taglamig, kabilang na ang gutom, napakalamig na temperatura, ulan, niyebe, at putik.

  • Paanong maaaring nagdulot ng paghihirap para sa mga residente ng Quincy, Illinois ang biglaang pagdating ng mga Banal?

Ipaliwanag na noong huling bahagi ng Pebrero 1839, nagtipon ang mga mamamayan ng Quincy sa hukuman upang marinig ang mga ulat ng komite na itinalaga upang siyasatin ang mga pangyayari sa mga tumakas na Banal sa mga Huling Araw. Sabihin sa isang estudyante na basahin nang malakas ang sumusunod na bahagi ng resolusyon ng komite. Sabihin sa klase na pakinggan kung ano ang napagdesisyunang gawin ng mga mamamayan ng Quincy.

“Ang mga dayuhang kamakailan lamang na dumating dito mula sa estado ng Missouri, na kilala sa pangalang mga Banal sa mga Huling Araw, ay nararapat sa ating pakikiramay at mahabaging awa at … inirerekomenda namin sa mga mamamayan ng Quincy, na ipadama sa kanila ang lahat ng kabaitan na nasa kanilang kapangyarihan na ipagkaloob, bilang mga taong nagdurusa. …

“… Inirerekomenda namin sa lahat ng mamamayan ng Quincy, na sa lahat ng kanilang pakikipag-ugnayan sa mga dayuhan, na sila … ay lubos na mag-ingat na huwag magpasasa sa anumang usapan o pagpapahayag na naglalayong saktan ang kanilang damdamin, o sa anumang paraan upang ipakita sa mga tao, na ang bawat batas ng sangkatauhan, ay nararapat sa ating pakikiramay at simpatiya” (Quincy Argus, Mar. 16, 1839, [1]; iniayaon ang pagbabaybay sa pamantayan; tingnan din sa Manuscript History of the Church, vol. C-1, p. 889, josephsmithpapers.org).

  • Kung kayo ang nasa kalagayan ng mga tumakas na mga Banal sa mga Huling Araw, ano ang magiging saloobin ninyo tungkol sa mga residente ng Quincy?

Ipaliwanag na sa kabila ng mapagkawanggawang tulong na ibinibigay ng mga residente ng Quincy, ang maraming mga Banal na lumipat sa Quincy ay nagbunga sa maraming Banal na magsiksikan sa mga tolda, kubol, kubo, at mga lungga bilang tirahan noong panahon ng taglamig at tagsibol ng 1839.

Hatiin ang klase sa maliliit na grupo, at ibigay sa kanila ang kalakip na handout na “Ang Pamilya Hendricks sa Quincy, Illinois.” Sabihin sa mga estudyante na basahin nang malakas ang handout at talakayin ang kanilang mga sagot sa mga tanong sa handout.

Ang Pamilya Hendricks sa Quincy, Illinois

James at Drusilla Hendricks

Basahin ang sumusunod na kuwento tungkol sa pamilya Hendricks ayon sa salaysay ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Jeffrey R. Holland

“Sa gitna ng matinding kaguluhan sa Missouri na maglalagay sa Propeta sa Piitan ng Liberty at makita ang libu-libong Banal sa mga Huling Araw na itinaboy mula sa kanilang tahanan, si Sister Drusilla Hendricks at ang kanyang asawang lumpo, si James, na binaril ng mga kaaway ng Simbahan sa Labanan sa Ilog Crooked, ay dumating kasama ang kanilang mga anak sa isang mabilisang hinukay na lungga sa Quincy, Illinois, na kanilang titirhan sa buong tagsibol ng nakapanlulumong taong iyon.

“Sa loob ng dalawang linggo ang mga Hendricks ay nasa bingit ng matinding gutom, at mayroon na lamang silang isang kutsarang asukal at isang platito ng arinang mais. … Gumawa si Drusilla ng lugaw mula rito para kina James at sa mga bata, para matipid ito hanggang sa abot ng kanyang makakaya. Nang ang munting alay ay kinain ng kanyang nagugutom na pamilya, hinugasan niya ang lahat, nilinis ang kanilang maliit na lungga sa abot ng kanyang makakaya, at tahimik na naghintay na mamatay.

“Hindi nagtatagal matapos niyon, napatayo si Drusilla sa tunog ng bagon. Ito ay ang kanilang kapitbahay na si Reuben Allred. Sinabi nito na nadama niya na sila ay wala nang makain, kung kaya sa kanyang paglalakbay sa bayan ay nagpagiling siya ng isang sakong butil upang gawing arina para sa kanila.

“Hindi nagtagal ay dumating si Alexander Williams na may dalang dalawang bayong ng pagkain sa kanyang balikat. Sinabi niya kay Drusilla na naging lubhang abala siya ngunit may ibinulong sa kanya ang Espiritu na ang pamilya ni ‘Brother Hendricks’ ay naghihirap, kaya itinigil ko ang lahat ng aking ginagawa at [patakbong] nagpunta’ [Drusilla Doris Hendricks, “Historical Sketch of James Hendricks and Drusilla Doris Hendricks,” Church Archives, Salt Lake City, 14-15]” (Jeffrey R. Holland, “A Handful of Meal and a Little Oil,” Ensign, Mayo 1996, 31).

  • Anong mga alituntunin ang matututuhan natin mula sa talang ito?

Basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Thomas S. Monson (1927–2018):

Thomas S. Monson

“Ang pinakamatamis na karanasan sa buhay na alam ko ay ang madama ang isang pahiwatig at kumilos ayon dito at kalaunan ay malaman na iyon ang katuparan ng panalangin o pangangailangan ng isang tao” (Thomas S. Monson, sa William R. Walker, “Sundin ang Propeta,” Liahona, Abr. 2014, 24).

  • Kailan kayo kumilos ayon sa pahiwatig mula sa Espiritu Santo at inakay na tulungan ang isang nangangailangan?

Handout tungkol sa Pamilya Hendricks sa Quincy, Illinois

Pagkatapos ng sapat na oras, hilingin sa ilang estudyante na iulat ang mga natutuhan nila mula sa handout. Maaaring matukoy ng mga estudyante ang alituntuning tulad ng sumusunod: Kapag kumilos tayo ayon sa panghihikayat ng Espiritu Santo, magagabayan tayo upang tulungan ang mga nangangailangan. Ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa alituntuning ito.

Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng mga taong kakilala nila na maaaring nangangailangan. Anyayahan sila na mapanalanging hangarin at kumilos ayon sa inspirasyon ng Espiritu Santo na tulungan ang mga taong ito. Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na isulat ang mga espirituwal na pahiwatig na natatanggap nila upang kanilang matandaan na asikasuhin ang mga pahiwatig na iyon.

Hikayatin ang mga estudyante na maghanda para sa susunod na klase sa pagbabasa ng kabanata 33 ng Mga Banal: Tomo 1. Sabihin sa klase na hanapin ang mga aral na natutuhan nila mula kay Propetang Joseph Smith at sa iba pang mga lider ng Simbahan habang sila ay nagdurusa sa Piitan ng Liberty.

Handout tungkol sa pamilya Hendricks sa Quincy, Illinois