Institute
Lesson 20: Ang Magandang Nauvoo


“Lesson 20: Ang Magandang Nauvoo,” Materyal para sa Titser ng Kasaysayan ng mga Banal sa mga Huling Araw: 1815–1846 (2018)

“Lesson 20,” Materyal para sa Titser ng Kasaysayan ng mga Banal sa mga Huling Araw: 1815–1846

Lesson 20

Ang Magandang Nauvoo

Pambungad at Timeline

Matapos payagan sina Propetang Joseph Smith at kanyang mga kapwa bilanggo na makatakas mula sa pagkakabihag sa Missouri noong Abril 1839, tinawid nila ang Ilog Mississippi at muling nakasama ang mga Banal sa Quincy, Illinois. Ilang sandali matapos ang kanilang pagdating, naglakbay si Joseph pahilaga upang bisitahin at ayusin ang pagbili ng lupain sa mga pampang ng Ilog Mississippi sa Illinois at Teritoryo ng Iowa. Habang nagtitipon ang mga Banal doon, binago nila ang latian sa panig ng Illinois upang maging isang magandang lunsod na tinawag nilang Nauvoo. Sa panahong ito, humingi si Joseph Smith ng bayad-pinsala mula sa pamahalaang pederal para sa pagdurusa ng mga Banal sa Missouri. Habang nililinang ang Nauvoo, tumanggap ang mga Banal ng pahintulot mula sa estado ng Illinois para sa charter ng lunsod na nagbigay ng mga kalayaang pampulitika at pangrelihiyon nang higit pa sa kung ano ang mayroon sila sa Missouri. Sa panahon ding ito, unang itinuro ni Propetang Joseph Smith ang doktrina ng binyag para sa mga patay.

Abril 22, 1839Dumating ang Propeta sa Quincy, Illinois, matapos tumakas sa pagkakabihag.

Abril 30, 1839Ang mga kinatawan ng Simbahan ay bumili ng lupain sa Commerce, Illinois.

Hulyo 22, 1839Pinagaling nina Joseph Smith at iba pa ang maraming tao na may malarya.

Nobyembre 29, 1839Nakipagkita ang Propeta sa pangulo ng Estados Unidos na si Martin Van Buren upang humiling ng bayad-pinsala.

Agosto 15, 1840Unang Itinuro ni Joseph Smith ang doktrina ng binyag para sa mga patay.

Mga Babasahin ng mga Estudyante

Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846 (2018), kabanata 34–35

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Nanirahan ang mga Banal sa Illinois at Iowa

Isulat sa pisara ang sumusunod na kataga: Isang magandang lugar at isang lugar ng kapahingahan.

  • Ano ang ilang lugar na ilalarawan ninyo bilang maganda o isang lugar ng kapahingahan?

mapa ng lugar ng Missouri, Illinois, at Iowa

Idispley ang kalakip na mapa, “Missouri, Illinois, at Iowa Area ng Estados Unidos,” at sabihin sa mga estudyante na hanapin ang Quincy, Illinois. Ipaliwanag na noong Abril 1839, matapos makatakas mula sa pagkakabihag si Propetang Joseph Smith at sumama sa mga Banal sa Quincy, Illinois, siya at ang iba pang mga miyembro ng Simbahan ay naglalakbay ng 50 milya pahilaga sa Commerce, Illinois. Batay sa mga negosasyon na nagsimula habang nakabilanggo pa si Joseph Smith, sila ay nagsimulang bumili ng lupa sa Commerce at sa paligid nito kapwa sa silangan ng Ilog Mississippi at sa dakong kanluran sa Teritoryo ng Iowa. Noong Agosto ay nakabili sila ng malawak na lupain para sa pagtitipon ng mga Banal. Noong Abril 1840, pinalitan ni Propetang Joseph Smith ang pangalan ng lunsod ng Commerce ng Nauvoo.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Joseph Smith at ng kanyang mga tagapayo:

“Ang pangalan ng ating lunsod (Nauvoo,) ay mula sa wilkang Hebreo, at nagpapahiwatig ng isang magandang sitwasyon, o lugar, na dala nito, gayon din, ang ideya ng kapahingahan” (Joseph Smith, Sidney Rigdon, at Hyrum Smith, “A Proclamation, to the Saints Scattered Abroad,” Times and Seasons, Jan. 15, 1841, 273–74, josephsmithpapers.org).

  • Isinasaalang-alang ang tiniis nina Joseph Smith at ng mga Banal sa Missouri, paanong ang kahulugan ng pangalang Nauvoo ay maaaring pagpapakita ng pag-asa sa hinaharap?

Ipaliwanag na noong magsimula ang mga Banal na magtipon sa lugar na ito noong tag-init ng 1839, masigasig silang naghawan ng lupain sa tabi ng pampang ng Ilog Mississippi. Gayunman, daan-daang mga Banal ang nakagat ng mga lamok at nagkasakit nang malubha dahil sa malarya.

Sabihin sa mga estudyante na hanapin ang kabanata 34 ng Mga Banal: Tomo 1. Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng pahina 458, simula sa talatang “Noong umaga ng Lunes, Hulyo 22 …” at nagtatapos sa talata sa pahina 459 simula sa “Kalaunan nang gabing iyon …” Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang tulong na natanggap ng mga Banal mula sa Panginoon.

  • Ano ang tumimo sa inyo sa talang ito?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Wilford Woodruff (1807–98), na nag-ugnay sa isa pang pangyayari na naganap noong araw na iyon.

Wilford Woodruff

“Isang lalaki [na hindi miyembro ng Simbahan], na nakabalita sa mga himalang ginawa, ay lumapit kay [Joseph Smith] at tinanong kung maaari bang huwag siyang umalis at pagalingin ang kanyang kambal na anak, na mga limang buwang gulang, na parehong malubha ang karamdaman.

“Sila ay mga dalawang milya ang layo mula sa Montrose [isang bayan sa kabila ng ilog mula sa Nauvoo].

“Sinabi ng Propeta na hindi siya makapupunta; subalit matapos huminto nang ilang sandali, sinabi niyang magpapadala siya ng taong magpapagaling sa kanila, at humarap siya sa akin at sinabing: ‘Samahan mo ang lalaking ito at pagalingin ang kanyang mga anak.’

“Kinuha ni [Joseph] ang pulang sedang panyo mula sa kanyang bulsa at ibinigay ito sa akin, at sinabihan ako na punasan ng panyo ang kanilang mukha kapag binasbasan ko sila, at sila ay gagaling. …

“Sumama ako sa lalaki, at ginawa ang iniutos ng Propeta, at gumaling ang mga bata” (Wilford Woodruff, Leaves from My Journal [1882], 65).

  • Anong alituntunin ang matutukoy natin mula sa tala sa Mga Banal: Tomo 1 at sa pahayag ni Pangulong Woodruff? (Maaaring matukoy ng mga estudyante ang ilang alituntunin, kabilang ang sumusunod: Habang nananampalataya tayo kay Jesucristo, maaari tayong mapagaling sa pamamagitan ng kapangyarihan ng priesthood. Isulat sa pisara ang alituntuning ito.)

Pulang sedang panyo ni Joseph Smith

Idispley ang kalakip na larawan ng pulang sedang panyo na ibinigay ni Joseph Smith kay Wilford Woodruff, at ipaliwanag na si Pangulong Woodruff ay “iningatan ang panyong ito bilang paalala ng dakilang karanasang ito at ng pagkahabag ni Joseph sa mga maysakit, kabilang na ang mga taong hindi kabilang sa kanyang pananampalataya, “A Day of God’s Power,” Museum Treasures series, Sept. 18, 2015, history.ChurchofJesusChrist.org). Inilarawan ni Wilford ang araw na iyon ng pagpapagaling bilang “isang araw ng kapangyarihan ng Diyos” (Wilford Woodruff, Leaves from My Journal [1882], 62).

Ipaliwanag na bagama’t maraming mga tao ang gumaling mula sa malarya noong araw na iyon, patuloy na nagdusa ang ilan mula sa malarya at iba pang mga sakit sa sumunod na taon, at ang ilan ay namatay. Halimbawa, si Bishop Edward Partridge ay pumanaw mula sa sakit noong Mayo 1840, tulad ng nangyari kay Joseph Smith Sr. noong Setyembre 1840.

  • Sa palagay ninyo, bakit ang ilang tao ay gumaling noong panahong iyon habang ang iba ay pumanaw?

Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang alituntunin sa pisara, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan:

Dallin H. Oaks

“Habang ginagamit natin ang walang alinlangang kapangyarihan ng priesthood ng Diyos at habang itinatangi natin ang Kanyang pangako na diringgin at sasagutin Niya ang panalangin ng pananampalataya, dapat lagi nating tandaan na ang pananampalataya at kapangyarihan ng priesthood na magpagaling ay hindi magbubunga ng anumang taliwas sa kalooban Niya na nagmamay-ari ng priesthood na ito. …

“Bilang mga anak ng Diyos, batid ang Kanyang dakilang pag-ibig at sukdulang kaalaman kung ano ang mainam para sa ating walang hanggang kapakanan, nagtitiwala tayo sa Kanya. Ang unang alituntunin ng ebanghelyo ay pananampalataya sa Panginoong Jesucristo, at ang ibig sabihin ng pananampalataya ay pagtitiwala. … Ginagawa natin ang lahat para gumaling ang isang mahal sa buhay, pagkatapos ay nagtitiwala tayo sa Panginoon sa kahihinatnan niyon” (Dallin H. Oaks, “Healing the Sick,” Ensign or Liahona, May 2010, 50).

  • Bakit kaya mahalagang manalig kay Jesucristo kahit hindi natin natanggap ang resultang gusto natin?

Ibahagi ang iyong patotoo na kapag sumampalataya tayo kay Jesucristo, tayo ay mapapagaling ng kapangyarihan ng priesthood ayon sa kalooban ng Panginoon.

Itinayo ng mga Banal ang lunsod ng Nauvoo at humingi ng bayad-pinsala sa pamahalaan ng Estados Unidos

Ipaliwanag na sa paglipas ng panahon ay binago ng mga Banal ang lupain sa Nauvoo at sa paligid nito sa isang “sitwasyon [na] maganda” (Mary Fielding Smith, sa Edward W. Tullidge, The Women of Mormondom [1877], 256). Habang patuloy ang mga Banal sa paggawa ng isang bagong tahanan sa Illinois at Iowa, naglakbay si Propetang Joseph Smith patungo sa Washington, D.C., ang kabisera ng Estados Unidos.

  • Batay sa nabasa ninyo sa kabanata 34 ng Mga Banal: Tomo 1, bakit naglakbay si Joseph Smith patungo sa Washington, D.C., noong Oktubre 1839? (Nakipagkita si Joseph Smith sa mga lider ng pamahalaan ng Estados Unidos, kabilang na si Pangulong Martin Van Buren, para humingi ng bayad-pinsala sa mga nawala sa mga Banal sa Missouri.)

  • Paano tumugon si Pangulong Van Buren sa kahilingan ni Joseph Smith? (Sinabi niya kay Joseph, “Wala akong magagawa para sa inyo” [The Joseph Smith Papers, Documents, Volume 7: September 1839–January 1841, mga pat. Matthew C. Godfrey at iba pa (2018), 260].)

  • Kung kasama ninyo si Propetang Joseph, ano ang maaari ninyong maisip o maramdaman matapos marinig ang sagot na ito mula sa Pangulo ng Estados Unidos? Bakit?

Ipaliwanag na sina Joseph Smith at ang miyembro ng Simbahan na si Elias Higbee ay sinubukan ding magpetisyon sa mga miyembro ng Kongreso ng Estados Unidos. Bagama’t marami ang nakiramay sa kanilang hangarin, ang mga Banal ay hindi tumanggap ng anumang tulong.

William W. Phelps

Idispley ang kalakip na larawan ni William W. Phelps. Ipaliwanag na mga apat na buwan matapos bumalik ang Propeta mula sa Washington, D.C., tumanggap siya ng liham mula kay William W. Phelps. Hatiin ang klase sa mga grupo na may tigalawa o tigatlong estudyante, at bigyan ang bawat grupo ng kopya ng kalakip na handout., “William W. Phelps: ‘Ako ay tulad ng Alibughang Anak.’” Ipabasa nang malakas ang handout sa mga grupo at talakayin ang mga tanong sa dulo.

William W. Phelps: “Ako ay tulad ng Alibughang Anak”

“Noong mga huling buwan ng 1838, kabilang si William W. Phelps, na matagal nang pinagkakatiwalaang miyembro ng Simbahan, sa mga nagsabi ng maling patotoo laban sa Propeta at sa iba pang mga lider ng Simbahan, na humantong sa kanilang pagkakulong sa Missouri. Noong Hunyo 1840, sumulat si Brother Phelps kay Joseph Smith, at nagsumamong mapatawad.” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 465).

Basahin ang sumusunod na pahayag ni William W. Phelps mula sa kanyang liham sa Propeta:

William W. Phelps

“Brother Joseph[,]

“…Ako ay katulad ng alibughang Anak … : Ako ay lubhang napababa at napakumbaba. …

“Alam ko ang sitwasyon ko, alam ninyo, at alam ito ng Diyos, at gusto kong maligtas kung tutulungan ako ng aking mga kaibigan. … Gumawa ako ng pagkakamali at ako ay Nagsisisi. Ang dumi ay nasa sarili kong mata.

“…Humihingi ako ng tawad sa pangalan ni Jesucristo ng lahat ng mga banal [,] dahil … nais ko ang iyong pakikipagkaibigan” (sa The Joseph Smith Papers, Documents, Volume 7: September 1839–January 1841, mga pat. Matthew C. Godfrey at iba pa [2018], 304–5).

  • Batid na ang maling patotoo ni William ay nagdulot ng labis na pagdurusa para sa mga Banal, sa inyong palagay ay paano kaya kayo tutugon sa kahilingan ni William para sa kapatawaran at pakikipagkaibigan?

Tumugon si Propetang Joseph Smith sa isang liham kay William W. Phelps:

Joseph Smith

“Totoo na lubha kaming nagdusa dahil sa ginawa mo—ang saro ng kapaitan, na sapat na ang pagkapuno para lagukin ng mga mortal, ay tunay ngang umapaw nang talikuran mo kami. …

“Gayunman, nalagok na ang laman ng saro, naganap na ang kalooban ng ating Ama, at buhay pa naman kami. …

“Sa paniniwalang totoo ang iyong ipinagtapat, at tunay ang iyong pagsisisi, masaya akong makasama kang muli, at nagagalak ako sa pagbalik ng alibughang nagsisi.

“Binasa sa mga Banal ang iyong liham noong nakaraang Linggo, at inalam namin ang kanilang nadarama tungkol dito, at napagpasiyahan ng lahat na dapat tanggapin si W. W. Phelps sa kapatiran.

“‘Halina, kapatid, ngayong lipas na ang digmaan,

Ang dating magkaibigan, ay magkaibigan na naman.’”

(Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 467–68).

  • Ano ang ipinapakita ng pagtugon ni Joseph Smith tungkol sa kanyang pagkatao?

  • Sa palagay ninyo ano ang maaaring maramdaman ni William, batid na ang mga Banal ay buong pagkakaisang tinanggap siya sa lubos na pakikipagkapatiran?

handout na William W. Phelps: “Ako ay tulad ng Alibughang Anak”

video iconSa halip na ipamahagi ang handout, maaari mong ipalabas ang video na “Required to Forgive” (7:52), na ipinapakita ang papel na ginampanan ni William W. Phelps sa Simbahan noon at ang kanyang pakiusap sa Propeta para sa kapatawaran. Ang video na ito ay makukuha sa ChurchofJesusChrist.org. Matapos panoorin ng mga estudyante ang video, itanong ang mga tanong sa handout.

Matapos rebyuhin ng mga estudyante ang handout, ipaliwanag na si William W. Pheps ay kalaunang isinulat ang mga titik ng himnong “Purihin ang Propeta” (Mga Himno, blg. 21).

  • Anong mga alituntunin ang matututuhan natin mula sa sagot ni Propetang Joseph Smith sa liham ni William W. Phelps? (Maaaring matukoy ng mga estudyante ang ilang alituntunin, kabilang ang mga sumusunod: Maaari nating piliing patawarin ang iba kahit na tayo at ang ibang mahal natin ay lubhang nasaktan ng kanilang mga kilos. Kapag pinipili nating patawarin ang iba, ipinaaabot natin ang pagmamahal at awa sa kanila. Isulat sa pisara ang mga alituntuning ito.)

  • Sa anong mga paraan na kayo o ang kakilala ninyo ay pinagpala sa pagpiling patawarin ang ibang tao?

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang tao na maaaring kailangan nilang patawarin. Hikayatin silang sundin ang halimbawa ni Joseph Smith sa pagpiling patawarin ang mga taong iyon.

Itinuturo ni Propetang Joseph Smith ang doktrina ng binyag para sa mga patay

Ipaliwanag na habang ang mga Banal ay lumilipat sa lugar ng Nauvoo, nakipagtulungan sila sa pamahalaan ng Illinois upang magkaroon ng proteksyon para sa kanilang komunidad. Nagkaroon sila ng tagumpay noong 1840, nang ipinasa ng lehislatura ng Illinois ang batas na nagbubuo ng lunsod ng Nauvoo. Ang batas na ito ay nagbibigay ng pahinutlot sa paglikha ng isang pamahalaang panlunsod at ipinasa ang ilang batas na nilayong protektahan ang mga mamamayan. Bukod sa pagtulong sa pagtatatag at pagtatayo ng Nauvoo, noong panahong ito ang Propeta ay patuloy na nagtuturo sa mga Banal ng mga katotohanan tungkol sa kaligtasan. Noong Agosto 15, 1840, sa libing ng miyembro ng Simbahan na si Seymour Brunson, itinuro ng Propeta sa publiko sa unang pagkakataon ang doktrina ng binyag para sa mga patay.

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbabasa nang malakas ng sumusunod na tala. Sabihin sa klase na pakinggan kung ano ang itinuro ni Propetang Joseph Smith tungkol sa doktrina ng binyag para sa mga patay at kung paano tumugon ang mga Banal. (Ang sumusunod na mga salaysay ay hango sa Susan Easton Black, “A Voice of Gladness,” Ensign, Peb. 2004, 34–39.)

Tala 1.

“Ayon kay Simon Baker, na naroon [sa libing ni Seymour Brunson], nagsimula ang Propeta sa pagpapatotoo na ang ‘ebanghelyo ni Jesucristo ang naghatid ng mabuting balita ng malaking kagalakan.’ Binasa niya ang halos lahat ng I Mga Taga Corinto 15 at ipinaliwanag na ‘ang Apostol ay nakikipag-usap sa mga taong nakauunawa sa binyag para sa mga patay, sapagkat ginagawa nila ito.’ [Simon Baker, sa Journal History of The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, Aug. 15, 1840]” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 473).

“Napansin niya na ang mga salita ni Pablo ay katibayan na ang nabubuhay na tao ay maaaring binyagan alang-alang sa isang namatay na tao, pinapalawak ang mga benepisyo ng binyag para sa mga patay sa katawan ngunit patuloy na nabubuhay ang espiritu.

“Sinabi ni Joseph na ang plano ng kaligtasan ng Diyos ay dinisenyo upang sagipin ang lahat ng mga taong handang sumunod sa batas ng Diyos, kabilang na ang maraming tao na namatay na hindi nalalaman ang tungkol kay Jesucristo o ang Kanyang mga turo.” (Mga Banal: Tomo 1, 480–81).

Tala 2. Isinulat ni Wilford Woodruff:

Wilford Woodruff

“Si Joseph Smith mismo …ay nagtungo sa Ilog Mississippi isang Linggo ng gabi pagkatapos ng pulong, at bininyagan ang isandaan. Nagbinyag ako ng isandaan pa. Ang sumunod na lalaki, ilang baras mula sa akin, ay nagbinyag ng isandaan pa. Nakaikot kami pataas at pababa sa Mississippi, nagbibinyag para sa ating mga patay” (Wilford Woodruff, “Discourse,” Deseret Weekly, Ab. 25, 1891, 554).

“Bakit natin ginagawa ito? Dahil sa damdamin ng kagalakan na taglay natin, kung tutuusin ay tayong nasa laman ay maaaring tumayo at tubusin ang ating mga patay” (“Discourse by President Wilford Woodruff,” Millennial Star, Mayo 1894, 324).

Tala 3. Matapos marinig ang mensahe ng Propeta sa mga Banal noong Oktubre 1840, sumulat si Vilate Kimball sa kanyang asawa, si Heber, na naglilingkod sa misyon sa England:

Vilate Kimball

“Binuksan ni Pangulong Smith ang isang bago at napakagandang paksa nitong huli na naging sanhi ng muling pagkabuhay sa Simbahan. … Sinabi niya na pribilehiyo ng [mga miyembro ng] Simbahang ito na mabinyagan para sa lahat ng kanilang ninuno na pumanaw na bago pa dumating ang Ebanghelyong ito. … Sa paggawa nito, tayo ang kumakatawan sa kanila, at binibigyan natin sila ng pribilehiyong bumangon sa unang pagkabuhay na mag-uli. Sinabi niya na ipapangaral sa kanila ang Ebanghelyo sa bilangguan [ng mga espiritu]. … Mula nang ang orden na ito ay ipinangaral dito, ang mga tubig ay patuloy na naguguluhan. Sa kumperensya kung minsan ay may mula walo hanggang sampung elder na magkakasabay sa ilog na nagbibinyag” (Vilate Kimball, sa Janiece Johnson and Jennifer Reeder, The Witness of Women [2016], 181).

Tala 4. Matapos marinig ang tungkol sa doktrina ng binyag para sa mga patay, maraming Banal ang nagpadala ng mga liham sa mga kaanak na naghahanap ng mga pangalan ng mga namatay na kapamilya. Halimbawa, isinulat ni Jonah Ball ang sumusunod sa isang kamag-anak:

“Gusto kong padalhan mo ako ng listahan ng mga kaanak ni ama, ang kanyang mga magulang at Mga Tiyuhin at kanilang mga pangalan, gayon din ang kay Ina. … Ako ay determinadong gawin ang lahat ng makakaya ko upang tubusin ang yaong ako ay pinayagan” (Jonah R. Ball letters to Harvey Howard, Shutesbury, Massachusetts, 1842–43, Church History Library, Salt Lake City).

Isinulat ni Sally Randall:

“Isulat ninyo sa akin ang mga pangalan ng lahat ng ating mga kamag-anakan na nangamatay na hanggang sa mga lolo’t lola natin. Nais kong gawin ang magagawa ko para mailigtas ang mga kaibigan ko” (Sally Randall letters, 1843–1852, Church History Library, Salt Lake City).

  • Anong mga aral ang matututuhan natin mula sa mga salaysay na ito? (Habang sumasagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang mga katotohanan na natutuhan nila. Kung kinakailangan, tulungan silang matukoy ang katotohanang tulad ng sumusunod: Matutulungan nating tubusin ang ating mga ninuno na namatay nang walang ebanghelyo sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga binyag para sa mga patay.)

  • Bakit ang doktrinang ito ay napakahalaga para sa mga Banal sa mga Huling Araw noong panahong iyon?

  • Sa anong mga paraan kayo pinagpapala nang tulungan ninyo ang inyong mga yumaong ninuno na mabinyagan at tumanggap ng iba pang nakapagliligtas na mga ordenansa?

Rebyuhin ang mga katotohanang isinulat mo sa pisara sa buong lesson, at ibahagi ang iyong patotoo sa kanila. Sabihin sa kanila na isiping mabuti kung paano nila mas maipamumuhay ang mga katotohanang ito.

Sabihin sa mga estudyante na maghanda para sa susunod na klase sa pagbabasa ng kabanata 36 ng Mga Banal: Tomo 1.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Nangaral Si Propetang Joseph Smith sa Philadelphia, Pennsylvania

Habang si Joseph Smith ay nasa silangang Estados Unidos upang humingi ng bayad-pinsala sa mga opisyal ng pamahalaan, ipinangaral din niya ang ebanghelyo. Pinatotohanan ni Elder Parley P. Pratt ang isang sermon na ibinigay ni Propetang Joseph Smith sa Philadelphia:

Parley P. Pratt

“Habang bumibisita kasama si kapatid na Joseph sa Philadelphia, isang napakalaking simbahan ang binuksan upang makapangaral siya, at mga tatlong libong katao ang nagtipon para makinig sa kanya. Unang nagsalita si Brother Rigdon, at tinalakay ang Ebanghelyo, na ipinaliliwanag ang kanyang doktrina sa pamamagitan ng Biblia. Nang matapos siya, tumindig si Brother Joseph na parang leong handang umungol; at dahil puspos ng Espiritu Santo, makapangyarihan siyang nagsalita, na pinatototohanan ang mga pangitaing kanyang nakita, ang paglilingkod ng mga anghel na naranasan niya; at kung paano niya natagpuan ang mga lamina ng Aklat ni Mormon, at isinalin ang mga ito sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos. Nagsimula siya sa pagsasabing: ‘Kung wala nang ibang maglalakas-loob na magpatotoo sa maluwalhating mensahe mula sa Langit, at sa pagkatagpo sa maluwalhating talaan, naisip kong ako na lamang ang gagawa nito para sa mga tao, at bahala na ang Diyos kung tatanggapin ninyo ito.’

“Namangha ang buong kongregasyon; nag-alab ang mga damdamin, at napuspos sa nadamang katotohanan at kapangyarihan ng kanyang pananalita, at sa mga hiwagang kanyang isinalaysay. Hindi nila malimutan ang kanilang naranasan; maraming kaluluwa ang natipon sa kawan. At pinatototohanan ko, na siya, sa kanyang tapat at malakas na patotoo, ay nalinis ang kanyang kasuotan sa kanilang dugo. Maraming nabinyagan sa Philadelphia at sa mga rehiyon sa paligid nito; samantalang, kasabay nito, ang mga branch ay sumisibol sa Pennsylvania, sa Jersey, at sa iba’t ibang direksyon” (Autobiography of Parley P. Pratt, pat. Parley P. Pratt Jr. [1938], 298–99).

Pagpapatawad sa iba

Ang ating pagpapatawad sa iba ay hindi nag-aalis sa kanila ng ibubunga ng kanilang mga kilos (tingnan sa D at T 64:12–14). Itinuro ni Elder David E. Sorensen (1933–2014) ng Panguluhan ng Pitumpu:

David E. Sorensen

“Nais kong liwanagin na ang pagpapatawad sa mga kasalanan ay hindi dapat ipagkamaling pagpapaubaya sa kasamaan. Sa katunayan, sa Pagsasalin ni Joseph Smith, sinabi ng Panginoon, ‘Humatol nang makatarungan’ [Pagsasalin ni Joseph Smith, Mateo 7:2]. Iniutos sa atin ng Tagapagligtas na talikuran at labanan ang lahat ng anyo ng kasamaan, at kahit dapat nating patawarin ang taong nanakit sa atin, magsikap pa rin tayong huwag nang maulit ang pananakit na iyon. Ang isang babaeng inabuso ay hindi dapat maghiganti, ngunit dapat din siyang gumawa ng mga hakbang para hadlangan ang susunod pang pang-aabuso. Ang isang negosyanteng dinaya sa isang transaksyon ay hindi dapat kamuhian ang taong hindi naging matapat, ngunit makagagawa siya ng mga tamang hakbang para lunasan ang pagkakamali. Sa pagpapatawad ay hindi natin kailangang tanggapin o pagbigyan ang kasamaan. Hindi natin kailangang balewalain ang pagkakamaling nakikita natin sa ating paligid o sa sarili nating buhay. Ngunit habang nilalabanan ang kasalanan, hindi natin dapat hayaan ang poot o galit na kontrolin ang ating isipan o kilos” (David E. Sorensen, “Forgiveness Will Change Bitterness to Love,” Ensign or Liahona, Mayo 2003, 12).

handout na William W. Phelps: “Ako ay tulad ng Alibughang Anak”