Institute
Lesson 25: Ipinagkaloob ni Joseph Smith ang Mga Susi ng Kaharian sa mga Miyembro ng Labindalawa at Inihayag ang King Follett Discourse


“Lesson 25: Ipinagkaloob ni Joseph Smith ang Mga Susi ng Kaharian sa mga Miyembro ng Labindalawa at Inihayag ang King Follett Discourse,” Materyal para sa Titser ng Kasaysayan ng mga Banal sa mga Huling Araw: 1815–1846 (2018)

“Lesson 25,” Materyal para sa Titser ng Kasaysayan ng mga Banal sa mga Huling Araw: 1815–1846

Lesson 25

Ipinagkaloob ni Joseph Smith ang Mga Susi ng Kaharian sa mga Miyembro ng Labindalawa at Inihayag ang King Follett Discourse

Pambungad at Timeline

Noong Enero 1844, ipinahayag ni Joseph Smith ang kanyang kandidatura sa pagkapangulo ng Estados Unidos. Noong Marso 1844, binuo ni Joseph ang Konseho ng Limampu, isang organisasyong nilikha upang makatulong sa “pagtatatag ng kaharian ng Panginoon sa mundo” (Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846 [2018], 592). Madalas magkita ang konseho upang pamahalaan ang kampanya ng Propeta sa pagkapangulo at sa paghahanap ng iba pang posibleng titirhang lugar para sa mga Banal. Noon ding tagsibol ng 1844, nakipagkita si Joseph sa siyam sa Labindalawang Apostol at ibinuklod, o iginawad, sa kanilang lahat ang mga susi ng priesthood na kinakailangan upang ipagpatuloy ang gawain ng Panginoon. Sa huling talumpati ng propeta sa pangkalahatang kumperensya, na kilala bilang King Follett Discourse, itinuro niya ang tungkol sa potensyal ng sangkatauhan na maging katulad ng Diyos.

Enero 29, 1844Idineklara ni Joseph Smith ang kanyang kandidatura para sa pagkapangulo ng Estados Unidos ng Amerika.

Marso 11, 1844Inorganisa ni Joseph Smith ang Konseho ng Limampu.

Tagsibol 1844Ipinagkaloob ni Joseph Smith ang mga susi ng kaharian ng Diyos sa mga miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol.

Abril 7, 1844Inihayag ni Joseph Smith ang King Follett Discourse.

Mga Babasahin ng mga Estudyante

Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846 (2018), kabanata 42-43

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Naging kandidato sa pagkapangulo ng Estados Unidos si Joseph Smith

Larawan
polyeto para sa pagtakbo ni Joseph Smith bilang pangulo

Idispley ang kalakip na larawan, at ipaliwanag na ang larawang ito ay isang polyeto na inilathala sa isang pahayagan ng Simbahan sa New York noong 1844 upang magpakita ng suporta sa pagkandidato ni Joseph Smith sa pagkapangulo ng Estados Unidos ng Amerika.

  • Batay sa nabasa ninyo sa Mga Banal: Tomo 1, ano ang ilang mahahalagang pangyayari na nagbunsod sa desisyon ni Joseph Smith na tumakbo bilang pangulo ng Estados Unidos?

Kung kinakailangan, ipaalala sa mga estudyante na noong Nobyembre at Disyembre 1839, nakipagkita sina Joseph Smith at Elias Higbee sa mga lider ng pamahalaan ng Estados Unidos, kabilang na si Pangulong Martin Van Buren, upang humingi ng bayad-pinsala sa mga pang-aabuso at pagkalugi na naranasan ng mga Banal sa Missouri. Sinabi sa kanila ng pangulo, “Wala akong magagawa para sa inyo, mga ginoo. Kung ako ay kakampi sa inyo, lalabanan ko ang buong estado ng Missouri, at ang estadong iyon ay lalaban sa akin sa susunod na halalan” (sa The Joseph Smith Papers, Documents, Volume 7: September 1839–January 1841, pat. Matthew C. Godfrey at iba pa [2018], 260). Noong Nobyembre 1843, isang taon bago ang susunod na halalan sa pagkapangulo, sumulat si Joseph Smith sa limang kandidato sa pagkapangulo, “umaasang malaman kung susuportahan nila ang mga pagsisikap ng mga Banal na mabawi ang mga nawala sa kanila sa Missouri” (Mga Banal: Tomo 1, 586). Sumagot sa sulat ang tatlong kandidato, ngunit walang nangako na tutulungan ang mga Banal.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Propetang Joseph Smith (1805–44). Sabihin sa klase na pakinggan kung ano ang sinabi ni Joseph Smith tungkol sa kanyang desisyon na maging isa sa mga kandidato sa pagkapangulo.

Larawan
Joseph Smith

“Hindi ko sana pahihintulutan ang mga kaibigan ko na gamitin ang pangalan ko bilang pangulo ng Estados Unidos o kandidato para sa katungkulang iyon kung ako at ang aking mga kaibigan ay nagkaroon ng pribilehiyong matamasa ang aming karapatang panrelihiyon at panlipunan bilang [mga] mamamayan ng Amerika, maging ang mga karapatang iyon na binigyang-garantiya ng Konstitusyon sa lahat ng mga mamamayan nito. Ngunit kami bilang mga mamamayan ay pinagkaitan ng mga ito mula sa simula. Ang pag-uusig ay gumugulo sa aming mga isip sa tuwi-tuwina mula sa ilang bahagi ng Estados Unidos na tila mga dagundong ng kulog dahil sa aming relihiyon, at walang bahagi ng pamahalaan ang lumapit para sa aming kapahingahan, at sa ilalim ng mga bagay na ito ay nadarama ko na ito ay aking karapatan at pribilehiyo upang makakuha ng anumang impluwensya at kapangyarihan sa ilalim ng batas ng Estados Unidos para sa proteksyon ng sugatang kawalang-malay” (sa The Words of Joseph Smith, tinip. at pat. Andrew F. Ehat and Lyndon W. Cook [1991], 320; iniayon ang pagbabaybay, paggamit ng malalaking titik, at pagbabantas sa pamantayan; tingnan din sa Manuscript History of the Church, vol. E-1, p. 1886, josephsmithpapers.org).

  • Paano makatutulong ang pahayag na ito sa atin upang mas maunawaan ang mga dahilan ni Joseph Smith sa pagiging isang kandidato sa pagkapangulo?

Ipaliwanag na ginagamit ngayon ng Simbahan ang mga katagang kalayaan sa relihiyon o pangrelihiyong kalayaan para tukuyin ang “karapatang ‘gamitin’ o ipamuhay ang relihiyon [ng isang tao] nang walang pakikialam ng pamahalaan o ng iba, maliban kung kinakailangan upang pangalagaan ang kalusugan at kaligtasan” (“What do we mean when we talk about religious freedom?” Answers to Common Questions, religiousfreedom.ChurchofJesusChrist.org). Tinatayang anim na buwan bago hinirang si Joseph Smith bilang isang kandidato, nagbigay siya ng talumpati sa Nauvoo na nagsasaad ng kanyang mga saloobin ukol sa kalayaan sa relihiyon. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Propetang Joseph Smith mula sa talumpating iyon.

Larawan
Joseph Smith

“Kung naipamalas na na handa akong mamatay para sa isang ‘Mormon,’ matapang kong ipinahahayag sa harap ng Langit na handa rin akong mamatay sa pagtatanggol sa mga karapatan ng isang Presbyterian, Baptist, o isang mabuting tao ng ibang relihiyon; sapagkat ang mga alituntuning yuyurak sa mga karapatan ng mga Banal sa mga Huling Araw ay yuyurak sa mga karapatan ng mga Romano Katoliko, o ng iba pang relihiyon na maaaring hindi popular at napakahina upang ipagtanggol ang kanilang sarili.

“Pagmamahal sa kalayaan ang nagbibigay-inspirasyon sa aking kaluluwa—kalayaan ng tao at relihiyon sa buong sansinukob” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 404).

  • Ano ang pinakanapansin ninyo sa mga talatang ito?

  • Anong alituntunin ang matututuhan natin mula sa halimbawa at mga turo ng Propeta tungkol sa kalayaan sa relihiyon? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat ang sumusunod na alituntunin sa pisara: Ang pagmamahal sa kalayaan ay makahihikayat sa atin upang tulungang maprotektahan ang mga kalayaang panlipunan at panrelihiyon ng lahat ng tao.)

  • Sa iyong palagay, bakit mahalaga para sa atin na tumulong na maprotektahan ang mga sibil at panrelihiyong kalayaan ng lahat ng tao?

Ipaliwanag na noong Marso 11, 1844, inorganisa ni Joseph Smith ang isang grupo ng mga lalaki para tumulong sa pangangasiwa ng pagtatayo ng kaharian ng Diyos sa lupa at sa pangangalaga ng mga Banal at kanilang kalayaan sa relihiyon. Nakilala ang pangkat na ito bilang Konseho ng Limampu. Madalas silang magtipon noong tagsibol na iyon upang makatulong sa pamamahala ng kampanya ng Propeta sa pagkapangulo at talakayin ang mga pagsisikap na makahanap ng ibang lugar kung saan ang mga Banal ay maaaring manirahan at sumamba nang walang pag-uusig mula sa iba. Noong Abril 1844, tinawag ang mga missionary, kabilang na ang mga miyembro ng Korum ng Labindalawa, upang ipangaral ang ebanghelyo at bumuo ng suporta sa kandidatura sa pagkapangulo ni Joseph Smith sa buong Estados Unidos. Bago sila umalis sa kanilang misyon, madalas makipagpulong ang mga Apostol sa Propeta.

Ipinagkaloob ni Propetang Joseph Smith ang mga susi ng kaharian sa mga miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol

Larawan
Nagtuturo si Joseph Smith sa mga miyembro ng Labindalawa

Idispley ang kalakip na larawan ni Joseph Smith na nakikipagpulong sa mga miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol sa Nauvoo. Ipaliwanag na noong tagsibol ng 1844, nakipagkita sa siyam na miyembro ng korum ang Propeta at binigyan sila ng isang espesyal na tungkulin. (Ang tatlong Apostol na wala roon ay posibleng hindi gaanong tapat sa panahong iyon; bawat isa ay tumalikod sa loob ng ilang taon.) (Tingnan sa Alexander L. Baugh and Richard Neitzel Holzapfel, “‘I Roll the Burthen and Responsibility of Leading This Church Off from My Shoulders on to Yours’: The 1844/1845 Declaration of the Quorum of the Twelve Regarding Apostolic Succession,” BYU Studies, tomo 49, blg. 3 [2010], 13–14.)

Hatiin ang klase sa maliliit na grupo, at bigyan ang bawat estudyante ng kopya ng kasamang handout, “Inatasan ni Joseph Smith ang Korum ng Labindalawang Apostol na Ipagpatuloy ang Gawain ng Kaharian.” Sabihin sa mga estudyante na magkakasamang basahin ang handout at talakayin ang kanilang mga sagot sa mga tanong sa handout.

Inatasan ni Joseph Smith ang Korum ng Labindalawang Apostol na Ipagpatuloy ang Gawain ng Kaharian

Itinala ni Pangulong Wilford Woodruff (1807–98) ang sumusunod na salaysay na naglalarawan sa isang pulong na idinaos ni Propetang Joseph Smith kasama ang mga Apostol noong tagsibol ng 1844:

Larawan
Wilford Woodruff

“Si Joseph Smith, ang Propeta ng Diyos, ay tinawag ang Labindalawang Apostol … at namalagi sa piling namin nang maraming araw sa pagbibigay sa amin ng aming mga endowment, at pagtuturo sa amin ng mga maluwalhating alituntunin na inihayag sa kanya ng Diyos. At minsan pa nga ay tumayo siya sa aming harapan sa loob ng halos tatlong oras, na ipinapahayag sa amin ang dakila at huling dispensasyon na isinagawa ng kamay ng Diyos sa lupa sa mga huling araw na ito. Napuspos ang silid ng tila apoy na nakatutupok; ang Propeta ay nabalutan ng kapangyarihan ng Diyos, at ang kanyang mukha ay nagliwanag at naging napakalinaw, at tinapos niya ang pagsasalitang iyon, at hindi na iyon kailanman malilimutan sa panahon o sa kawalang hanggan, gamit ang sumusunod na pananalita:

“‘Mga kapatid, labis na nalungkot ang puso ko sa takot na baka kunin na ako na taglay ko pa ang mga susi ng kaharian ng Diyos, nang hindi ko naibubuklod ang mga ito sa uluhan ng ibang kalalakihan. Ibinuklod ng Diyos sa aking uluhan ang lahat ng susi ng kaharian ng Diyos na kailangan para sa pagtatatag at pagtatayo ng Simbahan, ng Sion, at ng kaharian ng Diyos sa lupa, at para maihanda ang mga Banal sa pagparito ng Anak ng Tao. Ngayon, mga kapatid, nagpapasalamat ako sa Diyos na nabuhay ako para makita ang araw na nagawa kong maibigay sa inyo ang inyong mga endowment, at naibuklod ko sa inyong uluhan ang lahat ng kapangyarihan ng Aaronic at Melchizedek Priesthood at pagkaapostol, kasama ang lahat ng mga susi at kapangyarihan nito, na ibinuklod sa akin ng Diyos, at ngayon isinasalin ko na sa inyong balikat ang lahat ng paggawa, pasanin at alalahaning nauukol sa Simbahan at kahariang ito ng Diyos, at inuutusan ko kayo ngayon sa pangalan ng Panginoong Jesucristo na inyong pasanin at isulong ang Simbahan at kahariang ito ng Diyos sa langit at sa lupa, at sa harap ng Diyos, ng mga anghel at ng mga tao’” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Wilford Woodruff [2004], 22).

  • Ano ang pinakanapansin ninyo sa talang ito?

  • Bakit mahalaga para sa mga Apostol na taglayin ang mga susi ng kaharian ng Diyos?

Larawan
Handout: Inatasan ni Joseph Smith ang Korum ng Labindalawang Apostol na Ipagpatuloy ang Gawain ng Kaharian

Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na ibuod ang mga katotohanan na matututuhan natin mula sa salaysay ni Pangulong Woodruff. Maaaring matukoy ng mga estudyante ang ilang katotohanan, kabilang ang sumusunod: Ipinagkaloob ni Propetang Joseph Smith ang mga susi ng kaharian ng Diyos sa mga miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol.

  • Bakit kaya nadama ni Propetang Joseph Smith ang matinding pangangailangang ipagkaloob na ang mga susi ng kaharian ng Diyos sa mga Apostol? (Ang mga susi ay kailangan upang pangasiwaan ang gawain ng Diyos sa lupa, at si Joseph ay nag-aalala na ang mga susi ay mawawala kung siya ay papanaw nang hindi ipinagkakaloob ang mga ito sa iba.)

  • Ano ang epekto ng pangyayaring ito sa Simbahan ngayon? (Kung kinakailangan, tulungan ang mga estudyante na maunawaan na ang mga susing ito ay ginagamit ngayon ng mga miyembro ng Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol sa ilalim ng pamamahala ng Pangulo ng Simbahan upang pamunuan at pangasiwaan ang Simbahan at bigyang-karapatan ang pagsasagawa ng mga ordenansa ng priesthood na kailangan para sa ating kaligtasan at kadakilaan.)

Ipaliwanag na noong 1844 ay humarap si Joseph Smith sa tumitinding oposisyon—kabilang na ang mula sa ilang miyembro ng Simbahan.

  • Batay sa nabasa ninyo sa kabanata 42 ng Mga Banal: Tomo 1, bakit nagsimula si William Law, na tagapayo ni Joseph Smith sa Unang Panguluhan, na salungatin ang Propeta? (Nang hiniling ni William Law na mabuklod sa kanyang asawang si Jane, inihayag ng Panginoon kay Joseph Smith na si William ay hindi maaaring tumanggap ng ordenansa noong panahong iyon dahil siya ay nagkasala ng pangangalunya. Nagalit si William at nagsimulang lihim na makipagkita sa iba pang tumiwalag na nagbalak laban sa buhay ng Propeta. [Tingnan sa Mga Banal: Tomo 1, 583–84.])

  • Anong tulong ang ibinigay ng dalawang kabataang lalaki na nagngangalang Denison Harris at Robert Scott kay Propetang Joseph Smith sa panahong ito? (Dumalo sila sa mga lihim na pulong ni William Law at iniulat ang mga makatutulong na impormasyon sa Propeta [tingnan sa Mga Banal: Volume 1, 595].)

Inihayag ni Joseph Smith ang King Follett Discourse

Ipaliwanag na bagama’t isang maliit na grupo ng mga miyembro ng Simbahan ang sumalungat kay Joseph Smith at sinabing siya ay isang huwad na propeta, karamihan ng mga miyembro ng Simbahan ay patuloy siyang sinang-ayunan. Noong Abril 7, 1844, nagbigay si Joseph Smith ng talumpati sa pangkalahatang kumperensya sa Nauvoo. Sa simula ng kanyang mensahe, tinukoy ng Propeta ang miyembro ng Simbahan na si King Follett, na namatay ilang linggo na ang nakararaan. Dahil dito, ang mensaheng ito ay kadalasang tinutukoy bilang King Follett Discourse.

Idispley ang sumusunod na mga halaw sa mga turo ni Propetang Joseph Smith mula sa King Follett discourse. Anyayahan ang ilang estudyante na magsalitan sa pagbabasa nang malakas ng mga talata. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mga katotohanan na itinuro ni Joseph Smith.

Larawan
Joseph Smith

“Mangilan-ngilan lamang sa mga nilalang sa mundo ang nakauunawa nang wasto sa katangian ng Diyos. Karamihan sa sangkatauhan ay walang nauunawaang anuman, … patungkol sa kanilang kaugnayan sa Diyos. Hindi nila alam, ni hindi nila nauunawaan ang likas na katangian ng kaugnayang iyon. …

“Ang Diyos Mismo ay minsang naging katulad natin, at isang taong dinakila, at nakaupo sa luklukan sa kalangitan! Iyan ang dakilang lihim. Kung mapupunit ngayon ang tabing, at ang dakilang Diyos na namamahala sa pag-inog ng mundong ito, at namamahala sa lahat ng mundo at lahat ng bagay sa pamamagitan ng Kanyang kapangyarihan, ay magpapakita,—sinasabi ko, kung makikita ninyo Siya ngayon, makikita ninyo Siya sa hubog ng tao—katulad ng inyong buong pagkatao, imahe, at anyo mismo ng isang tao; sapagkat si Adan ay nilikha sa mismong ayos, imahe at wangis ng Diyos, at nakatanggap ng tagubilin mula sa, at lumakad, nagsalita at nakipag-usap sa Kanya, tulad ng pag-uusap at pag-uugnayan ng dalawang tao. …

“… Sa pagkakaroon ng kaalaman tungkol sa Diyos, nalalaman natin kung paano lalapit sa Kanya, at paano magtatanong upang makatanggap ng sagot. Kapag nauunawaan natin ang pagkatao ng Diyos, at alam natin kung paano lumapit sa Kanya, sisimulan Niyang ihayag sa atin ang kalangitan, at sasabihin sa atin ang lahat ng tungkol dito. Kapag handa na tayong lumapit sa Kanya, handa Siyang lumapit sa atin. …

“… Narito, samakatwid, ang buhay na walang hanggan—ang makilala ang nag-iisang matalino at tunay na Diyos; at kailangan ninyong matutuhan mismo kung paano maging mga diyos, at maging mga hari at saserdote sa Diyos, … sa pamamagitan ng pag-unlad mula sa isang mababang antas tungo sa mas mataas na antas, at mula sa maliit tungo sa malaking kakayahan; biyaya sa biyaya, kadakilaan sa kadakilaan, hanggang sa abutan ninyo ang pagkabuhay na mag-uli ng mga patay, at makapanahan sa mga walang hanggang kaligayahan [kadakilaang selestiyal], at maluklok sa kaluwalhatian, tulad ng mga yaong naluklok na sa walang katapusang kapangyarihan” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith, [2007], 46–48257).

  • Anong mga katotohanan ang matututuhan natin sa mga turong ito? (Maaaring matukoy ng mga estudyante ang ilang katotohanan, kabilang ang mga sumusunod: Ang Ama sa Langit ay isang taong dinakila na katulad natin sa wangis at anyo. Sa pag-unlad mula sa isang maliit na antas patungo sa susunod, kalaunan ay maaari tayong maging katulad ng Diyos.)

Bigyang-diin na hindi tayo magiging katulad ng Diyos sa pamamagitan ng ating sariling pagsisikap lamang. Sa halip, kailangan nating “lumapit kay Cristo, at maging ganap sa kanya” (Moroni 10:32; tingnan din sa D at T 76:69; Moises 6:57).

  • Sa iyong palagay, bakit mahalaga na malaman na ang ating Ama sa Langit ay isang dinadakila o perpektong tao at katulad natin sa wangis at anyo?

  • Paano maaaring ang pagkakabatid na maaari tayong umusad mula sa isang maliit na antas tungo sa susunod at kalaunan ay maging tulad ng Diyos ay makakaapekto sa mga pagpiling ginagawa natin?

  • Ano ang ilang paraan na ang ebanghelyo ni Jesucristo ay tumutulong sa atin na umusad mula sa isang maliit na antas patungo sa susunod? (Ilista sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante. Maaaring banggitin ng mga estudyante na ang ebanghelyo ni Jesucristo ay ginagawang posible para sa atin na madaig ang ating mga kahinaan at kasalanan kapag tayo ay sumampalataya kay Jesucristo at humihingi ng Kanyang tulong, pinagsisihan ang ating mga kasalanan, at sinusunod ang Kanyang mga kautusan.)

  • Kailan ninyo nadama na ang Ama sa Langit ay tinulungan kang umusad mula sa isang maliit na antas patungo sa isa pa upang maging mas katulad Niya?

Magpatotoo na sa pag-unlad mula sa isang maliit na antas patungo sa iba, kalaunan, ay magiging katulad tayo ng Diyos. Sabihin sa mga estudyante na kumilos ayon sa mga katotohanang tinalakay ninyo sa pamamagitan ng pagpili ng isang paraan na sisikapin nilang maging mas katulad ng Ama sa Langit at isulat ang isang plano na nagbabalangkas ng kung paano nila gagawin iyon.

Sabihin sa mga estudyante na maghanda para sa susunod na klase sa pamamagitan ng pagbabasa ng kabanata 44 ng Mga Banal: Tomo 1.

Larawan
Handout: Inatasan ni Joseph Smith ang Korum ng Labindalawang Apostol na Ipagpatuloy ang Gawain ng Kaharian

Print