Institute
Lesson 8: Ang Lugar para sa Lunsod ng Sion


“Lesson 8: Ang Lugar para sa Lunsod ng Sion,” Materyal para sa Titser ng Kasaysayan ng mga Banal sa mga Huling Araw: 1815–1846 (2018)

“Lesson 8,” Materyal para sa Titser ng Kasaysayan ng mga Banal sa mga Huling Araw: 1815–1846

Lesson 8

Ang Lugar para sa Lunsod ng Sion

Pambungad at Timeline

Sa Aklat ni Mormon at sa pamamagitan ng paghahayag na ibinigay kay Propetang Joseph Smith, ibinahagi ng Panginoon ang mga katotohanan hinggil sa lunsod ng Sion sa mga huling araw. Noong tag-init ng 1831, naglakbay si Joseph Smith at ang iba pang mga Banal mula Ohio patungong Jackson County, Missouri, na itinakda ng Panginoon bilang “tampok na lugar” para sa lunsod ng Sion at templo nito (D at T 57:3). Matapos mailaan ang lupain para sa lunsod ng Sion at ang lugar na pagtatayuan ng templo, sina Joseph Smith, Sidney Rigdon, Oliver Cowdery, at ang ilan sa mga elder ay bumalik sa Ohio samantalang ang iba, tulad ni Bishop Edward Partridge, ay nanatili sa Missouri para tumulong na maitatag ang Sion.

Hunyo–Hulyo 1831Si Joseph Smith at ang iba pang mga Banal ay naglakbay mula Ohio patungong Jackson County, Missouri.

Hulyo 20, 1831Itinalaga ng Panginoon ang Independence, Missouri, bilang tampok na lugar ng Sion kung saan itatayo ang isang templo.

Agosto 2, 1831Inilaan ang lupain ng Sion at itinalaga para sa pagtitipon ng mga Banal.

Agosto 3, 1831Inilaan ang isang lugar na pagtatayuan ng templo sa Independence, Missouri.

Agosto 9, 1831Nilisan ni Joseph Smith at ng iba pa ang Missouri upang bumalik sa Ohio.

Mga Babasahin ng mga Estudyante

Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846 (2018), kabanata 12

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Inihayag ng Panginoon ang mga katotohanan tungkol sa lunsod ng Sion sa mga huling araw

Isulat ang sumusunod na tanong sa pisara: Ano ang Sion?

Anyayahan ang mga estudyante na talakayin ang kanilang mga sagot sa tanong na ito sa mga grupong may dalawa o tatlong miyembro. Pagkatapos ay hilingin sa isa o higit pang mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga sagot sa buong klase. Kung kinakailangan, tulungan ang mga estudyante na maunawaan na ang Sion ay “ang may dalisay na puso” (D at T 97:21). Ang Sion ay tumutukoy rin sa “isang lugar kung saan namumuhay ang mga may dalisay na puso” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Sion,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org).

Hilingin sa isang estudyante na basahin nang malakas ang sumusunod na talata:

Bago pa man itatag ang Simbahan, natanggap ni Propetang Joseph Smith ang ilang paghahayag kung saan inutusan ng Panginoon ang mga indibiduwal na “hangaring ihayag at itatag ang kapakanan ng Sion” (D at T 6:6; 11:6; 12:6; tingnan din sa D at T 14:6). Dahil ang mga propesiya tungkol sa Sion (na tinatawag din bilang Bagong Jerusalem) ay matatagpuan sa Biblia, ang konsepto ng Sion ay hindi na bago sa mga taong ito (tingnan sa Isaias 33:20; 52:1, 8; Apocalipsis 21:1–4). Matapos ilathala ang Aklat ni Mormon, natuklasan ng mga Banal ang mga karagdagang propesiya tungkol sa Sion. Nalaman nila na sama-samang magtitipon ang mabubuti at itatayo ang lunsod ng Sion at ang Panginoon ay mananahan sa kalipunan nila. Nalaman din nila na ang lunsod ng Bagong Jerusalem ay itatayo sa kontinente ng Amerika. (Tingnan sa 3 Nephi 21:20–25; Eter 13:1–11.) Tumanggap si Joseph Smith ng paghahayag noong Setyembre 1830 kung saan ay inutusan ng Panginoon si Oliver Cowdery na “magtungo sa mga Lamanita at mangaral ng aking ebanghelyo sa kanila; at … ipangyari mong maitatag ang aking simbahan sa kanila” (D at T 28:8). Sinabi rin ng Panginoon sa paghahayag na ito na ang lugar para sa lunsod ng Sion ay “sa mga Lamanita” (sa The Joseph Smith Papers, Documents, Volume 1: July 1828–June 1831, mga pat. Michael Hubbard MacKay at iba pa [2013], 186).

Ipaalala sa mga estudyante na noong Pebrero 1831, sina Joseph at Emma Smith ay lumipat mula New York papuntang Kirtland, Ohio. Noong Marso 1831, natanggap ng Propeta ang isa pang paghahayag tungkol sa Sion. Anyayahan ang ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 45:64–71. Hilingin sa klase na alamin kung ano ang natutuhan ng mga Banal tungkol sa lunsod ng Sion.

  • Ano ang tumimo sa inyo sa mga talatang ito?

  • Anong katotohanan ang matututuhan natin mula sa mga talatang ito tungkol sa mga magiging katangian ng lunsod ng Sion? (Ibuod ang mga sagot ng mga estudyante sa pamamagitan ng pagsulat sa pisara ng sumusunod na katotohanan: Ang lunsod ng Sion ay magiging lugar ng kapayapaan at kaligtasan, at ang kaluwalhatian ng Panginoon ay paroroon.)

  • Bakit maaaring nakadagdag ang mga detalyeng ito tungkol sa lunsod ng Sion sa kasabikan at pag-asam ng mga naunang Banal?

Anyayahan ang isang estudyante na basahin nang malakas ang sumusunod na pahayag ni Propetang Joseph Smith (1805–44). Hilingin sa klase na pakinggan kung ano ang itinuro niya tungkol sa pagtatatag ng Sion sa mga huling araw.

Joseph Smith

“Ang pagtatayo ng Sion ay gawain na bumighani sa mga tao ng Diyos sa bawat panahon; ito ay paksang binigyang-diin ng mga propeta, saserdote at hari nang may kakaibang galak; inasam nila nang may galak ang ating panahon; at sa alab ng makalangit at masayang pag-asam sila ay umawit at sumulat at nagpropesiya tungkol sa ating panahon; ngunit namatay sila na hindi ito nasaksihan; tayo ang mga taong hinirang ng Diyos upang isakatuparan ang kaluwalhatian sa mga huling araw; tayo ang sasaksi, makikibahagi at tutulong na maisulong ang kaluwalhatian sa mga Huling Araw.

“Saanmang lugar magtipon ang mga Banal ay Sion, na itatayo ng bawat taong matwid para sa kaligtasan ng kanyang mga anak.

“Sa iba’t ibang lugar ay may itatayong Stake [ng Sion] para sa pagtitipon ng mga Banal. … Doon ay pagpapalain ang inyong mga anak, at kayo sa piling ng inyong mga kaibigan ay pagpapalain din. …

“… Malapit nang dumating ang panahon, na hindi makatatagpo ng kapayapaan ang sinuman maliban sa Sion at sa kanyang mga stake” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 216).

  • Ayon sa pahayag na ito ni Propetang Joseph Smith, saan maaaring matamasa ng mga indibiduwal ang mga pagpapala ng Sion? (Tiyaking nauunawaan ng mga estudyante na ang mga pagpapala ng Sion, kabilang na ang kapayapaan at kaligtasan, ay hindi lamang matatagpuan sa lunsod ng Sion kundi maging sa mga stake ng Sion na itinatag sa buong mundo.)

Ipaliwanag na sa isang kumperensya ng Simbahan na idinaos noong Hunyo 1831, inihayag ng Panginoon ang iba pang impormasyon tungkol sa lunsod ng Sion. Sa paghahayag na ito, na nakatala ngayon sa Doktrina at mga Tipan 52, inutusan ng Panginoon sina Joseph Smith, Sidney Rigdon, Bishop Edward Partridge, at 25 iba pang mga missionary na maglakbay sa Missouri, kung saan gaganapin ang susunod na kumperensya ng Simbahan at ihahayag ang lugar para sa lunsod ng Sion (tingnan sa D at T 52:1–5; tingnan din sa Matthew McBride, “Ezra Booth and Isaac Morley,” sa Revelations in Context, mga pat. Matthew McBride at James Goldberg [2016], 130–31, o history.ChurchofJesusChrist.org). Sa kasunod na mga paghahayag, tatlo pang mga missionary ang tinawag din na maglakbay sa Missouri (tingnan sa D at T 53:5; 55:5–6).

Ang Propetang Joseph Smith at iba pang mga miyembro ng Simbahan ay naglakbay patungong Missouri

Idispley ang mapang “Ilang Mahahalagang Lugar sa Kasaysayan Noong Bago Pa Lang ang Simbahan.”

mapa ng mga lugar sa naunang kasaysayan ng Simbahan

Anyayahan ang mga estudyante na hanapin ang Colesville, New York, at Kirtland, Ohio, sa mapa.

  • Batay sa nabasa ninyo sa kabanata 12 ng Mga Banal: Tomo 1, ano ang nangyari sa mga Banal mula sa Colesville pagkarating nila sa Ohio? (Tumira sila nang maikling panahon sa bukirin ni Leman Copley sa Thompson, Ohio, hanggang sa paalisin sila ni Leman. Inihayag ng Panginoon na kailangang maglakbay ang mga Banal sa Colesville patungo sa lupain ng Sion sa Missouri at manirahan doon.)

Anyayahan ang mga estudyante na hanapin ang Independence, Missouri, sa mapang “Ilang Mahahalagang Lugar sa Kasaysayan Noong Bago Pa Lang ang Simbahan.”

Sabihin sa isang estudyante na basahin nang malakas ang sumusunod na salaysay ni Newel Knight, isa sa mga Banal sa Colesville, hinggil sa kalagayan ng kanyang inang si Polly Knight, sa kanilang paglalakbay patungong Missouri:

“[Kami] ay lumulan sa [isang bapor] … patungo sa Independence. Malubha ang lagay ng kalusugan ng aking ina at matagal nang panahon na ganito siya. Gayunman ayaw niyang pumayag na itigil ang paglalakbay, at ang tangi at pinakananais niya ay ang maitapak ang kanyang mga paa sa lupain ng Sion at ang mailibing ang kanyang katawan sa lupaing iyon. Nagpunta ako sa pampang at bumili ng mga tabla upang gumawa ng isang kabaong kung sakaling pumanaw siya bago kami dumating sa lugar na aming paroroonan, tunay na napakabilis niyang manghina” (Newel Knight, Newel Knight autobiography and journal, circa 1846–1847, Church History Library, Salt Lake City; iniayon ang pagbabaybay, paggamit ng malalaking titik, at pagbabantas sa pamantayan).

  • Ano ang matututuhan natin tungkol sa pananampalataya ni Polly Knight mula sa salaysay na ito?

Hilingin sa mga estudyante na hanapin ang kabanata 12 ng Mga Banal: Tomo 1. Anyayahan ang ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas mula sa pahina 147, simula sa talata na nag-uumpisa sa “Pagkaalis ng mga Banal sa Colesville …” at nagtatapos sa talata sa pahina ring iyon na nagsisimula sa “Ngunit nang dumating sila sa bayan …” Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung paano tumugon ang ilan sa mga Banal nang makarating sila sa Independence, Missouri.

  • Bakit pinanghinaan ng loob ang ilan sa mga Banal nang makarating sila sa Independence, Missouri?

  • Ano kaya ang magiging reaksyon ninyo kung isang malayong nayon na may iilang miyembro ang natagpuan ninyo sa halip na ang inaasahan ninyong isang malaking pamayanan ng mga miyembro?

Itinalaga ng Panginoon ang Independence, Missouri, bilang tampok na lugar o sentro ng Sion

Anyayahan ang isang estudyante na basahin nang malakas ang section heading ng Doktrina at mga Tipan 57 at ang mga talata 1–3. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang mga katanungan ng Propeta tungkol sa Sion at ang tugon ng Panginoon.

  • Ano ang inihayag ng Panginoon tungkol sa Sion?

  • Paano kaya nakatulong ang paghahayag na ito sa mga pinanghinaan ng loob dahil sa natuklasan nila sa Independence?

Edward Partridge

Idispley ang kalakip na larawan ni Bishop Edward Partridge.

Hilingin sa isang estudyante na basahin nang malakas ang sumusunod na talata:

Si Bishop Edward Partridge ay naglakbay patungong Missouri na ipinapalagay na mabilis siyang makababalik sa kanyang pamilya sa Ohio. Gayunman, noong Hulyo 20, tumanggap si Joseph Smith ng paghahayag na nag-uutos kay Bishop Partridge na manatili at manirahan sa Independence upang gampanan ang kanyang tungkulin bilang bishop (tingnan sa D at T 57:7, 14–15). Hindi nagtagal matapos ang paghahayag na ito, nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan sina Edward Partridge at Propetang Joseph Smith tungkol sa lupain na bibilhin para mga Banal sa Missouri. Nadama ni Bishop Partridge na mas mainam ang ibang mga lote sa lupain. Noong Agosto 1, 1831, natanggap ni Propetang Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 58. Sa paghahayag na ito, inutusan ng Panginoon si Edward na magsisi at manatili sa kanyang katungkulan bilang bishop sa Missouri (tingnan sa D at T 58:14–18).

  • Batay sa nabasa ninyo sa kabanata 12 ng Mga Banal: Tomo 1, paano tumugon sa bandang huli si Edward Partridge sa utos ng Panginoon na manirahan siya at ang kanyang pamilya sa Missouri? (Mapanampalatayang sinunod ni Edward Partridge ang utos na ito, bagamat kinailangang gumawa ang kanyang pamilya ng malalaking sakripisyo upang makasama siya sa Missouri.)

Ipaliwanag na sa paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 58, ang Panginoon ay nagbigay ng mga karagdagang tagubilin at pangako sa mga taong tutulong sa pagtatayo ng Sion. Hilingin sa isang estudyante na basahin ang Doktrina at mga Tipan 58:2–4 nang malakas. Anyayahan ang klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang ilan sa mga ipinangako ng Panginoon.

  • Anong mga katotohanan ang matututuhan natin sa mga talatang ito? (Maaaring matukoy ng mga estudyante ang ilang katotohanan, kabilang ang sumusunod: Kung mananatili tayong tapat sa oras ng pagdurusa, darating ang mga pagpapala. Hindi natin mamamasdan sa ating likas na mga mata ang disenyo ng Diyos sa pagdadala ng kaluwalhatian ng Sion. Isulat sa pisara ang mga katotohanang ito.)

  • Sa palagay ninyo, paano nakatulong ang mga katotohanang ito sa mga Banal sa kanilang pagsisikap na itayo ang Sion sa Jackson County, Missouri?

Hatiin ang mga estudyante sa mga pares o maliliit na grupo, at bigyan ang bawat estudyante ng kopya ng kasamang handout na “‘Pagkatapos ng Maraming Kapighatian Darating ang mga Pagpapala’ (D at T 58:4).” Anyayahan ang mga estudyante na basahin nang malakas ang handout at pagkatapos ay talakayin ang kanilang mga sagot sa mga tanong sa dulo ng handout.

“Pagkatapos ng Maraming Kapighatian Darating ang mga Pagpapala” (D at T 58:4)

Ang Colesville Branch, kabilang na si Polly Knight at ang kanyang anak na si Newel, ay dumating sa Jackson County, Missouri, noong panahon na makalalahok sila sa paglalaan ng lupain ng Sion para sa pagtitipon ng mga Banal. Naalala ni Newel Knight:

“Sa ikalawang araw ng Agosto, si Brother Joseph Smith Jr., ang Propeta ng Diyos, ay tumulong sa Colesville Branch upang ilagay ang unang troso bilang pundasyon ng Sion … sa Kaw Township, na labindalawang milya sa kanluran ng Independence. Binuhat ng labindalawang kalalakihan ang troso, bilang parangal sa labindalawang lipi ng Israel. Kasabay nito, sa pamamagitan ng panalangin, inilaan ni Elder Sidney Rigdon ang lupain ng Sion at itinalaga ito para sa pagtitipon ng mga Banal. Ito ay tunay na panahon ng kagalakan at kasiyahan sa lahat ng Banal [na] nakasaksi nito. …

“Sa ikatlong araw ng Agosto, inilaan ang pagtatayuan ng templo na nasa bandang kanluran ng … Independence” (Newel Knight autobiography at journal, circa 1846–1847, Church History Library, Salt Lake City; iniayon ang pagbabaybay, paggamit ng malalaking titik, at pagbabantas sa pamantayan).

Ang mga elder na dumalo sa paglalaan ang may iba’t ibang reaksyon sa pangyayari:

“Ang ilang elder, tulad nina Reynolds Cahoon, ay nakakita ng masasayang posibilidad sa mga makahulugang simulaing ito. ‘Nakita ng aking mortal na mga mata ang dakila at kamangha-manghang mga bagay,’ isinulat niya, ‘tulad ng mga bagay na hindi ko inakalang makikita ko sa daigdig na ito.’ Subalit si Ezra Booth ay hindi humanga sa maliit na pagsisimula. Ito ay ‘kakaibang bagay,’ sabi niya, ‘ngunit hindi sulit para sa pagpunta sa Missouri’” (Matthew McBride, “Ezra Booth and Isaac Morley,” sa Revelations in Context, mga pat. Matthew McBride at James Goldberg [2016], 132–33, o history.ChurchofJesusChrist.org).

Noong Agosto 7, apat na araw matapos ilaan ang lugar para sa templo, pumanaw si Polly Knight. Inilarawan ng kanyang anak na si Newel ang mga naganap sa kanyang kamatayan:

“Tahimik siyang nakatulog, sa pagpanaw ay nagagalak sa bago at walang hanggang tipan ng ebanghelyo at pinupuri ang Diyos na nabuhay siya para makita ang lupain ng Sion at ang kanyang katawan ay mapayapang mamamahinga, matapos pagdusahan ang pang-uusig ng masasama” (Newel Knight autobiography at journal, circa 1846–1847, Church History Library, Salt Lake City; iniayon ang pagbabaybay, paggamit ng malalaking titik, at pagbabantas sa pamantayan).

  • Sa palagay ninyo, bakit kaya ibang-iba ang nadama ni Polly Knight sa paglalaan ng lupain ng Sion sa nadama ni Ezra Booth?

  • Anong mga pagpapala ang dumating kay Polly Knight dahil nanatili siyang tapat sa panahon ng kapighatian? (Tingnan sa D at T 59:1–2, na inihayag ng Panginoon sa araw ng libing ni Polly.)

  • Anong karanasan ang nakatulong sa inyo na malaman na pagpapalain ng Panginoon ang mga taong nananatiling tapat sa oras ng kapighatian?

handout ng “Pagkatapos ng Maraming Kapighatian Darating ang mga Pagpapala” (D at T 58:4)
Ilog Missouri

Matapos ang sapat na oras para makumpleto ng mga estudyante ang aktibidad gamit ang handout, idispley ang larawan na kasama nito. Ipaliwanag na ito ay isang larawan ng Ilog Missouri at nagkampo si Propetang Joseph Smith at ang iba pa sa mga pampang ng ilog na ito sa isang lugar na tinatawag na McIlwaine’s Bend habang naglalakbay pabalik sa Ohio noong Agosto 1831.

  • Batay sa nabasa ninyo sa kabanata 12 ng Mga Banal: Tomo 1, ano ang mga hamong naranasan nina Joseph Smith, Oliver Cowdery, Sidney Rigdon, at ng iba pang mga elder sa kanilang paglalakbay pabalik sa Ohio? (Ilang bangka ang halos tumaob dahil sa malakas na agos at nakalubog sa tubig na mga puno sa Ilog Missouri.)

  • Paano tumugon si Ezra Booth at ang ilan sa iba pang mga elder sa mga hamong ito? (Pinuna nila noong una ang kanilang mga lider. Kalaunan, humimpil sila sa mga pampang ng ilog, ang karamihan sa mga lalaki ay nakipagkasundo sa pamamagitan ng talakayan at paghingi ng tawad, ngunit si Ezra Booth ay nanatiling mapamintas kay Joseph Smith at sa iba pa.)

Maaari mong tapusin ang lesson sa pamamagitan ng pagrerebyu sa mga katotohanang tinalakay sa lesson na ito. Magpatotoo na bilang mga miyembro ng Simbahan ng Panginoon ngayon, mayroon tayong pagkakataon at responsibilidad na itatag ang Sion saanman tayo nakatira at pagpapalain tayo ng Panginoon kapag nanatili tayong matapat sa kapighatian. Anyayahan ang mga estudyante na kumilos ayon sa mga katotohanang ito.

Hikayatin ang mga estudyante na maghanda para sa susunod na klase sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga kabanata 13–14 ng Mga Banal: Tomo 1.

handout ng “Pagkatapos ng Maraming Kapighatian Darating ang mga Pagpapala” (D at T 58:4)