Institute
Lesson 23: Ang Wentworth Letter, ang Aklat ni Abraham, at ang Tumitinding Oposisyon sa Illinois


“Lesson 23: Ang Wentworth Letter, ang Aklat ni Abraham, at ang Tumitinding Oposisyon sa Illinois,” Materyal para sa Titser ng Kasaysayan ng mga Banal sa mga Huling Araw: 1815–1846 (2018)

“Lesson 23,” Materyal para sa Titser ng Kasaysayan ng mga Banal sa mga Huling Araw: 1815–1846

Lesson 23

Ang Wentworth Letter, ang Aklat ni Abraham, at ang Tumitinding Oposisyon sa Illinois

Pambungad at Timeline

Bilang tugon sa kahilingan ni John Wentworth, isang patnugot ng pahayagan sa Chicago, pinangasiwaan ni Joseph Smith ang pagsulat ng isang liham na nagbabalangkas sa kasaysayan at mga paniniwala ng Simbahan. Ang mga liham na iyon, na kalaunan ay nakilala bilang Wentworth Letter, ay inilathala noong Marso 1, 1842, sa isyu ng pahayagan ng Simbahan na Times and Seasons. Noong Marso at Mayo 1842, ang pagsasalin ni Joseph Smith ng Aklat ni Abraham ay inilathala rin sa mga isyu ng Times and Seasons. Noong Mayo 1842, si John C. Bennett ay itiniwalag sa Simbahan dahil sa mga pagkakasala ng pangangalunya sa maraming kababaihan. Si John C. Bennett ay gumanti sa Simbahan at sa Propeta sa pamamagitan ng isang serye ng mga nakasulat na pagsalakay, kabilang na ang isang maling paratang na si Joseph Smith ang nagpakana sa tangkang pagpatay sa dating gobernador ng Missouri na si Lilburn W. Boggs. Matapos hilingin ni Lilburn W. Boggs na si Joseph Smith ay pabalikin sa Missouri, napilitan ang Propeta na magtago nang ilang buwan upang maiwasang madakip at dalhin sa Missouri para sa paglilitis. Habang nagtatago, sumulat si Joseph Smith ng dalawang liham sa mga Banal na may kasamang mga karagdagang tagubilin tungkol sa pagbibinyag para sa mga patay (tingnan sa D at T 127–28). Kalaunan ay isinuko ng Propeta ang kanyang sarili sa mga awtoridad at pinakawalan din.

Marso 1842Inilathala ang Wentworth Letter sa Times and Seasons.

Marso at Mayo 1842Inilathala ang Aklat ni Abraham sa Times and Seasons.

Mayo 6, 1842Isang di-kilalang mamamatay-tao ang nagtangkang patayin ang dating gobernador ng Missouri na si Lilburn W. Boggs.

Mayo 11, 1842Si John C. Bennett ay itiniwalag dahil sa pangangalunya.

Agosto–Disyembre 1842Si Joseph Smith ay natago upang maiwasang madakip sa mga maling paratang na may kaugnayan sa tangkang pagpatay kay Lilburn W. Boggs.

Enero 6, 1843Pinakawalan si Joseph Smith sa pagdakip sa kanya.

Mga Babasahin ng mga Estudyante

Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846 (2018), mga kabanata 38–39

Paunawa: Bagama’t ang mga babasahin ng mga estudyante para sa lesson na ito ay mga kabanata 38–39 ng Mga Banal: Tomo 1, kabilang sa lesson na ito ang impormasyon mula sa kabanata 37 ng Mga Banal: Tomo 1.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Inilathala ni Propetang Joseph Smith ang Wentworth Letter

Larawan
John Wentworth

Idispley ang kalakip na larawan, at ipaliwanag na ito ang larawan ni John Wentworth, na siyang patnugot ng pahayagan na Chicago Democrat noong 1842. Hiniling ni John Wentworth na bigyan siya ni Joseph Smith ng balangkas o buod ng kasaysayan at pananampalataya ng mga Banal sa mga Huling Araw (tingnan sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 512–13).

  • Kung hihilingin sa inyo na ibigay ang buod ng kasaysayan at pananampalataya ng mga Banal sa mga Huling Araw, anong mga pangyayari at paniniwala ang inyong isasama? Bakit?

Ipaliwanag na bilang tugon sa kahilingan ni John Wentworth, tumugon si Propetang Joseph Smith sa kalaunang nakilala bilang Wentworth Letter, na inilathala niya noong Marso 1842 sa pahayagan ng Simbahan, ang Times and Seasons.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na dalawang talata. Sabihin sa klase na pakinggan kung ano ang isinama ni Propetang Joseph Smith sa Wentworth Letter.

“Napakahalaga ng Wentworth Letter sa mga Banal sa mga Huling Araw. Ito ang orihinal na salaysay ni Joseph Smith na nagpapatotoo sa kanyang banal na tungkulin mula sa Diyos, ang kanyang mga pangitain, at ministeryo at pagtuturo. Isinasalaysay nito ang pagkakatatag at paglaki ng Simbahan at pang-uusig sa mga Banal. Naglalaman ito ng paghahayag ng propeta sa tagumpay ng Simbahan sa mundo sa hinaharap sa ilalim ng mapagkalingang kamay ng Dakilang Jehova. Naglalaman din ito ng ilang mahahalagang detalye na hindi matatagpuan sa iba pang turo ng Propeta, kabilang ang paglalarawan sa mga laminang ginto at balangkas ng nilalaman ng Aklat ni Mormon. At pinakamahalaga, ito ang kauna-unahang pagkakataon na mismong si Joseph Smith ang naglathala ng salaysay ng kanyang Unang Pangitain.

“Sa pagtatapos nito sa 13 pagpapahayag ng doktrina ng Simbahan na tinatawag ngayon na Mga Saligan ng Pananampalataya, ito ay nagsisilbing malakas na patotoo sa banal na tungkulin ni Propetang Joseph Smith.” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 512–13).

Ipaliwanag na ang Wentworth Letter ay nailathala nang buo sa The Pearl of Great Price Student Manual (2017), na makukuha sa Gospel Library App.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na sipi mula sa Wentworth Letter. Sabihin sa klase na pakinggan kung ano ang propesiya ni Joseph Smith tungkol sa gawain ng Panginoon.

Larawan
Joseph Smith

“Ang Pamantayan ng Katotohanan ay naitayo na; walang kamay na di pinaging banal ang maaaring pumigil sa pagsulong ng gawain; ang mga pag-uusig ay maaaring magngitngit, ang mga mandurumog ay maaaring magkaisa, ang mga hukbo ay maaaring magkatipon, ang kasinungalingan ay maaaring manira, subalit ang katotohanan ng Diyos ay magpapatuloy nang may kagitingan, may pagkamaharlika, at may kalayaan, hanggang sa makapasok ito sa bawat bansa, makadalaw sa bawat klima, makaraan sa bawat lugar, at mapakinggan ng bawat tainga, hanggang sa ang mga layunin ng Diyos ay matupad, at ang Dakilang Jehova ay magsabing ang gawain ay naganap na” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 520).

Isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Walang kamay na di pinaging banal ang makapipigil sa pag-unlad ng gawain ng Diyos.

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “walang kamay na di pinaging banal” ang makapipigil sa pag-unlad ng gawain ng Diyos? (Kung kinakailangan, tulungan ang mga estudyante na maunawaan na ang mga katagang “kamay na di pinaging banal” ay tumutukoy sa mga pagsisikap ng mga taong hindi itinalaga o pinahintulutan ng Diyos.)

  • Anong mga halimbawa mula sa kasaysayan ng Simbahan ang naglalarawan ng katotohanang ito?

  • Anong mga karanasan ang nakatulong sa inyo na malaman na walang kamay na di pinaging banal ang makapipigil sa pag-unlad ng gawain ng Diyos?

Magpatotoo na ang gawain ng kaligtasan ng Diyos—na isinasagawa sa pamamagitan ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw—ay patuloy na susulong hanggang sa ito ay lumaganap sa buong mundo.

Ang pagsasalin ni Propetang Joseph Smith ng Aklat ni Abraham ay inilathala

Larawan
Papyrus mula sa Egipto

Idispley ang kalakip na larawan, at ipaliwanag na ito ay larawan ng bahagi ng papyrus kung saan kinuha ang paksimile 1 sa Aklat ni Abraham. Ipaliwanag na noong 1835, habang ang mga Banal ay nagtitipon sa Kirtland, Ohio, “isang negosyante na nagngangalang Michael Chandler ang dumating sa punong tanggapan ng Simbahan … na may dalang apat na mummy at iba’t ibang mga scroll ng papyrus.” Noong panahong iyon, si Michael Chandler ay “lumilibot kasama ang mga sinaunang artepakto mula sa Ehipto at sinisingil ang mga bisita upang makita ang mga ito.” (“Translation and Historicity of the Book of Abraham,” Gospel Topics, topics.ChurchofJesusChrist.org.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag mula sa kasaysayan ni Joseph Smith:

“Ilan sa mga Banal sa Kirtland, ay binili ang mga Mummy at Papyrus … at ako, kasama si [W. W.] Phelps at [Oliver] Cowdery, bilang mga tagasulat, ay sinimulan … ang pagsasalin ng ilan sa mga titik o mga hiroglipiko, at sa aming lubos na kagalakan ay natagpuan na ang isa sa mga rolyo ay naglalaman ng mga isinulat ni Abraham; ang isa ay mga isinulat ni Jose ng Ehipto” (Manuscript History of the Church, vol. B-1, p. 596, josephsmithpapers.org).

  • Sa palagay ninyo, bakit magiging masaya at nasasabik ang mga Banal nang matuklasan ang mga isinulat na ito?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na dalawang talata:

“Nagtrabaho si Joseph Smith sa pagsasalin ng Aklat ni Abraham noong panahon ng tag-init at taglagas ng 1835, sa kung saan natapos niya ang hindi bababa sa unang kabanata at bahagi ng ikalawang kabanata. Pagkatapos ay nangungusap ang kanyang journal tungkol sa pagsasalin ng mga papyrus noong tagsibol ng 1842, matapos lumipat ang mga Banal sa Nauvoo, Illinois” (“Translation and Historicity of the Book of Abraham,” Gospel Topics, topics.ChurchofJesusChrist.org).

“Sina John Taylor at Wilford Woodruff ay nagsimulang ilathala ang pagsasalin ng propeta sa Aklat ni Abraham sa isyu ng Marso 1842 ng Times and Seasons. Habang binabasa ng mga Banal ang talaan, natuwa silang matuklasan ang mga bagong katotohanan tungkol sa paglikha ng mundo, layunin ng buhay, at walang hanggang tadhana ng mga anak ng Diyos. Nalaman nila na si Abraham ay nagkaroon ng Urim at Tummim at nakausap ang Panginoon nang harapan. Nabasa nila na ang mundo at lahat ng nandito ay inorganisa mula sa mga umiiral na materyal upang isakatuparan ang kadakilaan ng mga espiritung anak ng Ama” (Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846 [2018], 510).

  • Sa paanong paraan nagbigay ang Aklat ni Abraham ng karagdagang katibayan sa tungkulin ni Joseph Smith bilang propeta ng Diyos?

Dumanas sina Joseph Smith at ang mga Banal ng tumitinding oposisyon sa Illinois

Larawan
John C. Bennett

Idispley ang kalakip na larawan, at ipaliwanag na ito ay larawan ni John C. Bennett.

  • Batay sa nabasa ninyo sa kabanata 35 at 38 ng Mga Banal: Tomo 1, ano ang mga posisyon na pinaglingkuran ni John C. Bennett sa Nauvoo? (Siya ay naging alkalde ng Nauvoo at major general ng Nauvoo Legion, isang lokal na milisya. Naglingkod rin siya bilang Katuwang na Pangulo sa Unang Panguluhan.)

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Pangulong James E. Faust (1920–2007) ng Unang Panguluhan. Ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante.

Larawan
James E. Faust

“May mga taong nagsusuot ng balatkayo ng kagandahang-asal at kabutihang panlabas ngunit nabubuhay sa panloloko, naniniwalang … sila ay maaaring mamuhay nang pakunwari at hindi mahuhuli” (James E. Faust, “The Enemy Within,” Ensign, Nov. 2000, 46).

  • Sa paanong paraan ang pahayag na ito ay may kaugnayan sa mga kilos ni John C. Bennett? (Kung kinakailangan, ipaalala sa mga estudyante na palihim na hinikayat ni John ang ilang kababaihan sa Nauvoo at nagsagawa ng pangangalunya kasama nila. Minanipula niya at nagsinungaling sa mga babaeng ito sa pamamagitan ng “[pagtawag] niyang ‘espiritwal na pag-aasawa’ ang gawaing ito … [at] tinitiyak sa kanila na pinayagan ni Joseph [Smith] ang gayong pag-uugali” [Mga Banal: Tomo 1, 522]).

Ipaliwanag na noong Mayo 11, 1842, si John C. Bennett ay itiniwalag dahil sa pangangalunya.

  • Batay sa nabasa ninyo sa mga kabanata 38–39 ng Mga Banal: Tomo 1, ano ang ginawa ni John C. Bennett matapos siyang itiwalag? (Kung kinakailangan, ipaliwanag na nagsimula siyang sumulat ng mga liham sa isang tanyag na pahayagan sa Illinois na inaakusahan ang Propeta ng iba’t ibang mabibigat na krimen at mga kasalanan.)

Larawan
Lilburn W. Boggs

Idispley ang kalakip na larawan ng dating gobernador ng Missouri na si Lilburn Boggs. Ipaliwanag na noong Mayo 1842, nasugatan siya sa tangkang pagpatay sa kanya. Ang mga kaaway ng Propeta, kabilang na si John C. Bennett, ay pinaratangan nang mali si Joseph Smith sa pagpaplano ng pag-atake. Hiniling ni Lilburn Boggs sa kanyang kahalili, ang gobernador ng Missouri na si Thomas Reynolds, na pakiusapan ang mga opisyal ng Illinois na dakpin at pabalikin ang Propeta sa Missouri upang humarap sa paglilitis. Ang mga opisyal ng Illinois ay sumunod sa kahilingan at hinangad na dakpin si Joseph Smith. Naniniwalang nasa panganib ang kanyang buhay, nagtago ang Propeta noong unang bahagi ng Agosto 1842. Noong Agosto 31, pansamantalang lumabas mula sa pagtatago ang Propeta upang samahan ang kanyang asawang si Emma sa isang pagtitipon ng Relief Society.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Propetang Joseph Smith (1805–44). Sabihin sa klase na pakinggan kung ano ang sinabi ng Propeta sa pagtitipon ng Relief Society sa pagsalungat at pag-uusig na kanyang kinakaharap.

Larawan
Joseph Smith

“Matindi ang pagpupumilit ng aking mga kaaway na dalhin ako sa Missouri at patayin ako; ngunit hinadlangan sila ng Panginoon, at hindi pa nila naisagawa ang kanilang layunin. Nagawa ng Diyos na ilayo ako sa kanilang mga kamay. …

“… Nadarama ko sa oras na ito na pinangangalagaan ako ng Makapangyarihang Panginoon hanggang ngayon, at patuloy niya akong pangangalagaan, sa pamamagitan ng sama-samang pananampalataya at panalangin ng mga Banal, hanggang sa ganap kong maisagawa ang aking misyon sa buhay na ito, at matibay nang naitatag ang dispensasyon ng kaganapan ng priesthood sa mga huling araw kung kaya’t lahat ng lupa at impiyerno ay hindi magsisipanaig laban dito” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 610620).

  • Ano ang itinuro ni Propetang Joseph Smith tungkol sa kung bakit hindi matagumpay ang kanyang mga kaaway?

  • Paano inilalarawan ng turo ng Propeta ang katotohanan na walang kamay na di pinaging banal ang makapipigil sa pag-unlad ng gawain ng Diyos?

Ipaliwanag na noong Setyembre 3, 1842, ang Propeta ay nasa bahay nang dalawang armadong lalaki at isang sheriff ng Illinois ay nagtungo sa kanyang tahanan upang dakpin siya at ibalik sa Missouri. Nakatakas nang hindi napapansin ang Propeta at nagtago sa bahay ng kaibigan niyang si Edward Hunter. Habang nagtatago roon, sumulat si Joseph ng dalawang liham na naglalaman ng mga tagubilin tungkol sa pagbibinyag para sa mga patay. Ang mga liham na ito ay nakatala sa Doktrina at mga Tipan 127–28.

Isulat sa pisara ang sumusunod na scripture reference at mga tanong:

Doktrina at mga Tipan 128:19, 22

  • Batid ang mga paghihirap na nararanasan ni Joseph Smith sa panahong ito ng kanyang buhay, anong mga salita o parirala mula sa mga talatang ito ang tumitimo sa inyo?

  • Anong alituntunin ang matutukoy natin mula sa mga talatang ito tungkol sa maaaring mangyari kapag naaalala natin ang maluwalhating layunin ng ebanghelyo?

Igrupo ang mga estudyante na may tigalawa o tigatlong katao. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang magkakasama ang Doktrina at mga Tipan 128:19, 22 at talakayin ang kanilang mga sagot sa mga tanong sa pisara. Pagkaraan ng sapat na oras, anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi sa klase ang kanilang mga sagot. Maaaring matukoy ng mga estudyante ang alituntuning tulad ng sumusunod: Ang pag-alaala sa maluwalhating layunin ng ebanghelyo ay makapagbibigay sa atin ng katapangan upang sumulong nang may pananampalataya sa mga panahon ng paghihirap. Isulat sa pisara ang alituntuning ito.)

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga karanasan sa kanilang buhay kung saan ang pag-alaala sa maluwalhating layunin ng ebanghelyo ay nagbigay sa kanila ng tapang na sumulong nang may pananampalataya sa mga oras ng kagipitan. Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi sa klase ang kanilang mga karanasan.

Isulat sa pisara ang mga sumusunod na tanong, at sabihin sa mga estudyante na isulat ang kanilang mga sagot sa kanilang notebook o study journal:

  • Ano ang inyong gagawin upang mas maalala ang maluwalhating layunin ng ebanghelyo upang matulungan kayong sumulong nang may pananampalataya sa oras ng kagipitan?

Ipaliwanag na alam ni Joseph Smith na hindi niya epektibong mapapamunuan ang Simbahan at mapapangalagaan ang kanyang pamilya habang nananatili siyang nagtatago. Noong Disyembre 1842, sumuko siya at dinala sa Springfield, Illinois, para sa paglilitis. Matapos magbigay ang mga abogado ng kanilang mga argumento, nagdesisyon si Hukom Nathaniel Pope na walang katibayan na si Joseph ay nasa Missouri noong panahon ng tangkang pagpatay kay Gobernador Boggs at dapat pakawalan si Joseph (tingnan sa “Court Ruling, 5 January 1843,” Appendix 1, Document 11, 127–39, josephsmithpapers.org).

Tapusin ang lesson sa pagbabahagi ng iyong patotoo tungkol sa mga katotohanang natukoy sa lesson, at anyayahan ang mga estudyante na kumilos alinsunod sa mga katotohanang ito.

Sabihin sa mga estudyante na maghanda para sa susunod na klase sa pagbabasa ng mga kabanata 40–41 ng Mga Banal: Tomo 1.

Print