Institute
Lesson 5: Panunumbalik ng Priesthood at ang mga Saksi ng Aklat ni Mormon


“Lesson 5: Panunumbalik ng Priesthood at ang mga Saksi ng Aklat ni Mormon,” Materyal para sa Titser ng Kasaysayan ng mga Banal sa mga Huling Araw: 1815–1846 (2018)

“Lesson 5,” Materyal para sa Titser ng Kasaysayan ng mga Banal sa mga Huling Araw: 1815–1846

Lesson 5

Panunumbalik ng Priesthood at ang mga Saksi ng Aklat ni Mormon

Pambungad at Timeline

Noong Mayo 15, 1829, sina Joseph Smith at Oliver Cowdery ay natungo sa kakahuyan ng Harmony, Pennsylvania, upang itanong kung paano nila “matatamo ang mga biyaya ng binyag at ng Banal na Espiritu” (Oliver Cowdery, sinipi sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 93). Bilang sagot sa kanilang panalangin, si Juan Bautista ay nagpakita at iginawad sa kanila ang Aaronic Priesthood. Pagkaraan ng mga ilang araw, iginawad nina Apostol Pedro, Santiago, at Juan ang Melchizedek Priesthood kina Joseph at Oliver. Nang tumindi ang pang-uusig sa Harmony, Pennsylvania, sina Joseph at Oliver ay naglakbay patungong Fayette, New York, kung saan sila nanatili kasama ang pamilya ni Peter Whitmer Sr. at ipinagpatuloy ang pagsasalin ng Aklat ni Mormon. Bilang katuparan sa pangako ng Panginoon, ipinakita ng anghel na si Moroni ang mga laminang ginto kina Oliver Cowdery, David Whitmer, at Martin Harris sa Fayette. Kalaunan, ipinakita ni Joseph Smith ang mga laminang ginto sa walong iba pang kalalakihan sa Manchester, New York.

Mayo 15, 1829Iginawad ni Juan Bautista ang Aaronic Priesthood kina Joseph Smith at Oliver Cowdery.

Mayo–Hunyo 1829Iginawad nina Pedro, Santiago, at Juan ang Melchizedek Priesthood kina Joseph Smith at Oliver Cowdery.

Mga Unang Araw ng Hunyo 1829Sina Joseph Smith at Oliver Cowdery ay dumating sa tahanan ni Peter Whitmer Sr. sa Fayette, New York, upang ipagpatuloy ang pagsasalin ng Aklat ni Mormon.

Hunyo 1829Ipinakita ni Moroni ang mga laminang ginto sa Tatlong Saksi.

Hunyo 1829Ipinakita ni Joseph Smith ang mga laminang ginto sa Walong Saksi.

Mga Babasahin ng mga Estudyante

Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846 (2018), kabanata 7

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Ang Aaronic at Melchizedek Priesthood ay ipinanumbalik

Ipakita ang sumusunod na tanong: Sa paanong mga paraan magiging iba ang buhay ninyo kung hindi ninyo magagamit at matatamasa ang kapangyarihan at mga pagbabasbas ng priesthood?

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipang mabuti ang kanilang sagot sa tanong na ito. Maaari mong anyayahan ang isa o dalawang estudyante na ibahagi ang kanilang sagot sa klase kung kumportable silang gawin ito.

  • Batay sa nabasa ninyo sa kabanata 7 ng Mga Banal: Tomo 1, ano ang nagdulot kina Joseph Smith at Oliver Cowdery na manalangin at magtanong sa Panginoon tungkol sa awtoridad ng priesthood?

Larawan
kakahuyan sa Harmony, Pennsylvania

Kung kinakailangan, tulungan ang mga estudyante na maunawaan na habang isinasalin nina Joseph Smith at Oliver Cowdery ang Aklat ni Mormon noong Mayo 1829, nabasa nila ang salaysay tungkol sa personal na ministeryo ng Tagapagligtas sa mga Nephita. Nalaman nina Joseph at Oliver na binigyan ng Panginoon ang Kanyang mga disipulo ng awtoridad na magsagawa ng ordenansa ng binyag para sa kapatawaran ng mga kasalanan. Ngunit ang awtoridad na ito ay nawala sa mundo dahil sa apostasiya.

Ipakita ang kalakip na larawan, at ipaliwanag na ipinakikita nito ang isang kakahuyang malapit sa tirahan ni Joseph Smith sa Harmony, Pennsylvania, ang lugar na pinuntahan nina Joseph at Oliver upang manalangin.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Oliver Cowdery. Sabihin sa klase na pakinggan kung ano ang partikular na ipinanalangin nina Oliver at Joseph.

Larawan
Oliver Cowdery

“Ang aming kaluluwa ay matamang nakatuon sa taimtim na panalangin … para malaman kung paano namin matatamo ang mga biyaya ng binyag at ng Banal na Espiritu, ayon sa orden ng Diyos, at taimtim naming hinanap ang karapatan ng mga ama at ang awtoridad ng banal na priesthood, at ang kapangyarihang mangasiwa sa priesthood na iyon” (Oliver Cowdery, sinipi sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 91–93).

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Joseph Smith—Kasaysayan 1:68–74. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung paano nasagot ang panalangin nina Joseph at Oliver.

  • Batay sa mga pangyayaring ito at sa mga salita ni Juan Bautista, ano ang mga katotohanang matutukoy natin tungkol sa Aaronic Priesthood? (Maaaring magbigay ang mga estudyante ng ilang tamang sagot, kabilang ang sumusunod: Iginawad ni Juan Bautista ang Aaronic Priesthood kina Joseph Smith at Oliver Cowdery. Ang Aaronic Priesthood ang “may hawak ng mga susi ng paglilingkod ng mga anghel, at ng ebanghelyo ng pagsisisi, at ng pagbibinyag sa pamamagitan ng paglulubog para sa kapatawaran ng mga kasalanan” [Joseph Smith—Kasaysayan 1:69; tingnan din sa D at T 13:1].)

Larawan
Ilog ng Susquehanna

Ipakita ang kalakip na larawan, at ipaliwanag na ipinakikita nito ang tabing-ilog ng Ilog ng Susquehanna malapit sa lugar kung saan nabinyagan sina Joseph Smith at Oliver Cowdery.

  • Ano ang mga pagpapala na naranasan kaagad nina Joseph at Oliver matapos nilang matanggap ang Aaronic Priesthood at mabinyagan sa pamamagitan ng wastong awtoridad? (Tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:73–74.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang nangyari pagkatapos ng panunumbalik ng Aaronic Priesthood.

“Nagpatuloy [sina Joseph Smith at Oliver Cowdery] sa pagsasalin ng Aklat ni Mormon. Ngunit hindi pa natatanggap ng Propeta ang isang mahalagang pagpapala—na kailangan bago niya maitatag ang Simbahan, maitatag ang mga katungkulan at mga korum ng priesthood, at maigawad ang kaloob na Espiritu Santo. Kinailangan pa niyang matanggap ang Melchizedek Priesthood.

“Tulad ng ipinangako ni Juan Bautista, ibinigay ang pagpapalang ito kina Joseph at Oliver matapos nilang matanggap ang Aaronic Priesthood. Nagpakita sa kanila ang mga sinaunang Apostol na sina Pedro, Santiago, at Juan sa isang tagong lugar malapit sa Ilog Susquehanna at iginawad sa kanila ang Melchizedek Priesthood. Kalaunan ay ipinahayag ni Joseph na narinig niya ‘ang tinig nina Pedro, Santiago, at Juan sa ilang sa pagitan ng Harmony, Susquehanna county, at Colesville, Broome county, sa Ilog ng Susquehanna, ipinahahayag ang kanilang sarili na mga nagtataglay ng mga susi ng kaharian, at ng dispensasyon ng kaganapan ng panahon!’ (D at T 128:20)” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 119–120).

  • Bakit mahalagang maipanumbalik ang Melchizedek Priesthood?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 27:12–13. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang ipinahayag ng Panginoon tungkol sa pagbisita nina Pedro, Santiago, at Juan kina Joseph Smith at Oliver Cowdery.

  • Ano ang ipinahayag ng Panginoon tungkol sa pagbisita nina Pedro, Santiago, at Juan kina Joseph Smith at Oliver Cowdery? (Kung kinakailangan, bigyang-diin na ang mga katagang “kung kanino ko kayo pinaordenan” sa talata 12 ay tumutukoy sa paggawad ng Melchizedek Priesthood. Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na katotohanan: Iginawad nina Pedro, Santiago, at Juan ang Melchizedek Priesthood at ang mga susi ng kaharian kina Joseph Smith at Oliver Cowdery.)

Ipaliwanag na paulit-ulit na pinatotohanan nina Joseph Smith at Oliver Cowdery na iginawad sa kanila nina Pedro, Santiago, at Juan ang Melchizedek Priesthood, bagama’t hindi nila itinala ang mismong petsa kung kailan naganap ang pangyayari. Gayunman, iminumungkahi ng mga ebidensya na nangyari ito noong Mayo o Hunyo ng 1829, na may ilang ebidensya na nagmumungkahing sa kalagitnaan hanggang sa pagtatapos ng Mayo 1829 bilang pinakaposibleng panahon (tingnan sa Larry C. Porter, “The Restoration of the Aaronic and Melchizedek Priesthoods,” Ensign, Dis. 1996, 30–47; tingnan din sa The Joseph Smith Papers, Documents, Volume 1: July 1828–June 1831, pat. Michael Hubbard MacKay at iba pa [2013], xxxviii–xxxix).

Anyayahan ang mga estudyante na gumugol ng ilang sandali upang isulat ang ilan sa mga paraan na napagpala sila o ang kanilang mga pamilya dahil sa panunumbalik ng priesthood. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi nila ang kanilang isinulat sa isang kaklase. Maaari mo ring naising ibahagi nang sandali ang iyong patotoo tungkol sa panunumbalik at sa kahalagahan ng Aaronic at Melchizedek Priesthood.

Sina Joseph at Oliver ay lumipat sa Fayette, New York, para ituloy ang pagsasalin ng Aklat ni Mormon

Ipaliwanag na habang nagpatuloy sina Joseph Smith at Oliver Cowdery sa pagsasalin ng Aklat ni Mormon, ang mga tao sa Harmony, Pennsylvania, ay tumindi ang galit sa kanila. Sinulatan ni Oliver ang kanyang kaibigang si David Whitmer tungkol sa kanyang patotoo tungkol sa gawain at sa mga paghihirap na hinarap niya at ni Joseph habang nagsasalin. Sa panghihikayat ng kanyang amang si Peter Whitmer Sr., inanyayahan ni David sina Joseph at Oliver na manirahan kasama nila sa Fayette, New York, habang tinatapos ng mga ito ang pagsasalin. Nang lumipat sina Joseph at Oliver (at kalaunan ay si Emma) sa tahanan ng mga Whitmer sa Fayette, New York, nagdagdag ito ng paghihirap at pag-aabala kay Mary Whitmer, na ina ni David. Siya ay mayroon nang abalang tahanang pinamamalakad, at nagdagdag sa kanyang gawain ang mga bagong dating.

  • Batay sa nabasa ninyo sa Mga Banal: Tomo 1, ano ang karanasan na nagpagaan sa kanyang paghihirap? (Nagpakita sa kanya si Moroni at ipinakita sa kanya ang mga laminang ginto.)

  • Sa palagay ninyo, bakit nakatulong kay Mary ang banal na karanasang ito na matiis ang kanyang mga paghihirap at pag-aabala?

Ipakita ang sumusunod na salaysay ni David Whitmer, na inilarawan ang panahon noong nawala sa Propeta ang kanyang kakayahang magsalin. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang salaysay na ito.

Larawan
David Whitmer

“Isang umaga nang naghahanda [si Joseph na] ituloy ang pagsasalin, may nangyaring mali sa bahay at ikinagalit niya ito. Isang bagay na nagawa ng asawa niyang si Emma. Umakyat kami ni Oliver, at sumunod kaagad si Joseph para ituloy ang pagsasalin, ngunit wala siyang magawa. Hindi siya makapagsalin ng kahit isang pantig. Bumaba siya, lumabas sa hardin at nagsumamo sa Panginoon; mga isang oras siyang nawala—bumalik sa bahay, humingi ng tawad kay Emma at saka umakyat sa kinaroroonan namin at naituloy na ang pagsasalin” (David Whitmer, sinipi sa B. H. Roberts, A Comprehensive History of the Church, 1:131).

  • Sa palagay ninyo, bakit hindi nagawang magsalin ni Joseph nang nagalit siya kay Emma?

Ipakita ang katapusan ng salaysay ni David Whitmer, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante.

Larawan
David Whitmer

“Walang … magagawa [si Joseph Smith] kung hindi siya nagpakumbaba at naging tapat” (David Whitmer, sinipi sa B. H. Roberts, A Comprehensive History of the Church, 1:131).

  • Paano makatutulong ang salaysay na ito na mapalakas ang inyong patotoo na ang Aklat ni Mormon ay isinalin sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos?

Nakita ng Tatlo at Walong Saksi ang mga laminang ginto at pinatotohanan ang Aklat ni Mormon

Ipaalam sa mga estudyante na bago pa mag-isang buwan matapos lumipat ni Joseph Smith sa Fayette, New York, “sina Oliver Cowdery, David Whitmer, at Martin Harris ay nabunsuran ng isang makapukaw na pagnanais na maging tatlong natatanging saksi” (D at T 17, section heading). Pinakiusapan nila ang Propeta para sa oportunidad na maging mga saksi sa mga laminang ginto. Bago ito, nalaman nila mula sa pagsasalin ng Aklat ni Mormon na tatlong saksi ang pipiliing makita ang mga lamina (tingnan sa 2 Nephi 27:12; Eter 5:2–4; tingnan din sa D at T 5:11–15). Nagtanong ang Propeta sa Panginoon at natanggap niya ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 17.

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 17:1–6. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang sinabi ng Panginoon sa tatlong kalalakihang ito.

  • Ayon sa talata 3, ano ang responsibilidad na gagawin ng kalalakihang ito matapos nilang makita ang mga lamina?

  • Batay sa kautusan ng Panginoon sa talata 3, ano ang responsibilidad natin matapos tayong makakuha ng patotoo tungkol sa katotohanan? (Matapos tayong makakuha ng patotoo tungkol sa katotohanan, may responsiblidad tayong patotohanan ito sa iba. Isulat sa pisara ang alituntuning ito.)

Sabihin sa mga estudyante na buklatin ang kabanata 7 ng Mga Banal: Tomo 1. Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas mula sa pahina 83, nagsisimula sa talata na nag-uumpisa sa “Kalaunan ng araw ring iyon, isinama ni Joseph …” at nagtatapos sa talata sa pahina 84 na nag-uumpisa sa “Sapat na! Sapat na! …” Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang patotoo na natanggap ng tatlong kalalakihang ito.

  • Sa paanong mga paraan nakatanggap sina Oliver Cowdery, David Whitmer, at Martin Harris ng nagpapatibay na patotoo tungkol sa katotohanan ng Aklat ni Mormon sa pangyayaring ito?

Ipaalam sa mga estudyante na matapos ang katangi-tanging karanasang ito, si Joseph Smith at ang Tatlong Saksi ay bumalik sa bahay ng mga Whitmer. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na salaysay ng ina ng Propeta na si Lucy Mack Smith:

Larawan
Lucy Mack Smith

“Bumalik [si Joseph at ang Tatlong Saksi] sa bahay, … [at] si Gng. Whitmer [at] G. Smith at ako ay nakaupo sa isang silid. … Pagpasok ni Joseph … umupo siya sa tabi ko. ‘Itay! Inay!’ sabi niya. ‘Hindi ninyo alam kung gaano ako kaligaya: Ipinakita ng Panginoon ang mga lamina sa tatlo pang tao maliban sa akin. Nakakita rin [sila] ng isang anghel at kailangang sumaksi sa katotohanan ng aking sinabi, sapagkat alam nila sa kanilang sarili na hindi ko nililinlang ang mga tao. At talagang nadarama ko na parang naginhawahan ako sa mabigat na pasaning halos hindi ko na makayang tiisin. … at nagagalak ang aking kaluluwa na hindi na ako lubos na nag-iisa sa mundo” (Lucy Mack Smith, “Lucy Mack Smith, History, 1844–1845,” book 8, page 11, josephsmithpapers.org; isinunod sa pamantayan ang pagsulat sa malalaking titik at pagbabantas).

  • Sa paanong mga paraan hindi na “lubos na nag-iisa sa mundo” si Joseph Smith?

  • Sa palagay ninyo, bakit labis na kaginhawaan para kay Joseph ang pagkakaroon ng tatlo pang dagdag na mga saksi?

Ipaliwanag na bilang pagsunod sa kautusan ng Panginoon na “patototohanan na nakita [nila] ang mga [mga lamina]” (D at T 17:5), inilabas ng Tatlong Saksi “Ang Patotoo ng Tatlong Saksi,” na kabilang sa bawat inilathalang kopya ng Aklat ni Mormon simula noong pagkakalathala nito noong 1830. Kalaunan, bawat isa sa kalalakihang ito ay natiwalag sa Simbahan dahil sa personal na apostasiya. Kalaunan ay nabinyagan muli sa Simbahan sina Oliver Cowdery at Martin Harris, subalit si David Whitmer ay hindi bumalik sa Simbahan.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan:

Larawan
Henry B. Eyring

“Kailanma’y hindi itinatwa ng Tatlong Saksi ang patotoo nila sa Aklat ni Mormon. Hindi nila maatim dahil alam nilang totoo ito. Nagsakripisyo sila at nagpakahirap nang higit sa alam ng karamihan. … Ang patuloy nilang pagpapatunay sa nakita at narinig nila sa kamangha-manghang karanasang iyon, sa matagal nilang pagkakawalay sa Simbahan at kay Joseph, ang higit na nagpapalakas sa kanilang patotoo” (Henry B. Eyring, “Isang Tumatagal na Patotoo sa Misyon ni Propetang Joseph Smith,” Ensign o Liahona, Nob. 2003, 90).

  • Paano mas nagpalakas sa patotoo nila ang kaalaman na nagpatuloy ang Tatlong Saksi na panindigan ang kanilang patotoo maging pagkatapos nilang matiwalag mula sa Simbahan?

Ipaliwanag na walong iba pang lalaki ang hinirang upang makita at patotohanan ang mga lamina. Sabihin sa isang estudyante na ibuod ang kanilang nabasa sa Mga Banal: Tomo 1 tungkol sa karanasan ng Walong Saksi. (Kung kinakailangan, maaari mong ipabasa nang malakas sa isang estudyante “Ang Patotoo ng Walong Saksi” sa simula ng Aklat ni Mormon.)

  • Ano ang pagkakaiba ng karanasan ng Walong Saksi sa karanasan ng Tatlong Saksi?

  • Sa palagay ninyo, bakit naglaan ang Panginoon ng dalawang magkaibang karanasan para sa Tatlo at Walong Saksi? (Tulungan ang mga estudyanteng maunawaan na kung paparatangan ng mga kritiko ng Simbahan ang Tatlong Saksi na guni-guni lang nila ang kanilang pangitain, hindi nila maipaliliwanag ang pisikal na karanasan ng Walong Saksi sa mga lamina. Sa kabilang banda, kapag pinaratangan ng mga kritiko si Joseph Smith ng simpleng pagpapalsipika ng mga laminang ginto upang maloko ang Walong Saksi, hindi nito maipaliliwanag ang mga banal na pagpapakita na naranasan ng Tatlong Saksi.)

Balikan ang alituntuning nasa pisara: Matapos tayong makakuha ng patotoo tungkol sa katotohanan, may responsiblidad tayong patotohanan ito sa iba.

  • Paano ninyo nalaman na totoo ang Aklat ni Mormon?

  • Ano ang nagawa ninyo kamakailan upang ibahagi sa iba ang inyong patotoo tungkol sa Aklat ni Mormon?

Hikayatin ang mga estudyante na maghanap ng mga oportunidad na ibahagi sa iba ang kanilang patotoo tungkol sa Aklat ni Mormon.

Sabihin sa mga estudyante na maghanda para sa susunod na klase sa pamamagitan ng pagbabasa ng kabanata 8–9 ng Mga Banal: Tomo 1.

Print