Institute
Lesson 26: Ang Pagkamatay Bilang Martir nina Joseph at Hyrum Smith


“Lesson 26: Ang Pagkamatay Bilang Martir nina Joseph at Hyrum Smith,” Materyal para sa Titser ng Kasaysayan ng mga Banal sa mga Huling Araw: 1815–1846 (2018)

“Lesson 26,” Materyal para sa Titser ng Kasaysayan ng mga Banal sa mga Huling Araw: 1815–1846

Lesson 26

Ang Pagkamatay Bilang Martir nina Joseph at Hyrum Smith

Pambungad at Timeline

Noong Hunyo 7, 1844, ang mga nag-apostasiyang miyembro ng Simbahan at mga kaaway ni Joseph Smith ay naglimbag ng una at tanging edisyon ng Nauvoo Expositor, isang pahayagang laban sa mga Mormon na siniraang-puri ang propeta at pinuna ang ilan sa mga paghahayag, mga turo, at mga gawain na inihayag sa kanya. Makaraan ang tatlong araw, ang konseho ng lunsod ng Nauvoo at si Joseph Smith, na nagsilbing alkalde ng Nauvoo, ay ipinahayag ang diyaryo bilang panggulo sa publiko at iniutos ang pagkawasak nito. Matapos sirain ang makinang panlimbag, naghabla ng mga paratang na panghihikayat ng gulo ang mga kalaban ng Propeta laban sa kanya at sa mga miyembro ng konseho ng lunsod. Tumalilis sina Joseph at kanyang kapatid na si Hyrum mula sa Nauvoo upang maiwasan ang pagdakip sa kanila. Matapos magpasiyang isuko ang kanilang sarili, sina Joseph, Hyrum, at iba pa, ay naglakbay patungo sa Carthage, Illinois, upang sumailalim sa paglilitis. Noong Hunyo 27, 1844, binaril at pinaslang ng mga mandurumog sina Joseph at Hyrum Smith sa Piitan ng Carthage.

Hunyo 10, 1844Ipinahayag ng konseho ng lunsod ng Nauvoo ang Nauvoo Expositor bilang panggulo sa publiko at iniutos ang pagkawasak nito.

Hunyo 12, 1844Isinakdal sina Joseph Smith at ang mga miyembro ng konseho ng lunsod sa paggawa ng kaguluhan noong winawasak ang palimbagan ng Nauvoo Expositor .

Hunyo 23, 1844Tumawid sina Joseph at Hyrum Smith sa Ilog Mississippi upang maiwasan ang pagdakip sa kanila.

Hunyo 24, 1844Nilisan nina Joseph Smith at iba pa ang Nauvoo upang tumungo sa Carthage, Illinois, para sumailalim sa paglilitis.

Hunyo 27, 1844Sina Joseph at Hyrum Smith ay mahinahong nagtungo sa Piitan ng Carthage.

Mga Babasahin ng mga Estudyante

Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846 (2018), kabanata 44

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Nagpasya sina Joseph Smith at iba pa na magtungo sa Carthage upang harapin ang mga paratang laban sa kanila

rebulto nina Joseph at Hyrum Smith

Idispley ang kalakip na larawan at pahayag:

Willard Richards

“Sina Joseph at Hyrum ay patay na. Si [John] Taylor ay nasugatan. … Ako ay mabuti” (Willard Richards letter to Thomas Ford, Emma Smith, and others, June 27, 1844, Church History Library, Salt Lake City).

Ipaliwanag na ang mga salitang ito ay isang bahagi ng mensahe na ipinadala ni Willard Richards kay Emma Smith at sa iba pang mga Banal sa Nauvoo ilang oras matapos ang brutal na pagkakapaslang kina Joseph at Hyrum Smith sa Piitan ng Carthage sa Illinois noong Hunyo 27, 1844. Sina Willard Richards at John Taylor ay saksi sa martir na pagkamatay.

  • Isipin na kunwari ay kasama ninyo ang mga pamilya at mga kaibigan nina Joseph at Hyrum Smith sa Nauvoo. Anong mga saloobin at damdamin ang magkakaroon kayo matapos marinig ang nakapanlulumong balitang ito?

Hikayatin ang mga estudyante na pagnilayan ang kanilang mga saloobin at patotoo tungkol kay Propetang Joseph Smith habang pinag-aaralan nila ang tungkol sa mga huling araw ng buhay ng Propeta.

Ipaliwanag na sa pagsapit ng tag-init ng 1844, ang poot at hindi pagsang-ayon kina Joseph Smith at sa Simbahan ay dumami dahil sa lumalaking impluwensiya sa pulitika at ekonomiya ng mga Banal, at mga di-pagkakaunawaan kaugnay sa doktrina ng kadakilaan at sa pagsasagawa ng maramihang pag-aasawa, at pagsisinungaling ukol sa Simbahan ng mga nag-apostasiyang miyembro ng Simbahan.

Isulat ang Nauvoo Expositor sa pisara. Ipaliwanag na noong Hunyo 7, 1844, inilimbag ng mga nag-apostasiyang miyembro ng Simbahan ang una at tanging lathalain ng pahayagang laban sa mga Mormon na may layuning udyukan ang publiko laban kay Propetang Joseph Smith.

  • Batay sa nabasa ninyo sa kabanata 43 ng Mga Banal: Tomo 1, ano ang nangyari sa Nauvoo Expositor at bakit? (Natatakot na ang pahayagan ay maaaring humantong sa karahasan ng mga mandurumog laban sa mga Banal, idineklara ito ng konseho ng lunsod ng Nauvoo bilang panggulo sa publiko at iniutos na wasakin ang palimbagan.)

  • Anong mga problema ang idinulot ng desisyong ito kina Joseph Smith at sa mga Banal? (Tumindi ang mga karahasang Anti-Mormon, at kinasuhan si Joseph Smith at ang konseho ng lunsod.)

Ipaliwanag na tatlong araw matapos ang pagkawasak ng palimbagan ng Nauvoo Expositor, tumanggap ang Propeta ng isang ulat na nagtipon ang mga armadong mandurumog sa Carthage, Illinois, na may layuning lusubin ang mga Banal sa Nauvoo. Si Joseph Smith, bilang alkalde ng Nauvoo, ay isinailalim ang lunsod sa batas militar at tinawag ang milisya ng Nauvoo upang ipagtanggol ang lunsod at ipatupad ang batas at kaayusan. Sumulat din ang Propeta sa gobernador ng Illinois na si Thomas Ford upang ipaalam sa kanya ang sitwasyon. Hinikayat ni Gobernador Ford sina Joseph Smith at mga miyembro ng konseho ng lunsod na magtungo sa Carthage upang harapin ang mga legal na kaso laban sa kanila, ipinapangakong titiyakin ang kanilang kaligtasan.

Sabihin sa mga estudyante na hanapin ang kabanata 44 ng Mga Banal: Tomo 1. Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas mula sa pahina 616, simula sa talata na nagsisimula sa “Batid na ang Carthage …” at nagtatapos sa mga talata sa pahina 617 na nagsisimula sa “Nang gabing iyon, matapos magpaalam …” Sabihin sa klase na alamin kung ano ang napagpasiyahang gawin ng Propeta.

  • Bakit inisip ng Propeta na pinakamainam na lisanin ang Nauvoo?

Ipaliwanag na ilang kalalakihan mula sa Nauvoo ang nagpunta upang makita si Joseph, kabilang ang miyembro ng Simbahan na si Reynolds Cahoon, na taglay ang isang liham mula kay Emma na hinihikayat si Joseph na umuwi na. Ilan sa mga lalaki ay nagmakaawa sa Propeta na isuko ang kanyang sarili, ipinapaalam kay Joseph na “balak ng gobernador na sakupin ang Nauvoo gamit ang mga kawal hanggang sa isuko niya at ng kapatid niyang si Hyrum ang kanilang mga sarili” (Mga Banal: Tomo 1, 617). Maging ang ilan sa kanila ay inakusahan si Joseph ng karuwagan.

Ipakita ang sumusunod na pahayag na ibinigay ni Reynolds Cahoon sa Propeta, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

“Lagi mong sinasabi na kung ang Simbahan ay susunod sa iyo, hindi mo lilisanin ang Simbahan, ngayong nagkakaproblema, ikaw ang unang tatalilis” (sa Wandle Mace, Autobiography, circa 1890, 105, Church History Library, Salt Lake City).

  • Kung kayo ang nasa sitwasyon ng Propeta, ano kaya ang mararamdaman ninyo habang naririnig ang mga salitang ito?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag mula sa kasaysayan ni Propetang Joseph Smith. Sabihin sa klase na pakinggan ang sagot ni Joseph.

“Sumagot si Joseph, ‘kung walang halaga ang buhay ko sa aking mga kaibigan, wala rin itong halaga sa akin.’

“… Bumaling si Joseph kay Hyrum … at sinabing, ‘kuya Hyrum, ikaw ang pinakamatanda, ano ang gagawin natin?’ Sinabi ni Hyrum, ‘bumalik tayo at isuko ang ating mga sarili, at tingnan natin ang kalalabasan.’ Matapos pagnilayan nang ilang sandali ay sinabi ni Joseph, ‘kung babalik kayo, ako ay sasama sa inyo, ngunit tayo ay makakatay’” (Manuscript History of the Church, vol. F-1, p. 148, josephsmithpapers.org; iniayon ang pagbabantas sa pamantayan).

Ipaliwanag na sina Joseph, Hyrum, at iba pa ay naglakbay patungong Carthage noong umaga ng Hunyo 24, 1844. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ng miyembro ng Simbahan na si Dan Jones, na kasama ang Propeta habang naghahanda siyang maglakbay patungo sa Carthage. Sabihin sa klase na pakinggan ang mga salita ni Joseph Smith na nagpapahayag tungkol sa kanyang pagkatao.

Dan Jones

“Hinding-hindi ko malilimutan ang tagpong iyon noong [ang Propeta] ay nakatayo sa gitna, at tinitingnan ang mga nakapaligid sa kanya, pagkatapos ay ang lunsod at mga naninirahan dito na malapit sa kanyang puso, sinabi niya, ‘Kung hindi ako tutungo [sa Carthage], ang magiging kahahantungan ay ang pagkawasak ng lunsod na ito at mga naninirahan dito; at hindi ko maisip na ang mga mahal kong kapatid at kanilang mga anak ay muling pagdurusahan ang mga tagpo sa Missouri sa Nauvoo; hindi, ito ay higit na mabuti sa iyong kapatid, si Joseph, na pumanaw para sa kanyang mga kapatid, sapagkat ako ay handang mamatay para sa kanila. Tapos na ang aking gawain; ang Panginoon ay dininig ang aking panalangin at nangako na tayo ay magkakaroon ng kapahingahan mula sa gayong mga kabagsikan kalaunan, kung kaya ay huwag akong hadlangan ng inyong mga luha na tumungo sa katiwasayan.’ Matapos yakapin ang kanyang maliliit pang mga anak na mahigpit na nakakapit sa kanyang damit at matapos ang magiliw na paalam sa kanyang asawa na lubos niyang minamahal, na lumuluha rin, at matapos panatagin ang kanyang may edad, na banal na ina sa huling pagkakataon, nagsalita siya sa mga tao nang buong sigasig, hinihimok silang maging tapat sa mga pamamaraan at sa relihiyon na kanyang itinuro sa kanila” (sa Dan Jones, “The Martyrdom of Joseph Smith and His Brother, Hyrum!” sa Ronald D. Dennis, “The Martyrdom of Joseph Smith and His Brother Hyrum by Dan Jones,” BYU Studies, tomo 24, blg. 1 [1984], 85–86).

  • Ano ang isiniwalat ng mga salita at kilos ng Propeta tungkol sa kanyang pagkatao?

Bilang bahagi ng inyong talakayan, sabihin sa mga estudyante na hanapin ang Juan 15:13. Ipaliwanag na sinambit ng Tagapagligtas ang mga salita sa talatang ito sa kanyang mga disipulo ilang sandali bago ang Kanyang sariling kamatayan. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Juan 15:13 at isipin kung paano inilarawan ng mga salitang ito ang Tagapagligtas na si Jesucristo. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

  • Paano sinunod ni Joseph Smith ang halimbawa ng pagmamahal ng Tagapagligtas?

Ipaliwanag na habang ang Propeta ay naglalakbay kasama ng iba patungo sa Carthage, iprinopesiya niyang muli ang kanyang pagkamatay bilang martir. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Propetang Joseph Smith (1805–44):

Joseph Smith

“Ako ay patutungong gaya ng isang kordero sa katayan; subalit ako ay mahinahon gaya ng isang umaga sa tag-araw; ako ay may budhi na walang kasalanan sa harapan ng Diyos, at sa lahat ng tao.” (D at T 135:4).

  • Sa palagay ninyo, sa paanong paraan na ang pagkakaroon ng “budhi na walang kasalanan sa harapan ng Diyos, at sa lahat ng tao” ay makatutulong sa Propeta na harapin ang maaaring mangyari nang may kahinahunan at pananampalataya?

Sina Joseph Smith at ang iba pa ay ibinilanggo sa Piitan ng Carthage

Ipaliwanag na noong dumating sina Joseph Smith at kanyang mga kasama sa Carthage, ang bayan ay nasa magulong kalagayan. Ang mga mandurumog ng mga nangangalit na tao, kabilang na ang mga magugulong miyembro ng milisya, ay nagkakaingay na masilip ang Propeta at ang kanyang kapatid. Kinabukasan ng umaga, sina Joseph, Hyrum, at mga miyembro ng konseho ng lunsod ng Nauvoo ay pinakawalan matapos magpiyansa upang hintayin ang paglilitis sa paratang ng paghikayat ng gulo. Bago makaalis sina Joseph at Hyrum sa bayan, kinasuhan sila ng pagtataksil laban sa estado dahil sa pagdedeklara ng batas militar sa Nauvoo. Dahil ang pagtataksil ay walang piyansa, ibinilanggo sa Piitan ng Carthage ang Propeta at kanyang kapatid, at ilan sa kanilang mga kasama ang piniling manatili kasama nila sa piitan.

Piitan ng Carthage

Idispley ang kalakip na larawan ng Piitan ng Carthage.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Dan Jones, na kasama nina Joseph at Hyrum Smith sa Piitan ng Carthage. Sabihin sa mga estudyante na pakinggan kung ano ang ginawa nina Joseph at Hyrum Smith sa Piitan ng Carthage noong gabi ng Hunyo 26, 1844.

Dan Jones

“Noong gabi na ang Patriyarka [si Hyrum Smith] ay nagbasa at nagkomento tungkol sa napakaraming siping hango sa Aklat ni Mormon, ang mga pagkabilanggo at pagkakaligtas ng mga lingkod ng Diyos alang-alang sa Ebanghelyo; nagbigay si Joseph sa mga bantay ng makapangyarihang patotoo ng banal na katotohanan ng Aklat ni Mormon—ang panunumbalik ng Ebanghelyo, ang pangangasiwa ng mga anghel, at ang kaharian ng Diyos ay muling nasa lupa” (Dan Jones, The Martyrdom of Joseph and Hyrum Smith, 1855, 9, Church History Library, Salt Lake City).

  • Anong mga alituntunin ang matututuhan natin sa mga ginawa nina Joseph at Hyrum Smith sa Piitan ng Carthage? (Maaaring matukoy ng mga estudyante ang ilang mga alituntunin, subalit tiyakin na matutukoy nila ang mga sumusunod: Sa panahon ng kahirapan, mapapanatag tayo sa pag-aaral ng Aklat ni Mormon. Makakaya nating magpatotoo sa katotohanan anuman ang sitwasyon natin.)

  • Bakit lubhang mahalaga na nagbigay sina Joseph at Hyrum Smith ng malalakas na patotoo tungkol sa Aklat ni Mormon noong nasa panganib ang kanilang mga buhay?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Jeffrey R. Holland

“Sabihin ninyo sa akin kung sa oras na ito ng kamatayan ay papasok ang dalawang ito sa kinaroroonan ng kanilang Walang Hanggang Hukom na bumabanggit at humahanap ng kapanatagan sa isang aklat na, kung hindi salita ng Diyos, ay mababansagan silang mga impostor at huwad hanggang sa huling sandali? Hindi nila gagawin iyan! Pinili nilang mamatay sa halip na itatwa ang banal na pinagmulan at walang hanggang katotohanan ng Aklat ni Mormon” (Jeffrey R. Holland, “Kaligtasan para sa Kaluluwa,” Ensign or Liahona, Nov. 2009, 89).

Ipaliwanag na ilang araw bago ikinulong sina Joseph at Hyrum, habang naghahanada si Hyrum na lumisan patungong Carthage, binasa niya ang Eter 12:36–38 (tingnan sa D at T 135:4–5). Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Eter 12:36–38. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at hanapin ang mga salita at parirala na maaaring umaliw kay Hyrum.

  • Anong mga salita at turo mula sa mga scripture passage na ito sa palagay ninyo ang maaaring umaliw kay Hyrum sa mahirap na panahong ito?

Sabihin sa mga estudyante na pagnilayan ang kanilang mga karanasan sa pag-aaral ng Aklat ni Mormon na nagbigay sa kanila ng ginhawa at kapanatagan sa panahon ng kahirapan. Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang kanilang mga karanasan.

Hikayatin ang mga estudyante na sundin ang mga halimbawa nina Joseph at Hyrum Smith sa pamamagitan ng pag-uukol ng panahon para sa regular na pag-aaral at pagninilay ng mga turo sa Aklat ni Mormon at sa pagbabahagi sa iba ng kanilang patotoo tungkol dito.

Sina Joseph at Hyrum Smith ay pinaslang bilang martir sa Piitian ng Carthage

Ipaliwanag na noong Hunyo 27, 1844, nilisan ni Gobernador Thomas Ford ang Carthage upang magsalita sa mga Banal sa Nauvoo. Noong nakaraang araw, nakipagpulong ang gobernador kay Propetang Joseph Smith at nangakong isasama niya sina Joseph at Hyrum kung siya ay aalis ng Carthage. Batid ng gobernador na binantaan ng ilang lalaki na susugurin nila ang piitan at papatayin ang mga bilanggo, subalit siya ay umalis patungo sa Nauvoo nang hindi kasama sina Joseph at Hyrum, na hindi pagtupad sa kanyang pangako sa Propeta. Ilang sandali pagkaraan ng 5:00 n.h., pinaligiran ang piitan ng isang grupo ng mga mandurumog na may 100 tao.

kuwarto sa Piitan ng Carthage
pagsalakay ng mga mandurumog sa Piitan ng Carthage

Upang matulungan ang mga estudyante na masaisip ang mga pangyayari ng kamatayan bilang martir, idispley ang mga kalakip na larawan. Ipaliwanag na ang unang larawan ay ang silid sa Piitan ng Carthage kung saan ibinilanggo sina Joseph at Hyrum Smith, John Taylor, at Willard Richards.

Hatiin ang klase sa mga grupo na may dalawa o tatlong estudyante. Sabihin sa mga estudyante na hanapin ang kabanata 44 ng Mga Banal: Tomo 1. Sabihin sa mga estudyante na magbasa nang malakas sa kanilang mga grupo mula sa pahina 627, mula sa talata na nagsisimula sa “Ilang minuto ang nakalipas …” hanggang sa dulo ng kabanata. Sabihin sa mga estudyante na isaisip kung ano ang maaaring tagpo kung sila ay nakasama ng Propeta sa Piitan ng Carthage.

Isulat sa pisara ang sumusunod na tanong, at anyayahan ang mga estudyante na talakayin ang tanong na ito sa kanilang grupo:

Ano ang mga nadarama ninyo habang iniisip ninyo ang sakripisyong ginawa ng Propeta at ng kanyang kapatid na si Hyrum para sa kanilang patotoo tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo?

Ipaliwanag na noong pagsalakay, ang tanging sugat ni Willard Richards ay ang pagkakadaplis ng bala sa kanyang kaliwang tainga. Itinala sa kasaysayan ni Joseph Smith na ito ay katuparan ng propesiya ni Joseph Smith na ginawa niya noon “na darating ang panahon na ang mga bala ay lilipad sa paligid [ni Willard Richards] tulad ng ulang may yelo, at makikita niya ang kanyang mga kaibigan na babagsak sa kanan at sa kaliwa, ngunit wala ni isang butas sa kanyang kasuotan” (Manuscript History, vol. F-1, p. 183).

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 135:3 . Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at hanapin ang pagpaparangal na isinulat tungkol kay Propetang Joseph Smith.

  • Anong katotohanan ang matutukoy natin tungkol sa mga kontribusyon ni Joseph Smith para sa kaligtasan ng mga anak ng Diyos? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang isang katotohanan na katulad ng sumusunod: Si Joseph Smith ay nakagawa nang higit pa para sa kaligtasan ng mga tao sa daigdig na ito kaysa sa sinumang tao maliban kay Jesucristo.)

  • Ano ang ilang bagay na ginawa ni Propetang Joseph Smith para sa ating kaligtasan na bukod-tanging makabuluhan sa inyo? Bakit?

Anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi sa klase ang kanilang mga patotoo tungkol kay Propetang Joseph Smith.

Tapusin ang lesson sa pagbabahagi ng iyong patotoo tungkol sa misyon ni Joseph Smith bilang propeta.

Sabihin sa mga estudyante na maghanda para sa susunod na klase sa pamamagitan ng pagbabasa ng kabanata 45 ng Mga Banal: Tomo 1.