“Lesson 22: Inorganisa ni Joseph Smith ang Relief Society at Pinangasiwaan ang Endowment sa Templo,” Materyal para sa Titser ng Kasaysayan ng mga Banal sa mga Huling Araw: 1815–1846 (2018)
“Lesson 22,” Materyal para sa Titser ng Kasaysayan ng mga Banal sa mga Huling Araw: 1815–1846
Lesson 22
Inorganisa ni Joseph Smith ang Relief Society at Pinangasiwaan ang Endowment sa Templo
Pambungad at Timeline
Inorganisa ni Propetang Joseph Smith ang Female Relief Society ng Nauvoo noong Marso 17, 1842. Hinirang si Emma Smith na maglingkod bilang unang pangulo ng organisasyon, na siyang katuparan ng mga paghahayag na ibinigay ilang taon na ang nakararaan (tingnan sa D at T 25:7). Noong Mayo 4, 1842, unang pinangasiwaan ni Propetang Joseph Smith ang endowment sa templo sa siyam na lider ng Simbahan sa silid sa itaas ng kanyang Tindahan na Yari sa Pulang Laryo.
-
Marso 17, 1842Itinatag ang Female Relief Society ng Nauvoo.
-
Mayo 4, 1842Ipinakilala ni Joseph Smith sa siyam na mga lider ng Simbahan ang endowment sa templo.
-
Setyembre 28, 1843Tinanggap ni Emma Smith ang endowment sa templo.
Mga Babasahin ng mga Estudyante
Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling, Tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846 (2018), kabanata 37
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Inorganisa ni Propetang Joseph Smith ang Relief Society
Idispley ang kalakip na larawan. Ipaliwanag na sa isang paghahayag na ibinigay kay Propetang Joseph Smith noong Enero 1841, inutusan ng Panginoon ang mga Banal na magtayo ng templo sa Nauvoo (tingnan sa D at T 124:25–28). Si William Weeks, na siyang punong arkitekto ng Nauvoo Temple, ay gumawa ng sketch o larawan nito noong 1841, bilang paghahanda para sa pagtatayo ng templo.
-
Batay sa nabasa ninyo sa kabanata 37 ng Mga Banal: Tomo 1, paano nagmungkahi ang dalawang babae na Banal sa mga Huling Araw na mag-ambag sa pagtatayo ng templo? (“Napansin ni Margaret [Cook] na maraming mga manggagawa [sa pagtatayo ng templo] ang may kakulangan sa sapat na sapatos, pantalon, at polo. Iminungkahi niya kay Sarah [Kimball] na magtulungan sila upang lumikha ng mga bagong polo para sa mga manggagawa. Sinabi ni Sarah na maaari siyang magbigay ng mga materyales para sa mga kamiseta kung si Margaret ang mananahi. Maaari din nilang hingin ang tulong ng iba pang mga kababaihan sa Nauvoo at magtaguyod ng samahan upang pamahalaan ang gawain.” [Mga Banal: Tomo 1, 511–12].)
-
Ano ang kalaunang kinahantungan ng mga talakayan at pagsisikap na ito? (Ang pagtatatag ng Relief Society.)
Hatiin ang klase sa mga grupo na may tigalawa o tigatlong estudyante, at bigyan sila ng kopya ng kasamang handout, “Pagtatatag ng Relief Society.” Sabihin sa mga estudyante na basahin ang handout sa kani-kanilang grupo at markahan ang mga detalye tungkol sa pagtatatag ng Relief Society na namumukod-tangi sa kanila. Sabihin sa kanila na talakayin sa kanilang mga grupo ang mga sagot nila sa mga tanong.
Matapos ang sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang mga alituntunin na kanilang natukoy. Maaari nilang banggitin ang ilang katotohanan, kabilang ang mga sumusunod: Ang Relief Society ay sinauna pa at bahagi ng Panunumbalik ng Simbahan ni Jesucristo. Ang Relief Society ay inorganisa sa ilalim ng priesthood at ayon sa huwaran ng priesthood.
-
Sa palagay ninyo ay sa paanong paraan ang Relief Society ay mahalagang bahagi ng ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo?
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin na ang Relief Society ay inorganisa sa ilalim ng priesthood at ayon sa huwaran ng priesthood?
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan kung ano ang ibig sabihin na ang Relief Society ay inorganisa sa ilalim ng priesthood at ayon sa huwaran ng priesthood, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan:
“Sa isang mensahe sa Relief Society, si Pangulong Joseph Fielding Smith, na noon ay Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, ay ganito ang sinabi: ‘Bagama’t ang mga kababaihan ay hindi binigyan ng priesthood at hindi ito iginawad sa kanila, hindi ibig sabihin nito na wala nang awtoridad na ibinigay sa kanila ang Panginoon. … Ang isang lalaki ay maaaring mabigyan ng awtoridad, gayundin ang isang babae, na gawin ang ilang bagay sa Simbahan na may bisa at mahalaga para sa ating kaligtasan, tulad ng ginagawa ng ating kababaihan sa Bahay ng Panginoon. Binigyan sila ng awtoridad na gawin ang ilang dakila at kagila-gilalas na mga bagay, na banal sa Panginoon, at may bisa ito na katulad ng mga pagbabasbas na ibinibigay ng kalalakihang mayhawak ng Priesthood’ [Joseph Fielding Smith, “Relief Society—an Aid to the Priesthood,” Relief Society Magazine, Ene. 1959, 4].
“Sa mahalagang mensaheng iyan, muli’t muling sinabi ni Pangulong Smith na ang kababaihan ay binigyan ng awtoridad. Sinabi niya sa kababaihan, ‘Makapagsasalita kayo nang may awtoridad, sapagkat binigyan kayo ng awtoridad ng Panginoon.’ Sinabi rin niya na ang Relief Society ay ‘binigyan ng kapangyarihan at awtoridad na gawin ang maraming dakilang bagay. Ang gawain nila ay ginagawa nang may awtoridad mula sa Diyos.’ At, mangyari pa, ang gawain sa Simbahan na ginagawa ng kalalakihan at kababaihan, sa templo man o sa mga ward o branch, ay ginagawa sa ilalim ng pamamahala ng mga mayhawak ng mga susi ng priesthood. Kaya patungkol sa Relief Society, ipinaliwanag ni Pangulong Smith na, ‘Ibinigay [ng Panginoon] sa kanila ang napakalaking organisasyong ito kung saan mayroon silang awtoridad na maglingkod sa ilalim ng pamamahala ng mga bishop ng mga ward … , na pinangangalagaan ang kapakanan ng ating mga tao kapwa sa espirituwal at temporal’ [Joseph Fielding Smith, “Relief Society—an Aid to the Priesthood,” 4, 5].
“Tunay na masasabi kung gayon na ang Relief Society ay hindi isang klase lamang na dadaluhan ng kababaihan kundi isang samahan na kinabibilangan nila—na itinatag ng Diyos na kalakip ng priesthood” (Dallin H. Oaks, “Ang mga Susi at Awtoridad ng Priesthood,” Ensign or Liahona, Mayo 2014, 50–51).
-
Paano makatutulong sa atin ang mga pahayag na ito na mas maunawaan na ang Relief Society ay inorganisa sa ilalim ng priesthood at ayon sa huwaran ng priesthood?
Sabihin sa mga estudyante na hanapin ang kabanata 37 ng Mga Banal: Tomo 1. Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng pahina 513, simula sa talatang nagsisimula sa “Matapos kumanta ang lahat …” at nagtatapos sa mga talata sa pahina 515 na nagsisimula sa “‘Ang bawat miyembro ay dapat na maging …’” Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang nangyari at tinalakay sa araw na inorganisa ang Relief Society.
-
Ano ang napansin ninyo sa mga talatang ito?
-
Ano ang ilang paraan na ang kababaihan ng Relief Society ay nakagawa ng “di pangkaraniwan” upang pagpalain kayo o ang isang taong kilala ninyo?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na talata:
“Usap-usapan noon ng kababaihan sa Nauvoo ang pagsali sa Relief Society. Sabik silang magbigay ng temporal at espirituwal na tulong sa organisado at awtorisadong paraan. Kinilala rin nila ang walang kapantay na pagkakataong maturuan ng isang propeta bilang paghahanda sa mas mataas na espirituwal na kaalaman at mga pagpapala ng templo. Gustung-gusto nilang nagkakaisa sila at kasama ang kanilang mga kapatid sa priesthood sa mga dakilang layuning ito. …
“… Mapalad ang kababaihan at naturuan sila ni Propetang Joseph Smith sa anim sa kanilang mga pulong. Habang nagtuturo siya, nadama nila ang masaganang pagbuhos ng Espiritu. …
“Itinuro ni Joseph Smith ang mga alituntunin na nakatulong sa kababaihan ng Relief Society na ‘magbigay-ginhawa sa mga dukha’ at ‘magligtas ng mga kaluluwa’—mga saligang alituntunin kung saan nakasalig ang samahan. … Simula noong mga unang pulong ng Relief Society, ipinamumuhay na ng kababaihan ang mga itinuturo ng Propeta sa pagsisikap nilang pag-ibayuhin ang pananampalataya at sariling kabutihan, palakasin ang mga pamilya at tahanan, at hanapin at tulungan ang mga nangangailangan.” (Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian [2011], 18–20).
Maaari mong anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi ang kanilang patotoo tungkol sa Relief Society bilang bahagi ng Simbahan ng Tagapagligtas na may banal na inspirasyon. Hikayatin ang kababaihan na maging aktibo sa Relief Society sa kanilang mga branch, ward, district, at stake.
Pinangasiwaan ni Propetang Joseph Smith ang endowment sa templo sa Nauvoo
Idispley ang kalakip na larawan, at ipaliwanag na ito ay isang larawan ng silid sa itaas ng muling itinayong Tindahan na Yari sa Pulang Laryo sa Nauvoo, Illinois. Noong Mayo 4, 1842, matagal na panahon bago matapos ang Nauvoo Temple, pinasimulan ni Propetang Joseph Smith ang endowment sa templo sa isang maliit na grupo ng mga lider ng Simbahan sa silid sa itaas ng kanyang Tindahan na Yari sa Pulang Laryo, na siyang inayos bilang paghahanda para sa seremonya ng endowment. Bagama’t hindi natin alam kung kailan eksaktong tinanggap ni Propetang Joseph Smith ang pang-unawa ukol sa endowment sa templo, alam natin na tinanggap niya ito sa pamamagitan ng paghahayag (tingnan sa Russell M. Nelson, “Personal Preparation for Temple Blessings,” Ensign, Mayo 2001, 33).
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na tala. Sabihin sa klase na pakinggan kung paano inilarawan ng kasaysayan ni Joseph Smith ang ordenansa ng endowment na kanyang pinangasiwaan noong Mayo 4, 1842:
“Ginugol ko ang maghapon sa itaas na bahagi ng tindahan, … na kausap sina General James Adams, ng Springfield, Patriarch Hyrum Smith, Bishop Newel K. Whitney at George Miller, at Pangulong Brigham Young at Elder Heber C. Kimball at Elder Willard Richards, at itinuro sa kanila ang mga alituntunin at orden ng Priesthood, pagsasagawa ng paghuhugas, pagpapahid ng langis, mga endowment at pagkakaloob ng mga susing patungkol sa Aaronic Priesthood, at kung anu-ano pa hanggang sa pinakamataas na orden ng Melchizedek Priesthood, na inilalahad ang orden tungkol sa Matanda ng mga Araw, at lahat ng plano at alituntuning nagbigay-kakayahan sa lahat na makamtan ang kaganapan ng mga pagpapalang iyon na inihanda para sa Simbahan ng Panganay, at umakyat at makapiling si Elohim sa walang hanggang mga mundo. Sa konsehong ito itinatag ang sinaunang orden ng mga bagay-bagay sa kaunaunahang pagkakataon nitong mga huling araw.
“At ang mga komunikasyong ginawa ko sa konsehong ito ay mga bagay na espirituwal, at matatanggap lamang ng mga taong may espirituwal na kaisipan: at walang ipinaalam sa mga taong ito maliban sa mga bagay na ipaaalam sa lahat ng Banal sa mga huling araw, sa panahong handa na silang tumanggap, at isang angkop na lugar ang inihanda upang maipaalam ang mga ito, maging sa mga pinakamahina sa mga Banal; kung gayon hayaang magsumigasig ang mga Banal sa pagtatayo ng Templo, at lahat ng bahay na ipinatayo, o mula ngayo’y ipatatayo, ng Diyos.” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 485–86).
-
Ano ang nakikita ninyong interesante o mahalaga sa talang ito?
Ipaliwanag na ang salitang Elohim ay isang salitang Hebreo na ibig sabihin ay “Diyos” o “mga diyos.” Sa kontekstong ito, ang salitang “si Elohim” ay kasama ang Ama sa Langit at si Jesucristo (tingan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Elohim,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org).
-
Ano ang itinuturo ng katagang “umakyat at makapiling si Elohim sa walang hanggang mga mundo” sa atin tungkol sa layunin ng mga ordenansa ng endowment sa templo? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat ang sumusunod na katotohanan sa pisara: Ang endowment sa templo ay inihahanda tayo upang makapasok at manatili sa piling ng Ama sa Langit at ni Jesucristo.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson:
“Sa templo ay natatanggap natin ang isang kaloob, na kung tutuusin, ay isa talagang regalo. Sa pagtanggap ng kaloob na ito, dapat nating maunawaan ang kahalagahan nito at ang kahalagahan ng pagtupad ng mga sagradong tipan. Ang bawat ordenansa ng templo ‘ay hindi lamang isang rituwal na ginagawa natin, ito ay pagpapakita ng taimtim na pangangako.’ [Gordon B. Hinckley, Teachings of Gordon B. Hinckley (1997), 638].
“Ang endowment sa templo ay ibinigay sa pamamagitan ng paghahayag. Dahil dito, pinakamauunawaan ito sa pamamagitan ng paghahayag, na mapanalanging hinihingi nang taos sa puso [tingnan sa Moroni 10:4–5]. Ipinaliwanag ni Pangulong Brigham Young na ‘Ang inyong endowment ay, tanggapin ang lahat ng ordenansa sa bahay ng Panginoon, na kinakailangan ninyo, matapos ninyong lisanin ang buhay na ito, upang makabalik na muli kayo sa piling ng Ama, … at kamtin ang inyong walang hanggang kadakilaan’ [Discourses of Brigham Young, sel. John A. Widtsoe (1941), 416]. …
“… Ang pagsunod sa mga tipan sa templo ay nagpapagindapat sa atin sa buhay na walang hanggan, ang pinakadakilang kaloob ng Diyos sa tao [tingnan sa D at T 14:7]. Ang buhay na walang hanggan ay higit pa sa imortalidad. Ang buhay na walang hanggan ay ang kadakilaan sa pinakamataas na Langit—ang uri ng buhay na ipinamumuhay ng Diyos” (Russell M. Nelson, “Personal Preparation for Temple Blessings,” Ensign, Mayo 2001, 33).
-
Paano makatutulong ang pahayag na ito na maunawaan natin ang kahalagahan ng pagtanggap ng endowment sa templo at pagtupad sa mga tipang ginagawa natin sa templo?
Ipaliwanag na sa dalawang taon bago ang kanyang kamatayan noong Hunyo 1844, pinasimulan ni Propetang Joseph Smith ang mga ordenansa ng templo “sa ilang dosenang kalalakihan at kababaihan, na magkakasamang nagpupulong nang madalas upang manalangin at makibahagi sa mga seremonya sa templo habang hinihintay nila ang pagtatapos ng pagtayo ng Nauvoo Temple noong Disyembre 1845” (“Joseph Smith’s Teachings about Priesthood, Temple, Women,” Gospel Topics, topics.ChurchofJesusChrist.org). Tinanggap ni Emma Smith ang endowment sa templo noong Setyembre 28, 1843. Siya ang unang babae na tumanggap ng endowment at kalaunan ay tumulong sa ibang kababaihan na matanggap ang ordenansa (tingnan sa The First Fifty Years of Relief Society, mga pat. Jill Mulvay Derr at iba pa [2016], xxviii, 9–10).
-
Ano ang ilang paraan na pinagpala kayo ng mga ordenansa sa templo at pagsasagawa ng mga ordenansa ng templo para sa inyong mga ninuno?
Magpatotoo na ang endowment sa templo ay inihahanda tayo na makasama ang Ama sa Langit at si Jesucristo. Hikayatin ang mga estudyante na sambahin ang Panginoon sa templo sa dalas na pahihintulutan ng kanilang panahon at sitwasyon.
Sabihin sa mga estudyante na maghanda para sa susunod na klase sa pagbabasa ng mga kabanata 38–39 ng Mga Banal: Tomo 1.
Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon
Ang pagtitipon ng mga tao ng Diyos ngayon
Sa kanilang pagbabasa ng kabanata 37 ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846 (2018), matututuhan ng mga estudyante ang iba pa tungkol sa pagsasagawa ng maramihang pag-aasawa sa Nauvoo. Kung may mga tanong ang mga estudyante tungkol sa paksang ito, maaari mong ipabasa sa kanila ang sanaysay sa Gospel Topics na “Plural Marriage in Kirtland and Nauvoo” (topics.ChurchofJesusChrist.org). Ang maramihang pag-aasawa ay tatalakayin nang mas detalyado sa lesson 24.