“Lesson 12 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Pangangalaga sa Pagsasama ng Mag-asawa,” Materyal ng Titser para sa Kursong Ang Walang Hanggang Pamilya (2022)
“Lesson 12 Materyal sa Paghahanda para sa Klase,” Materyal ng Titser para sa Kursong Ang Walang Hanggang Pamilya
Lesson 12 Materyal sa Paghahanda para sa Klase
Pangangalaga sa Pagsasama ng Mag-asawa
Nakakita ka na ba ng mag-asawa na may matibay at masayang pagsasama at inisip kung ano kaya ang susi sa kanilang tagumpay? Ipinahayag ni Pangulong Gordon B. Hinckley, “Ang mabuting pagsasama ng mag-asawa ay nangangailangan ng panahon. Kailangan dito ng sigasig. Kailangan ninyo itong pagsikapan. Kailangan ninyong pagyamanin ito” (“Life’s Obligations,” Ensign, Peb. 1999, 4). Habang pinag-aaralan mo ang doktrina at mga alituntunin sa lesson na ito, isipin kung ano ang magagawa mo upang maihanda ang iyong sarili na magkaroon ng masayang buhay may-asawa o mas mapangalagaan ang pagsasama ninyong mag-asawa.
Bahagi 1
Paano namin gagawin ng aking asawa na maging masaya at walang hanggan ang aming pagsasama?
Sa daigdig na maraming mag-asawa ang tila nagkakaproblema sa pagsasama nila o humahantong sa diborsyo, maaaring iniisip ng ilan kung talagang posible bang maging masaya sila sa pag-aasawa. Ibinigay ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol ang sumusunod na mensahe tungkol sa pag-asa:
Hayaan ninyong ipahayag ko nang walang pag-aalinlangan, walang pasubali, at may pagbibigay-diin, na hindi lamang totoo na may masayang pagsasama ng mag-asawa, kundi ang masayang pagsasama ng mag-asawa ay mas madalas na nangyayari kaysa bibihira.
Kami ni Sister Holland ay buhay na patunay na hindi lang kayo maaaring magiging masaya kundi napakasaya. …
Kailangan ninyong pagsikapan ito bilang mag-asawa. Bawat mabuting bagay na alam ko sa mundong ito ay kailangan ninyong pagsikapan.
Tutulungan kayo ng Diyos. Sa lahat ng bagay sa mundong ito na tutulungan Niya kayo, tutulungan Niya kayo sa inyong pagsasama bilang mag-asawa at sa inyong pamilya, dahil mahalaga sa Kanya ang anumang mahalaga sa inyo. (“You Asked—They Answered: Marriage and Family,” New Era, Ago. 2016, 3)
Basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder L. Whitney Clayton, na naglingkod bilang miyembro ng Pitumpu, tungkol sa kung ano ang nakatutulong para maging masaya at walang hanggan ang kasal. Maaari mong markahan ang mga alituntuning nahanap mo.
Una, naobserbahan ko na sa pinakamasayang pamilya, itinuturing ng mag-asawa ang kanilang relasyon na isang napakahalagang perlas na walang katumbas, isang kayamanan na walang hanggan ang kahalagahan. … Alam nila na wala nang iba pang uri ng ugnayan ang makapagdudulot ng malaking kagalakan, magpapaibayo ng higit na kabutihan, o higit na kadalisayan ng sarili. …
… Ang mga matagumpay [at walang hanggang] buhay mag-asawa ay itinatag sa pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang mga turo [tingnan sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” ChurchofJesusChrist.org]. …
… Ang masayang [pagsasama ng mag-asawa] ay nakasalig sa kaloob na pagsisisi. …
Ang pagpapakumbaba ay pinakamahalagang bahagi ng pagsisisi. Ang pagpapakumbaba ay pagpaparaya, hindi sakim. … Ang pagpapakumbaba ay nangangahulugang hinahangad ng mag-asawa na pagpalain, tulungan, at pasiglahin ang isa’t isa, inuuna ang asawa sa bawat pagpapasya. …
… Ang pinakamasayang pagsasama ng mag-asawa ay bunga ng pagsunod sa isa sa [mga] pinakamasayang kautusan—na tayo ay “mamuhay nang magkakasama sa pag-ibig” [Doktrina at mga Tipan 42:45]. (“Pagsasama ng Mag-asawa: Magmasid at Matuto,” Ensign o Liahona, Mayo 2013, 83, 84, 85)
Bahagi 2
Paano ako matutulungan ng pagsunod sa halimbawa ni Jesucristo upang mapangalagaan ang pagsasama naming mag-asawa?
Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson ang kahalagahan ng pangangalaga sa pagsasama ng mag-asawa:
Malaki ang posibilidad na lumigaya ang tao sa pag-aasawa kaysa sa iba pang pakikipag-ugnayan ng tao. Ngunit bigo ang ilang mag-asawa na maabot ang kanilang [ganap na] potensyal. Hinahayaan nilang kalawangin ang kanilang pag-iibigan, binabalewala nila ang isa’t isa, pinalalabo ng ibang interes o pagpapabaya ang talagang maaaring kahinatnan ng kanilang pagsasama. Mas liligaya ang pagsasama kung higit itong pangangalagaan. (“Pangangalaga sa Kasal,” Ensign o Liahona, Mayo 2006, 36)
Kabilang sa tagubilin na ibinigay ni Apostol Pablo sa mga miyembro ng Simbahan sa Efeso ay ang payo tungkol sa pag-aasawa.
Ang pagsunod sa halimbawa ng Tagapagligtas ay makatutulong sa mag-asawa na gampanan ang kanilang “banal na tungkuling mahalin at kalingain ang bawat isa” (“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” ChurchofJesusChrist.org). Ang ilang pagsisikap na pangalagaan ang pagsasama ng mag-asawa ay maaaring malaki, ngunit ang ilan sa pinakamabisa at makabuluhang mga kilos ay “maliliit at mga karaniwan” (Alma 37:6). Tulad ng itinuro ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, na noon ay nasa Unang Panguluhan, “Ang matiwasay na relasyon ng mga mag-asawa ay nabubuo nang paunti-unti, bawat araw, habambuhay” (“Bilang Papuri sa mga Taong Nagliligtas,” Ensign o Liahona, Mayo 2016, 78).
Si Pangulong Linda K. Burton, dating Relief Society General President, ay nagbigay ng ilang simpleng tanong na magagamit natin para masuri ang ating mga pagsisikap na pangalagaan ang ating pagsasama bilang mag-asawa:
Sa kaunting pag-aakma, maiaangkop ang mga tanong na ito sa karamihan sa atin, may-asawa man tayo o wala, anuman ang sitwasyon sa ating tahanan.
Kailan ko huling pinuri nang taos-puso ang asawa ko, nag-iisa man kami o kaharap ang mga anak namin?
Kailan ako huling nagpasalamat, nagpahayag ng pagmamahal, o taimtim na nagsumamo sa panalangin para sa kanya?
Kailan ko huling pinigil ang aking sarili sa pagsasabi ng isang bagay na alam kong makakasakit?
Kailan ako huling humingi ng paumanhin at mapagpakumbabang humingi ng tawad—nang hindi sinasabing “pero kung ginawa mo lang” o “pero kung hindi mo lang ginawa”?
Kailan ko huling piniling maging masaya sa halip na igiit na “tama” ako? …
Sasamahan ba ninyo ako sa paghingi ng tulong ng Espiritu Santo na turuan tayo kung paano natin mas maiaangat ang bawat isa sa ating magkakatugmang tungkulin bilang mga pinagtipanang anak ng ating mapagmahal na mga magulang sa langit? (“Magkasama Tayong Aangat,” Ensign o Liahona, Mayo 2015, 31–32)
Bahagi 3
Paano ako pipisan sa aking asawa?
Sa isang paghahayag na ibinigay noong 1831, nagbigay ang Panginoon ng ilang pangkalahatang tuntunin ng pag-uugali para sa mga miyembro ng Simbahan. Kasama rito ang utos na “Inyong mahalin ang inyong asawa nang buo ninyong puso, at pumisan sa kanya at wala nang iba” (Doktrina at mga Tipan 42:22; tingnan din sa Genesis 2:24; Mateo 19:5).
Sa mga banal na kasulatan ang ibig sabihin ng salitang pumisan ay mangunyapit, kumapit, manatili, dumikit, o sumama. “Kung gayon, sa kahulugang batay sa banal na kasulatan, nalaman natin na inaasahan ng Diyos na ‘mangunyapit’ tayo sa ating asawa o ‘kumapit’ sa kanya” (Matthew O. Richardson, “Three Principles of Marriage,” Ensign, Abr. 2005, 22).
Itinuro ni Pangulong Spencer W. Kimball ang sumusunod tungkol sa pariralang “wala nang iba” (Doktrina at mga Tipan 42:22):
Ang mga salitang wala nang iba ay nag-aalis sa sinuman at anuman. Kung gayon ang kabiyak ang nakahihigit sa buhay ng bawat isa sa mag-asawa, at ni ang kasiyahan sa pakikihalubilo sa iba, ni pagtatrabaho, ni pulitika o anupamang ibang interes o tao o bagay ay hindi dapat higit na pahalagahan kaysa sa asawa. (The Miracle of Forgiveness [1969], 250)
Ipinaliwanag ni Elder Clayton kung paano naaangkop ang pagpisan sa ating asawa kapag gumagamit tayo ng social media:
Itinuturo ng mga propeta na ang matagumpay na mag-asawa ay “lubos na tapat” sa isa’t isa [tingnan sa Thomas S. Monson, “Kapangyarihan ng Priesthood,” Ensign o Liahona, Mayo 2011, 68; Gordon B. Hinckley, “Life’s Obligations,” 4]. Makabuluhan nilang ginagamit ang social media sa lahat ng paraan. Hindi sila naglilihim sa paggamit ng Internet. Ipinapaalam nila sa isa’t isa ang kanilang mga social network password. Hindi sila tumitingin sa mga online profile ng sinuman kahit sa anumang paraan na maaaring makasira sa pagtitiwala ng kanilang asawa. Hindi sila gumagawa o nagsasabi ng anumang bagay na hindi mabuti, sa Internet man o nang harapan. (“Pagsasama ng Mag-asawa: Magmasid at Matuto,” 84)
Hinggil sa kahalagahan ng pagbibigay sa inyong asawa ng pinakamataas na prayoridad, itinuro ni Pangulong Nelson ang sumusunod sa isang sesyon ng priesthood ng pangkalahatang kumperensya. Bagama’t ang payong ito ay para sa mga lalaki, angkop din ito sa mag-asawa.
Mahalin at pangalagaan ang inyong asawa. Maging isa sa kanya. Maging katuwang niya. … Walang ibang aktibidad o libangan sa buhay ang dapat unahin kaysa sa pagpapatibay ng ugnayang pang-walang-hanggan kasama niya. Walang palabas sa TV, mobile device, o computer ang mas mahalaga kaysa sa kanyang kapakanan. Rebyuhin kung paano ninyo ginugugol ang inyong oras at kung saan ninyo inilalagay ang inyong lakas. Iyan ang magsasabi sa inyo kung saan naroon ang inyong puso. Manalangin na makiisa ang inyong puso sa puso ng inyong asawa. Sikaping mapasaya siya. (“Maaari Tayong Gumawa nang Mas Mahusay at Maging Mas Mahusay,” Ensign o Liahona, Mayo 2019, 68–69)