Institute
Lesson 22 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Palakihin ang mga Anak sa Kabutihan


“Lesson 22 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Palakihin ang mga Anak sa Kabutihan,” Materyal ng Titser para sa Kursong Ang Walang Hanggang Pamilya (2022)

“Lesson 22 Materyal sa Paghahanda para sa Klase,” Materyal ng Titser para sa Kursong Ang Walang Hanggang Pamilya

Larawan
isang pamilya na magkakasamang nag-aaral ng ebanghelyo

Lesson 22 Materyal sa Paghahanda para sa Klase

Pagpapalaki ng mga Anak sa Kabutihan

Ang pagpapalaki ng mga anak upang maging malakas sa espirituwal sa mundo ngayon ay maaaring mahirap. Gayunman, ang pangakong ibinigay ng Tagapagligtas sa mga Nephita ay angkop din sa atin ngayon: “Lahat ng iyong mga anak ay tuturuan ng Panginoon; at malaki ang magiging kapayapaan ng iyong mga anak” (3 Nephi 22:13). Habang pinag-aaralan mo ang lesson na ito, isipin kung paano mo magagampanan ang iyong “banal na tungkuling palakihin ang [iyong] mga anak sa … kabutihan” (“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” simabahannijesucristo.org).

Bahagi 1

Ano ang inaasahan ng Panginoon sa akin bilang magulang?

Sa unang bahagi ng dispensasyong ito, itinuro ni Jesucristo sa mga magulang ang tungkol sa kanilang responsibilidad na palakihin ang kanilang mga anak sa kabutihan. Ipinahayag Niya, “Ipinag-utos ko sa inyo na palakihin ang inyong mga anak sa liwanag at katotohanan” (Doktrina at mga Tipan 93:40). Pagkatapos ay pinayuhan ng Tagapagligtas si Propetang Joseph Smith at ang iba pang mga lider ng Simbahan na ayusin ang kanilang mga tahanan at maging “higit na masigasig at mapagmalasakit sa tahanan” (talata 50; tingnan sa talata 41–50).

Ipinahayag din ng mga propeta sa mga huling araw na kailangang kusang magsikap ang mga magulang na ituro ang ebanghelyo sa kanilang tahanan. Binigyang-diin din nila na ang pag-aaral ng ebanghelyo ay “nakasentro sa tahanan at sinusuportahan ng Simbahan” (David A. Bednar, “Handa na Matamo ang Bawat Kinakailangang Bagay,” Liahona, Mayo 2019, 101; tingnan din sa pahina 102–4).

Habang naglilingkod sa Sunday School General Presidency, itinuro ni President Tad R. Callister:

Larawan
President Tad R. Callister

Bilang mga magulang, tayo ang dapat maging pangunahing mga guro at halimbawa ng ebanghelyo sa ating mga anak—hindi ang bishop, Sunday School, Young Women o Young Men, kundi ang mga magulang. Bilang kanilang pangunahing mga guro ng ebanghelyo, maituturo natin sa kanila ang kapangyarihan at katotohanan ng Pagbabayad-sala—ang kanilang pagkatao at banal na tadhana—at sa paggawa nito ay nabibigyan sila ng matibay na pundasyong mapagsasaligan. Matapos masabi at magawa ang lahat, ang tahanan pa rin ang pinakamagandang lugar sa pagtuturo ng ebanghelyo ni Jesucristo. (“Mga Magulang: Ang Pangunahing mga Guro ng Ebanghelyo sa Kanilang mga Anak,” Liahona, Nob. 2014, 32–33)

Larawan
mga magulang na nagtuturo sa kanilang mga anak
Larawan
icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 68:25, 28, at markahan ang mga katotohanan na responsibilidad ng mga magulang na ipaunawa sa kanilang mga anak.

Matapos basahin ang mga talatang ito, sinabi ni Sister Cheryl A. Esplin, dating tagapayo sa Primary General Presidency:

Larawan
Sister Cheryl A. Esplin

Ang pagtuturo sa ating mga anak na makaunawa ay higit pa sa pagbabahagi ng impormasyon. Ito’y pagtulong sa ating mga anak na maitanim ang doktrina sa kanilang mga puso na nagiging bahagi na ito ng kanilang pagkatao at nakikita na sa kanilang pag-uugali at kilos sa buong buhay nila. (“Turuan ang Ating mga Anak na Umunawa,” Liahona, Mayo 2012, 10)

Habang naglilingkod sa Primary General Presidency, itinuro ni President Joy D. Jones:

Larawan
President Joy D. Jones

Hindi natin maaaring hintaying basta na lamang mangyari ang pagbabalik-loob sa ating mga anak. Ang hindi-sadyang pagbabalik-loob ay hindi alituntunin ng ebanghelyo ni Jesucristo. Ang pagiging katulad ng ating Tagapagligtas ay hindi nangyayari nang walang ginagawa. Ang sadyang pagmamahal, pagtuturo, at pagpapatotoo ay makatutulong sa mga bata na magsimulang madama ang impluwensya ng Espiritu Santo sa murang edad. Ang Espiritu Santo ay mahalaga sa patotoo at pagbabalik-loob ng ating mga anak kay Jesucristo; nais natin na sila “sa tuwina ay aalalahanin siya, nang mapasakanila ang kanyang Espiritu upang makasama nila” [Doktrina at mga Tipan 20:79]. (“Makabuluhang mga Pag-uusap,” Liahona, Mayo 2021, 12–13)

Larawan
icon, pagnilayan

Magnilay-nilay upang Makapaghanda para sa Klase

Paano matutulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak na “maitanim ang doktrina sa kanilang mga puso na nagiging bahagi na ito ng kanilang pagkatao”? Paano matutulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak na madama ang Espiritu Santo at matuto sa Kanya?

Bahagi 2

Anong mga gawain ang makatutulong sa akin para maakay ko ang aking mga anak patungo sa Tagapagligtas?

Pinagsikapang mabuti ni Nephi at ng kanyang mga tao na tulungan ang kanilang mga anak na matutuhan ang tungkol sa Tagapagligtas.

Larawan
icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang 2 Nephi 25:26, at isipin kung paano matutularan ng mga magulang sa ating panahon ang halimbawa ng mga Nephitang ito.

Si Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol ay nagbigay ng payo na gagabay sa mga magulang sa pagtulong sa kanilang mga anak na matutuhan ang tungkol sa Tagapagligtas at matuto sa Kanya:

Larawan
Elder Neil L. Andersen

May mga larawan ba ng Tagapagligtas sa ating tahanan? Madalas ba nating ikuwento sa ating mga anak ang tungkol sa mga talinghaga ni Jesus? “Ang mga kuwento tungkol kay Jesus ay maaaring tulad ng ihip ng hangin sa pag-aalab ng pananampalataya na nasa puso ng ating mga anak” [Neil L. Andersen, “Mga Kuwento kay Jesus, Isalaysay sa Akin,” Liahona, Mayo 2010, 108]. Kapag nagtatanong sa inyo ang inyong mga anak, isiping ituro ang itinuro ng Tagapagligtas. Halimbawa, kung itanong ng inyong anak, “Itay, bakit tayo nagdarasal?” Maaari kang sumagot ng, “Magandang tanong iyan. Naaalala mo ba noong magdasal si Jesus? Pag-usapan natin kung bakit Siya nagdasal at paano Siya nagdasal.” (“Nangungusap Tayo tungkol kay Cristo,” Liahona, Nob. 2020, 89)

Magagamit natin ang ipinayo ng propetang si Moises sa mga magulang na Israelita: “Iyong ituturo [ang mga kautusan] nang buong sikap sa iyong mga anak, at iyong sasabihin sa kanila kapag ikaw ay nakaupo sa iyong bahay, kapag ikaw ay lumalakad sa daan, at kapag ikaw ay nahihiga, at kapag ikaw ay bumabangon” (Deuteronomio 6:7).

Inilarawan ni President Jones ang diwa ng payo ni Moises nang ituro niya:

Larawan
President Joy D. Jones

“… [Ang isang ] susi sa pagtulong sa mga bata upang makaya nilang labanan ang kasalanan ay simulang ituro nang buong pagmamahal sa kanilang murang edad ang mga pangunahing doktrina at alituntunin ng ebanghelyo—mula sa mga banal na kasulatan, Ang Mga Saligan ng Pananampalataya, sa buklet na Para sa Lakas ng mga Kabataan, mga awit sa Primary, himno, at sarili nating patotoo—na aakay sa mga bata palapit sa Tagapagligtas.

Ang araw-araw na pagdarasal, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, family home evening, at pagsamba tuwing Linggo ay hahantong sa kabutihan, matatag na kalooban, at malakas na moralidad—sa madaling salita, malakas na espirituwalidad. …

Mga kapatid, ilapit nang husto ang inyong mga anak sa inyo—napakalapit upang makita nila ang katapatan ninyo sa araw-araw at mamasdan kayong tumutupad sa inyong mga pangako at tipan. “Ang mga bata ay mahusay sa panggagaya, kaya’t bigyan sila ng magandang tutularan” [hindi binanggit ang pangalan]. (“Isang Henerasyong Kayang Labanan ang mga Kasalanan,” Liahona, Mayo 2017, 88–89)

Larawan
mga magulang na nag-aaral ng mga banal na kasulatan kasama ang kanilang mga anak
Larawan
icon, isulat

Isulat ang Iyong mga Naisip

Mag-ukol ng ilang minuto na isulat ang mabubuting pag-uugali o gawi na maaari mong simulan o patuloy pang pagbutihin ngayon na magdaragdag sa iyong kakayahang palakihin ang iyong mga anak sa kabutihan. Anong mga espirituwal na gawain ang gusto mong maitatag sa iyong pamilya sa hinaharap?

Bahagi 3

Ano ang maaari kong gawin kung lumihis ang isang miyembro ng pamilya sa landas ng ebanghelyo?

Itinuro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Larawan
Elder David A. Bednar

Isa sa pinakamatitinding pagdurusang maaaring maranasan ng masunuring magulang sa Sion ay ang magkaroon ng anak na lumilihis sa landas ng ebanghelyo. Ang mga tanong na “Bakit?” o “Ano ba ang nagawa kong mali?” at “Paano ko ngayon tutulungan ang anak kong ito?” ay walang tigil na pinagbubulayan sa puso’t isipan ng gayong mga magulang. (“Matatapat na Magulang at mga Anak na Naliligaw ng Landas: Patuloy na Umaasa Habang Nilulutas ang Di-Pagkakaunawaan,” Liahona, Mar. 2014, 28)

Larawan
Lehi at Saria

Alam nina Lehi at Saria ang pighating darating kapag lumilihis ang mga anak sa landas ng ebanghelyo.

Larawan
icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang 1 Nephi 8:37–38, at alamin kung paano sinikap ni Lehi na tulungan sina Laman at Lemuel matapos niyang makita sa pangitain na hindi nila tinanggap ang Panginoon.

Pansinin kung paano magiliw na nangaral, o nagturo si Lehi, sa kanyang mga anak. Itinuro ni Elder Ulisses Soares ng Korum ng Labindalawang Apostol ang tungkol sa mga gagawin natin kung lumilihis ang isang miyembro ng pamilya sa landas ng ebanghelyo:

Larawan
Elder Ulisses Soares

Mahirap unawain ang lahat ng dahilan kung bakit tinatahak ng ilang tao ang ibang landas. Ang pinakamagandang magagawa natin sa mga sitwasyong ito ay mahalin at yakapin lang sila, ipagdasal ang kanilang kapakanan, at humingi ng tulong sa Panginoon na malaman kung ano ang gagawin at sasabihin. Taos-pusong magalak na kasama nila sa kanilang mga tagumpay; kaibiganin sila at hanapin ang mabuti sa kanila. Hindi natin sila dapat kaagad na sukuan kundi pag-ingatan ang ating mga [pakikipag-ugnayan] sa kanila. Huwag silang iwaksi o husgahan kailanman. Mahalin lang sila! Itinuturo sa atin ng talinghaga tungkol sa alibughang anak na kapag natatauhan ang mga anak, kadalasa’y gusto nilang umuwi. Kapag nangyari iyan sa mga mahal natin sa buhay, puspusin ng habag ang inyong puso, lapitan sila, yakapin sila, at hagkan sila, tulad ng ginawa ng ama ng alibughang anak [tingnan sa Lucas 15:20].

Sa huli, patuloy na mamuhay nang marapat, maging mabuting halimbawa sa kanila ng inyong pinaniniwalaan, at lumapit sa ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Alam Niya at nauunawaan ang ating matitinding kalungkutan at pasakit, at pagpapalain Niya ang inyong mga pagsisikap at dedikasyon sa inyong mga mahal sa buhay hindi man sa buhay na ito, sa kabilang buhay. (“Paano Ako Makauunawa?,” Liahona, Mayo 2019, 8)

Larawan
isang ama at anak na magkayakap
Larawan
icon, pagnilayan

Magnilay-nilay upang Makapaghanda para sa Klase

Ano ang iba pang mga halimbawa mula sa mga banal na kasulatan tungkol sa mabubuting magulang na may anak o mga anak na lumihis sa landas ng ebanghelyo? (Isipin, halimbawa, si Lehi at ang kanyang mga anak na sina Laman at Lemuel o si Alma at ang kanyang anak na si Nakababatang Alma.) Ano ang matututuhan mo mula sa mga ginawa ng mga magulang na ito na gagabay sa gagawin mo sa mga miyembro ng pamilya na maaaring malihis?