Institute
Lesson 28 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Pagkakaroon ng Pag-asa sa Pagbuo ng Walang-Hanggang Pamilya


“Lesson 28 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Pagkakaroon ng Pag-asa sa Pagbuo ng Walang-Hanggang Pamilya,” Materyal ng Titser para sa Kursong Ang Walang-Hanggang Pamilya (2022)

“Lesson 28 Materyal sa Paghahanda para sa Klase,” Materyal ng Titser para sa Kursong Ang Walang-Hanggang Pamilya

isang pamilya na naglalakad sa harap ng templo

Lesson 28 Materyal sa Paghahanda para sa Klase

Pagkakaroon ng Pag-asa sa Pagbuo ng Walang-Hanggang Pamilya

Isipin ang natutuhan at naranasan mo sa iyong pag-aaral ng tungkol sa walang-hanggang pamilya sa kursong ito. Paano naimpluwensyahan ng mga turong ito ang iyong patotoo, mga hangarin, at kilos? Habang pinag-aaralan mo ang huling lesson na ito, isipin kung ano ang maaaring nais ng Panginoon na gawin mo upang makapamuhay ka nang may mas malaking pag-asa habang nagsisikap kang bumuo at palakasin ang sarili mong walang-hanggang pamilya.

Bahagi 1

Bakit maaari akong magkaroon ng pag-asa sa pagbuo ng isang walang-hanggang pamilya?

Itinuro ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan na maaari tayong magkaroon ng pag-asa sa pagbuo ng isang mapagmahal at walang-hanggang pamilya:

Pangulong Henry B. Eyring

Inaasam nating lahat ang kagalakang mamuhay sa mapagmahal na mga pamilya. Para sa ilan sa atin, ito ay damdaming hindi pa natin naranasan—isang damdamin na alam nating posible ngunit hindi pa natin natatanggap. Maaaring nakita na natin ito sa buhay ng iba. Para sa iba sa atin, ang pagmamahal sa pamilya ay parang mas totoo at mahalaga kapag inihiwalay na tayo ng kamatayan sa isang anak, isang ina, isang ama, isang kapatid na lalaki, isang kapatid na babae, o isang mapagmahal at pinakamamahal na lolo o lola. …

… Kung pinalad tayong matagpuan ang ipinanumbalik na ebanghelyo, maaari nating piliing gumawa at tumupad ng mga tipan sa Diyos para maging karapat-dapat tayo sa buhay na walang hanggan. Kapag nanatili tayong tapat hanggang sa wakas, pagtitibayin ng Espiritu Santo ang ating pag-asa at tiwala na tumatahak tayo sa landas tungo sa buhay na walang hanggan, upang mabuhay sa mga pamilya magpakailanman sa kahariang selestiyal. (“Ang Pag-asa ng Walang-Hanggang Pagmamahal sa Pamilya,” Liahona, Ago. 2016, 4)

Ang ating pananampalataya sa plano ng ating Ama sa Langit at sa Kanyang Anak na si Jesucristo, ay makapagbibigay sa atin ng pag-asa na makabubuo tayo ng isang walang hanggang pamilya. Nais ng Panginoon na tulungan tayo, at sa pamamagitan ng Kanyang kapangyarihan madadaig natin ang mga hamon sa buhay. Sa Bagong Tipan mababasa natin kung paano nagdalang-tao si Elizabeth bagama’t siya ay matanda na at si Maria, isang birhen, ay naging ina ng Anak ng Diyos. Bawat isa sa mga babaeng ito ay naharap sa iba’t ibang kalagayan, ngunit kapwa nila naunawaan na “sa Diyos ay walang salitang hindi mangyayari” (Lucas 1:37).

icon, isulat

Isulat ang Iyong mga Naisip

Tumukoy ng isang halimbawa mula sa mga banal na kasulatan o ang sarili mong karanasan sa pamilya kung paano tinutulungan ng Panginoon ang mga nagtitiwala sa Kanya at humihingi ng Kanyang tulong. Mag-ukol ng ilang minuto na isulat sa isang notebook o note-taking app ang iyong mga sagot sa mga sumusunod na tanong:

  • Anong mga katotohanan tungkol sa Panginoon na nasa salaysay na ito ang maaaring ipayo sa iyo ng isang indibiduwal (o mga indibiduwal) na alalahanin mo?

  • Ano ang maaaring ipayo sa iyo ng isang indibiduwal (o mga indibiduwal) na gawin mo sa iyong mga pagsisikap na bumuo ng walang-hanggang pamilya?

Bahagi 2

Paano ako magkakaroon ng pag-asa sa pagbuo ng walang-hanggang pamilya kung hindi ako nagmula sa isang pamilyang matatag sa pagsunod sa Tagapagligtas?

May ilang young adult na hindi pa nakaranas o nakasaksi ng mga huwaran ng mabuting pamilya sa mismong pamilya nila. May ilan naman na nasaksihan ang pagdidiborsyo ng kanilang mga magulang. Maaaring maisip ng mga nakaranas nito o ng iba pang mahihirap na sitwasyon kung talagang makakaya nilang bumuo ng walang-hanggang pamilya.

babae na nakatanaw sa bintana

Itinuro ni Elder Yoon Hwan Choi ng Pitumpu ang epektong magagawa ng ating mga pagpili para sa ating walang-hanggang pamilya:

Elder Yoon Hwan Choi

Lahat tayo ay bahagi ng isang walang hanggang pamilya. Ang tungkuling ginagampanan natin ay maaaring magsilbing daan tungo sa malaking pagbabago na may positibo o negatibong kauuwian. …

… May mga nauna nang henerasyon sa atin at may susunod pa sa atin na umaasang tutularan natin si Cristo upang tayo ay maging walang hanggang pamilya ng Diyos. (“Huwag Magpalingun-lingon, Tumingala Ka!Liahona, Mayo 2017, 91, 92)

Ang propetang si Abraham ay isang magandang halimbawa kung paano natin pipiliing “magsilbing daan” na may positibong kauuwian para sa sarili nating pamilya. Ang ilan sa pamilya ni Abraham, pati na ang kanyang sariling ama, ay tumalikod sa mga kautusan ng Panginoon. Pinili nila na sumamba sa mga diyus-diyusan. (Tingnan sa Abraham 1:5–6.)

icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang Abraham 1:2, at alamin kung ano ang ninais at pinili ni Abraham sa kabila ng kanyang kalagayan.

Nang tangkain ng masasamang saserdote na ialay si Abraham sa kanilang mga diyus-diyusan, mahimalang iniligtas ng Panginoon si Abraham. Kalaunan, pinatnubayan Niya si Abraham at ang ilan sa kanyang mga kamag-anak patungo sa ibang lupain. Habang naroon sila, ipinangako ng Panginoon kay Abraham ang mahahalagang pagpapala, kabilang ang pagpapala ng walang-hanggang pamilya. (Tingnan sa Abraham 1:7–18; 2:3–4, 8–11.)

Tulad ni Abraham, maaari nating hangarin ang mga pagpapala ng walang-hanggang pamilya at matanggap ang tulong ng Panginoon sa pagbuo nito, anuman ang kalagayan ng ating pamilya noon.

Pinatototohanan ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder D. Todd Christofferson

Sa mga anak na may problema sa pamilya, sinasabi namin, hindi nababawasan ang inyong pagkatao dahil dito. Ang mga hamon kung minsan ay pahiwatig ng pagtitiwala ng Panginoon sa inyo. Matutulungan Niya kayo, nang tuwiran at sa pamamagitan ng iba, na harapin ang mga dinaranas ninyo. Maaaring kayo ang maging henerasyon, marahil ang una sa inyong pamilya, kung saan tunay na nahuhubog ang mga banal na huwarang inorden ng Diyos para sa pamilya at pinagpapala ang lahat ng henerasyong susunod sa inyo. (“Mga Ama,” Liahona, Mayo 2016, 96)

isang pamilya na magkakasamang nagdarasal

Ibinahagi ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol ang kanyang sariling karanasan sa pagpiling bumuo ng isang walang-hanggang pamilya. Basahin ang pahayag sa ibaba o pakinggan ito, simula sa time code na 25:47 hanggang 28:15.

Elder David A. Bednar

Sa tulong ng Panginoon, makalilikha kayo ng walang-hanggang pamilya, kahit hindi kayo nagmula sa klase ng Latter-day Saint home na kung minsa’y itinatampok sa mga pahina ng mga magasing Liahona o Ensign [ng Simbahan]. Lagi sanang alalahanin: nagsisimula ito sa inyo!

Ang katotohanan mismo na hindi ko pa naranasan ang mga huwaran ng mabuting pamilya sa tahanang kinagisnan ko ay lumikha ng matinding hangarin sa akin na masigasig kaming magtrabaho ni Susan upang matiyak na ang gayong mga huwaran ay laging maging bahagi ng tahanang sabay naming binuo. Nang sumangguni kami sa isa’t isa at humingi ng tulong sa aming mga panalangin, nagkaroon kami ng inspirasyon at napagpalang matulungan ang aming mga anak na matutuhan ang mga alituntunin ng ipinanumbalik na ebanghelyo ng Tagapagligtas. Tiyak na hindi kami perpektong mga magulang, ngunit tumanggap kami ng espirituwal na mga kaloob na kailangan namin at nakasumpong kami ng “[tulong] sa gawad [na] lakas” [“Panginoon, Kayo’y Laging Susundin,” Mga Himno, blg. 164].

Hindi tayo nakakulong sa ating nakaraang mga karanasan. Hindi tayo lubos at lubusang mga biktima ng ating kasalukuyang sitwasyon o bihag ng ating kapaligiran. Ituturo sa atin ng Espiritu Santo ang lahat ng bagay na dapat nating gawin, pati na ang mga huwaran ng kabutihan sa pamilya na hindi pa natin naranasan. Nagsisimula ito sa inyo. At sa tulong ng Panginoon, magagawa ninyo ito.

May ilan sa inyo na nawasak ang puso dahil hindi iginalang ng mga kapamilya o ng nirerespeto ninyong mga lider ang mga sagradong tipan sa kasal. Maitatanong ninyo sa sarili, “Kung ang mga magulang ko o ang iba pang mga mag-asawang nakilala ko ay ibinuklod sa templo at hindi nagtagumpay ang kanilang pagsasama, ano ang pag-asa ko na tatagal magpakailanman ang pagsasama namin ng asawa ko?”

Sa inyo na nakaranas ng sakit ng diborsyo sa inyong pamilya o nakadama ng pagdurusa ng nasirang tiwala, alalahanin sana na nagsisimula itong muli sa inyo! Maaaring naputol ang isang dugtong sa kawing ng inyong mga henerasyon, ngunit ang iba pang matitibay na dugtong at ang natitira sa kawing ay walang hanggan din ang kahalagahan. Maaari mong mapatibay ang iyong kawing at marahil ay maibalik pa ang naputol na mga dugtong. Magagawa iyan nang paisa-isa. (“Isang Matibay na Dugtong” [pandaigdigang debosyonal para sa mga young adult, Set. 10, 2017], broadcasts.ChurchofJesusChrist.org)

icon, pagnilayan

Magnilay-nilay upang Makapaghanda para sa Klase

Isipin ang iyong mga anak sa hinaharap (o kasalukuyan). Anong mga huwaran ng mabuting pamilya ang maaaring naisin nilang simulan o ipagpatuloy mo? Mayroon bang anumang di-matwid na pag-uugali na nanaisin nilang itigil mo? Paano ka matutulungan ng Panginoon kapag ginawa mo ito?

Bahagi 3

Ano ang natutuhan at naranasan mo sa iyong pag-aaral ng tungkol sa walang-hanggang pamilya?

Sa nalalapit na pagtatapos ng kursong ito, isipin ang natutuhan mo tungkol sa kahalagahan ng pamilya sa plano ng kaligtasan ng ating Ama sa Langit at sa sarili mong buhay.

Hinggil sa kahalagahan ng mga pamilya, itinuro ni Pangulong M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Pangulong M. Russell Ballard

Mga kapatid, ang pinakamahalagang dahilan ng ating buhay ay ang ating mga pamilya. Kung ilalaan natin ang ating sarili dito, mapagbubuti natin ang bawat aspeto ng ating buhay at, bilang mga tao at bilang simbahan, magiging halimbawa at tanglaw tayo sa lahat ng tao sa buong mundo. (“Upang Mahanap ang Naliligaw,” Liahona, Mayo 2012, 98)

mga magulang kasama ang kanilang anak
icon, pagnilayan

Magnilay-nilay upang Makapaghanda para sa Klase

Balikan ang mga pamagat ng mga lesson sa kursong ito. Habang binabasa mo ang mga ito, isipin ang mga sumusunod na tanong:

  • Paano nakaimpluwensya ang kursong ito sa iyong pag-unawa at patotoo sa mga turo ng Panginoon tungkol sa kasal at pamilya?

  • Ano ang isa sa mga pinakamahalagang natutuhan mo sa kursong ito?

  • Ano ang natutuhan mo tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo sa buong kursong ito? Paano napalakas ang iyong ugnayan sa Kanila?