2010–2019
Sa Dilim at Liwanag, Aking Panginoon, Manatili!
Pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2019


2:3

Sa Dilim at Liwanag, Aking Panginoon, Manatili!

Pinatototohanan ko na sa “dilim at liwanag” mananatili ang Panginoon sa piling natin, nang ang ating “mga paghihirap [ay] malulon sa kagalakan dahil kay Cristo.”

Nakasaad sa isa sa paborito nating himno ang pagsamong “[Sa dilim at liwanag,] aking Panginoon, manatili!”1 Minsan ay nakasakay ako sa eroplano habang palapit ang isang malakas na bagyo. Nang tumanaw ako sa bintana, nakita ko ang makapal at madilim na mga ulap na nasa ilalim namin. Ang mga sinag ng papalubog na araw ay tumagos sa mga ulap, kaya nagliwanag nang matindi ang mga ito. Hindi nagtagal ay bumaba na ang eroplano sa makapal at madilim na mga ulap, at bigla kaming nabalot ng makapal na kadiliman na dahilan para malimutan namin ang matinding liwanag na nasaksihan namin ilang sandali pa lang ang nakalipas.2

Mga sinag ng papalubog na araw
Madilim na kaulapan

Maaari ding magkaroon ng madilim na mga ulap sa ating buhay, na maaaring bumulag sa atin at hindi makita ang liwanag ng Diyos at maging dahilan para magduda tayo kung nariyan ba talaga ang liwanag na iyon para sa atin. Ang ilan sa mga ulap na ito ay ang depresyon, pagkabalisa, at iba pang uri ng karamdaman sa isip at emosyon. Maaaring mapinsala ng mga ito ang tingin natin sa ating sarili, sa iba, at maging sa Diyos. Nakakaapekto ang mga ito sa kababaihan at kalalakihan sa lahat ng edad sa lahat ng sulok ng mundo.

Nakapipinsala rin ang nakamamanhid na ulap ng pag-aalinlangan na maaaring makaapekto sa iba na hindi pa nakaranas ng ganitong mga problema o pagsubok. Tulad ng alinmang bahagi ng katawan, ang utak ay maaaring dumanas ng sakit, trauma, at mga chemical imbalance. Kapag nahihirapan ang ating isipan, angkop lamang na humingi ng tulong sa Diyos, sa mga nasa paligid natin, at sa mga medical at mental health professional.

“Lahat ng tao—lalaki at babae—ay nilalang sa larawan ng Diyos. Bawat isa ay minamahal na espiritung anak na lalaki o babae ng mga magulang sa langit, at … bawat isa ay may katangian at tadhana na tulad ng sa Diyos.”3 Tulad ng ating mga Magulang sa Langit at ng ating Tagapagligtas, mayroon tayong katawang pisikal4 at may damdamin na nakadarama.5

Mahal kong mga kapatid, normal lang ang malungkot o mag-alala paminsan-minsan. Ang kalungkutan at pagkabalisa ay likas na mga damdamin ng tao.6 Gayunman, kung palagi tayong malungkot at kung humahadlang ang ating kalungkutan o pasakit sa kakayahan nating madama ang pagmamahal ng ating Ama sa Langit at ng Kanyang Anak at ang impluwensya ng Espiritu Santo, maaaring dumaranas tayo ng depresyon, pagkabalisa, o iba pang kalagayan sa emosyon.

Isinulat minsan ng anak kong babae: “May pagkakataon noon … [na] palaging napakalungkot ko. Palagi kong naiisip noon na ang kalungkutan ay isang bagay na dapat ikahiya, at tanda ito ng kahinaan. Kaya itinago ko na lamang ang aking kalungkutan sa aking sarili. … Pakiramdam ko ay wala akong silbi.”7

Ganito ito inilarawan ng isang kaibigan: “Simula sa pagkabata ko, palagi kong pinaglalabanan ang kawalang pag-asa, kadiliman, kalungkutan, at pangamba at ang pakiramdam na mahina ako o may depekto. Ginawa ko ang lahat para itago ang paghihirap ko at upang ipakita sa iba na matatag at malakas ako.”8

Mahal kong mga kaibigan, maaaring mangyari ito sa sinuman sa atin—lalo na kapag, bilang mga naniniwala sa plano ng kaligayahan, ay pinapasakitan natin ang ating sarili sa pag-iisip na kailangan nating maging perpekto ngayon. Ang gayong mga kaisipan ay maaaring maging mabigat isipin. Ang pagiging perpekto ay isang prosesong mangyayari sa buong buhay natin at hanggang sa kabilang-buhay—at sa pamamagitan lamang ng biyaya ni Jesucristo.9

Sa kabilang dako naman, kapag hayagan nating sinasabi ang mga paghihirap ng ating damdamin, na inaamin na hindi tayo perpekto, tinutulutan natin ang iba na ibahagi rin ang kanilang mga problema o paghihirap. Magkasama nating natatanto na may pag-asa at hindi tayo kailangang magdusang mag-isa.10

Pag-asa sa Ikalawang Pagparito

Bilang mga disipulo ni Jesucristo, nakipagtipan tayo sa Diyos na tayo ay “nahahandang magpasan ng pasanin ng isa’t isa,” at “makidalamhati sa mga yaong nagdadalamhati.”11 Maaaring kasama rito ang pagkakaroon ng kaalaman tungkol sa mga karamdaman sa emosyon, paghahanap ng resources na makatutulong para malutas ang mga pasakit na ito, at sa huli ay mailapit ang ating sarili at ang iba kay Cristo, ang Dalubhasang Manggagamot.12 Kahit hindi natin alam kung paano makikisimpatiya sa pinagdaraanan ng iba, ang malaman na talagang nahihirapan sila ay maaaring isang mahalagang hakbang sa pag-unawa at paggaling.13

Sa ilang sitwasyon, ang sanhi ng depresyon o pagkabalisa ay maaaring matukoy, samantalang sa ibang pagkakataon ay maaaring mas mahirap itong mahiwatigan.14 Ang ating utak ay maaaring mahirapan dahil sa stress15 o matinding pagod,16 na kung minsa’y maaaring masolusyunan sa pamamagitan ng pagbabago sa kinakain, oras ng pagtulog, at pag-eehersisyo. Sa ibang mga pagkakataon, maaaring kailanganin din ang therapy o pag-inom ng gamot ayon sa bilin ng mga doktor.

Ang di-nagamot na karamdaman sa pag-iisip o emosyon ay maaaring humantong sa lalo pang paglayo ng sarili sa iba, mga di-pagkakaunawaan, pagkasira ng relasyon, pananakit sa sarili, at maging sa pagpapakamatay. Alam ko ito, dahil ang aking ama ay nagpakamatay maraming taon na ang nakararaan. Nakakagulat at napakasakit ng pagkamatay niya para sa aming pamilya at sa akin. Maraming taon kong pinaglabanan ang aking pagdadalamhati, at kamakailan ko lang nalaman na ang pagsasalita tungkol sa pagpapakamatay sa angkop na mga paraan ay talagang nakakatulong para maiwasan ito sa halip na mahikayat ito.17 Nasasabi ko na ngayon sa mga anak ko ang pagkamatay ng aking ama at nasaksihan ko ang paggaling na naibibigay ng Tagapagligtas sa magkabilang panig ng tabing.18

Nakakalungkot na marami sa mga dumaranas ng matinding depresyon ang lumalayo sa kanilang kapwa mga Banal dahil pakiramdam nila ay hindi sila nabibilang. Maaari natin silang tulungan na malaman at madama na talagang kabilang sila sa atin. Mahalagang unawain na ang depresyon ay hindi bunga ng kahinaan, ni hindi ito bunga ng kasalanan.19 Ito “ay tumitindi kapag inilihim ngunit nababawasan kapag inunawa.”20 Magkakasama nating madaraig ang mga ulap ng pag-iisa at pagkahiya upang mapawi ang pasaning ito at mangyari ang mga himala ng paggaling.

Noong Kanyang mortal na ministeryo, pinagaling ni Jesucristo ang mga maysakit at may karamdaman, ngunit bawat tao ay kinailangang manampalataya sa Kanya at kumilos upang matanggap ang Kanyang pagpapagaling. Ang ilan ay naglakad nang malayo, ang iba ay iniunat ang kanilang kamay para mahawakan ang Kanyang damit, at ang iba ay kinailangang buhatin at dalhin sa Kanya para mapagaling.21 Kung tungkol sa paggaling, hindi ba’t lahat tayo ay kailangang-kailangan Siya? “Hindi ba’t tayong lahat ay mga pulubi?”22

Tahakin natin ang landas ng Tagapagligtas at dagdagan ang ating pagkahabag, bawasan ang panghuhusga, at tigilan na ang pagiging mapanuri sa espirituwalidad ng iba. Ang pakikinig nang may pagmamahal ay isa sa mga pinakadakilang kaloob na maibibigay natin, at makatutulong tayo na pasanin o pawiin ang mabibigat na ulap na nagpapahirap sa ating mga mahal sa buhay at mga kaibigan23 nang sa gayon, sa pamamagitan ng ating pagmamahal, muli nilang madama ang Espiritu Santo at ang liwanag na nagmumula kay Jesucristo.

Kung kayo ay palaging napapalibutan ng “abu-abo ng kadiliman,”24 bumaling sa Ama sa Langit. Wala kayong anumang naranasan na makakapagpabago sa walang-hanggang katotohanan na kayo ay Kanyang anak at mahal Niya kayo.25 Tandaan na si Cristo ang inyong Tagapagligtas at Manunubos, at ang Diyos ang inyong Ama. Nakauunawa Sila. Isipin ninyo na malapit Sila sa inyo, nakikinig at nagbibigay ng suporta.26 “[Kanila] kayong aaluin sa inyong mga paghihirap.”27 Gawin ninyo ang lahat ng inyong makakaya, at magtiwala sa nagbabayad-salang biyaya ng Panginoon.

Hindi ang inyong mga pasakit ang magtatakda kung ano ang magiging kayo, ngunit maaari kayong dalisayin ng mga ito.28 Dahil sa “tinik sa laman,”29 maaari kayong magkaroon ng damdaming mas mahabag sa iba. Sa paggabay ng Espiritu Santo, ibahagi ang inyong kuwento upang “tulungan ang mahihina, itaas ang mga kamay na nakababa, at palakasin ang tuhod na mahihina.”30

Para sa atin na kasalukuyang nahihirapan o tumutulong sa isang taong nahihirapan, maging handa tayong sundin ang mga utos ng Diyos upang laging mapasaatin ang Kanyang Espiritu.31 Gawin natin ang “maliliit at simpleng mga bagay”32 na magbibigay sa atin ng espirituwal na lakas. Tulad ng sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson: “Walang higit na makapagbubukas ng kalangitan sa magagawa ng dagdag na kadalisayan, lubos na pagsunod, masigasig na paghahanap, araw-araw na pagpapakabusog sa mga salita ni Cristo sa Aklat ni Mormon, at pag-uukol ng oras sa templo at gawain sa family history.”33

Ang Tagapagligtas ay nagpapagaling

Tandaan nating lahat na ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo ay, “[dinala] sa kanyang sarili … ang [ating] mga kahinaan, upang ang kanyang sisidlan ay mapuspos ng awa, ayon sa laman, upang malaman niya … kung paano [tayo] tutulungan … alinsunod sa [ating] mga kahinaan.”34 Naparito Siya “upang magpagaling ng mga bagbag na puso, … upang aliwin ang lahat ng tumatangis; … upang bigyan sila ng putong na bulaklak na kahalili ng mga abo, ng langis ng kagalakan na kahalili ng pagtangis, ng damit ng kapurihan na kahalili ng kabigatan ng loob.”35

Ang Ikalawang Pagparito

Pinatototohanan ko sa inyo na “sa dilim at liwanag” mananatili ang Panginoon sa piling natin, ang ating “mga paghihirap [ay] malululon sa kagalakan dahil kay Cristo,”36 at “naligtas tayo sa pamamagitan ng biyaya, sa kabila ng lahat ng ating magagawa.”37 Pinatototohanan ko na si Jesucristo ay babalik sa mundo “na may pagpapagaling sa kanyang mga bagwis.”38 Sa huli, “papahirin niya ang bawa’t luha sa [ating] mga mata; at hindi na magkakaroon pa ng dalamhati.”39 Sa lahat ng “[lalapit] kay Cristo, at [magiging] ganap sa kanya,”40 ang “araw ay hindi na lulubog; … sapagka’t ang Panginoon ay magiging [ating] walang hanggang liwanag, at ang mga kaarawan ng [ating] pagtangis ay matatapos.”41 Sa pangalan ni Jesucristo, amen.