Kabanata 1
Saan at Kailan
“Sabihin mo sa kanyang pabalikin ang Simbahan.”
Ang tahimik at nagpupumilit na tinig ay gumulat at nagpalito sa labing-anim na taong gulang na si Nora Siu Yuen Koot. “Ano po?,” sabi niya.
“Sabihin mo sa kanyang pabalikin ang Simbahan.”
Muling narinig ni Nora nang malinaw ang mensahe. Para bang may bumulong sa kanyang tainga. Pero walang tao na malapit sa kanya. Mag-isa siyang nakatayo sa labas ng isang otel sa Hong Kong noong Setyembre 1954. May ilang bisita mula sa Estados Unidos ang kasasakay lamang ng bus patungong paliparan, at kinakawayan niya ang mga ito bilang paalam.
Ang bisita ay mga lider ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw na naglalakbay sa kabuuan ng Silangang Asya. Mahigit isang bilyong tao ang nakatira sa panig na iyon ng mundo, subalit isang libo lamang sa kanila ang tinanggap ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. Ilang taon nang walang opisyal na presensya ang Simbahan sa Hong Kong mula nang naganap ang himagsikang sibil sa Tsina at isang digmaan sa kalapit na Korea naman ang nagtulak sa mga lider ng Simbahan na isara ang mission noong 1951. Subalit ngayon ay tapos na ang kaguluhan, at dumating ang mga bisita upang kumustahin si Nora at ang labingwalo pang mga Banal na nakatira sa lunsod.
Nagunguna sa grupo si Elder Harold B. Lee, isang senior na miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol. Batid ni Nora na mahalagang tao ito, ngunit hindi sapat ang kaalaman niya sa administrasyon ng Simbahan para masabi kung bakit. Gayunpaman, alam niyang para kay Elder Lee ang ibinulong na mensahe.
Hindi na nagdalawang-isip pa, iniunat niya ang kamay niya palapit sa bus, umaasang hindi muna ito umalis. “Apostol Lee,” sabi niya.
Inilabas ni Elder Lee ang kamay niya sa bukas na bintana, at hinawakan ito ni Nora. “Pabalikin po sana ninyo ang Simbahan,” hiyaw niya. “Kaming mga Banal na walang Simbahan ay parang mga taong walang pagkain. Kailangan naming matustusan sa espirituwal.”
Napuno ng luha ang mga mata ng apostol. “Hindi ako ang magpapasya,” sabi niya, “ngunit iuulat ko ito sa mga kapatid.” Sinabi nito kay Nora na manalangin at panatilihin ang pananampalataya, tinitiyak sa kanyang hanggang may mga tapat na Banal tulad niya, ang Simbahan ay naroon sa Hong Kong.
Pagkatapos ay umandar ang bus at mabagal itong tumulak palayo.
Magkakasunod na buwan ang lumipas, at walang narinig si Nora mula sa Simbahan. Kung minsan ay iniisip niya kung may mababalitaan pa ba siya. Laging nahihirapan sa Hong Kong ang mga misyonerong Banal sa mga Huling Araw. Unang nagturo ang mga elder doon noong dekada ng 1850, subalit ang pagkakasakit, kaibhan sa relihiyon at kultura, kahirapan, at hindi magkaintindihang wika ay nagtulak sa kanilang isara ang mission makalipas lamang ang ilang buwan at walang binyag. Ang sumunod na grupo ng mga misyonero ay dumating noong 1949, subalit tumagal lamang ang mission na ito ng dalawang taon.
Noong panahong iyon, si Nora at ang kanyang dalawang nakababatang kapatid na babae ay ilan sa mga unang Tsino sa Hong Kong na sumapi sa Simbahan. Ang kanilang pamilya ay kabilang sa ilang daan sa ilang libong refugee na dumating sa lupang sakop ng mga Briton upang takasan ang kaguluhan sa bansang Tsina. Matatagpuan ang punong-tanggapan ng mission sa kalye kung saan sila nakatira, at pinapapunta sina Nora ng kanilang madrasta tuwing umaga, umaasang matututo sila ng wikang Ingles at anumang itinuturo pa ng mga misyonero.
Naaalala pa ni Nora ang mga aralin sa Biblia na natanggap niya mula kay Sister Sai Lang Aki, isang misyonerong Hawaiian na may lahing Tsino na tumulong sa kanyang matuto ng wikang Ingles. Tumanggap noong panahong iyon si Nora ng patotoo ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. Tinulungan siya ng kanyang patotoo na manatiling matatag matapos magsara ang mission, noong tila lumubog na ang araw sa Hong Kong. Kahit sa kawalan ng mga ordenansa ng priesthood, mga sacrament meeting, mga meetinghouse, at babasahin ng Simbahan sa wikang Tsino, nanatiling matibay ang kanyang pananampalataya kay Jesucristo.
Noong Agosto 1955, halos isang taon makalipas ang pagbisita ni Elder Lee, isang matangkad, olandes ang buhok na binata ang lumapit kay Nora sa sinehan kung saan siya nagtatrabaho. Agad-agad ay nakilala niya si Grant Heaton, na minsang naglingkod bilang misyonero sa Hong Kong bago nagsara ang mission. Siya at ang asawa nitong si Luana ay kararating lamang sa Hong Kong para buksan ang bagong likhang Southern Far East Mission.
Tuwang-tuwa si Nora. Gaya ng inaasahan niya, nakipag-usap si Elder Lee sa mga lider ng Simbahan tungkol sa mga Banal sa Hong Kong. Sa katunayan, pagkabalik nito agad sa Estados Unidos, iminungkahi ni Elder Lee ang muling pagbubukas ng mission at sinabi pa ang kuwento ni Nora sa pangkalahatang kumperensya ng Simbahan. Pagkatapos ay hinirang ng pangulo ng Simbahan na si David O. McKay si Grant na pamunuan ang bagong mission, na sakop ang Hong Kong, Taiwan, Pilipinas, Guam, at iba pang mga lugar sa rehiyon.
“Bukang-liwayway na,” naisip ni Nora. “Bumalik na ang umaga sa mga Banal sa Hong Kong!”
Noong ika-22 ng Setyembre 1955, halos dalawang buwan ang nakalipas nang buksan ang Southern Far East Mission, bumalik si Pangulong David O. Mckay sa Lunsod ng Salt Lake matapos ang limang linggong pagbisita sa mga Banal sa Europa. Bagamat maghapong nakakulong sila ng asawa niyang si Emma Ray sa eroplano, masaya nilang binati ang mga lider ng Simbahan, mga miyembro ng pamilya, at mga kaibigang nagpunta sa paliparan para salubungin ang pag-uwi nila.
Huminto sa tarmac para makipag-usap sa mga mamamahayag at litratista, handang nagsalita si Pangulong McKay ukol sa rurok ng kanyang paglalakbay: ang paglalaan ng templo malapit sa Bern, Switzerland. Isa na ito sa pitong ginagamit na templo sa mundo, at ang unang itinayo sa Europa. Isinagawa ang paglalaan nito sa mahigit sampung sesyon gamit ang pitong wika. At ilang daang Banal na Europeo ang tumanggap na ng kanilang endowment sa loob ng mga pader nito.
Tuwang-tuwa ang mga mamamayan ng Bern sa sagradong gusaling ito. “Tinatawag nila ito bilang ‘aming templo,’” sabi ni Pangulong McKay sa isang mamamahayag, “at ngayon ay kinikilala na ang mga miyembro ng Simbahan doon bilang mga Kristiyano.”
Ang Swiss Temple ay simbolo ng pangako ng Simbahan na magtatag ng malalakas na kongregasyon sa buong mundo makalipas ang ilang dekadang paghikayat sa mga Banal na magtipon sa Utah. Ngayon na may mga templong itinatayo sa England at New Zealand, ninanais pa ng Simbahan na mapalapit ang mga templo sa mga miyembro nitong nasa malalayong lugar at mas maraming miyembro ang magkaroon ng pagkakataong tanggapin ang mga ordenansa sa templo.
Batid ni Pangulong McKay na simula pa lamang ang mga templong ito. Gaya ng propesiya ni Joseph Smith, ang katotohanan ng Diyos ay lalaganap sa bawat bansa at mapapakinggan ng bawat tainga.
Hindi pa dumarating ang araw na iyon, subalit umuunlad ang Simbahan. Bagamat halos lahat ng populasyon ng mundo ay hindi pa naririnig ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo, lumalalim ang respeto para sa Simbahan mula nang magwakas ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Mayroon lamang mahigit isang milyong Banal sa Huling Araw sa mundo, at maraming tao ang humahanga sa kanilang mabuting pamumuhay, pinahahalagahan bilang Kristiyano, malasakit sa mahihirap, at kagalak-galak na mensahe. Naging popular na nagtatanghal din ang Tabernacle Choir ng Simbahan sa mga programa sa radyo sa buong mundo. Noong naunang bahagi ng taon, nang ipinagdiwang ng Simbahan ang ika-125 anibersaryo nito, ang New York Times, isa sa mga pinakakilalang pahayagan sa Estados Unidos, ay pulos papuri ang ibinigay sa mga Banal.
Habang pinagninilayan nina Pangulong McKay at kanyang mga tagapayo na sina Stephen L Richards at J. Reuben Clark ang tadhana ng Simbahan, batid nila ang mga balakid na humahadlang sa higit pang paglago nito.
Isang hadlang ang pagbibigay ng maaayos na meetinghouse at iba pang mga pasilidad para sa mga Banal. Noong dekada ng 1920, lumikha ang Simbahan ng sistema sa pagbibigay sa mga kongregasyon ng pamantayang planong pang-arkitektura at malaking pondo upang tulungan ang mga lokal na Banal na magtayo ng mga gusali na may kuryente, tubig, at kailan lamang, air conditioning. Subalit sa mga lugar na hindi ganoon katatag ang Simbahan, maraming branch ang walang kakayahan o kasanayang isagawa ang mga malakihang proyekto. Dahil dito, madalas silang magtipon sa mga inuupahang bulwagan.
Mas malalim ang mga problema sa maraming bahagi ng mundo. May ilang branch na nahihirapan dahil kakaunti lamang ang kanilang mga miyembro, kulang sa karanasang mga lokal na lider, bihirang pakikipag-ugnayan sa punong-tanggapan ng Simbahan, at kakaunting babasahin ng Simbahan na isinalin sa mga lokal na wika. May ilang lugar na lubhang napakalayo sa mga stake o district ng Simbahan upang tustusan ang mga pangangailangan ng matatatag na kongregasyon.
Bukod pa roon, dahil mahigit sa 90 porsiyento ng mga miyembro ng Simbahan ay nakatira sa Estados Unidos, madalas iugnay ang Simbahan sa Amerika. Lumikha ng problema ang pananaw na ito sa mga bansang komunista gaya ng Unyong Sobyet, na malalim ang pagdududa sa Estados Unidos at sa relihiyon sa pangkalahatan. Noong nakaraang dekada, maraming gayong bansa ang nagpatupad ng mga patakaran na ginawang mahirap—kung hindi man imposible—para sa Simbahan na ma-organisa sa loob ng mga hangganan ng mga ito.
Ang pagbubukas ng Southern Far East Mission ay nagpakita na ang Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol ay sabik na palawakin ang gawaing misyonero sa mga bagong rehiyon, partikular na sa Asya at Timog Amerika. Subalit ang Africa ay may naiibang hamon. Mula pa noong mga unang taon ng dekada ng 1850, pinagbawalan ng Simbahan ang mga Banal na may lahing Aprikano na humawak ng priesthood o tumanggap ng anumang ordenansa sa templo at ordenansa ng pagbubuklod sa templo, kung kaya kakaunting gawaing misyonero lamang ang isinagawa ng Simbahan sa kontinente. Gayunpaman, paminsan-minsan ay tumatanggap ang mga lider ng Simbahan mula sa mga mamamayan ng Kanlurang Africa na nagpapahayag ng kanilang interes sa ipinanumbalik na ebanghelyo.
Ang mga hamon at tagumpay na ito ay hindi nawawaglit sa isipan ni Pangulong McKay makalipas ang anim na buwan noong naglakbay siya patungong California para ilaan ang Los Angeles Temple. Nagsimula ang mga plano para sa pagtatayo ng gusali sa ilalim ng pamamahala ni Pangulong Heber J. Grant, subalit pinatagal ng Great Depression at Ikalawang Digmaang Pandaigdig ang pagkakakumpleto nito ng halos dalawampung taon. Ito ang pinakamalaking templo na itinayo ng Simbahan, at ang malawakang pag-anunsyo sa publiko ay nagbigay sa pitong daang libong tao ng pagkakataon na makapasok dito at matutuhan ang tungkol sa sagradong layunin nito.
Sa seremonya ng paglalaan, nagpasalamat si Pangulong McKay sa Panginoon habang nakamasid siya sa kongregasyon sa silid-pagtitipon ng templo.
“Nadama namin ang Inyong presensya at sa mga panahon ng pangamba at pagkabalisa ay aming naririnig ang Inyong tinig,” ipinahayag niya sa kanyang panalangin sa paglalaan. “Dito sa Inyong sagradong bahay, buong pagkukumbaba at taos-pusong pasasalamat naming kinikilala ang Inyong banal na patnubay, Inyong proteksyon at inspirasyon.”
Noong panahong ito, sa São Paulo, Brazil, sinisimulan ng isang nagsasanay na pastor na Methodist na nagngangalang Hélio da Rocha Camargo ang kanyang ikatlong taon sa kolehiyong teolohiko. Isang araw, isang kakilala mula sa kanyang kongregasyon ang nagsabi sa kanya na nakipagkita ito sa mga misyonerong Banal sa mga Huling Araw, at inanyayahan nito si Hélio na dumalo sa pasunod na pagbisita nila.
Nais mag-usyoso ni Hélio tungkol sa mga Banal at sa kanilang mga pagtuturo, kung kaya tinanggap niya ang paanyaya. Halos tatlumpung taon nang nasa Brazil ang Simbahan, subalit mayroon lamang isang libo tatlong daang miyembro sa bansa, at wala pang nakikilala ni isa sa kanila si Hélio. Sa kasamaang-palad, sa mismong araw ng napag-usapang pagkikita, hindi nagpunta ang mga misyonero.
Hindi nagtagal kalaunan, sa gitna ng talakayan ng klase ukol sa katangian ng Diyos, tinanong ni Hélio ang propesor niya kung naniniwala ang mga Banal sa Huling Araw sa Santisima Trinidad, o sa pananaw na ang Diyos Ama, si Jesucristo, at ang Espiritu Santo ay iisang nilalang.
“Wala akong anumang impormasyon,” sabi ng propersor. Ni hindi niya alam kung Kristiyano ang mga Banal sa mga Huling Araw.
“Kung gayon,” sabi ni Hélio, “naniniwala po akong itinuturing nila ang kanilang sarili bilang Kristiyano dahil ang opisyal na pangalan ng simbahan ay Simbahan ni Jesucristo.”
“Tingnan mo kung posibleng may mahanap ka sa São Paulo,” sabi ng propesor. Pagkatapos ay iminungkahi niya kay Hélio na mag-anyaya ng isang Banal sa mga Huling Araw na magsalita sa mga mag-aaral sa kanilang lingguhang pulong.
Nagtungo si Hélio sa punong-tanggapan ng Simbahan sa siyudad at inanyayahan si Asael Sorensen, ang pangulo ng Brazilian Mission, para magsalita sa pagtitipon. Nais tanggapin ni Pangulong Sorensen ang imbitasyon, ngunit dahil may nauna na siyang naitakdang gawin, iminungkahi niyang magpapadala siya ng dalawang nakababatang misyonero bilang kinatawan niya.
“Tinitiyak ko na handang-handa ang mga binatang ito,” sabi niya kay Hélio.
Noong araw ng pagtitipon, dalawang misyonero mula sa Estados Unidos—sina Elder David Richardson at Elder Roger Call—ang dumating sa kolehiyo. Sinalubong ni Hélio ang dalawang binata at ipinakilala sila sa isang silid na may limampung mag-aaral at isang dosenang guro. Si Elder Richardson, na mas bihasa sa pagsasalita ng wikang Portuges, ay naglakad patungo sa pulpito at nagsimulang magsalita ukol sa Simbahan. Samantala, si Elder Call naman ay nagsusulat ng mahahalagang punto sa pisara.
Napahanga si Hélio sa lakas ng loob at pagiging kalmado ni Elder Richardson. Unang nagsalita ang binata ukol sa Panguluhang Diyos nagpapatotoo na ang Ama, ang Anak, at Espiritu Santo ay tatlong magkakahiwalay na indibiduwal. Hindi nagtagal ay nagsimula ang mga manonood na putulin ang sinasabi niya, sunud-sunod na nagbibigay ng tanong. “Hayaan ninyo muna akong matapos,” sa wakas ay sinabi ni Elder Richardson, “at pagkatapos ay maaari na ninyo akong tanungin.”
Tumahimik ang mga manonood, at ipinagpatuloy ng misyonero ang kanyang mensahe. Madalas niyang gamitin ang Biblia, at sa bawat pagkakataong babanggit siya ng sipi, bubuklatin ng mga propesor at mag-aaral ang kanilang mga banal na kasulatan upang tiyakin na tumpak ang kanyang sinasabi. Nadarama ni Hélio na hindi sang-ayon ang kanyang mga kasama sa lahat ng ipinapangaral ng mga misyonero, subalit mas magalang na silang nakikinig ngayon.
Pagkatapos ay binuksan ni Elder Richardson ang paksa ng awtoridad ng priesthood at pagbibinyag. “Kung mapapatunayan namin sa inyo na may awtoridad kaming magbinyag,” sabi niya, “ilan sa inyo ang magpapasailalim dito?”
May isang mag-aaral na sumigaw ng, “Ako!” at naiinis na sinimangutan siya ng direktor ng kolehiyo.
Nang matapos ni Elder Richardson ang kanyang paglalahad, inanyayahan niya ang mga manonood na magtanong. Agad na nagtanong ang ilang mag-aaral ukol sa Masaker sa Mountain Meadows at iba pang mga kontrobersiya. Tila may ilang mag-aaral na naging interesado rin sa Simbahan.
Matapos ang paglalahad, nananghalian si Hélio at tatlo pang mag-aaral kasama ang mga misyonero. Nagtanong pa sila sa mga elder ng mga karagdagang tanong, nagpapakita ng tapat na interes sa kanilang mensahe. Nais malaman pa ni Hélio ang tungkol sa Simbahan. Siya at ang kanyang asawa na si Nair ay may apat na anak at may isa pang isisilang. Sa pagitan ng paaralan at pamilya, abalang-abala siya.
Hindi nagtagal, isinantabi niya ang kanyang interes sa mga Banal at hindi na nakausap ang mga misyonero.
Isang araw noong Mayo 1956, sina Mosese Muti at kanyang kaibigan at kapwa miyembro ng Simbahan na si ʻAtonio ʻAmasio ay naglalakad sa daan sa labas lamang ng siyudad ng Nukuʻalofa, Tonga, sa mga Isla ng Pasipiko. Habang nagkukuwentuhan sila, isang kotse ang lumampas sa kanila at biglang huminto. Batid ng dalawang lalaki na ang may-ari ng kotse ay si Fred Stone, ang pangulo ng Tongan Mission. Si Pangulong Stone ay humigit-kumulang na limampung taong gulang na—ilang taon lamang ang tanda kay Mosese. Siya at ang kanyang asawa na si Sylvia at naglilingkod sa bansa nang halos anim na buwan na.
Mabilis na lumapit sina Mosese at ʻAtonio sa kotse at binati sila ni Pangulong Stone. “May kilala ba kayong nais magmisyon?” tanong nito. Sa kabuuan ng Timog Pasipiko, nanawagan ang Simbahan ng napakaraming “manggagawang misyonero (labor missionary)” upang pabilisin ang pagtatayo ng kapilya sa lugar. Kailan lang ay inaprubahan ni Pangulong McKay ang pagtatayo ng dalawampu’t isang bagong kapilya sa Tonga, at binigyan ng awtoridad si Pangulong Stone na maghirang ng mga Banal na tagroon para isagawa ang gawain.
Tumingin si Mosese kay ʻAtonio, at nagkibit-balikat ang kaibigan niya. May higit apat na libong miyembro ang Simbahan sa Tonga, subalit wala silang naisip na maaaring maging misyonero. Ang mga labor mission ay nagbibigay sa mga Banal ng pagkakataong matuto ng mahalagang kasanayan habang nagtatrabaho bilang mga ladrilyero, electrician, tubero, at mga karpintero, na makakatulong sa kanilang makahanap ng trabaho pagkatapos ng misyon. Ngunit maaaring maging napakahirap ng trabaho.
“Baka may kilala kayo,” panggigiit ni Pangulong Stone. “Ikaw, Muti?”
“Kung ito ay tawag mula sa Diyos, masaya akong sasama,” sabi ni Mosese. Siya at ang kanyang asawang si Salavia ay mga miyembro na ng Simbahan nang higit dalawampung taon na. Naglingkod na sila sa maraming misyon, kabilang na ang isa na tumulong sa pagpapatayo ng Liahona College, ang bagong hayskul ng Simbahan sa Tonga. Subalit nagtatrabaho na ngayon si Mosese bilang tagapamahala sa building supplies para sa pamahalaan ng Tonga at may malaking pamilyang dapat buhayin. Ayaw niyang guluhin ang kanyang buhay dahil lamang kailangan ng pangulo ang isang handang misyonero.
“Nais ng Panginoon na magmisyon ka,” sabi ni Pangulong Stone. “Mayroon ka bang pera, may naipon ka ba?”
“Kaya po ibinigay ko sa inyo ang sagot ko,” sabi ni Mosese. “Batid Niya kung gaano kami kahikahos at kung ano ang Kanyang dapat na pagpapala sa amin para makasali ako sa misyon.”
“Bakit hindi ninyo ito pag-usapan ni Salavia,” mungkahi ni Pangulong Stone. “Ipaalam mo sa akin kung ano ang nadarama niya tungkol sa misyon na ito.”
“Ang nais ko lamang malaman ay saan at kailan” sabi ni Mosese.
Sinabi ng pangulo na maglilingkod siya sa Niue, isang maliit na bansang isla na halos 640 kilometro ang layo sa hilagang-silangan ng Tonga. Apat na misyonero na ang nangangaral ng ebanghelyo at naghahandang magtayo ng kapilya roon, ngunit mabagal ang pag-unlad.
“Masayang pupunta ang aking asawa at pamilya,” sabi ni Mosese. Sinabi niya kay Pangulong Stone ang tungkol sa panaginip na mayroon siya kamakailan lang kung saan siya at si Salavia ay magkasamang naglalakad sa ibang isla. “Isa itong lugar kung saan lahat ng mga nayon sa isla ay matatagpuan sa tabi ng dalampasigan,” sabi ni Mosese. “Hindi pa ako nakakakita ng ganoong isla. Baka iyan na ang Niue!”
“Mabuti,” sabi ng pangulo. “Mayroon kang dalawa’t kalahating linggo para maghanda bago dumating ang bapor.”
Nagdiwang si Salavia nang sinabi sa kanya ni Mosese ang tungkol sa paghirang sa misyon, at magkasama silang nagpasalamat sa Panginoon para dito. Mula noong kanilang kasal noong 1933, nakilala niya ang asawa na isang taong hindi kailanman tumatanggi sa pagkakataong paglingkuran ang Simbahan. At kabahagi siya sa dedikasyon nito sa gawaing misyonero, nagtitiwala na pagpapalain sila ng Diyos dahil sa mga sakripisyong ginawa nila para sa Kanya.
Higit sa lahat, nasasabik ang mga Muti na matanggap ang kanilang pagpapala sa templo. Ang pinakamalapit na templo ay nasa Hawaii, 4,800 kilometro ang layo, at lagi silang napipigilang pumunta dahil sa laki ng gastos ng biyaheng ito. Oras na matapos ang pagtatayo ng templo sa New Zealand, magiging mas maikli ang paglalakbay para makamit ang mithiing ito. Gayunpaman, higit sa kakayahan nila ang gastusin, lalo na ngayong patungo sila sa isa pang misyon.
Subalit may dahilan sila para umasam na balang-araw ay makakapasok sila sa templo. Noong 1938, habang naglilingkod sa misyon si Mosese, binisita ni apostol George Albert Smith ang Tonga at iginawad sa kanya ang Melchizedek Priesthood. “Kapag ipinagpatuloy mo ang iyong gawaing misyonero,” ipinangako sa kanya ng apostol, “papasok ka sa templo na walang ilalabas ni isang pera sa iyong bulsa.”
Noong ika-29 ng Mayo 1956, sumakay ng barko sina Mosese at Salavia patungong Niue kasama ang kanilang apat na pinakabatang mga anak. Sapat lamang ang pera ng pamilya para bumili ng tiket. Kung paano nila tutustusan ang kanilang mga pangangailangan habang nasa misyon ay nasa mga kamay na ng Panginoon. Habang naglalaho sa kanilang paningin ang Tonga na napapalitan ng malalaking alon at dagat na lampas sa kanilang abot-tanaw, puspos ang mga Muti ng kanilang pananampalataya sa mga pangako ng Diyos.
Ilang buwan matapos maglayag ang mga Muti patungong Niue, nakadama si Hélio da Rocha Camargo ng labis na pagdududa tungkol sa pagbibinyag sa sanggol, isang karaniwang kaugalian sa mga Methodist at iba pang grupong Kristiyano. Noong una, nais lamang niya ng kalinawan. Bakit nagbibinyag ng sanggol ang mga simbahang ito? Paano napapakinabangan ng sanggol ang binyag? Tila walang sinasabi ang Biblia ukol sa kaugalian, kaya ipinarating niya ang mga tanong na ito sa kanyang mga propesor at kapwa mag-aaral sa teyolohikal na kolehiyo. Hindi siya nasiyahan sa lahat ng sagot na ibinigay sa kanya.
“Bilang kaugaliang bahagi ng kasaysayan, dapat itong mapanatili,” mungkahi ng isang tao.
Hindi makita ni Hélio ang lohika nito. “Bakit ito kapakipakinabang?” tanong niya. “Kailangan bang totoo lagi ang mga tradisyong bahagi ng kasaysayan?”
Habang pinag-iisipan pa niya ang tungkol sa pagbibinyag sa sanggol, mas lalo siyang nababahala. Ang asawa niyang si Nair ay kapapanganak lang sa kanilang ikalimang anak, isang sanggol na lalaking nagngangalang Josué. Bakit kakailanganin ng sanggol na si Josué na mabinyagan? Ano’ng kasalanan ang nagawa nito?
Nakiisa kay Hélio ang iba pang estudyante ng kolehiyo sa pagkukuwestiyon sa kaugalian. Nababahala, nagpatawag ang mga administrador ng kolehiyo ng isang konseho ng kaguruan at kinapanayam si Hélio at iba pang mga mag-aaral. Naging tapat si Hélio sa mga propesor. “Wala akong nakikitang sapat na batayan para sa pagbibinyag sa sanggol,” sabi niya sa kanila. “Isa itong nakagawian na hindi suportado ng doktrina na nauunawaan ko o makikita sa Bagong Tipan.” Bilang pastor, sabi niya, hindi kaya ng kanyang konsensya na magbinyag sa isang sanggol.
Matapos ang panayam, sinuspinde ng isang semestre si Hélio at tatlo sa kanyang mga kaibigan para maghanap ng mga sagot sa kanilang mga tanong. Nang sinabi ni Hélio kay Nair ang balita, sumama ang loob nito. Kapwa sila may debosyon ni Hélio kay Jesucristo at sa pag-aaral ng Biblia, at hindi nito nagustuhan kung paano tratuhin ng kolehiyo ang asawa. Kapag ang mga nasaliksik ni Hélio ay hindi magdudulot sa kanya na makiayon sa kanilang pananaw, wawakasan lamang ng konseho ng kaguruan ang kanyang pag-aaral sa kolehiyo—kung hindi man ay ang kanyang karera sa ministeryo.
Muling sinubukang unawain ni Hélio ang pagbibinyag sa mga sanggol. Nagtanong siya sa ilan sa kanyang mga kaibigan at propesor na tulungan siyang hanapin ang mga sagot. Tumutol sila. “Anong kabutihan ang idudulot nito?” sabi nila. “Hindi mo mababago ang isip mo.”
“Ngunit gusto kong ibahin ang isip ko,” giit ni Hélio. “Nais kong makahanap ng magandang dahilan para baguhin ito.”
Sa wakas ay isang propesor ang pumayag na suriin ang bagay na iyon kasama niya. Pinag-aralan nila ang bawat berso ukol sa binyag sa Bagong Tipan, kung minsan ay kinokonsulta ang mga komentaryo at ang orihinal na teksto sa wikang Griyego para sa dagdag na kabatiran. “Tama ka,” sabi ng propesor makalipas ang ilang linggo. “Walang basehan ang doktrina sa banal na kasulatan.”
Sa pagtatapos ng kanyang suspensyon, nakipagkitang muli si Hélio sa konseho ng kolehiyo at ipinaalam sa kanila na ang kanyang posisyon sa pagbibinyag sa mga sanggol ay hindi nagbabago. Natanto na wala na silang magagawa pa para baguhin ang kanyang isip, winakasan ng konseho ang kanyang pag-aaral sa kolehiyo.
Nagsimulang magtrabaho si Hélio sa isang bangko, subalit patuloy siyang nagbabasa ukol sa binyag, hinahangad na malaman kung ano ang turo ng ibang mga simbahan. Sinuportahan ni Nair ang kanyang paghahanap sa dagdag na katotohanan, subalit para sa kanyang mga kamag-anak ay kakatwa ito at kakulangan ng pag-iisip ang lisanin niya ang kolehiyo. Hindi na sila pinansin pa ni Hélio. Madalas siyang manalangin para sa patnubay, hindi lamang para sa kanyang kapakanan kung hindi maging sa kapakanan ni Nair at kanilang pamilya. Bilang ama, dama niyang mayroon siyang obligasyon na gabayan ang kanyang mga anak patungo sa liwanag at katotohanan.
Isang araw, naalala ni Hélio ang mga misyonerong Banal sa mga Huling Araw na nagpunta sa kanyang paaralan. Noong panahong iyon ay bumili siya ng aklat tungkol sa simbahan ng mga ito na may pamagat na A Marvelous Work and a Wonder [Isang Kagila-gilalas at Kamangha-manghang Gawain], subalit hindi niya ito gaanong binasa. Natagpuan niya ang aklat sa istante at binuksan iyon. Ang may-akda, si LeGrand Richards, ay isang apostol na Banal sa mga Huling Araw na dalawang beses nang naglingkod bilang mission president. Nakabalangkas sa bawat kabanata ang alituntunin ng ipinanumbalik na ebanghelyo, punto por punto, na lubhang umaasa sa Biblia para pagtibayin ang bawat isinasaad.
Hindi nagtagal ay nawalan ng interes si Hélio sa ibang simbahan. Tuluyang nakuha ng aklat na A Marvelous Work and a Wonder ang kanyang atensyon. “Ang aklat na ito,” naisip niya, “ay may mga sagot na wala ang sinuman.”
Alam niyang kailangan niyang hanapin ang Simbahan. Marami pang dapat matutuhan ukol sa mga Banal.