Kabanata 33
Ano ang Simbahang Ito?
Nagdiwang ang mga Banal sa hilagang-kanlurang Mexico noong ika-28 ng Abril 2002, nang inilaan ni Pangulong Hinckley ang bahay ng Panginoon sa Monterrey, Nuevo León, Mexico. Iyon ang ika-110 na magagamit na templo ng Simbahan—at ang ika-labing isang templong inilaan sa Mexico sa loob ng tatlong taon. Gaya ng nakinita ni Pangulong Hinckley, nagbigay ng mga pagpapala at himala sa maraming lugar ang limampu’t walong templong inilaan mula nang ginamit ng Simbahan ang bagong disenyo noong 1998. Ang mga Banal na dating naglalakbay nang ilang araw para makadalo sa templo ay makakapunta na ngayon sa isa sa loob lamang ng ilang oras o kahit pa minuto lang.
Kasama sa mga unang Banal na nakinabang sa biglaang dami ng mga itinatayong templo ay ang nasa mga kolonya ng Simbahan sa Mexico, na kung saan ang pagiging liblib ng mga ito ay naging insipirasyon sa bagong disenyo ng templo. Inilaan noong Marso 1999, ang Colonia Juárez Chihuahua Temple ay 6,800 talampakang kuwadrado ang laki—ang pinakamaliit sa Simbahan—subalit agad itong naging mahalagang bahagi ng komunidad.
Si Bertha Chavez, na dumadalo sa simbahan sa kalapit na Nuevo Casas Grandes, ay natuwa nang inanyayahan siya ng isang tagapayo ng panguluhan ng templo na maging ordinance worker sa bagong templo. Pangarap ni Bertha na maglingkod sa bahay ng Panginoon mula nang tinanggap niya ang kanyang endowment sa Mesa Arizona Temple noong 1987. Ngayon ay natupad na ang kanyang pangarap.
“Napakahusay at napakagandang sopresa nito,” paggunita niya. “Napatalon ako sa tuwa, umiiyak sa kaligayahan, nagpapasalamat sa Panginoon sa pagbibigay sa akin ng malaking pagkakataon ito na maglingkod sa Kanyang bahay.”
Sa kabilang dako ng Atlantiko, naglakbay si Marilena Kretly Pretel Busto mula sa kanyang tahanan sa Portugal papunta sa kakalaan lamang na Madrid Spain Temple. Noong nakaraang taon, pumanaw ang kanyang 101-taong gulang na lola. Ngayon ay nasasabik si Marilena na tumanggap ng mga ordenansa bilang kinatawan ng kanyang lola.
Sa bahay ng Panginoon, inaasahan ni Marilena na may madarama siyang espesyal habang binibinyagan siya para sa kanyang lola, ngunit hindi ito nangyari. Wala rin siyang nadamang kahit ano noong mga ordenansa ng kumpirmasyon at endowment. Noong una, nabagabag si Marilena dahil wala siyang nadarama. Ngunit nang lumuhod siya sa altar ng silid-bukluran, handang ibuklod ang lola niya sa kanyang mga magulang, masaya lamang siyang natupad niya ang gawain sa templo.
Nagsimulang magsalita ang tagapagbuklod, at nakadama si Marilena ng napakalakas na pakiramdam sa katawan niya. Hindi niya mailarawan kung ano talaga ang nadarama niya, ngunit natitiyak niyang nagbubunyi ang kanyang lola sa daigdig ng mga espiritu.
Samantala sa Bolivia, marami sa isang daang libong Banal ng bansa ang inihanda ang kanilang sarili upang dumalo sa Cochabamba Temple matapos na ilaan itoi noong Abril 2000. Dahil naniniwala siyang inihahanda ng malalakas na pamilya ang mga miyembro ng Simbahan na dumalo sa templo, si María Mercau de Aquino, ang pangulo ng Relief Society sa Cochabamba, ay nag-organisa ng isang pulong upang palakasin ang mga pag-aasawa at mas maipadama sa kababaihan ang kanilang kahalagahan.
Sa parehong stake, nakikita nina Antonio at Gloria Ayaviri kung paano pinalalakas ng bagong templo ang kanilang pamilya. “Mas madali na ngayong magpalaki ng mga anak dahil nasa atin ang ebanghelyo at mga pagpapala ng templo sa buhay natin,” patotoo ni Antonio. “Sa aming tahanan, para na rin kaming nasa langit.”
May isang bahay din ng Panginoon sa Fukuoka, Japan na nagpapabago ng mga buhay. Mahigit tatlumpung taon na ang lumipas mula nang si Kazuhiko Yamashita, ang pangulo ng Fukuoka Stake, ay sumapi sa Simbahan matapos panoorin ang Man’s Search for Happiness sa world’s fair sa Osaka, Japan. Ang kanyang pananampalataya sa plano ng kaligtasan ay patuloy na nagbibigay sa kanya ng gabay. Siya at ang kanyang asawang si Tazuko ay ibinuklod sa Tokyo Temple noong 1980, at mayroon silang anim na anak.
Ang Fukuoka Temple ang pinakamahalagang bahagi na ngayon ng Simbahan sa timog Japan. Noong open house, natuwa si Kazuhiko na makita na maraming Banal ang masigasig na niyaya ang kanilang mga pamilya at kaibigan upang makita ang bahay ng Panginoon. Maraming Banal na hindi na aktibo sa Simbahan ay bumalik na rin, ang kanilang pananampalataya ay pinalakas ng hindi matatawarang impluwensya ng templo. Habang nakaupo siya sa silid selestiyal noong paglalaan, damang-dama ni Kazuhiko ang kapayapaan. Matindi niyang naramdaman na naroroon ang Panginoon at mahal Niya ang mga Banal sa Japan. Nang tumingin siya kay Pangulong Hinckley, nakita ni Kazuhiko ang mga luha sa mga mata ng propeta.
Hindi nagtagal ay nagdala rin ng sarili nitong mga pagpapala ang bagong templo sa Monterrey, Mexico. Sumapi sina Román at Norma Rodríguez sa Simbahan matapos dumalo sa open house ng templo. Noong panahong iyon, pinag-iisipan nilang panibaguhin ang kanilang labinlimang taong kasal sa isang magarbong seremonya. Ngunit nadarama niyang mayroong hindi tama sa plano, na nagbunsod kay Norma na manalangin sa Diyos para sa gabay.
Noong sumunod na taon, bumalik sila ni Román sa Monterrey Temple kasama ang kanilang tatlong anak. Hindi na nila nais ang magarbong kasal. Sa maganda at walang hanggang mga pangako ng pagbubuklod, natagpuan nila ang seremonya ng kasal na noon pa nila laging ninanais.
Nang hinirang si Anne Pingree bilang pangalawang tagapayo sa Relief Society general presidency noong Abril 2002, nag-aalala siya sa kakulangan sa kasanayang magbasa at magsulat ng kababaihang Banal sa mga Huling Araw. Mula 1995 hanggang 1998, siya at ang asawa niyang si George ay mga lider ng mission sa Nigeria Port Harcourt Mission. Marami sa mga babaeng nakilala niya noong panahong iyon ay hindi marunong magbasa, kaya naging mahirap para sa kanila na maglingkod sa Simbahan.
Habang lumalago ang Simbahan sa mga umuunlad na bansa noong mga dekada ng 1970 at 1980, naging bahagi ng layunin nito ang turuan ang mga tao na magbasa. Noong 1992, ang pangkalahatang pangulo ng Relief Society na si Elaine L. Jack ay ginawang pangunahing pagtutuunan ng kanyang panguluhan ang kasanayan sa pagbabasa at pagsusulat, na nagbunga sa pagbuo ng Gospel Literacy Effort upang magturo ng pagbabasa at hikayatin ang mga miyembro ng Simbahan na pag-aralan ang mga banal na kasulatan, turuan ang kanilang mga pamilya, at paunlarin ang kanilang sarili.
Naglingkod si Anne sa lupon ni Pangulong Jack bago ang kanyang misyon, at noong dumating siya sa Nigeria, nakipagtulungan siya sa mga misyonero at mga lokal na Banal upang isulong ang kaalaman sa ebanghelyo. Tumulong din sa kanya ang pangkalahatang lupon ng Relief Society at isang artist sa Utah na lumikha ng mga simpleng poster at buklet para sa pagsasanay para matulungan ang kababaihan sa mission na nahihirapang magbasa. Habang ginagamit niya ang mga materyal na ito, dumarami ang nakikita niyang kababaihang tinutupad ang kanilang mga tungkulin bilang misyonero nang may kumpiyansa at pang-unawa.
Noong kanyang unang taon sa pangkalahatang panguluhan ng Relief Society, itinalaga si Anne na pamunuan ang mga proyekto ng organisasyon sa pagbabasa at pagsusulat. Ipinakita ng mga pag-aaral na ang kababaihan sa mga umuunlad na bansa ay mas may maliit na pagkakataong makapag-aral kaysa sa kalalakihan, na naging dahilan kaya mas mababa ang antas ng kababaihan sa kakayahang magbasa at sumulat. Napatunayan din na mas malaki ang posibilidad na mananatili sa Simbahan ang mga Banal at dadalo sa mga pulong kung sanay silang magbasa. Kasama ni Anne, naniniwala ang pangkalahatang pangulo ng Relief Society na si Bonnie D. Parkin at unang tagapayong si Kathleen Hughes na ang pagtulong sa mga miyembro ng Relief Society na matutong magbasa ay magbibigay sa mga ito ng lakas na epektibong maglingkod sa Simbahan, palakasin ang kanilang mga pamilya, makahanap ng mas magandang trabaho, at magtamo ng mas matibay na patotoo tungkol kay Jesucristo.
Sa pamumuno ni Pangulong Parkin, patuloy na binigyang-diin ng lupon ng Relief Society ang Gospel Literacy Effort. Hinikayat din nila ang mga Banal na gamitin ang Ye Shall Have My Words, isang manwal sa pagtuturo ng pagbabasa na unang binuo ng Church Educational System. Gaya ni Anne, nauunawaan nila na maraming miyembro ng Simbahan ang nahihirapan sa kanilang mga tungkulin, na hindi naman nila kasalanan, dahil hindi sila marunong magbasa o makaunawa sa maraming hanbuk at manwal sa lesson ng Simbahan.
Habang tinatalakay ng panguluhan ang mga suliraning ito, nagsalita si Anne kung paanong ang mga pinasimpleng buklet gaya ng mga ginamit niya sa Nigeria ay magagamit sa buong mundo. Naisip ni Pangulong Parkin na ang pangkalahatang lupon ng Relief Society ay dapat bumuo ng katulad na mga buklet upang tulungan ang mga miyembro sa mga lugar na may mababang antas ng kaalaman sa pagbabasa at pagsusulat.
Upang makatulong sa gawaing ito, iminungkahi ng pangkalahatang lupon si Florence Chukwurah, isang Banal sa mga Huling Araw na nakilala ni Anne sa Nigeria, na maglingkod kasama nila. Binibisita ni Florence ang Lunsod ng Salt Lake habang ang kanyang asawa na si Christopher N. Chukwurah, isang area authority seventy, ay tumatanggap ng pagsasanay sa punong-tanggapan ng Simbahan. Isang nars si Florence na lumaki sa hirap kaya nauunawaan niya kung paano manirahan sa isang lugar na bago pa ang Simbahan.
Inaprubahan ng Unang Panguluhan ang mungkahi, at itinalaga ni Pangulong Parkin si Florence na makipagtulungan sa komite ng literasiya. Hindi nagtagal, nakikipagtulungan siya sa ibang miyembro ng lupon upang bumuo ng mga pinasimpleng buklet ng pagsasanay.
Lubos na natuwa si Anne na makitang umuusad ang gawain sa pagtuturo ng pagbabasa at pagsusulat. “Napakabilis ng mga pangyayari,” naisip niya. “Hindi ko halos maunawaan lahat ito.”
Sa Pilipinas, nagpapasalamat si Seb Sollesta na nakauwi na siya. Labis na pinahirapan ng pagkawala niya ang kanyang asawang si Maridan at kanilang tatlong anak. Ngayon ay araw-araw na magkakasama ang pamilya, at pakiramdam ni Seb ay pinagpala siya. Makakausap niya nang personal ang mga anak niya, mahihikayat niya silang maging aktibo sa Simbahan, at matutulungan niya silang maghanda para magmisyon.
Noong bumalik si Seb, naglilingkod si Maridan bilang public affairs coordinator para sa mga stake ng Simbahan sa Lunsod ng Iloilo. Sa tungkuling ito, tumutulong siya sa mga lider ng komunidad at pamahalaan na malaman ang tungkol sa Simbahan. Ginawa rin niya na maging katuwang ang Simbahan sa mga pangrelihiyon at pangserbisyong grupo upang tumulong sa mga pagsusuri ng mata, pagbibigay ng dugo, at iba pang mga proyekto. Samantala, si Seb ay naging high councilor sa Iloilo North Stake.
Noong panahong iyon, nanatiling nag-aalala ang Unang Panguluhan sa mga Banal sa mga lugar na may mababang bilang ng dumadalo sa Simbahan. Mayroong halos limang daang libong Banal sa Pilipinas, ngunit humigit-kumulang na 20 porsyento lamang ang palagiang dumadalo sa mga pulong. Bilang tugon sa alalahaning ito, hinirang ni Pangulong Hinckley si Elder Dallin H. Oaks na maglingkod bilang pangulo ng Philippines Area at si Elder Jeffrey R. Holland ang maglilingkod bilang pangulo ng Chile Area, na dumaranas ng parehong mga hamon. Inumpisahan ng parehong apostol ang kanilang paglilingkod noong Agosto 2002 na may planong manatili sa posisyon ng isang taon.
Sa Pilipinas, palagiang nakikipagpulong sina Elder Oaks at kanyang mga tagapayo sa mga lider ng stake, mission, at area. Noong isang espesyal na pulong ng pagsasanay sa Maynila, nagsalita si Elder Oaks tungkol sa kahalagahan ng pagyakap sa “kultura ng ebanghelyo” batay sa plano ng kaligtasan, mga kautusan ng Diyos, at mga turo ng mga makabagong propeta. Naobserbahan niya na ang mga elemento ng kultura ng ebanghelyo ay nakikita sa mga lokal na kultura sa lahat ng dako. Subalit may mga aspekto rin ng mga kulturang ito na taliwas sa mga turo ni Jesucristo.
“Sa mga tipang ginagawa natin sa binyag, ipinapangako natin na mamuhay nang mga ipinanibagong buhay,” itinuro niya. “Kailangan nating palitan ang lahat ng mga elemento ng ating umiiral na kultural na gawain o kaugalian na taliwas sa mga kautusan, tipan, at kultura ng ebanghelyo.”
Binigyang-diin ni Elder Oaks na pinalalakas ng kultura ng ebanghelyo ang mga pamilya at indibidwal sa pamamagitan ng pagsulong ng kalinisang-puri, kasal sa templo, katapatan, pagtitiwala sa sariling kakayahan, at pantay na pagsasama bilang mag-asawa. Hinikayat niya ang mga lider na gawing prayorida sa mga Banal ang pagtuturo ng doktrina ng Tagapagligtas at pagbubuo ng pananampalataya sa Kanya. Pinayuhan din niya silang palakasin ang kanilang mga ward sa pamamagitan ng pagbalanse ng gawaing misyonero na mas nakatuon sa pagpapa-aktibong muli at palagiang pagdaos ng mga aktibidad para sa mga kabataan.
Matapos ang pagsasanay, hiniling nina Seb at iba pang mga lider sa Iloilo North Stake sa mga ward bishopric na tukuyin ang mga pamilyang aanyayahang bumalik sa Simbahan. Naniniwala sila na kung ang ama at ina ay babalik sa simbahan, malaki ang posibilidad na isasama nila ang kanilang mga anak. Kalaunan ang mga anak ay magiging mga misyonero at lider ng Simbahan sa hinaharap.
Bilang ama ng mga tinedyer, partikular na inaalala ni Seb ang kabataan. Ang mababang bilang ng mga aktibidad sa mga korum ng Aaronic Priesthood at mga klase sa Young Women ay malaking problema sa kanilang area. Wala pang 10 porsyento ng mga ward at branch sa Pilipinas ang may tatlong korum ng Aaronic Priesthood na gumaganap ng tungkulin. At karamihan sa mga yunit ay walang aktibidad para sa kabataan sa mga karaniwang araw ng linggo.
Hinarap ng Iloilo North Stake ang problemang ito sa pamamagitan ng paghihikayat sa mga ward na magdaos ng mga regular na klase para sa kabataan kahit na mayroon lamang silang isa o dalawang miyembro. Kapag may mga klase at korum na gumaganap ng tungkulin, gaano man kaliit ang mga ito, maaaring mag-anyaya ang mga kabataang lalaki at babae ng kanilang mga kaibigan sa mga meeting sa araw ng Linggo at mga aktibidad sa mga araw na may pasok.
Naniniwala si Seb na kailangang makilahok ng kabataan sa mga aktibidad ng Simbahan kung saan sila makakabuo ng mga pagkakaibigan at makakahanap ng mga mabubuting huwaran. Nang nagsabi ng mga alalahanin ang mga lokal na lider na wala silang sapat na badyet para tustusan ang mga aktibidad, sinabi sa kanila nina Seb at ibang mga lider ng stake na ituloy ang mga iyon at planuhin ang mga aktibidad. Kung kailangan nila ng dagdag na pondo, maaaring ibigay ito ng stake.
Habang pinaglilingkuran ni Seb ang mga Banal sa kanyang stake, isinasabuhay ang natutuhan niya mula kay Elder Oaks, pinagnilayan niya ang sarili niyang mga responsibilidad sa simbahan at sa tahanan. Kapag nagsasalita siya tungkol sa kultura ng ebanghelyo, pinayuhan ni Elder Oaks ang mga Banal na Pilipino na huwag iwan ang kanilang mga pamilya sa matagal na panahon para magtrabaho, gaya ng ginawa ni Seb. May ilang Pilipinong walang magawa kung hindi ang magtrabaho sa ibang bansa, ngunit batid ni Seb na siya at ang pamilya niya ay masaya at komportableng mabubuhay sa Lunsod ng Iloilo.
At para sa kanya, walang sapat na kasaganaangdulot ng materyal na bagay ang makapagpupuno sa pagiging malayo niya nang matagal sa kanyang pamilya.
Noong Abril 2003, ang labing-apat na taong gulang na si Blake McKeown ay dumating sa stake center sa Baulkham Hills, isang nayon sa Sydney, Australia, kasama ang kanyang labimpitong taong gulang na kuya na si Wade. Karaniwan, ang stake center ay isang kalmado at tahimik na lugar. Ngunit ngayon, isang malaking tolda ang itinayo sa paradahan ng sasakyan, at puno ang bakuran ng kabataan mula sa mga stake sa buong New South Wales. Nagpunta sila upang makibahagi sa isang kumperensya ng Especially for Youth—na ngayon ay kilala sa Australia bilang Time for Youth.
Matapos ang tagumpay ng EFY sa Brisbane, hinikayat ng area presidency ang mga stake sa Australia at New Zealand na mag-organisa ng sarili nilang mga aktibidad. Noong 2002, nag-organisa sina Mary McKenna at kanyang komite ng isang Time for Youth sa Brisbane at isa sa New Zealand noong 2003. Ang Time for Youth sa Baulkham Hills ay ang unang idinaos sa Australia sa labas ng Brisbane.
Bagama’t lumaki si Blake sa Simbahan, hindi pa siya nakakakita ng ganoong karaming kabataang Banal sa mga Huling Araw na nagtipon sa iisang lugar bago iyon. Sila ni Wade ay mula sa Penrith, mga apatnapu’t limang minutong biyahe ang layo mula sa Baulkham Hills stake center. Mayroon silang matatag na grupo ng kabataan sa kanilang ward, ngunit ang mga Banal sa mga Huling Araw ay bumubuo lamang ng 1 porsyento ng populasyon ng Australia, kung kaya ang mga aktibidad ng kabataan—kahit sa antas ng stake—ay halos hindi lalampas sa isang dosena ang dumadalo. Sa mataas na paaralan kung saan nag-aaral si Blake, mayroon lamang dalawang miyembro ng Simbahan maliban sa kanya at kanyang kuya.
Oras na nag-umpisa ang TFY, bihira na silang magkita ni Wade. Alinsunod sa pamamarisang EFY, ang lahat sa aktibidad ay sumasali sa isang maliit na grupo na pinamumunuan ng isang young single adult na counselor. Sa mga grupong ito, nakikilahok ang mga kabataan sa isang serye ng mga aktibidad. Nakikibahagi rin ang mga kabataan sa mga proyektong pangserbisyo, nakikinig sa mga devotional at mensahe, natutuo ng mga awit, pinag-aaralan ang mga banal na kasulatan, pinalalakas ang loob ng bawat isa sa programang tagisan ng galing, at dumadalo sa sayawan.
Ang tema ng kumperensya ay “Naniniwala Kami,” na nakatuon noong taong iyon sa kurso ng pag-aaral sa seminary, ang Doktrina at mga Tipan. Ginamit na batayan ng mga tagapagsalita at mga counselor ang tema sa pagbabahagi nila ng mga espirituwal na karanasan at hinikayat ang mga nakilahok na lumapit kay Cristo, manalangin, magsulat sa mga journal, at isabuhay ang ibang saligan ng ebanghelyo. Binigyan din ng mga pulong sa pagpapatotoo ang kabataan ng pagkakataong ibahagi sa kanilang mga kasama ang kanilang patotoo sa Tagapagligtas at sa Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo.
Sa simbahan, madalas na naiinip si Blake, ngunit dumalo siya sa Time for Youth na may matibay na saligan ng paniniwala mula sa kanyang mga magulang. Siya at si Wade ay ikatlong salinlahi na mga Banal sa Huling Araw, at ang mga magulang at lolo at lola nila ay patuloy na naging magagandang halimbawa ng pananampalataya at paglilingkod.
Pinalakas din siya ng programa ng Young Men. Bilang deacon, hinirang si Blake bilang pangulo ng korum. Hiniling ng kanyang bishop na pumili siya ng dalawang tagapayo at isang secretary mula sa labing-isa pang binatilyo sa korum. Matapos manalangin para sa gabay, bumalik si Blake sa bishop noong sumunod na linggo tangan ang tatlong pangalan. Ipinakita ng bishop kay Blake ang sarili nitong listahan, na nakasaad ang pangalan ng parehong tatlong binatilyo. Inilista niya ang mga pangalan sa magkaibang pagkakasunod-sunod, ngunit inangkop niya ang kanyang sariling listahan upang tumugma kay Blake. Binigyan ng karanasang iyon si Blake ng tiwala sa panalangin at sa kanyang kakayahang mamuno.
Hindi palalabas si Blake, subalit natutuwa siyang makipagkaibigan mula sa mga taga-ibang ward at stake sa Time for Youth. Sa pagtatapos ng bawat araw, uuwi sila ni Wade upang magpahinga bago bumalik nang maaga kinabukasan ng umaga.
Kapwa nila hindi napansin kung paano sila iniba ng tatlong araw sa Time for Youth, ngunit napansin ng kanilang ina ang mga pagbabago. Sa gitna ng mga kasiyahan at mga palaro, nagbigay ang Time for Youth sa kabataan ng mga pagkakataong madama ang Espiritu sa bagong kapaligiran. Nang bumalik sina Blake at Wade, mas nakatuon na sila sa mga banal na kasulatan at mas may tiwala sa kanilang mga patotoo.
Noong hapon ng ika-10 ng Enero 2004, nakitipon si Georges A. Bonnet kasama sina Pangulong Hinckley, Elder Russell M. Nelson, at ilang libong Banal sa Kanlurang Africa sa isang sports stadium sa Accra, Ghana. Nagpunta ang propeta sa lunsod upang ilaan ang bagong templo nito. Ngunit bago ang paglalaan, hiniling niya sa mga bata at kabataan ng mga stake at district ng Ghana na gunitain ang okasyon sa pamamagitan ng kultural na pagtatanghal tampok ang mga masasayang musika at sayaw. Naninwala siya na ang pagdaos ng gayong mga pagdiriwang sa paglalaan ng templo ay makatutulong sa kabataan na gumawa ng mga hindi makalimutang alaala at masabik tungkol sa Simbahan.
Matapos ang pambungad na panalangin, nagtanghal ang mga grupong nakasuot ng makukulay na kasuotan sa isang malaking entabladong napapalamutian ng magagandang mural. Umawit ang ilan sa mga nagtanghal. May ilang nagpakita ng mga sayaw ng Ghana, tulad ng Adowa at Kpanlogo, o kaya naman ay tumugtog ng mga tradisyunal na musika sa mga tambol at kawayang plauta.
Ang isang partikular na espesyal na bahagi ng hapong iyon ay nang umakyat sa entablado ang mga misyonero at kinanta ang awiting tema ng mga misyonero na “Tinawag Upang sa Diyos Maglingkod.” Walong daan at limampung kabataan ng Primary, lahat ay nakasuot ng puti, ay umakyat din sa entablado at inawit ang “Ako ay Anak ng Diyos” kasama ng mga misyonero.
Kinaumagahan, nagising si Georges na puspos ng pasasalamat. Sa wakas ay dumating na ang araw ng paglalaan. Pagsapit ng alas-nuwebe, sumama siya kina Pangulong Hinckley at Elder Nelson sa silid selestiyal para sa unang sesyon ng paglalaan. Nagbukas ito sa isang cornerstone ceremony na pinangunahan ni Pangulong Hinckley. Pagkatapos ay nagsalita ang temple matron at president, na sinundan nina Elder Nelson at Elder Emmanuel Kissi, na ngayon ay isa nang area authority seventy na pinamunuan ang mga Banal sa Ghana noong ipinapatupad ang freeze.
Sa kanyang mensahe, pinuri ni Elder Kissi si Joseph William Billy Johnson, na nasa kongregasyon. Nagsalita rin siya tungkol sa mga naunang Banal na ginawang posible na mabilis na lumago ang Simbahan sa Ghana.
“Natupad na ang mga pangarap natin,” sabi niya.
Bago matapos ang sesyon, mapagkumbabang nagsalita si Pangulong Hinckely tungkol sa tulong ng Panginoon na itayo ang templo. “Dininig ng Panginoon ang ating mga panalangin,” patotoo niya. “Naririnig Niya ang inyong mga panalangin. Narinig Niya ang mga panalangin ng maraming tao, at ngayon ay tapos nang itayo ang templo.”
Pagkatapos ay inilaan ng propeta ang gusali. “Nagpapasalamat po kami sa Inyo sa kapatirang umiiral sa amin, na ang kulay ng balat o lupang sinilangan ay hindi makapaghihiwalay sa amin bilang Inyong mga anak na tumanggap ng mga banal at nagbubuklod na mga tipan,” panalangin niya. “Nawa’y ang Inyong gawain ay lumaganap sa lupang ito at sa mga katabing bansa.”
Kalaunan noong araw na iyon, sa ikatlong sesyon ng paglalaan, hiniling ni Pangulong Hinckley kay Georges na magsalita. Dama ang pagkagulat lumapit si Georges sa pulpito. “Nais kong malaman ninyo na ang ating Diyos ay Diyos ng mga himala,” patotoo niya. “Nangyayari ang mga himala dahil sa pananampalataya, at maraming maraming tao ang isinasabuhay ang kanilang pananampalataya sa pamamagitan ng panalangin at iba pang mga uri ng pagsamba upang gawing posible ang dakilang araw na ito.”
“Naniniwala ako na ang pagkakaroon ng templo sa West Africa ay maaaring isa sa pinakamahahalagang pangyayari mula noong Pagbabayad-sala ni Jesucristo at pagpapanumbalik ng lahat ng bagay,” pagpapatuloy niya. “May ilang milyong Aprikano na namayapa na ang nagsasayang kasama natin ngayong araw.”
Matapos ang paglalaan, sumama si Georges kina Pangulong Hinckley, Elder Nelson, Elder Kissi, at iba pa upang bisitahin si John Kufuor, ang pumalit kay Jerry Rawlings bilang pangulo ng Ghana. Mula nang nanungkulan siya noong unang bahagi ng 2001, matulungin at mapagbigay ng suporta ang administrasyon ni Pangulong Kufuor habang itinatayo ang templo. Noong 2002, dinalaw nito ang Unang Panguluhan sa Lunsod ng Salt Lake upang mas matuto pa tungkol sa Simbahan at magpasalamat sa mga Banal sa mga Huling Araw para sa kanilang mga humanitarian at pangrelihiyong kontribusyon sa Ghana. Dumalo rin siya sa kailan lamang na open house ng templo sa Accra at nilibot ang gusali. Ang kanyang nakita ay nagpahanga sa kanya.
“Ang iyong simbahan,” sinabi na nito ngayon kay Pangulong Hinckley, “ay isa nang mamamayan sa Ghana.”
Noong Hunyo 2004, naghihintay si Angela Peterson sa kanyang kotse para sa inspeksyong pangkaligtasan at pagbuga ng usok malapit sa Washington, DC. Maraming kotse ang nakapila bago ang sa kanya at umaabot ang pila palibot sa paradahan sa labas. Magiging matagal ito, natanto niya.
Sa halip na hayaang umaandar ang makina, pinatay niya ito at binaba ang mga bintana upang matamasa ang simoy ng hangin sa tag-araw. Habang naghihintay siya, kumuha siya ng kopya ng “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” na dinala niya. Ilang linggo na ang nakararaan, inanyayahan ng stake president ang mga miyembro ng kanyang young single adult ward na isaulo ang pahayag, ipinapangakong magkakaroon sila ng mga pagpapala kapag ginawa nila ito. Naniwala si Angela sa pangakong iyon, kaya buong-sipag niyang isinasaulo ang dokumento.
Sa siyam na taon mula nang inanunsyo ang pahayag ukol sa pamilya sa pangkalahatang pulong ng Relief Society noong Setyembre 1995, naging pangunahing bahagi ito ng mensahe ng Simbahan tungkol sa mga pamilya. Inorganisa ng mga magulang ang kanilang mga tahanan ayon sa mga alituntuning ito, inilagay ito ng mga miyembro ng Simbahan sa mga kuwadro at isinabit sa mga dingding, at nagbigay ang Brigham Young University ng isang buong kurso batay sa isang pahinang teksto nito. Tinedyer pa lamang si Angela noong ipabatid ni Pangulong Hinckley ang pahayag, at hindi niya natitiyak kung nabasa niya ito bago ang paanyaya ng pangulo ng kanyang stake.
Nang magtapos siya sa mataas na paaralan, lumipat si Angela mula sa kanyang maliit na sinilangang bayan na Alberta, Canada, upang mag-aral sa unibersidad sa Logan, Utah. Nang magtapos siya, kumuha siya ng internship sa Public Affairs Office ng Simbahan sa Lunsod ng Salt Lake bago nakakuha ng full-time na posisyon sa International and Government Affairs Office sa Washington, DC. Ang mga kalye ng kabiserang lunsod, na naliligiran ng mga museo at mga rebulto at mga tanggapan ng pamahalaan, ay lubhang iba sa maalikabok na kalye ng kanyang pagkabata.
Nang dumating si Angela sa harapan ng linya, nagpunta siya sa isang silid-hintayan habang sinusuri ng mekaniko ang kotse niya. Mas matagal sa inaasahan ang pagsusuri, at nagsimula siyang mag-alala habang pinagmamasdan niya ang ibang mga parokyanong maglabas-masok habang patuloy siyang naghihintay. May problema ba ang kotse niya? Magkano ang kakailanganin para ayusin ito?
Sa wakas, matapos ang tila ilang oras, pumasok ang mekaniko at sinabi sa kanyang nakapasa sa pagsusuri nito ang sasakyan.
Nakahinga na sa wakas, nagbayad si Angela at nilisan ang gusali, hindi pa rin malaman kung bakit masyadong nagtagal ito. Sa kotse niya, natagpuan niyang naghihintay sa kanya ang mekaniko.
“Binibini,” sabi nito, “gusto kong humingi ng paumanhin na natagalan ang pag-inspeksyon ko sa sasakyan mo.”
Sinabi nito kay Angela na napukaw ang atensyon nito sa kopya ng pahayag ukol sa pamilya na nasa upuan ng kanyang kotse. Paulit-ulit nitong binasa ang pahayag, naantig sa mensahe nito tungkol sa mga pamilya.
“Ano’ng Simbahang Ito? Ano ang dokumentong ito tungkol sa pamilya? Maaari ba akong humingi ng kopya?” tinanong nito sa kanya. “Sinasabi rito na isinulat ito ng mga apostol. Ibig mo bang sabihin na may mga apostol sa mundo ngayon katulad noong panahon ni Jesus? Pakiusap, gusto kong malaman ito.”
Nagulantang, napatigil sandali si Angela para mag-isip. “May mga apostol at propeta sa mundo, gaya noong panahon ni Jesucristo,” sinabi niya rito, sandaling ipinaliwanag ang tungkol kay Joseph Smith at sa Panunumbalik ng ebanghelyo. Ibinigay niya rito ang kopya niya ng pahayag ukol sa pamilya at isang kopya ng Aklat ni Mormon.
Pagkatapos ay ibinigay nito sa kanya ang pangalan at telepono nito para maibahagi sa mga misyonero. Habang nagmamaneho si Angela pauwi mula sa garahe, pumikit-pikit siya para pigilan ang mga luha, nagpapasalamat na iniwan niya ang pahayag sa upuan niya sa harap.