“Ang mga Inspiradong Panaginip ni Jose,” Mga Kuwento sa Lumang Tipan (2022)
“Ang mga Inspiradong Panaginip ni Jose,” Mga Kuwento sa Lumang Tipan
Ang mga Inspiradong Panaginip ni Jose
Pagsisikap ng isang pamilya na mahalin ang isa’t isa
Maraming taon na nanalangin sina Raquel at Jacob na magkaroon ng anak na lalaki. Sinagot ng Panginoon ang kanilang mga panalangin nang isilang si Jose. Si Jose ang paboritong anak ni Jacob, at binigyan niya si Jose ng isang espesyal na tunika. Nainggit ang 10 nakatatandang mga anak ni Jacob.
Noong 17 taong gulang si Jose, nagkaroon siya ng inspiradong panaginip na nagtitipon siya ng mga butil sa bukid kasama ang kanyang mga kapatid. Matayog ang tindig ng bungkos ng butil ni Jose. Ngunit ang mga bungkos ng butil ng kanyang mga kapatid ay yumukod sa kanyang bungkos. Nang sabihin ni Jose sa kanyang mga kapatid ang tungkol sa panaginip, nagalit sila sa kanya.
Kalaunan, nagkaroon ng isa pang inspiradong panaginip si Jose. Sa panaginip na ito, ang araw, buwan, at 11 bituin ay yumukod sa kanya. Sinabi ni Jose sa kanyang pamilya ang tungkol sa panaginip. Tila ipinahihiwatig ng panaginip na ito na si Jose ang mamumuno sa pamilya. Lalo pang nagalit kay Jose ang kanyang mga kapatid. Hindi nila nagustuhan ang kanyang mga panaginip.
Isang araw, ang mga kapatid ni Jose ay umalis sa kanilang tahanan upang magpakain ng mga tupa. Isinugo ni Jacob si Jose upang tingnan sila.
Ang ilan sa mga kapatid ni Jose ay naghangad na patayin siya. Kinuha nila ang tunika ni Jose at itinapon nila siya sa isang hukay.
Habang nasa loob ng hukay si Jose, nakakita ang kanyang mga kapatid ng mga manlalakbay na papuntang Egipto. Nagpasiya ang magkakapatid na ibenta si Jose sa mga manlalakbay bilang isang alipin kapalit ng 20 piraso ng pilak.
Pagkatapos ay nilagyan ng mga kapatid ni Jose ng dugo ng kambing ang kanyang tunika. Nagpunta ang magkakapatid sa kanilang ama na si Jacob, at ipinakita nila sa kanya ang tunika. Nagsinungaling sila kay Jacob at sinabi nila sa kanya na pinatay ng mababangis na hayop si Jose.
Umiyak si Jacob dahil inakala niyang patay na si Jose.
Ngunit buhay pa si Jose. Siya ay nasa Egipto, malayo sa kanyang tahanan, namumuhay bilang isang alipin.