“Si Jose sa Egipto,” Mga Kuwento sa Lumang Tipan (2022)
“Si Jose sa Egipto,” Mga Kuwento sa Lumang Tipan
Si Jose sa Egipto
Isang alipin na naging pinuno
Ibinenta si Jose sa lalaki na nagngangalang Potifar bilang isang alipin. Nagtatrabaho si Potifar para kay Faraon, ang pinuno ng Egipto. Masasabi ni Potifar na tinulungan ng Panginoon si Jose. Nagtiwala siya kay Jose at inatasan niya itong pamahalaan ang kanyang bahay at ang lahat ng kanyang pag-aari.
Nagustuhan ng asawa ni Potifar si Jose. Nais niyang suwayin nila ni Jose ang mga kautusan ng Panginoon. Tinanggihan siya ni Jose.
Ayaw makinig ng asawa ni Potifar, kaya tumakbo palayo si Jose. Nagalit siya kay Jose.
Ipinakita niya kay Potifar ang bahagi ng kasuotan ni Jose. Nagsinungaling siya kay Potifar tungkol kay Jose. Ipinabilanggo ni Potifar si Jose.
Nawalay si Jose sa kanyang pamilya. Siya ay naging alipin, at ngayon ay isa na siyang bilanggo. Ngunit tinulungan pa rin ng Panginoon si Jose. Hindi sumuko si Jose. Binasbasan ng Panginoon ang bantay ng bilangguan upang makita nito ang kabutihan ni Jose. Nagsimulang magtiwala sa kanya ang bantay, kaya inatasan nito si Jose na pamahalaan ang iba pang mga bilanggo.
May nakilala si Jose na dalawang bilanggo, isang panadero at isang punong katiwala, na dating nagtrabaho kay Faraon. Kapwa sila nagkaroon ng mga kakatwang panaginip. Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Panginoon, ipinaliwanag ni Jose kung ano ang kahulugan ng kanilang mga panaginip. Ang panaginip ng punong katiwala ay nangangahulugang mapapalaya ito. Makalipas ang tatlong araw, pinalaya nga ito upang muling magtrabaho kay Faraon.
Isang araw, nabalisa si Faraon dahil sa kanyang mga panaginip. Walang makapagsabi sa kanya kung ano ang kahulugan ng kanyang mga panaginip.
Biglang naalala ng punong katiwala na kayang ipaliwanag ni Jose ang mga panaginip.
Inilabas si Jose mula sa bilangguan upang ipaliwanag ang mga panaginip ni Faraon. Sinabi ni Jose na ang ibig sabihin ng mga panaginip ay magkakaroon ang Egipto ng pitong taon ng kasaganaan kung saan marami ang pagkain at masusundan ito ng pitong taon ng taggutom kung saan kaunti ang pagkain. Sinabi ni Jose kay Faraon na dapat mag-imbak ng karagdagang pagkain ang Egipto sa mga taon ng kasaganaan.
Alam ni Faraon na totoo ang sinabi ni Jose tungkol sa kanyang mga panaginip. Pinalaya niya si Jose mula sa bilangguan at ginawa niya itong dakilang pinuno sa Egipto. Sa loob ng pitong taon, tinulungan ni Jose ang Egipto na mag-imbak ng karagdagang pagkain.
Pagkatapos ay dumating ang taggutom. Sa panahong ito, walang sinumang makapagpatubo ng anumang pagkain. Naglakbay ang mga tao papuntang Egipto upang bumili ng pagkaing inimbak ni Jose. Dahil kay Jose, ang mga taga-Egipto ay nakapag-imbak ng sapat na pagkain upang tulungan sila at ang iba na makaligtas sa taggutom.