Mga Kuwento sa mga Banal na Kasulatan
Si David at si Goliat


“Si David at si Goliat,” Mga Kuwento sa Lumang Tipan (2022)

“Si David at si Goliat,” Mga Kuwento sa Lumang Tipan

1 Samuel 17

Si David at si Goliat

Pagharap sa isang higanteng hamon

Goliat

Inaatake ng mga Filisteo ang mga Israelita. Tuwing umaga hinahamon ng isang higanteng Filisteo na nagngangalang Goliat ang sinumang Israelita upang kalabanin siya. Si Goliat ay mas malaki at mas matangkad kaysa kaninuman, at mabangis siya. Nagsusuot siya ng makapal na baluti at may dalang espada, sibat, at malaking kalasag. Walang sinumang naglakas-loob na labanan siya.

1 Samuel 17:1–11

kumakain ang hukbong Israel

Si David ay isang batang pastol na may pananampalataya sa Panginoon. Ang kanyang mga kuya ay mga kawal sa hukbo ng Israel. Isang araw, dinalhan ni David ang kanyang mga kapatid ng ilang pagkain. Pagdating niya sa kampo ng hukbo, narinig niya ang hamon ni Goliat.

1 Samuel 17:20–23

nakikipag-usap si David sa mga kawal

Tinanong ni David sa mga kawal kung bakit walang sinumang nagtatanggol sa Israel. Nagalit ang kanyang mga kuya at sinabi sa kanya na alagaan ang mga tupa. Ngunit alam ni David na ipagtatanggol ng Panginoon ang Israel.

1 Samuel 17:24–30

nakikipag-usap si David kay Haring Saul

Batid ni Haring Saul ang pananampalataya ni David, kaya’t hiniling niyang makausap si David. Sinabi ni David kay Saul na hindi siya takot na labanan si Goliat. Ipinaliwanag ni David na minsan noong binabantayan niya ang kanyang mga tupa, pumatay siya ng isang leon at oso. Pinrotektahan siya noon ng Panginoon, at batid ni David na poprotektahan siya ng Panginoon ngayon.

1 Samuel 17:31–37

nagsusuot ng baluti si David

Ibinigay ni Saul kay David ang kanyang baluti. Ngunit hindi ito kasya, kaya’t hinubad ito ni David. Nagpasiya siyang lumaban nang walang anumang suot na baluti.

1 Samuel 17:38–39

si David na may hawak na mga bato

Kumuha si David ng limang makikinis na bato at inilagay ang mga ito sa isang supot. Kinuha niya ang kanyang tirador at tungkod ng pastol at nilabanan si Goliat.

1 Samuel 17:40

nakikipag-usap si David kay Goliat

Nang makita ni Goliat si David, sumigaw siya at kinutya ito. Sinabi nito na hindi siya kayang matalo ng isang batang pastol. Sumigaw si David na nagtitiwala siya na poprotektahan siya ng Panginoon! Sinabi ni David na tatalunin niya si Goliat para ipakita ang kadakilaan ng Panginoon.

1 Samuel 17:42–47

si David na nakikipaglaban kay Goliat

Tumakbo si David palapit kay Goliat. Agad niyang itinira ang bato gamit ang kanyang tirador. Tumama ang bato sa noo ni Goliat, at ang higanteng lalaki ay bumagsak sa lupa. Tinulungan ng Panginoon si David na talunin si Goliat nang walang espada o baluti.

1 Samuel 17:48–50

si David at ang labi ni Goliat

Nang makita ng mga Filisteo na patay na si Goliat, nagtakbuhan sila palayo sa takot. Nanalo ang mga Israelita sa labanan. Nagtiwala si David sa Panginoon, at pinrotektahan ng Panginoon ang Israel.

1 Samuel 17:51–53