“Ang Propetang si Jonas,” Mga Kuwento sa Lumang Tipan (2021)
“Ang Propetang si Jonas,” Mga Kuwento sa Lumang Tipan
Jonas 1–4
Ang Propetang si Jonas
Pagkatutong magtiwala sa awa ng Panginoon
Si Jonas ay isang propeta. Sinabi sa kanya ng Panginoon na balaan ang mga tao sa Ninive na ang kanilang lungsod ay wawasakin kung hindi sila magsisisi.
Subalit ang mga tao ng Ninive ay kaaway ng mga Israelita. Ayaw mangaral ni Jonas sa kanila. Kaya sumakay siya ng barko upang maglayag palayo sa Ninive.
Habang nasa barko si Jonas, isang malakas na bagyo ang dumating. Natakot para sa kanilang buhay ang mga lalaki sa barko. Hiniling nila kay Jonas na manalangin sa Panginoon para iligtas sila.
Alam ni Jonas na ipinadala ng Panginoon ang bagyo dahil tinatakasan niya ang ipinagagawa sa kanya ng Panginoon. Nais sagipin ni Jonas ang mga taong lulan ng barko. Sinabi niya na kung ihahagis nila siya sa dagat, titigil ang bagyo.
Ayaw ng mga lalaki na ihagis si Jonas sa dagat. Tinangka nilang magsagwan papunta sa lupa, pero napakalakas ng bagyo. Sa wakas, itinapon na nila si Jonas sa dagat.
Tumigil ang bagyo. Subalit nilunok ng isang malaking isda si Jonas.
Nasa loob ng tiyan ng isda si Jonas sa loob ng tatlong araw at tatlong gabi. Noong panahong iyon, nanalangin at nagsisi si Jonas. Ninais niyang gawin ang tama at pakinggan ang Panginoon. Dininig ng Panginoon ang mga panalangin ni Jonas at inutusan ang isda na iluwa si Jonas papunta sa tuyong lupa.
Muling sinabi ng Diyos kay Jonas na mangaral sa mga tao ng Ninive. Sa pagkakataong ito ay sumunod si Jonas. Nagpunta siya sa Ninive at sinabi sa mga tao na magsisi o wawasakin ng Panginoon ang kanilang lungsod. Nagsisi ang hari at ang kanyang mga tao. Pinatawad sila ng Panginoon at hindi Niya winasak ang Ninive.
Subalit nalungkot si Jonas na hindi nalipol ang mga tao. Sa palagay niya ay hindi sila karapat-dapat na mapatawad.
Upang turuan si Jonas ng aral, naghanda ng halaman ang Panginoon upang bigyan ng lilim si Jonas mula sa araw. Kalaunan ay namatay ang halaman, at naawa si Jonas dito.
Tinuruan ng Panginoon si Jonas ng aral tungkol sa Kanyang mga anak. Nalaman ni Jonas na dapat siyang malungkot kapag hindi nagsisisi ang mga tao at dapat siyang maging masaya kapag ginawa nila ito.