“Si Daniel at ang Panaginip ng Hari,” Mga Kuwento sa Lumang Tipan (2022)
“Si Daniel at ang Panaginip ng Hari,” Mga Kuwento sa Lumang Tipan
Daniel 2
Si Daniel at ang Panaginip ng Hari
Ang matalinghagang mensahe ng Diyos sa hari
Ang hari ng Babilonia ay nagkaroon ng panaginip na nagpabalisa sa kanya. Iniutos niya sa kanyang mga saserdote at pantas na sabihin sa kanya ang kahulugan ng panaginip.
Hindi sinasabi ng hari sa kanila kung ano ang panaginip. Sabi niya, kung tunay na may kapangyarihan ang mga saserdote at pantas, masasabi nila sa kanya kung ano ang panaginip at ang kahulugan nito.
Sinabi ng mga saserdote at pantas sa hari na hindi nila maaaring bigyang-kahulugan ang kanyang panaginip kung hindi niya sasabihin sa kanila kung ano iyon. Sinabi nila na walang sinuman na makagagawa noon. Nagalit ang hari at sinabing papatayin niya ang lahat ng pantas sa kaharian, pati na si Daniel at kanyang mga kaibigan.
Nang dumating ang bantay ng hari para sunduin si Daniel at kanyang mga kaibigan, humingi ng mas maraming oras si Daniel para masabi niya sa hari ang kahulugan ng kanyang panaginip. Alam ni Daniel na alam at nakikita ng Diyos ang lahat, kahit ang mga panaginip. Hiniling ni Daniel sa kanyang mga kaibigan na manalanging kasama niya.
Ipinakita ng Diyos kay Daniel ang panaginip ng hari sa isang pangitain at itinuro kay Daniel ang kahulugan nito. Pinasalamatan ni Daniel ang Diyos sa pagsagot sa mga panalangin niya at ng kanyang mga kaibigan at sa pagliligtas sa kanilang buhay. Pagkatapos ay nagtungo siya upang sabihin sa hari ang kahulugan ng panaginip.
Sinabi ni Daniel na ang panaginip ng hari ay tungkol sa isang malaking estatwa na winasak ng isang bato na tinibag mula sa bundok. Kinakatawan ng estatwa ang mga kaharian sa lupa. Ang batong tinibag mula sa bundok ay sumasagisag sa kaharian ng Diyos na siyang pupuno sa daigdig. Alam ng hari na nagsasabi ng katotohanan si Daniel.