Institute
Lesson 7 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Ang Walang-Hanggang Likas na Katangian at Layunin ng Kasarian


“Lesson 7 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Ang Walang-Hanggang Likas na Katangian at Layunin ng Kasarian,” Materyal ng Titser para sa Kursong Ang Walang-Hanggang Pamilya (2022)

“Lesson 7 Materyal sa Paghahanda para sa Klase,” Materyal ng Titser para sa Kursong Ang Walang-Hanggang Pamilya

isang grupo ng mga young adult sa dalampasigan

Lesson 7 Materyal sa Paghahanda para sa Klase

Ang Walang-Hanggang Likas na Katangian at Layunin ng Kasarian

Itinuro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol na ang ating kasarian, na ginamit sa lesson na ito at sa mga kasunod na lesson ay nangangahulugang ang ating biological na kasarian noong isinilang tayo (maliban kung iba ang nakasaad), “nililinaw kung sino tayo, bakit tayo narito sa lupa, at ano ang gagawin natin dito at kahihinatnan natin” (“Mahalaga ang Kasal sa Kanyang Walang Hanggang Plano,” Liahona, Hunyo 2006, 83). Habang pinag-aaralan mo ang materyal para sa lesson na ito, isipin kung paano makatutulong sa iyo ang plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit upang mas maunawaan ang kahalagahan ng iyong walang-hanggang identidad o pagkakakilanlan at layunin bilang anak na lalaki o anak na babae ng mga magulang sa langit.

Paalala: Ang kasarian ay isang sensitibong isyu para sa maraming tao. Ang mga materyal na ito ay nilalayong tulungan kang maunawaan ang doktrina ng Ama sa Langit hinggil sa kasarian at malaman kung paano ito naaangkop sa iba’t ibang kalagayan sa ating mundo ngayon. Hingin ang tulong ng Espiritu upang maunawaan ang mga mensaheng nais ng Diyos para sa iyo habang nag-aaral ka.

Bahagi 1

Paano mapapalakas ang aking pang-unawa tungkol sa kasarian kapag mas nauunawaan ko ang plano ng Ama sa Langit?

Nakasaad sa pahayag tungkol sa mag-anak: “Lahat ng tao—lalaki at babae—ay nilalang sa larawan ng Diyos. Bawat isa ay minamahal na espiritung anak na lalaki o anak na babae ng mga magulang na nasa langit, at bilang gayon, bawat isa ay may katangian at tadhana na tulad ng sa Diyos. Ang kasarian ay mahalagang katangian ng pagkakakilanlan at layunin ng isang tao sa kanyang buhay bago pa ang buhay niya sa mundo, sa buhay niyang mortal, at sa walang hanggan” (“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” SimbahanniJesucristo.org).

Ang salitang kasarian ay maaaring may iba’t ibang kahulugan para sa iba’t ibang tao. Ipinaliwanag sa hanbuk ng Simbahan, “Ang nilayong kahulugan ng kasarian sa pahayag tungkol sa pamilya ay biological na kasarian noong isinilang” (Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jescristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, 38.6.23).

Ganito ang sinabi ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa pagkalikha sa atin:

Elder Richard G. Scott

Ang [paglikhang ito sa lalaki at babae] ay espirituwal na nagawa sa inyong premortal na buhay noong nanirahan kayo sa piling ng inyong Ama sa Langit. Ang inyong kasarian ay taglay na ninyo bago pa kayo pumarito sa lupa. (“The Joy of Living the Great Plan of Happiness,” Ensign, Nob. 1996, 73)

Itinuro pa ni Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan na ang “paglikha [sa lalaki at babae] ay mahalaga sa plano ng kaligtasan” (sa “General Conference Leadership Meetings Begin,” Okt. 2, 2019, newsroom.ChurchofJesusChrist.org).

lalaki at babae na naglalakad

Makatutulong sa atin na mas maunawaan ang plano ng Diyos para sa atin at ang kahalagahan ng ating kasarian sa planong iyan kapag nauunawaan natin ang tungkol sa ating mga magulang sa langit.

icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang Genesis 1:26–27, at isipin kung ano ang ibig sabihin ng malikha sa larawan ng ating mga magulang sa langit.

Isipin kung bakit mahalaga ang kasarian sa plano ng Ama sa Langit. Narito ang ilang katotohanan na maaari mong pagnilayan:

Ang walang-hanggang kasal ng isang lalaki at isang babae ay mahalaga para maging katulad ng ating mga magulang sa langit. Ang likas na katangian ng buhay na walang hanggan, o kadakilaan, ay ang pagpapatuloy ng mga pamilya sa kawalang-hanggan. Ang potensyal na ito ay makakamtan lamang “sa pamamagitan ng mga kapangyarihang lumikha na likas sa pagsasama ng lalaki at babae sa walang hanggang kasal (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 132:19)” (Dallin H. Oaks, sa “General Conference Leadership Meetings Begin”).

“Ayon sa banal na plano, kapwa kailangan ang lalaki at babae para magsilang ng mga anak sa mortalidad at maglaan ng pinakamainam na lugar sa pagpapalaki at pag-aaruga ng mga anak” (David A. Bednar, “Mahalaga ang Kasal sa Kanyang Walang Hanggang Plano,” Liahona, Hunyo 2006, 83; tingnan din sa Genesis 1:28).).

Pinagkakalooban ng Ama sa Langit ang kalalakihan at kababaihan ng magkakaibang kakayahan na tutulong sa kanila na magampanan ang mga ito at ang iba pang mga banal na responsibilidad sa Kanyang plano. Kailangan ng kalalakihan at kababaihan ang isa’t isa para sumulong at maabot ang kanilang ganap na walang hanggang potensyal. Tulad ng itinuro ni Elder Bednar:

Elder David A. Bednar

Ginagawang lubos at ganap ng katangian ng mga espiritu ng lalaki at babae ang isa’t isa, kaya nga nilayon na magkasamang umunlad ang mga lalaki at babae tungo sa kadakilaan. …

Dahil sa mga banal na layunin, ang espiritu ng lalaki at babae ay magkaiba, natatangi, at magkabagay.

… Ang natatanging kombinasyon ng espirituwal, pisikal, mental, at emosyonal na mga kakayahan kapwa ng mga lalaki at mga babae ay kinailangan para maisakatuparan ang plano ng kaligayahan. Kung nag-iisa, hindi maisasakatuparan ng lalaki ni ng babae ang mga layunin ng pagkalikha sa kanya. …

… Tulad ng mga magkakaibang katangian ng mga lalaki at babae na nakatutulong sa pagiging kumpleto ng pagsasama ng mag-asawa, ang mga katangian ding iyon ay mahalaga sa pagpapalaki, pangangalaga, at pagtuturo ng mga anak. (David A. Bednar, “Mahalaga ang Kasal sa Kanyang Walang Hanggang Plano,” 83–84)

Itinuro din ni Elder Dale G. Renlund ng Korum ng Labindalawang Apostol at ni Sister Ruth L. Renlund:

Elder Dale G. Renlund at Sister Ruth L. Renlund

Ang mga lalaki at babaeng espiritu ay nilikha upang punuan ang isa’t isa. Ito ang dahilan kung bakit ang kasarian ay hindi nagbabago sa kawalang-hanggan—dahil ito ay nagbibigay ng batayan para sa pinakadakilang kaloob na maaaring ibigay ng Ama sa Langit, ang uri ng Kanyang pamumuhay. (“Ang mga Banal na Layunin ng Seksuwal na Intimasiya,” Liahona, Ago. 2020, 16)

icon, pagnilayan

Magnilay-nilay upang Makapaghanda para sa Klase

Isipin ang ginagampanan ng kasarian nang may walang-hanggang pananaw. Paano makatutulong sa iyo ang plano ng kaligtasan para maunawaan mo na “ang kasarian ay mahalagang katangian ng pagkakakilanlan at layunin ng isang tao sa kanyang buhay bago pa ang buhay niya sa mundo, sa buhay niyang mortal, at sa walang hanggan”? (“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo”).

Bahagi 2

Paano ko mas mauunawaan ang mga tanong tungkol sa kasarian?

dalawang young adult na babae na nag-uusap

Maaaring napansin mo na sa ating panahon maraming iba’t ibang ideya tungkol sa kasarian at identidad. Inihihiwalay ng ilang tao ang salitang kasarian mula sa biological na kasarian. Maaari nilang banggitin ang kanilang kinikilalang kasarian [gender identity], na maaaring tumutukoy sa nadarama nilang kasarian nila kahit naiiba ito sa kanilang biological na kasarian. (Pansinin na iba ito sa seksuwal na oryentasyon, na kinapapalooban ng pisikal, emosyonal, at seksuwal na pagkaakit sa iba. Ang seksuwal na oryentasyon ay tatalakayin sa susunod na lesson.)

Ang pagkaunawa ng isang tao tungkol sa pagiging lalaki o babae ay maaaring maimpluwensyahan ng kultura, social norms, at kung paano siya pinalaki. Dahil sa mga kadahilanang ito at iba pa, ang laganap na mga konsepto tungkol sa kasarian [gender stereotype] ay maaaring maging sanhi kung minsan ng pagkalito para sa ilang tao at maaaring makapinsala pa nga. Halimbawa, maaaring nag-aalala ang ilang tao na ang kanilang mga interes at kakayahan ay hindi tugma sa ilang inaasahan sa kultura at lipunan para sa kanilang biological na kasarian. Iyan ay hindi nangangahulugan na hindi tugma ang kanilang biological na kasarian at ang kanilang kinikilalang kasarian [gender identity]. Mahalagang tandaan na maraming elemento ang bumubuo sa ating kumpletong identidad, kabilang ang ating banal na pagkatao, biological na kasarian, mga kaloob, kakayahan, hangarin, at pagpili.

Kahit nauunawaan natin ang mga walang hanggang katotohanan tungkol sa kasarian, ang kumplikadong mga katotohanan sa ating buhay ay maaaring humantong sa mahihirap na tanong o sitwasyon. Isipin ang mga sumusunod:

  • Dahil sa mga kadahilanang hindi lubos na nauunawaan, may ilang tao sa ilang pagkakataon sa kanilang buhay na “nakararanas ng hindi magandang damdamin dahil nadarama nilang hindi tugma ang kanilang biological na kasarian at ang kanilang kinikilalang kasarian. Dahil dito, maaari nilang masabi na sila ay transgender. Ang Simbahan ay walang posisyon [o pahayag] patungkol sa dahilan kung bakit nasasabi ng mga tao na sila ay transgender” (Pangkalahatang Hanbuk38.6.23).

  • Maaaring makadama ng pagkaasiwa o pagkadismaya ang ilang tao sa mga inaasahan sa kultura at lipunan na nauugnay sa kanilang biological na kasarian.

  • Nakasaad sa Pangkalahatang Hanbuk, “Sa napakabihirang mga kalagayan, ang isang sanggol ay ipinapanganak na ang ari ay hindi malinaw kung sa lalaki o sa babae” (38.7.7). Ito ay kadalasang tinutukoy bilang intersex. Ang sitwasyong ito, at kung paano ito hinaharap ng mga magulang o medical advisor, ay maaaring makaapekto o hindi sa kinikilalang kasarian [gender identity] ng indibiduwal.

Nakasaad sa isang lathalain ng Simbahan tungkol sa paksang transgender, ang mga indibiduwal na tinatawag na transgender ay “nahaharap sa kumplikadong mga hamon.” Sila “ay marapat ding mahalin nang may pagmamahal na tulad ng kay Cristo gaya ng iba pang mga anak ng Diyos at dapat pakitunguhan nang may pang-unawa, kabaitan, at pagkahabag” (“Transgender: Do I Belong as a Member of the Church?,” ChurchofJesusChrist.org). Sa halip na panaigin ang kakitiran ng isip o panghuhusga sa kung paano tayo makikipag-ugnayan sa iba, maaari nating “sikaping makita ang iba sa pamamagitan ng mga matang tulad ng kay Cristo” (“Transgender: What Can I Do to Show Christlike Love?,” ChurchofJesusChrist.org).

mga young adult na nag-uusap
icon, pagnilayan

Magnilay-nilay upang Makapaghanda para sa Klase

Paano ako magiging mas maunawain at sensitibo kapag tinatalakay ko ang kasarian sa iba at kapag isinasaalang-alang ang mga kumplikadong katotohanan ng iba na maaaring kilala o makikilala ko?

Bahagi 3

Paano kung may mga tanong ako tungkol sa aking kinikilalang kasarian [gender identity]?

Kung may mga tanong ka tungkol sa iyong kasarian o nadarama mo na di tugma ang kinikilalang kasarian [gender identity] mo at ang biological na kasarian mo, dapat mong malaman na mahal ka ng iyong Ama sa Langit at ng iyong Tagapagligtas. Lagi Silang nariyan para sa iyo. Isipin kung paano ka matutulungan at mapapalakas ni Jesucristo at ng Kanyang ebanghelyo. Ang Transgender resources na inilathala ng Simbahan ay nagbabahagi ng mahahalagang katotohanan at paalalang ito:

Lubos na nauunawaan ng Tagapagligtas ang ating kakaibang kalagayan. Bilang mga mortal, ang ating pang-unawa ay limitado. Maipahahayag natin tulad ni Nephi: “Alam [nating] mahal [ng Diyos] ang kanyang mga anak; gayon pa man, hindi [natin] nalalaman ang ibig sabihin ng lahat ng bagay” (1 Nephi 11:17). (“Transgender: Does the Savior Really Understand What I’m Going Through?,” ChurchofJesusChrist.org)

Hindi lahat ng nakapaligid sa iyo ay magiging perpekto sa pagpapahayag ng pagmamahal, pagkahabag, o pagiging sensitibo. Sa mundo ngayon, madaling makahanap ng mali at makasakit ng tao. Dahil sa matitinding hamon sa buhay, hindi sinasadyang nakasasakit tayo dahil sa maling pananalita o komento. Bilang mga miyembro ng Simbahan, lahat tayo ay natututo at umuunlad. (“Transgender: Do I Belong as a Member of the Church?,” ChurchofJesusChrist.org)

Si Sister Michelle D. Craig, Unang Tagapayo sa Young Women General Presidency, ay nagturo din na:

Sister Michelle D. Craig

Ang mga Banal sa mga Huling Araw ay magkakaiba ang kalagayan ngunit “pantay-pantay ang lahat sa Diyos” [2 Nephi 26:33]. … Sinuman kayo o anuman ang pinagdaraanan ninyo, inaanyayahan kayo sa hapag ng Panginoon. (“Espirituwal na Kakayahan,” Liahona, Nob. 2019, 21)

Mapanatag na lahat ng pagpapala ng ebanghelyo ay para sa sinumang pinipiling sundin ang mga kautusan ng Diyos. Kayo ay “makagagawa at tutupad ng mga pangako sa Diyos” at “lalakad sa Kanyang liwanag at makikibahagi sa Kanyang Simbahan” nararamdaman man ninyo na tugma o hindi ang inyong kinikilalang kasarian [gender identity] at ang inyong biological na kasarian (“Transgender: How Can I Contribute to the Lord’s Kingdom?,” ChurchofJesusChrist.org).

Nakasaad sa hanbuk ng Simbahan na “ang mga transgender na indibiduwal na hindi sumailalim sa prosesong medikal, operasyon, o social transitioning para mabago ang kasarian at karapat-dapat ay maaaring tumanggap ng mga calling sa Simbahan, temple recommend, at mga ordenansa sa templo” (Pangkalahatang Hanbuk, 38.6.23). (Paalala: “Kabilang sa social transitioning ang pagpapalit ng kasuotan o hitsura, o pagpapalit ng ginagamit na pangalan o mga panghalip ng isang tao para mailahad ang kanyang sarili na iba ang kasarian [niya] sa biological na kasarian niya noong siya ay isinilang” [Pangkalahatang Hanbuk, 38.6.23].) Kung gusto mo pang mas maunawaan ito, kausapin ang iyong bishop o branch president.

Bagama’t hindi salungat sa patakaran o doktrina ng Simbahan, ang hayagang pagtukoy sa iyong sarili bilang transgender ay maaaring maglimita sa kakayahan mong makamit ang iyong mga walang-hanggang mithiin. Nagbabala si Pangulong Oaks:

Pangulong Dallin H. Oaks

Mag-ingat kung paano ninyo inilalarawan ang inyong sarili. … Ang nag-iisang katangian lamang na dapat maglarawan sa atin ay na tayo ay anak na lalaki o anak na babae ng Diyos. Ang katotohanang iyan ay nakahihigit sa lahat ng iba pang mga katangian. (“How to Define Yourself,” New Era, Hunyo 2013, 48)

Bawat isa sa atin ay anak ng Diyos na mayroong potensiyal na magtamo ng buhay na walang hanggan. Ang lahat ng iba pang pagtawag … ay pansamantala lamang o hindi mahalaga sa kawalang-hanggan. Huwag piliing tawagin ang inyong sarili o ituring ang inyong sarili alinsunod sa mga katawagang naglilimita sa isang mithiin na maaari ninyong makamit. (“Saan Ito Hahantong?Liahona, Mayo 2019, 62)

Nagbigay rin si Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol ng ganitong katiyakan:

Elder D. Todd Christofferson

Lahat ay may mga kaloob; lahat ay may mga talento; lahat ay makatutulong sa pagpapahayag ng banal na plano sa bawat henerasyon. … Ginagawa ng napakarami sa inyo ang lahat ng inyong makakaya. At kapag kayong may mabibigat na pasanin sa mortalidad ay nanindigan sa pagtatanggol sa plano ng Diyos na dakilain ang Kanyang mga anak, handa tayong lahat na humayo. Buong pananalig naming pinatototohanan na ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay nakinita nang lahat ito at pupunan, sa huli, ang lahat ng kasalatan at kawalan ng mga taong bumabaling sa Kanya. Walang sinumang nakatadhanang tumanggap ng mas kakaunti kaysa lahat ng mayroon ang Ama para sa Kanyang mga anak. (“Bakit Dapat Mag-asawa at Bumuo ng Pamilya,” Liahona, Mayo 2015, 52)

icon, pagnilayan

Magnilay-nilay upang Makapaghanda para sa Klase

Paano makatutulong sa iyo o sa taong kilala mo ang mga turo sa lesson na ito at ang pananampalataya kay Jesucristo para masagot ang mga tanong tungkol sa kasarian?