Kabanata 13
Isang Karunungang Walang Kamatayan
Noong unang bahagi ng Mayo 1971, pumasok si Darius Gray sa Marriott Library ng University of Utah. Ang kanyang kaibigang si Eugene Orr na nagtatrabaho sa copy center ng silid-aklatan ay inanyayahan sila ni Ruffin Bridgeforth na magkita roon. Kailan lamang ay nais nilang talakayin ang mga hamon na hinaharap ng mga Itim na Banal sa mga Huling Araw. Bawat isa sa kanila ay nag-aayuno at nananalangin upang malaman kung ano ang dapat gawin.
Nang makipagkita si Darius sa kanyang mga kaibigan, nakahanap sila ng bakanteng silid-aralan at nagsimulang mag-usap. Marami sa mga alalahanin nila ay may kinalaman sa restriksyon ng Simbahan sa priesthood at sa templo. Bakit may ilang Itim na lalaki ang mayhawak ng priesthood noong mga unang araw ng Simbahan? At kailan maaaring muling taglayin ng mga Itim na lalaki ang priesthood?
Habang tinatalakay nila ang mga tanong na ito, mas marami pang tanong ang lumitaw. Alam nilang nahihirapan ang mga Itim na Banal na unawain ang restriksyon at manatiling aktibo sa Simbahan. Ano ang maaaring gawin upang tulungan silang dumalo nang mas madalas sa kanilang mga pulong? Maaari kayang mag-organisa ang Simbahan ng isang branch na para lamang sa mga miyembrong Itim?
At paano naman kaya ang mas batang henerasyon ng mga Itim na Banal? Bilang mga ama, kapwa inasam nina Ruffin at Eugene na malaman kung paano sasagutin ang mga tanong ng kanilang mga anak tungkol sa restriksyon.
Matapos isulat ang kanilang mga tanong, lumuhod ang magkakaibigan at nag-alay ng panalangin si Ruffin, nagsusumamo sa Panginoon para sa gabay. Nang matapos sila, nakadama sila ng malakas na pahiwatig na personal na itanong ang mga ito kay Pangulong Joseph Fielding Smith at sa iba pang mga senior na lider ng Simbahan. Subalit paano nila isasagawa ang ganoong klaseng pulong?
Batid na si Eugene ay magaling magsalita at puno ng sigla, sinabi sa kanya nina Darius at Ruffin, “Bakit hindi ka makipag-ugnayan sa kanila?” Kung may maaaring magsalita bilang kinatawan ng grupo, si Eugene iyon.
Makalipas ang ilang araw, nakipagkita si Eugene kay Arthur Haycock, ang personal na kalihim ni Pangulong Smith, sa Church Administration Building. “Anuman ang alalahanin na mayroon ka,” sinabi ni Arthur kay Eugene, “mahahanapan ko ito ng solusyon para sa iyo.”
“OK,” sabi ni Eugene. “Ang pinakamalaki naming alalahanin ngayon ay nais naming makausap mismo ang propeta.” Ipinakita niya kay Arthur ang mga tanong na binuo niya kasama sina Darius at Ruffin. “Nais ng mga Itim na makapaglakad nang may kumpiyansa at maging mahalaga at aktibo sa Simbahan,” sabi niya. “Ayaw nilang maging tagapagmasid lamang.”
Binasa ni Arthur ang mga tanong at sumang-ayon na nasa kawastuhan ang listahan. “Ipapaalam ko ito sa mga kapatid at titingnan ko kung ano ang pasya nila,” sabi niya.
Walang narinig si Eugene mula sa punong-tanggapan ng Simbahan matapos noon, kung kaya makalipas ng tatlong linggo ay bumalik siya sa Church Administration Building. Sa pagkakataong ito ay sinabi sa kanya ni Arthur na itinalaga ni Pangulong Smith ang mga apostol na sina Gordon B. Hinckley, Thomas S. Monson, at Boyd K. Packer na makipag-usap sa kanya. Isang pulong ang itinakda sa ika-9 ng Hunyo.
Nang sumapit ang araw na iyon, nakipagkita sina Darius, Eugene, at Ruffin sa tatlong apostol sa tanggapan ni Elder Hinckley. Ilang taon nang kilala ng mga lider ng Simbahan si Ruffin, at nakilala nila si Darius mula sa kanyang trabaho sa KSL. Wala pa sa mga apostol ang personal nang nakakilala kay Eugene.
“Lubha kaming nag-aalala sa problemang kinalalagyan namin, ng aming pamilya, at ng aming mga tao,” sinabi nina Darius at ng kanyang mga kaibigan sa mga apostol. Ikinuwento ni Ruffin ang nawawalang interes ng kanyang mga anak sa Simbahan noong lumaki sila at hindi magawang taglayin ang Aaronic Priesthood. Nasasaktan siya na hindi na sila dumadalo.
Sa pulong, si Eugene ang halos palaging nagtatanong:
“Ano ang sasabihin namin sa aming mga anak kapag nagtanong sila tungkol sa aming pagbibinyag sa kanila, kung sasabihin ng ibang bata sa Primary na mga ama nila ang nagbinyag sa kanila?”
“Makakadalo ba kami sa pulong ng priesthood?”
“Maisasagawa ba ang gawaing misyonero sa aming lahi?”
Buong-pakikiramay na nakinig sina Elder Hinckley, Elder Monson, at Elder Packer, at ipinasiya nilang muling makipagpulong kina Ruffin, Darius, at Eugene upang talakayin ang mga ito at iba pang mga tanong. Pagkatapos ng pulong, kinilala nila na kailangang dagdagan ng Simbahan ang magagawa nito para sa mga miyembro nitong Itim.
“Mayroon kaming pananampalataya. Mayroon kaming patotoo,” sabi ng tatlong magkakaibigan sa mga apostol. “Nais namin ang mga pagpapala ng ebanghelyo na mas aktibong maipaabot sa aming lahi, may priesthood man o wala.”
Sa Tokyo, Japan, samantala, naglalaro si Kazuhiko Yamashita ng basketball bawat pagtatapos ng linggo—at halos walang oras na mag-aral kasama ng mga misyonerong Banal sa mga Huling Araw. Nagsimula siyang bisitahin ng mga elder noong katatapos pa lang ng pandaigdigang eksibit, at gusto niyang makipag-usap sa mga ito. Mga Amerikano sila, at nasisiyahan siyang makipag-usap sa mga banyaga. Madalas siyang magtakda ng oras na makipag-usap sa kanila ngunit kinakansela niya ito kalaunan.
Hindi lamang talaga naging prayoridad ang relihiyon sa buhay niya. Nagpapakita ng pagpipitagan ang kanyang ina sa kanilang mga ninuno sa pagdalaw sa mga puntod nito, ngunit ang pamilya niya ay hindi nagdarasal, nagninilay, o nag-aaral ng mga turo ng kanilang paniniwala. Ang Budismo ay isang tradisyong minana ni Kazuhiko, subalit hindi malaki ang naging impluwensiya nito kung paano siya namumuhay.
Sa kabilang banda, ang mga misyonero ay kumakatawan sa isang simbahan na nagtitipon ilang beses bawat linggo at hinihikayat ang mga miyembro nito na pag-aralan ang mga banal na kasulatan at sundin ang mga kautusan. Ang pagiging Banal sa mga Huling Araw ay hindi lamang isang mahalagang paglalaan ng oras. Isa itong napakalaking pagbabago sa buhay.
Gayunpaman, hangang-hanga si Kazuhiko sa mensahe ng mga misyonero. Nang una niyang malaman ang tungkol sa Unang Pangitain ni Joseph Smith, namangha siya. Wala siyang tanong tungkol doon. Agad niyang pinaniwalaan ito. Kung mayroon lamang siyang mas maraming oras para sa Simbahan, siguro ay mas seseryosohin niya ang mensahe nito.
Isang araw, dumalaw si Kazuhiko sa apartment ng mga misyonero at humingi ng paumanhin sa pagbabalewala sa kanilang mga usapan. “Brother Yamashita, pasensya na,” sabi ng isa sa kanila. “Uuwi na ako.” Malapit nang matapos ang misyon niya.
Nagulat at nalungkot sa balita si Kazuhiko. Nagpasya siyang huwag nang sayangin pa ang oras ng mga elder. “Mag-aaral na ako nang mabuti,” sabi niya sa kanyang sarili. “Babasahin ko ang Aklat ni Mormon.”
Nagsimula siyang makipagkita nang palagian sa mga misyonero, dumadalo sa simbahan, at nag-aaral pa lalo tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo. Nasisiyahan siyang dumalo sa mga aktibidad ng MIA tuwing Huwebes ng gabi at nakipagkaibigan sa mga lokal na Banal.
Isa iyong nakakasabik na panahon para sa Simbahan sa Japan. Sa dalawampu’t limang taon mula noong nagwakas ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ang bilang ng mga miyembro sa Japan ay lumago mula sa ilang daan hanggang sa higit sa labindalawang libo. Gaya ng Brazil at iba pang bansa kung saan mabilis na lumalago ang Simbahan, ang Japan ay may sariling tanggapan ng Simbahan sa pagsasalin at pamamahagi. Palagiang binibisita ng mga general authority ang bansa, habang ang pang-araw-araw na pamamahala ng ministro ng Simbahan naman ay pinangangasiwaan ng mga lokal na lider. Sa ngayon ay mayroon nang apat na mission sa Japan at isang stake sa Tokyo. Hindi magtatagal ay magbubukas na rin ang Simbahan ng isang institute ng relihiyon para sa mga mag-aaral sa unibersidad at ipapasok ang mga mas batang Banal sa programang home-study seminary.
Maraming tao sa Japan ang hindi pa rin pamilyar sa mga Banal sa mga Huling Araw, ngunit ang pavilion ng Simbahan sa Expo ’70 ay nagpalawig ng pagkakakilanlan nito sa bansa. Inakit ng eksibit ang laksa-laksang bisita bawat araw, na lubhang nilampasan ang bilang ng mga dumalo sa pavilion ng Simbahan sa New York World’s Fair limang taon na ang nakararaan. Sa pagtatapos ng expo, mahigit 650,000 tao ang sumulat sa mga kard na nagsasaad ng kanilang mga saloobin at mungkahi kung saan marami ang humihiling na dalawin sila ng mga misyonero. At halos 50,000 kopya ng Aklat ni Mormon ang nabenta.
Habang nag-aaral si Kazuhiko kasama ng mga misyonero, hindi niya naunawaan ang marami sa mga itinuturo nila. Ngunit ang kanilang mga buhay at mabuting halimbawa ay tila mensahe mula sa Diyos, at ninais niyang maging mas katulad niya sila. Habang iniaalay ang kanyang unang personal na panalangin, sinusunod ang mga tagubiling ibinigay ng mga misyonero, nadama niyang pinalilibutan siya ng presensya ng Panginoon. Nang anyayahan siya ng mga misyonero na magpabinyag, tinanggap niya ito.
Ang petsa ng kanyang binyag ay noong ika-17 ng Hulyo 1971. Walang bautismuhan ang branch, kung kaya gumawa ang mga misyonero ng isa sa kusina ng meetinghouse mula sa mga retaso ng kahoy at isang malaking piraso ng vinyl. Hindi masyadong malalim ang bautismuhan, ngunit sapat ang dami ng tubig para ilubog siya.
Pagkatapos noon, habang kinukumpirma ng isa sa mga elder ang isang babaeng bininyagan din noong araw na iyon, huminto ito sa gitna ng pagbabasbas, gumagaralgal ang boses nitong puno ng emosyon. Idinilat ni Kazuhiko ang mga mata niya upang makita kung ano ang nangyari, at nakita niyang dumadaloy ang luha sa mukha ng misyonero.
Noong pagkakataong iyon, naramdaman niya ang pagmamahal ng misyonero—at pagmamahal ng Diyos—para sa lahat ng tao sa silid.
Matapos maging pansamantalang pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, naging mas abala si Spencer W. Kimball kaysa noon. Madalas siyang magtrabaho mula umagang-umaga hanggang 10:30 o 11:00 ng gabi. At kung minsan pa ay gumigising siya sa madaling araw upang magtrabaho. Sinubukan niyang ibahin ang kanyang nakagawian sa maliliit na paraan upang mabawasan ang pagiging abala ng kanyang mga araw, ngunit nahihirapan siyang makita kung saan siya maaaring mas makapagpahinga.
Hindi nagtagal, nagsimula siyang makaramdam ng matitinding sakit sa kaliwang bahagi ng kanyang lalamunan. Noong una ay nawawala at bumabalik ang sakit, ngunit kalaunan ay palagi nang masakit ang kanyang leeg at lalamunan. Nakakaranas siya ng madalas na paninikip ng dibdib, at napakadali niyang napapagod. Hindi napabuti ng ehersisyo ang kanyang kalagayan. Hindi nagtagal, ang kanyang asawang si Camilla ay napansin na mas hirap ang kanyang paghinga.
Noong Setyembre 1971, pribado siyang nakipag-usap tungkol sa mga sintomas niya kay Dr. Russell M. Nelson, ang bagong tawag na superintendent ng Sunday School at kilalang siruhano sa puso. Nakinig nang mabuti si Dr. Nelson at iminungkahi kay Elder Kimball na agad na magpatingin sa isang eksperto.
Hindi nagtagal, nagpatingin si Elder Kimball kay Dr. Ernest Wilkinson, isang espesyalista sa puso at anak ng dating pangulo ng Brigham Young University. Nirepaso ni Dr. Wilkinson ang mga ulat mula sa naunang pagsusuring medikal ni Elder Kimball at nagsagawa pa ng karagdagang pagsusuri. Habang pinag-aaralan ng doktor ang mga resulta, nababanaag ng apostol na nag-aalala ito. “Maging prangka po kayo,” sabi niya.
“Aortic stenosis,” sagot ni Dr. Wilkinson. Ipinaliwanag niya na ang aortic valve ni Elder Kimball, na hinahayaang umalis ang dugo mula sa puso, ay tumigas at naging makipot na. Napapagod na ang kanyang puso habang nagbobomba ito ng dugo sa maysakit na valve.
Tinanong ni Elder Kimball kung gaano katagal na lamang ang buhay niya. Sinabi ng doktor na maaaring may isa o dalawang taon pa siya para mabuhay, ngunit posible ring bigla na lang siyang pumanaw sa kahit anong oras. Maaaring pahabain ng operasyon ang buhay niya, subalit sa edad ni Elder Kimball, mayroon lamang siyang 50 porsyentong posibilidad na makaligtas mula sa operasyon.
Nakapanlulumo ang balitang iyon. Palaging iniisip noon ni Elder Kimball ang kamatayan bilang isang bagay na malabo at matagal pang mangyari. Ngayon ay tila ang katapusan ng mundo—o ang simula ng katapusan—ay dumating na.
Kinabukasan, naglakad si Elder Kimball papunta sa Salt Lake Temple para sa isang pulong sa Unang Panguluhan at mga kapwa apostol niya. Noong pulong, natagpuan niya ang sariling nananalangin para sa lakas na maglingkod nang mabuti sa kabila ng posibilidad ng kamatayan.
Hindi nagtagal ay natapos ang pulong, at nagsimulang lisanin ng mga lalaki ang templo. Napansin ni Elder Kimball ang iba na naglalakad ng dalawa o tatlo kada grupo, at isang madilim na ideya ang pumasok sa isip niya—marahil ang mga lalaking ito rin ay maglalakad ng dalawa o tatlo kada grupo bilang tagabuhat ng kanyang ataul.
Batid ni Elder Kimball na kaya siyang pagalingin ng Panginoon. Subalit bakit Niya gagawin iyon, naisip ng apostol, kung maaari naman Siyang maghirang ng ibang mas karapat-dapat na lalaki upang maglingkod sa Korum ng Labindalawa?
“Ang paglisan ko ay lilikha ng problema,” naisip niya, “gaya ng lakas ng pag-ihip ng isa maraming kandila.”
Isang araw, noong panahong ito, sina Ruffin Bridgeforth, Darius Gray, at Eugene Orr ay inanyayahan sa tanggapan ni Gordon B. Hinckley.
Mula noong Hunyo, nakikipagpulong ang tatlong lalaki kina Elder Hinckley, Elder Monson, at Elder Packer kada ilang linggo. Karaniwang nangunguna sa kanilang mga talakayan ang mahihirap na tanong tungkol sa priesthood at restriksyon sa templo, ngunit laging nagdadala si Ruffin ng nakakakalmang diwa sa silid.
Sa katunayan, habang mas lalong pinapayuhan ng mga lalaki ang bawat isa, mas lalo nilang minamahal at iginagalang ang bawat isa. Napahanga si Darius na itinuring ni Pangulong Smith na sapat ang halaga ng kanilang hinanaing upang italaga sa kanila ang tatlong apostol. Habang patuloy silang nagtitipon, nasa kanila ang Panginoon, at madalas silang magsabi ng kanilang mga hinaing sa bawat isa.
Ngayon, sinimulan ni Elder Hinckley ang pulong sa isang magandang balita. “Matapos ang panalangin at kunsiderasyon,” sabi niya, “ginabayan sina Pangulong Smith at ang kapatiran ng Korum ng Labindalawa na mag-organisa ng grupong magbibigay suporta sa mga Itim na miyembro ng Simbahan.”
Tinatalakay ng mg lider ng Simbahan ang pag-organisa ng gayong grupo mula nang unang nagmungkahi sina Darius, Eugene, at Ruffin na mag-organisa ng isang branch para sa mga Itim na Banal ayon sa kanilang listahan ng mga tanong para sa propeta. Ipinaliwanag ni Elder Hinckley na iiral ang grupo bilang bahagi ng Liberty Stake sa Lunsod ng Salt Lake. Patuloy ang mga miyembro ng grupo na dadalo sa mga sacrament meeting at Sunday School sa kanilang mga home ward. Subalit ang grupo ay magkakaroon ng kanilang sariling Relief Society, MIA, at Primary. Ang layon nito ay magbigay ng komunidad at tulong sa mga Itim na Banal, lalo na sa kabataang nahihirapang makahanap at makagawa ng mahalagang papel sa Simbahan.
Itinalaga na ng mga apostol si Ruffin upang maglingkod bilang pangulo ng grupo, at iminungkahi ni Ruffin si Darius bilang kanyang unang tagapayo at si Eugene bilang ikalawa. Ibinigay rin ni Elder Hinckley ang mga pagtatalaga sa kanila, at kanilang tinanggap ito.
Makalipas ang saglit na panahon, noong ika-19 ng Oktubre 1971, naupo si Darius sa pulpito ng isang meetinghouse sa Lunsod ng Salt Lake. Martes ng gabi noon, ngunit puno ang kapilya ng mga taong nakabihis pansimba. Ilan sa mga mukhang nakita ni Darius ay mga Itim, ngunit karamihan sa kanila ay mga puti.
Nagtipon ang lahat upang saksihan ang simula ng tinatawag nina Darius, Ruffin, at Eugene bilang Genesis Group, ang unang opisyal na organisasyon ng Simbahan para sa mga Itim na Banal sa mga Huling Araw. Si Elder Hinckley, na nagdaos ng meeting, ay ipinakilala ang grupo at layon nito. Pagkatapos si Ruffin Bridgeforth, bilang pangulo ng grupo, ay humiling sa isang boto ng pagsang-ayon para sa mga opisyal nito, kabilang si Lucile Bankhead bilang pangulo ng Relief Society. Nang natapos siya, nagbigay siya ng kanyang patotoo.
“Ang Genesis, gaya ng alam ninyo, ay nangangahulugang simula,” sabi niya. “Ito ay isang simula.” Nangusap siya tungkol sa kanyang pagmamahal para sa ipinanumbalik na ebanghelyo at sa kanyang pasasalamat sa mga lider ng Simbahan at sa lahat sa kongregasyon. “Nasa panig natin ang Panginoon. Magtatagumpay tayo,” patotoo niya. “Magsisikap ako nang higit pa sa nagawa ko na upang magtagumpay ito.”
Nang maupo si Pangulong Bridgeforth, inanyayahan ni Elder Hinckley si Darius na magbahagi ng kanyang patotoo, na ikinagulat nito. Lumapit si Darius sa pulpito at sinabi, “Wala dapat akong sasabihin ngayong gabi. Pakiramdam ko ay napaka-mapangahas ko.”
Nakatingin sa kongregasyon, nakita niya ang mga miyembro ng pamilya Felix, na nagpakilala sa kanya sa ebanghelyo pitong taon na ang nakararaan. “Madali sana nilang hindi ako pansinin, ngunit hindi nila ginawa ito,” sabi niya sa kongregasyon. “Napakahalaga sa akin na magkaroon ng pagkakataong marining ang ebanghelyo. Naging mapilit sila sa pag-alok nito sa akin.”
Tumigil siya nang matagal at pagkatapos ay sinabi, “Madalas kong marinig na may mga lalaking nakatayo sa sacrament meeting o sa pulong ng pag-aayuno at pagpapatotoo, mga lalaking taglay ang priesthood, at nakatayo sila at sinasabing naniniwala silang totoo ang ebanghelyo.”
Ngayon ay gusto na rin niyang magbigay ng kanyang patotoo. “Alam ko na totoo ang ebanghelyo,” ipinahayag niya. “At iyan ay karunungang walang kamatayan.”
Pagkaraang magtapos na nangunguna sa kanyang klase sa mataas na paaralan sa Benemérito, bumalik si Isabel Santana sa kanyang bayang sinilangang Ciudad Obregón sa hilagang Mexico. Hindi niya natitiyak kung ano ang gusto niyang kasunod na gagawin. Maaari siyang bumalik sa Benemérito at pumasok sa tatlong taong preparatory na kurso, na idisenyo upang ihanda ang mga mag-aaral para sa unibersidad. Subalit seryoso niyang pinag-iisipan na manatili na lamang sa kanila at sa halip ay pumasok sa lokal na pampublikong paaralang preparatory.
Kuntento na ang tatay ni Isabel na hayaan siyang magpasya pagdating sa kanyang pag-aaral. Subalit ang kanyang ina ay hindi pabor sa pag-aaral niya sa Obregón, nag-aalala ito na mahihikayat siyang sumama sa mga aktibistang mag-aaral sa lugar.
“Kung mananatili siya rito,” naisip ng kanyang ina, “magiging isang rebolusyonaryo lamang siya gaya ng iba.”
Hindi pa rin makapagpasya, tinanong ni Isabel si Agrícol Lozano, ang kanyang guro sa sibika at ang direktor ng paaralang preparatory sa Benemérito, upang humingi ng payo. Hinikayat niya itong bumalik at kumuha ng pagsusulit para sa paaralan.
“Pumunta ka agad rito,” sabi sa kanya ni Agrícol. “Dito ay may puwang ka.”
Bumalik si Isabel sa Lunsod ng Mexico, ipinasa ang pagsusulit, at natanggap sa paaralan. Subalit hindi siya nakatitiyak kung tama ang naging pasya niya, lalo na at matapos ang isang aptitude test ay ipinakita na nababagay siya sa gawaing panlipunan—isang karerang wala siyang balak kunin.
“Aalis na po ako,” isang araw ay sinabi niya kay Efraín Villalobos, ang kanyang pinagkakatiwalaang guro. “Ayaw ko pong pumasok sa paaralang preparatory.”
“Hindi, hindi,” sabi ni Efraín. “Dito ka nabibilang.” Hinikayat niya si Isabel na subukan ang pagsasanay ng Benemérito para sa mga guro. Sa halip na ihanda lamang ang mga mag-aaral para sa unibersidad, ang tatlong taong paaralan ay naglalaang ihanda sila para magturo sa mga paaralan sa Mexico na pinamamahalaan ng Simbahan. Nangangahulugan iyon na magkakaroon agad ng trabaho si Isabel kapag natapos niya ang kanyang mga klase.
Nahikayat siya ng mga salita ni Efraín, at lumipat siya ng programa.
Agad niyang nagustuhan ang mga klase at kanyang mga guro. Noong kanyang mga unang taon, kumuha siya ng mga kursong general education gayon din ng mga kurso sa mga pamamaraan ng pagtuturo, sikolohiya sa edukasyon, at kasaysayan ng edukasyon. Ang pagsasanay niya ay sa pagtuturo sa mga bata, at noong kanyang huling taon sa paaralan ng pagsasanay sa mga guro, gumugol siya ng isang linggo sa pagtuturo sa isang paaralang elementaryang pinamamahalaan ng Simbahan sa Monterrey, isang siyudad sa hilagang-silangang Mexico. Hindi maramdaman ni Isabel ang likas na pagiging mapag-alaga, at nag-alala siya na kulang ang kanyang pasensya para makihalubilo sa mga bata, subalit naging mabuti ang kinalabasan ng linggo.
Habang nasa paaralan para sa pagsasanay sa mga guro, naging mabuting kaibigan ni Isabel si Juan Machuca, isang binata mula sa kanlurang baybayin ng Mexico na kailan lamang ay naglingkod sa North Mexican Mission. Ilan sa mga kaklase nila ay nanunukso na bagay silang maging magkasintahan. Tumawa si Isabel at sinabing si Juan ang huling lalaking pipiliin niyang pakasalan. “Kaibigan ko siya,” sabi niya. “Hindi ko pakakasalan ang kaibigan ko.”
Subalit matapos ang kanilang pagtatapos, kapwa sila kinuha para magturo ng seminary at institute sa Benemérito. Magkahati sila sa silid-aralan, at hindi nagtagal, nagsimula silang manood ng pelikula at nagpalipas ng mas maraming oras na magkasama. Noong unang bahagi ng 1972, habang nagkukuwentuhan sila sa sala ng bahay ni Isabel, biglang nagtanong si Juan, “Maaari mo ba akong pakasalan?”
“Oo,” tugon ni Isabel, walang anumang bahid ng alinlangan sa boses niya.
Nagpakasal sila sa huwes noong Mayo, habang bakasyon ng tag-araw sa paaralan. Makalipas ang ilang linggo ay naglakbay sila ng isang libo apat na raang milya kasama ng iba pang miyembro ng Simbahan patungo sa templo sa Mesa, Arizona upang tumanggap ng kanilang mga pagpapala sa templo. Napaka-init at maalinsangan ang tatlong araw na biyahe sa bus habang nagtitiis sila sa mga upuang yari sa plastik at walang aircon.
Ngunit sulit ang hirap na naranasan nila. Ang Mesa ang unang templo na nagbibigay ng mga ordenansa sa wikang Espanyol, at sa panahong iyon ay ito ang pinakamalapit na templo sa mga miyembro ng Simbahan sa Mexico at Gitnang Amerika. Para sa mga Banal na ito, mahaba ang biyahe at hinihiling sa kanilang magsagawa ng malalaking sakripisyo. Madalas silang maglakbay upang makilahok sa taunang kumperensya ng mga miyembro ng Simbahan mula sa Latin America na pinapangunahan ng mga stake sa Mesa. Nagtagal nang ilang araw ang mga kumperensya at pinagpala ang mga nakilahok na madamang kabilang sila at nasa isang espiritwal na komunidad.
Nang dumating sina Isabel at Juan sa templo, tinanggap nila ang kanilang endowment at pagkatapos ay magkasamang ibinuklod sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan. Habang sumasamba sila roon, nadama nilang pinagyaman ng templo ang kanilang pananaw sa buhay at pinalalim ang kanilang katapatan ebanghelyo ni Jesucristo.
Noong unang bahagi ng 1972, ang mga kongregasyon ni Billy Johnson sa loob at paligid ng Cape Coast, Ghana, ay lumago na at may ilang daang matatapat na miyembro. Kasama sa mga pinakamatapat sa kanila ay ang ina ni Billy na si Matilda. Sina Jacob at Lily Andoh-Kesson at kanilang mga anak, na sumali sa grupo matapos dumating si Billy sa Cape Coast, ay mga tapat na miyembro at kaibigan din.
Habang lumalago ang kongregasyon niya, may nahanap na lumang gusali si Billy na dating bodega ng mga buto ng kakaw. Ngayon ang lugar ay puno ng mga bangko, ilang maliliit na upuan at mesa, isang pulpito, at isang mahabang bangkong pansimbahan na nakasandal sa dingding. May ilang tao sa paligid ng Cape Coast na hinamak sina Billy at mga tagasunod nito sa kanilang pagtitipon sa lumang gusali, binabansagan silang “ang simbahan ng silungan ng kakaw.” Ngunit hindi ito alintana ng lumalagong bilang ng mga mananampalataya na pumunta roon, kahit na tumutulo ang ulan sa mga butas ng bubong at kailangang magsiksikan ng lahat o gumamit ng payong upang hindi mabasa.
Ginawa ni Billy ang lahat ng makakaya niya upang magawang kaaaya-aya at komportable ang abang gusali. Nagkabit siya ng karatula sa pagitan ng dalawang pintong pasukan na nakalagay ay “Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw (mga Mormon).” Isang mural ni Cristo na nakapako ang nakasabit sa isang dingding, habang ang mural sa kabilang dingding naman ay ipinapakita ang Tagapagligtas na nakataas ang mga braso at ang mga salitang “Lumapit kayo sa Akin” na nakasaad sa itaas ng Kanyang ulo. Mga larawan nina Joseph Smith, ang Tabernacle Choir, at iba pang mga tagpo sa Simbahan na nakasabit sa iba-ibang bahagi ng dingding na napipinturahan ng mapusyaw na asul.
Pinanatiling malinis ni Lily Andoh-Kesson ang gusali. Dumarating siya doon nang maaga upang ihanda ito para sa mga pulong. Nakakita siya ng mga anghel doon, sabi niya sa anak niyang si Charlotte, at nais niyang magkaroon ang mga anghel ng mapupuntahang malinis na lugar.
Nagtitipon ang kongregasyon ni Billy sa umaga at gabi tatlong beses kada linggo para sa pagsimba, na puno ng mga himno, sayawan, palakpakan, panalangin, mga sigaw ng papuri, at mga mensahe. Kung minsan ay nangangaral si Billy kasama ang kanyang bata pang anak na si Brigham na nakasampa sa kanyang mga balikat.
Kapag nangangaral siya, itinuro ni Billy ang mga alituntuning natutuhan niya mula sa pagbabasa ng mga materyal ng Simbahan, gaya ng labintatlong Saligan ng Pananampalataya, at nagbahagi ng mga kuwento tungkol sa mga pioneer na Banal sa mga Huling Araw. Ngunit higit sa lahat ay gustung-gusto niya ang magturo mula sa Aklat ni Mormon.
Naniniwala si Billy na balang araw ay darating ang mga misyonero mula sa punong tanggapan ng Simbahan, subalit natatakot siya na maaaring panghinaan ng loob ang kanyang mga tagasunod habang naghihintay. May ilang tao pa ngang umalis na sa grupo matapos sabihin sa kanila ng mga kritiko ng Simbahan na ayaw ng mga Banal sa mga Huling Araw ang mga Itim na tao at hindi magpapadala ng mga misyonero.
Kung minsan, ang walang kapagurang pangangaral ni Billy ay naglalagay sa kanya sa alanganin sa mga lokal na awtoridad. Inakusahan siya ng pagpapakalat ng mga kasinungalingan dahil nagpatotoo siya na Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay ang tanging tunay na simbahan sa mundo.
Isang beses ay dinakip siya ng mga pulis, ngunit bago pa man siya madala sa istasyon, lumingon-lingon siya, umaasang may makikitang kilalang mukha—isang taong maaaring sumama sa kanya at sa mga pulis. Noong una ay wala siyang nakita. Subalit nakita niya ang isang bata pang saksi na nagngangalang James Ewudzie, isang kaibigan ng pamilya.
Umiiyak si James habang papalapit kay Billy. Hindi ito miyembro ng kongregasyon ni Billy, ngunit hinawakan siya nito at tinawag na “Sofo,” ang salitang pari sa wikang Fante. “Huwag kayong mag-aalala,” sabi nito kay Billy. “Sasamahan ko kayo.”
Matapos ihatid sa istasyon ng pulis, agad na kinausap ni Billy sina James at ang pulis sa talakayang relihiyon. Apat sa mga pulis ay nasiyahan sa kanyang mensahe at naniwala sa mga sinasabi niya. Nagawa ring makipagkaibigan ang pinuno ng mga pulis kay Billy, at hindi nagtagal, pinakawalan nila siya at si James. Kalaunan, inanyayahan ng hepe ng mga pulis si Billy na ituro ang mga aralin ng ebanghelyo sa kapulisan ng Cape Coast tuwing Biyernes ng umaga.
Samantala, napanaginipan ni James na nakipagkita siya kay Billy sa meetinghouse. Hiniling sa kanya ni Billy na lumuhod, at matapos niyang gawin ito, tumagos ang liwanag sa bubong. Ipinikit ni James ang kanyang mga mata, ngunit nasisilaw pa rin siya ng liwanag. Pagkatapos ay may narinig siyang tinig na mabagal na tinatawag ang pangalan niya.
“Gusto kong dalhin ang aking Simbahan sa Ghana,” sabi ng Panginoon. Hinimok Niya si James na sumama kay Billy. “Kung tutulungan mo siya, pagpapalain kita at pagpapalain ko ang Ghana.”
Batid ni James na ang sinabi sa kanya ng Panginoon sa panaginip ay totoo, at sumunod siya sa Kanyang kautusan.