2004
Katahimikan ng Budhi at Kapayapaan ng Isipan
Nobyembre 2004


Katahimikan ng Budhi at Kapayapaan ng Isipan

Sa marami, darating ang ginhawa at kaligayahan sa pamamagitan ng pag-unawa sa kaugnayan ng katahimikan ng budhi at ng kapayapaan ng isipan.

Sa mga panahong ito ng lumalaganap na kawalang-katiyakan napakaraming pasakit, dalamhati at pagdurusa sa buong mundo na maaaring iwasan sa pamamagitan ng pag-unawa at pamumuhay sa katotohanan. Sa marami, darating ang ginhawa at kaligayahan sa pamamagitan ng pag-unawa sa kaugnayan ng katahimikan ng budhi at ng kapayapaan ng isipan at sa pamumuhay ng mga alituntunin na pinagsaligan ng mga pagpapalang ito.

Nais ng Diyos na matamasa ng lahat ng Kanyang anak ang napakalaking pagpapala ng katahimikan ng budhi.1 Ang tahimik na budhi ay nag-aanyaya ng kalayaan mula sa pagdurusa, kalungkutan, kasalanan, kahihiyan, at pagsumpa sa sarili. Ito ang nagiging pundasyon ng kaligayahan. Napakahalagang madama ito subalit ilan lang sa mundo ang daranas nito. Bakit? Kadalasa’y dahil ang mga alituntuning pinagsaligan ng katahimikan ng budhi ay hindi nauunawaan o hindi sinusunod na mabuti. Ang buhay ko ay sagana sa katahimikan ng budhi kaya nais kong magbahagi ng mga ideya kung paano ito makakamtan.

Ang katahimikan ng budhi ay mahalagang sangkap sa kapayapaan ng inyong isipan. Kung walang katahimikan ng budhi walang tunay na kapayapaan ang inyong isipan. Ang katahimikan ng budhi ay may kaugnayan sa inyong kalooban at nakokontrol ng ginagawa ninyo mismo. Sa Diyos lamang nagmumula ang katahimikan ng budhi sa pamamagitan ng matwid at masunuring pamumuhay. Hindi ito iiral sa ibang paraan. Sa kabilang banda ang katahimikan ng budhi ay napakadalas maapektuhan ng mga panlabas na impluwensya tulad ng problema sa suwail na anak, kahirapan sa buhay, mga sama ng loob na tunay o nasa isip lang, sumasamang kalagayan ng mundo, o napakaraming gagawin sa napakaikling panahon. Ang gulo ng isipan ay pansamantala at panandalian. Nanunumbalik ang katahimikan ng budhi kapag inalis ang mga panlabas na impluwensyang lumiligalig dito. Pero hindi ito magagawa sa nababagabag na budhi, dahil walang humpay ito, laging nariyan, laging ipinaaalala na dapat itama ang mga nagawa ninyong mali, na makipagbati sa nasaktan ninyo, o magsisi ng kasalanan. Ah, ang naliligalig na budhi ay pansamantalang matatakpan ng pagpapasaya sa isipan at katawan kung saan bumabaling ang isang tao sa alak, droga, pornograpiya, at mga bagay na malala pa rito. Lahat ng ito ay dahil sa sumisidhing pagnanasa na payapain sa maling paraan ang nasasaktang budhi kahit pa malulong sa masasamang bisyo. May mas mabuting paraan para maibalik ang katahimikan ng budhi.

Ang kakayahang magkaroon ng nababagabag na budhi ay kaloob ng Diyos para tulungan kayong magtagumpay sa buhay na ito. Pangunahing bunga ito ng impluwensya ng Liwanag ni Cristo sa inyong puso’t isipan. Ang Liwanag ni Cristo ay ang banal na kapangyarihan o impluwensya na nagmumula sa Diyos sa pamamagitan ni Jesucristo.2 Nagbibigay ito ng liwanag at buhay sa lahat ng bagay. Hinihikayat nito ang lahat ng taong may isip sa buong mundo na makilala ang mabuti sa masama, ang tama sa mali. Pinasisigla nito ang inyong budhi.3 Ang impluwensiya nito ay humihina sa paglabag at pagkalulong at naibabalik sa wastong pagsisisi. Ang Liwanag ni Cristo ay hindi isang persona. Ito ay kapangyarihan at impluwensya na nagmumula sa Diyos at kapag sinunod ay aakay sa tao na maging marapat sa paggabay at inspirasyon ng Espiritu Santo.4

Makabubuting tandaan na kahit tahimik ang budhi ay pansamantalang gagambalain ng mga panlabas na problema ang payapa ninyong isipan. Ang pag-unawa ninyo sa mga dahilan nito ay magpapagaan nang husto sa pasaning dulot nito. Habang iniaakma ninyo ang inyong buhay sa mga turo ng Panginoon, mahihingi ninyo ang tulong Niya sa paglutas sa mga problemang ito. Sa gayo’y magdudulot ng kapayapaan ng isipan ang inyong pananampalataya sa Panginoon at sa Kanyang mga turo. Ang inyong mga pagsisikap ay magiging daan upang higit kayong umunlad habang natatagpuan ang mga kalutasan sa paggabay na rin ng Espiritu. Bukod pa riyan kapag nalutas na ang mga ito, ang mga hamong ito ay madalas maghatid ng biyaya sa iba lalo na kung ang kanilang mga pangangailangan ang dahilan ng pagkabagabag ninyo.

Bilang buod, madarama ninyong muli ang katahimikan ng budhi sa pagsisisi sa mga nagawa ninyong paglabag na nagpapahirap sa inyong kalooban. Sa gayo’y matatamo ang katahimikan ng isipan sa pamamagitan ng paglutas sa mga panlabas na problema na naging dahilan ng inyong panandaliang pagkaligalig, pag-aalala at problema. Ngunit anuman ang gawin ninyo hindi kayo magkakaroon ng walang hanggang kaligayahan hangga’t hindi ninyo napananagutan ang nilabag na batas sa pamamagitan ng pagsisisi upang manumbalik ang katahimikan sa nabagabag na budhi.

Nalalaman man ninyo na kailangang magsisi at nahihirapang gawin iyon, o nagtataka kayo kung sapat na ang pagsisisi ninyo para ganap na mapatawad, makakatulong na pag-aralan muli ang ilang pangunahing alituntuning batayan ng tahimik na budhi.

Ang nilabag na batas dahil sa kasalanan ay nagdudulot ng pagdurusa ng puso’t isipan mula sa nasaktang budhi. Batid na lahat ng Kanyang espiritung anak, maliban sa Kanyang Bugtong na Anak na si Jesucristo, ay sadya o di sadyang lumalabag sa Kanyang mga batas, gumawa ng paraan ang ating Ama sa Langit para maitama ang mga bunga ng gayong mga gawa. Maliit man o malaki ang nagawang paglabag pareho lang ang solusyon: ganap na pagsisisi sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala, at pagsunod sa Kanyang mga kautusan.

Kung kailangan, ang ganap na pagsisisi ay mangangailangan ng pagkilos ninyo. Kung hindi kayo pamilyar sa mga pangunahing hakbang sa pagsisisi tulad ng pagtatapat at pagtalikod sa kasalanan, pagsasauli, pagsunod, at paghingi ng kapatawaran, kausapin ang bishop o pag-aralan ang isang aklat tulad ng obra-maestra ni Pangulong Spencer W. Kimball na The Miracle of Forgiveness. Bukod pa sa pagtupad sa mga hinihinging ito mapapadali ang pagbalik ng katahimikan ng inyong budhi sa maingat na paggawa ng isa pang hakbang na kung minsa’y hindi napapansin. Nilinaw ng Tagapagligtas na upang mapatawad ay dapat ninyong patawarin ang ibang nagkasala sa inyo.

“Ako, ang Panginoon, ay magpapatawad sa yaong aking patatawarin, subalit kayo ay kinakailangang magpatawad sa lahat ng tao.

“At nararapat ninyong sabihin sa inyong mga puso—ang Diyos ang hahatol sa akin at sa iyo, at ikaw ay gagantimpalaan alinsunod sa iyong mga gawa.”5

“At kailan man kayo’y nangakatayong nagsisipanalangin, mangagpatawad kayo, kung mayroon kayong anomang laban sa kanino man; upang ang inyong Ama naman na nasa langit ay patawarin kayo ng inyong mga kasalanan.

“Datapuwa’t kung hindi kayo magpapatawad, hindi rin kayo patatawarin sa inyong mga kasalanan ng inyong Ama na nasa mga langit.”6

Kung ang kasalanan sa inyo na isang inosenteng biktima ay mabigat, huwag magtanim ng poot at galit sa tila kawalan ng katarungan. Patawarin ang nagkasala kahit pa inosente kayo. Kailangan ninyong pilitin ang sarili ninyo na gawin ito. Mahirap magpatawad nang gayon, pero ito ang tiyak na daan tungo sa kapayapaan at pagpapahilom. Kung kailangan ang disiplina sa mabigat na kasalanang nagawa sa inyo, ipaubaya ito sa Simbahan at sa mga awtoridad ng pamahalaan. Huwag ninyong pahirapan ang inyong sarili sa pag-iisip na makaganti. Mabagal humatol ang Panginoon pero talagang makatarungan. Sa plano ng Panginoon, walang makakaligtas sa mga bunga ng di-napagbayarang paglabag sa Kanyang mga batas. Sa Kanyang panahon at paraan ay buong kabayaran ang hihingin para sa mga di-napagsisisihang kasalanan.

Pinatototohanan ko na sa lahat ng kinakailangang hakbang sa pagsisisi, ang pinakamahalaga ay ang magkaroon kayo ng matibay na paniniwala na dumarating ang kapatawaran kay at sa pamamagitan ni Jesucristo. Mahalagang malaman na tanging sa Kanyang mga kundisyon lang kayo mapapatawad. Tutulungan kayo sa inyong pagsampalataya kay Cristo.7 Ibig sabihi’y magtiwala kayo sa Kanya at sa Kanyang mga turo. Paniniwalain kayo ni Satanas na hindi ganap na mapaglalabanan ang mabigat na kasalanan. Pinatototohanan ko na inalay ng Tagapagligtas ang Kanyang buhay upang sa pamamagitan ng pagsisisi ay mapawi ang mga epekto ng lahat ng kasalanan, maliban sa pagpatay sa isang inosente at pagtatatwa sa Espiritu Santo.8

Ang bunga ng tunay na pagsisisi ay kapatawaran na nagbubukas ng pintuan para matanggap ang lahat ng tipan at ordenansang inilaan sa mundong ito at matamasa ang mga biyayang bunga nito. Kapag lubos na nagsisi at nalinis ang isang tao, dumarating ang bagong pananaw sa buhay at maluluwalhating posibilidad nito. Kagila-gilalas ang pangako ng Panginoon: “Masdan, siya na nagsisi ng kanyang mga kasalanan, ay siya ring patatawarin, at ako, ang Panginoon, ay hindi na naaalaala ang mga ito.”9 Ang Diyos ay tapat at mananatiling tapat sa Kanyang mga salita.

Kung nababagabag ang inyong budhi dahil sa nilabag na mga batas, pakiusap, magbalik sana kayo. Magbalik sa malamig at nagpapasariwang mga tubig ng kadalisayan ng sarili. Magbalik sa init at seguridad ng pagmamahal ng Ama sa Langit. Magbalik sa kapayapaan at katahimikan ng budhi na nagmumula sa pagsunod sa mga utos ng Diyos.

Maaari ba akong magmungkahi ng daang pabalik? Maaari kayong magsimula nang mag-isa at magpatuloy sa bilis na gusto ninyo. Inaanyayahan ko kayong basahing mabuti ang Aklat ni Mormon. Maraming banal na kasulatan na nagpapakita kung paano nadaig ng iba ang mga hadlang sa pagsisisi. Halimbawa; sinabi ni Alma kay Siblon:

“Ako’y tatlong araw at tatlong gabing nasa pinakamapait na sakit at pagdurusa ng kaluluwa; at hindi kailanman, hanggang sa humingi ako ng awa sa Panginoong Jesucristo, na nakatanggap ako ng kapatawaran sa aking mga kasalanan. Subalit … nagsumamo ako sa kanya at nakatagpo ako ng kapayapaan sa aking kaluluwa.

“At ngayon, anak ko, ito ay sinabi ko sa iyo upang ikaw ay matuto ng karunungan … na walang ibang daan o pamamaraan upang maligtas ang tao, tanging kay at sa pamamagitan ni Cristo. Masdan, siya ang buhay at ang ilaw ng sanlibutan.”10

Mula sa banal na kasulatang ito makikita ninyo na hindi nagdudulot ng kapatawaran ang pagdurusa. Dumarating ito sa pagsampalataya kay Jesucristo at pagsunod sa Kanyang mga turo nang sa gayo’y makapaghimala ang Kanyang kaloob na pagtubos. Siya ay nag-aanyaya:

“Masdan, pumarito ako … upang bigyang-kaganapan ang pagtubos sa sanlibutan, upang iligtas ang sanlibutan mula sa kasalanan.

“Anupa’t sinuman ang magsisi at lalapit sa akin na tulad ng maliit na bata, siya ay tatanggapin ko, … kaya nga magsisi, at lumapit sa akin … at maligtas.11

Ipamuhay ang itinuturo sa inyo ng Aklat ni Mormon. Pag-isipang mabuti ang mga talata tungkol sa Tagapagligtas. Magdasal nang taimtim upang makilala Siya. Hilingin sa iyong Ama sa Langit na palakasin ang inyong pananampalataya sa Kanyang Anak at bigyan kayo ng lakas na masunod ang Kanyang mga kautusan. Kapag handa ka na, humingi ng tulong sa mapagmalasakit na bishop na tulungan kang makumpleto ang proseso ng pagsisisi. Sa gayo’y matatahimik ang iyong budhi at matitiyak na napatawad na kayo ng Panginoon.

Pakiusap, magbalik kayo. Huwag hintaying malagay sa ayos ang lahat. Tutulungan namin kayo. Mahal namin kayo. Magbalik kayo.

Ngayon kung hindi ninyo mapatawad ang inyong sarili dahil sa mabibigat ninyong kasalanan noon—kahit tiniyak na sa inyo ng hukom ng Israel na sapat na ang pagsisisi ninyo—kung patuloy pa rin ninyong isinusumpa ang inyong sarili at nagdurusa tuwing maaalala ninyo ang mga detalye ng nakaraang pagkakamali, buong kaluluwa akong nakikiusap na pag-isipan ninyong mabuti ang pahayag na ito ng Tagapagligtas:

“Masdan, siya na nagsisi ng kanyang mga kasalanan, ay siya ring patatawarin, at ako, ang Panginoon ay hindi na naaalaala ang mga ito.

“Sa pamamagitan nito iyong malalaman kung ang isang tao ay nagsisi ng kanyang mga kasalanan— … masdan, kanyang aaminin ang mga yaon at tatalikdan ang mga yaon.”12

Ang patuloy na pagdurusa gayong sapat na ang pagsisisi ay hindi pag-uudyok ng Tagapagligtas kundi ng panginoon ng panlilinlang na minimithing igapos kayo at alipinin. Pipilitin ni Satanas na patuloy ninyong gunitain ang mga detalye ng nagawa ninyong mga pagkakamali, dahil alam niyang iisipin ninyo na imposible kayong mapatawad. Sa ganitong paraan tinatangka ni Satanas na igapos ang isipan at katawan upang mapaglaruan niya kayo tulad ng isang puppet.

Pinatototohanan ko na kapag sumang-ayon ang isang bishop o stake president na sapat na ang inyong pagsisisi dapat ninyong malaman na tinulutan ng inyong pagsunod na bigyang-katarungan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo ang mga batas na nilabag ninyo. Samakatwid kayo ay malaya na. Sana’y maniwala kayo rito. Ang patuloy na pagdusahan ang nakapanlulumong epekto ng kasalanan matapos magsisi nang sapat, bagama’t hindi sinadya, ay pagtatatwa sa bisa ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas para sa inyo.

Nang unti-unting pumasok sa isip ni Ammon ang mga nagawa niyang pagkakamali, ibinaling niya ang kanyang isipan kay Jesucristo at sa himala ng kapatawaran. Sa gayo’y nahalinhan ng galak at pasasalamat ang kanyang pagdurusa.13 Pakiusap, humayo at gayon din ang gawin. Gawin ito ngayon din upang matamasa ninyo ang katahimikan ng budhi at kapayapaan ng isipan kasama ang mga biyayang dulot nito. Sa ngalan ni Jesucristo, amen.

Mga tala

  1. Tingnan sa Mosias 4:2–3.

  2. Tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Ilaw, Liwanag ni Cristo,” 79–80.

  3. Tingnan sa Moroni 7:16.

  4. Tingnan sa Juan 1:9; D at T 84:46–47.

  5. D at T 64:10–11.

  6. Marcos 11:25–26.

  7. Tingnan sa 2 Nephi 9:22–24; Alma 11:40.

  8. Walang kapatawaran: tingnan sa Hebreo 6:4–8; Alma 39:6; D at T 76:31–38; 132:27; Hindi patatawarin: tingnan sa D at T 42:18.

  9. D at T 58:42.

  10. Alma 38:8–9.

  11. 3 Nephi 9:21–22.

  12. D at T 58:42–43.

  13. Tingnan sa Alma 26:17–20.