2004
Dalisay na Patotoo
Nobyembre 2004


Dalisay na Patotoo

Ang patotoo—tunay na patotoo, na gawa ng Espiritu at pinagtibay ng Espiritu Santo—ay nagpapabago ng buhay.

Kagagaling ko pa lang sa isang gawain sa Asya kung saan pinulong namin ang matatapat na Banal at mga misyonero. Ang isang miting ay ginanap sa metropolitan area na may humigit-kumulang 14,000 miyembro ng Simbahan na kasama sa halos 21 milyong populasyon. Kung gagamitin ang tumbasang iyon sa miting na ito, sa Conference Center ay 13 lang ang miyembro ng Simbahan sa kongregasyong ito ng mahigit 20,000 katao.

Ikinintal sa akin ng karanasang ito kung gaano kalaki ang pasasalamat nating lahat sa kaalaman na makaraan ang maraming taon ng kadiliman at pagtalikod sa katotohanan, nakita ni Joseph Smith ang isang kakaibang pangitain tungkol sa Ama at sa Anak sa Sagradong Kakahuyan. Maliwanag na sa daigdig natin ngayon bihira at mahalaga ang magkaroon ng patotoo na ang ating Diyos Ama sa Langit ay buhay; na ang Kanyang Anak na si Jesucristo ang ating Tagapagligtas at Manunubos; at naipanumbalik na ang awtoridad ng priesthood na mangasiwa sa ebanghelyo ni Jesucristo sa lupa. Kailanma’y hindi masusukat o mababalewala ang malaking biyaya ng pagkakaroon ng patotoo sa mga katotohanang ito.

Personal na patotoo ang saligan ng ating pananampalataya. Ito ang nagbibigkis na kapangyarihang nagpapatangi sa Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa buhay ng mga miyembro nito, kung ihahambing sa lahat ng iba pang relihiyon sa mundo. Ang doktrina ng Panunumbalik mismo ay maluwalhati, ngunit ang nagpapalakas at nagbibigay dito ng malaking kahalagahan ay ang personal na patotoo ng mga miyembro ng Simbahan sa buong mundo na tumatanggap sa Panunumbalik ng ebanghelyo at nagsisikap ipamuhay ang mga turo nito sa araw-araw.

Ang patotoo ay isang pagpapatunay o pagpapatotoo sa walang hanggang katotohanang itinimo sa bawat puso’t kaluluwa sa pamamagitan ng Espiritu Santo, na ang pangunahing ministeryo ay sumaksi sa katotohanan, lalo na kung may kaugnayan sa Ama at sa Anak. Kapag nakatanggap ng patotoo ng katotohanan ang isang tao sa pamamagitan ng itinalagang banal na prosesong ito, agad itong nakakaapekto sa buhay ng taong iyon. Ayon kay Nakababatang Alma, “ito ay magsisimulang lumaki sa loob ng inyong mga dibdib; at kapag nadama ninyo ang ganitong paglaki, kayo ay magsisimulang magsabi sa inyong sarili … ang salita ay mabuti, sapagkat sinisimulan nitong palakihin ang aking kaluluwa; oo, sinisimulan nitong liwanagin ang aking pang-unawa, oo, ito ay nagsisimulang maging masarap para sa akin” (Alma 32:28).

Sa madaling salita, ang patotoo—tunay na patotoo, na dulot ng Espiritu at pinagtibay ng Espiritu Santo—ay nagpapabago ng buhay. Binabago nito ang inyong pag-iisip at paggawa. Binabago nito ang inyong pananalita. Naaapektuhan nito ang lahat ng priyoridad na itinakda ninyo at bawat pagpiling ginawa ninyo. Ang pagkakaroon ng tunay at tumatagal na patotoo sa ebanghelyo ni Jesucristo ay ang maging “espirituwal na isinilang sa Diyos,” upang “[matanggap] ang kanyang larawan sa inyong mga mukha,” at maranasan ang “malaking pagbabago … sa inyong mga puso” (Alma 5:14).

Gaya ng halos lahat ng bagay sa buhay, lumalago at lumalakas ang mga patotoo sa pamamagitan ng karanasan at paglilingkod. Madalas nating marinig ang ilang miyembro, at lalo na ang mga bata, na nagpapatotoo, naglilista ng mga bagay na pinasasalamatan nila: ang pagmamahal nila sa kanilang pamilya, ang Simbahan, mga guro nila’t kaibigan. Para sa kanila, nagpapasalamat sila sa ebanghelyo dahil pinasasaya at pinapanatag sila nito. Magandang simula ito, pero dapat ay higit pa rito ang mga patotoo. Kailangan silang maagang patibayin sa mga unang alituntunin ng ebanghelyo.

Ang patotoo sa katotohanan ng pag-ibig ng Ama sa Langit, ng buhay at ministeryo ni Jesucristo, at ng epekto ng Kanyang Pagbabayad-sala sa bawat anak na lalaki at babae ng Diyos ay nagdudulot ng hangaring magsisi at mamuhay nang marapat sa pakikisama ng Espiritu Santo. Nagdudulot din ito ng pagpapatunay sa ating kaluluwa sa Panunumbalik ng ebanghelyo sa mga huling araw. Dumarating ang tunay na patotoo sa mahahalagang katotohanang ito bilang pagsaksi ng Espiritu Santo matapos ang taos at tapat na pagsisikap, pati na sa pagtuturo sa tahanan, pagdarasal, pag-aaral ng banal na kasulatan, paglilingkod sa iba, at masigasig na pagsunod sa mga utos ng Ama sa Langit. Ang magkaroon at manangan sa patotoo sa mga katotohanan ng Ebanghelyo magpakailanman ay mahalaga anuman ang katumbas nito sa espirituwal na paghahandang hihilinging sa atin.

Ang karanasan ko sa buong Simbahan ay nagdulot sa akin ng pag-aalala na napakarami sa mga patotoo ng mga miyembro natin ay nakapagkit sa “Nagpapasalamat ako” at “Mahal ko,” at kakaunti ang nakapagsasabi nang mapakumbaba at malinaw na, “Alam ko.” Bunga nito, kung minsan ay kulang ang mga miting natin sa mayamang patotoo at espirituwal na mga pundasyon na pumupukaw sa kaluluwa at may makabuluhan at positibong impluwensya sa buhay ng lahat ng nakikinig dito.

Kailangan pa nating higit na isentro ang mga miting sa pagpapatotoo sa Tagapagligtas, mga doktrina ng ebanghelyo, mga biyaya ng Panunumbalik, at mga turo sa mga banal na kasulatan. Kailangan nating palitan ng mga dalisay na patotoo ang mga kuwento, karanasan sa paglalakbay, at pangangaral.Yaong mga itinalagang magsalita at magturo sa ating mga miting ay kailangan itong gawin nang may kaalaman sa doktrina na kapwa maririnig at madarama, na pinasisigla ang mga espiritu at pinalalakas ang ating mga tao. Maaalala ninyo na ang pinakasentro ng mabisang pangaral ni Haring Benjamin sa kanyang mga tao ay ang kanyang pansariling patotoo sa Tagapagligtas, na noo’y hindi pa isinisilang sa mundo.

Sa isang bahagi ng pangaral ng hari, nang katatapos pa lang niyang magpatotoo sa mga tao, “Ang Espiritu ng Panginoon ay napasakanila, at sila ay napuspos ng kagalakan … dahil sa labis na pananampalataya nila kay Jesucristo na paparito” (Mosias 4:3).

At iyan ay dahil hindi mapipigilan ang Espiritu kapag dalisay ang patotoo kay Jesucristo. Sa gayon, napasigla ang mga tao ni Haring Benjamin ng kanyang patotoo kaya agad-agad na nagbago ang kanilang buhay; at nagbago ang kanilang pagkatao.

Alalahanin din sina Abinadi at Alma. Ginalit ni Abinadi si Haring Noe nang matapang siyang magpatotoo tungkol sa Panginoong Jesucristo. Kalaunan inialay ng dakilang misyonerong ito ang huling sakripisyo para sa kanyang patotoo at pananampalataya ngunit iyo’y matapos maantig ng kanyang dalisay na patotoo ang isang pusong naniwala. Si Alma, isa sa mga saserdote ni Haring Noe, “ay nagsisi ng kanyang mga kasalanan … , [tinanggap si Jesus bilang Cristo,] at humayo nang palihim sa mga tao, at nagsimulang ituro ang mga salita ni Abinadi” (Mosias 18:1). Maraming nagbalik-loob sa ebanghelyo ni Jesucristo dahil sa makapangyarihang patotoo ni Abinadi tungkol sa Tagapagligtas, na pinaniwalaan ng isang tao, si Alma.

Taimtim ding nagpatotoo si Apostol Pablo kay Cristo at maraming napabalik-loob ng kanyang gawaing misyonero. Hindi siya nag-alangang magpatotoo sa harapan ni Haring Agripa. Napakamakapangyarihan ng kanyang mga salita na maging ang malaki ang impluwensyang kinatawang ito ng Imperyo ng Roma ay nagsabing, “Sa kakaunting paghikayat ay ibig mo akong maging Cristiano” (Mga Gawa 26:28).

Ang aral, sa tingin ko, ay malinaw: hindi sapat na may patotoo ka lang. Katunayan, kapag tunay tayong nagbalik-loob, hindi tayo mapipigil sa pagpapatotoo. At tulad ng mga naunang Apostol at matatapat na miyembro, pribilehiyo rin natin at tungkulin, at tapat na obligasyon na “ipahayag ang mga bagay na … alam [nating] totoo” (D at T 80:4).

Muli, tandaan na pinag-uusapan natin ang pagbabahagi ng tunay na patotoo, hindi lang basta karaniwang bagay na pinasasalamatan natin. Bagama’t laging mabuting ipahayag ang pagmamahal at pasasalamat, ang gayong pananalita ay walang uri ng patotoong magpapaningas ng paniniwala sa buhay ng iba. Ang pagpapatotoo ay “[pagsaksi] sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo; gumagawa ng tapat na pahayag ng katotohanan hango sa sariling kaalaman at paniniwala” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Magpatotoo,” 241). Gumagawa ng kaibhan ang malinaw na pagpapahayag ng katotohanan sa buhay ng tao. Iyon ang nagpapabago ng puso. Iyon ang patutunayan ng Espiritu Santo sa puso ng mga anak ng Diyos.

Bagama’t mapapatotohanan natin ang maraming bagay bilang miyembro ng Simbahan, may mahahalagang katotohanan tayong dapat iturong lagi sa isa’t isa at ibahagi sa mga hindi miyembro. Patotohanan na ang Diyos ang ating Ama at si Jesus ang Cristo. Ang plano ng kaligtasan ay nakasentro sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas. Ipinanumbalik ni Joseph Smith ang kaganapan ng walang hanggang ebanghelyo ni Jesucristo, at ang Aklat ni Mormon ay katibayan na ang ating patotoo ay tunay.

May mga himalang nangyayari kapag sumasama ang mga miyembro sa mga misyonero at nagbabahagi ng dalisay na patotoo sa mga hindi miyembro ng Simbahan. Halimbawa, bagama’t maraming tao ang naantig sa patotoo ni Alma sa lupain ng Ammonihas, nang tumayo si Amulek at idagdag ang patotoo niya kay Alma, “ang mga tao ay nagsimulang manggilalas, nakikitang may mahigit pa kaysa sa isang saksi na nagpatotoo” (Alma 10:12). Ganito rin ang mangyayari sa atin ngayon. Kapag sama-sama tayong tumayo, tutulungan tayo ng Panginoon na makita ang marami pa Niyang tupa na kilala ang Kanyang tinig sa nagkakaisa nating pagpapatotoo sa kanila.

Maraming taon na ang nakalipas ikinuwento ni Brigham Young ang tungkol sa isang misyonero sa Simbahan noon na nahilingang magpatotoo sa malaking grupo ng tao. Ayon kay Pangulong Young, ang elder na ito “ay hindi man lang nasabi na alam niyang si Joseph [Smith] ay isang Propeta.” Mas gugustuhin pa siguro niyang magdasal na lang at lumisan, pero hindi naging ganoon ang sitwasyon. Kaya nagsimula siyang magsalita, at “kasasabi pa lang niyang ‘si Joseph,’ ‘ay isang Propeta,’ na … ang kasunod; at simula roon, tuluy-tuloy na siyang nakapagsalita, at nagpatuloy hanggang sa gumabi.”

Ginamit ni Pangulong Young ang karanasang ito para ituro na “ibinubuhos ng Panginoon ang kanyang Espiritu sa isang tao, kapag pinatotohanan niya [yaong] ibinigay ng Panginoon na patotohanan niya” (Millennial Star, suplemento, 1853, 30).

Naunawaan ito ng kapatid ng Propeta na si Hyrum at buong tapang siyang nagpatotoo sa banal na katotohanang inihayag sa kanyang kapatid na si Joseph at napatunayan niya sa kanyang puso. Pinagpala ang maraming buhay sa kanyang patotoo, kasama na si Parley P. Pratt. Nang unang makita ni Parley ang Aklat ni Mormon, isinama siya ni Hyrum sa bahay nito at magdamag na nagturo at nagpatotoo sa kanya. Pinatotohanan niya ang balabal ng propeta na ipinasa kay Joseph at ang katotohanan ng Aklat ni Mormon. Di naglaon isinantabi ni Hyrum ang sarili niyang mga pangangailangan at sumama kay Parley para pagbigyan ito sa kanyang hiling na mabinyagan (tingnan sa Autobiography of Parley Parker Pratt, inedit ni Parley P. Pratt Jr. [1938], 35–42).

Maaaring hindi natin lubos na maunawaan o masukat ang impluwensya ng sarilinang pagpapatotoo ni Hyrum kay Parley P. Pratt. Maliban sa tapat na mga inapo ni Parley, ang pagpapatotoo niya bilang apostol at paglilingkod bilang misyonero ay naghatid ng di-mabilang na mga kaluluwa sa kaharian ng Diyos. Nakakatuwa na kabilang sa mga sumapi sa Simbahan dahil sa kanyang ministeryo sa Canada ay sina Joseph Fielding at ang mga kapatid nitong babaeng sina Mary at Mercy. Pagkamatay ng kanyang unang asawang si Jerusha, nakilala at pinakasalan ni Hyrum si Mary Fielding, at naging bunga ng kanilang pagsasama si Pangulong Joseph F. Smith at di mabilang na iba pang miyembro at lider ng Simbahan. Ngayon ko nalaman na hindi lahat ng patotoo ay magbubunga ng pagpapalang gaya ng kay Hyrum.

Si Joseph Kimber, isang mapakumbabang bagong miyembro sa Thatcham, England, ay simpleng nagpatotoo sa kapwa magsasaka. Naniniwala ako na ang patotoo ni Brother Kimber tungkol kay Joseph Smith at sa Panunumbalik ang nagpaningas ng paniniwala sa puso ng 17-taong-gulang na si Henry Ballard at naging sanhing magpabinyag siya. Mga henerasyon ng pamilyang Ballard ang nakinabang sa mapakumbabang patotoong iyon.

Mararanasan ng mga miyembro at misyonero sa ating panahon na mapabalik-loob ang iba sa pamamagitan ng mabuting pamumuhay sa abot ng ating kaya at maging handang “tumayo bilang mga saksi ng Diyos sa lahat ng panahon at sa lahat ng bagay, at sa lahat ng lugar” (Mosias 18:9). Kamakaila’y ikinuwento sa akin ng isang kaibigan ang 90-minutong biyahe niya sa bus sa Brazil. Naisip niyang bumalik sa bus para kausapin ang mga kabataang nagsisilbing mga giya sa grupo nilang mga negosyante. Sinundan siya ng isang kasamahan ng kanyang ama sa likod ng bus at narinig ang kanyang patotoo sa katotohanan ng ipinanumbalik na ebanghelyo. Paglaon ay sinabi ng lalaking ito, “Nang marinig ko ang patotoo mo, malinaw kong nadama na totoo ang mga bagay na ito.” Silang mag-asawa ay malapit nang binyagan.

Naghahanda na ngayong magturo ng mga aralin ang mga misyonero, hindi ng mga sauladong pananalita o paglalahad; bagkus, babalangkasin nila ang mga alituntunun ng ebanghelyo sa organisadong paraan, hihilingin sa Espiritu na gabayan silang maipaunawa ang katotohanan ng ebanghelyo sa mga investigator, nang espiritu sa espiritu at puso sa puso. Mga kapatid, sumama sa mga misyonero sa pagbabahagi ng inyong mahahalagang patotoo araw-araw, na sumasaksi sa maluwalhating mensahe ng Panunumbalik tuwina. Marubdob na patotoo lang ninyo ang kailangan para maituro ang ebanghelyo sa marami pang anak ng ating Ama. Magtiwala sa Panginoon, at huwag maliitin kailanman ang impluwensya ng inyong patotoo sa buhay ng ibang tao kapag nagpapatotoo kayo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu. Ang alinlangan at takot ay mga kasangkapan ni Satanas. Oras na para labanan nating lahat ang anumang takot at buong tapang na samantalahin ang lahat ng pagkakataon na ibahagi ang ating mga patotoo sa ebanghelyo.

Nawa’y basbasan kayo ng Panginoon sa patuloy na pagpapalakas ng inyong mga patotoo sa pamamagitan ng inyong mga dalangin, pansariling pag-aaral ng banal na kasulatan, at paglilingkod. Natutuwa ako na mapakumbabang magpatotoo sa inyo na alam ko na mahal tayo ng Diyos ang ating Ama sa Langit, si Jesus ang Cristo, ipinanumbalik ni Joseph Smith ang kaganapan ng walang hanggang ebanghelyo, at saksi ang Aklat ni Mormon sa mga katotohanang ito. Pinamumunuan tayo ng buhay na propeta ngayon. At dalangin ko na pagpalain kayo ng Panginoon, mahal kong mga kapatid, sa pagtuturo at pagpapatotoo ninyo, sa pangalan ni Jesucristo, amen.