2004
Sa Pinakamaliit na Ito
Nobyembre 2004


Sa Pinakamaliit na Ito

Walang sinumang magmamaliit sa kapangyarihan ng pananampalataya sa mga ordinaryong Banal sa mga Huling Araw.

May mensahe para sa mga Banal sa mga Huling Araw mula sa isang bihirang mabanggit na paghahayag kay Propetang Joseph Smith noong 1838. “Naaalala ko ang aking tagapaglingkod na si Oliver Granger; masdan, katotohanang sinasabi ko sa kanya na ang kanyang pangalan ay mapapasama sa banal na pag-aalaala sa bawat sali’t salinlahi, magpakailanman at walang katapusan, wika ng Panginoon” (D at T 117:12).

Si Oliver Granger ay napakaordinaryong tao. Halos bulag na siya dahil “nawalan ng paningin sa lamig at pagkalantad” (History of the Church, 4:408). Inilarawan siya ng Unang Panguluhan na “isang taong may matinding integridad at mabuting asal; sa kabuuan, isang tao ng Diyos” (History of the Church, 3:350).

Nang itaboy ang mga Banal sa Kirtland, Ohio, na pangyayaring naulit sa Independence, Far West, at sa Nauvoo, naiwan si Oliver para ipagbili ang kanilang ari-arian sa kahit magkanong halaga. Maliit ang tsansang magtatagumpay siya. At totoo ngang hindi siya nagtagumpay!

Ngunit sinabi ng Panginoon, “Masigasig siyang makipaglaban sa pagtubos ng Unang Panguluhan ng aking Simbahan, wika ng Panginoon; at kapag siya ay bumagsak siya ay babangong muli, sapagkat ang kanyang hain ay mas banal sa akin kaysa kanyang yaman, wika ng Panginoon” (D at T 117:13).

Ano ang ginawa ni Oliver Granger para alalahanin siya nang may kabanalan. Wala namang gaano talaga. Hindi iyon dahil sa ginawa niya kundi dahil sa pagkatao niya.

Kapag pinarangalan natin si Oliver, marahil mas marami o halos lahat ng parangal ay dapat mapunta kay Lydia Dibble Granger, ang kanyang asawa.

Sa wakas ay nilisan nina Oliver at Lydia ang Kirtland para sumama sa mga Banal sa Far West Missouri. Iilang milya pa lang ang nalalakbay nila nang pabalikin sila ng mga mandurumog. Kalaunan na lang sila nakasama sa mga banal sa Nauvoo.

Namatay si Oliver sa edad na 47, at naiwan kay Lydia ang pangangalaga sa kanilang mga anak.

Hindi inasahan ng Panginoon na maging perpekto si Oliver, marahil ni magtagumpay. “Kapag siya ay bumagsak siya ay babangong muli, sapagkat ang kanyang hain ay mas banal sa akin kaysa kanyang yaman, wika ng Panginoon” (D at T 117:13).

Hindi natin laging maaasahang magtagumpay, ngunit dapat nating sikaping gawin ang pinakamainam na magagawa natin.

“Sapagkat ako, ang Panginoon ay hahatulan ang lahat ng tao alinsunod sa kanilang mga gawa, alinsunod sa pagnanais ng kanilang mga puso” (D at T 137:9).

Wika ng Panginoon sa Simbahan:

“Kapag ako ay nagbigay ng kautusan sa sinuman sa mga anak na lalaki ng tao na gumawa ng gawain sa aking pangalan, at yaong mga anak na lalaki ng tao ay gaganap nang buo nilang lakas at sa lahat ng mayroon sila upang magampanan ang gawaing yaon, at hindi tumitigil sa kanilang pagsisigasig, at ang kanilang mga kaaway ay sumapit sa kanila at hinadlangan silang magampanan ang gawaing yaon, masdan, mamarapatin ko na huwag nang hingin ang gawaing yaon sa mga kamay ng yaong mga anak na lalaki ng mga tao, kundi tatanggapin ang kanilang mga handog… .

“… Ito ay aking ginagawang halimbawa sa inyo, para sa inyong kasiyahan hinggil sa lahat ng yaong inutusang gumawa ng gawain at hinadlangan ng mga kamay ng kanilang mga kaaway, at sa pamamagitan ng pang-aapi, wika ng Panginoon ninyong Diyos” (D at T 124:49, 53; tingnan din sa Mosias 4:27).

Ang iilan lamang na mga Banal sa Kirtland noon ay milyun-milyon na ngayong mga Banal sa mga Huling Araw sa buong daigdig. Nagsasalita sila sa iba’t ibang wika ngunit nagkakaisa sa pananampalataya at pang-unawa sa pamamagitan ng lengguwahe ng Espiritu.

Ang matatapat na miyembrong ito ay gumagawa at tumutupad ng kanilang mga tipan at nagsisikap na maging marapat na makapasok sa templo. Naniniwala sila sa mga propesiya at sinasang-ayunan ang mga lider ng ward at branch.

Tulad ni Oliver, sinasang-ayunan nila ang Unang Panguluhan at ang Korum ng Labindalawang Apostol at tinatanggap ang sinabi ng Panginoon: “Kung ang aking mga tao ay makikinig sa aking tinig, at sa tinig ng aking mga tagapaglingkod na aking itinalagang aakay sa aking mga tao, masdan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, sila ay hindi mapaaalis mula sa kanilang lugar” (D at T 124:45).

Sa paghahayag na ibinigay bilang paunang salita para sa Doktrina at mga Tipan, ipinaliwanag ng Panginoon kung sino ang gagawa ng Kanyang gawain. Makinig na mabuti habang binabasa ko ang paghahayag, at isipin ang pagtitiwala sa atin ng Panginoon:

“Dahil dito, ako, ang Panginoon, nalalaman ang kapahamakang sasapit sa mga naninirahan sa mundo, ay tinawag ang aking tagapaglingkod na si Joseph Smith, Jun., at nangusap sa kanya mula sa langit, at nagbigay sa kanya ng mga kautusan;

“At nagbigay rin ng mga kautusan sa iba, na dapat nilang ihayag ang mga bagay na ito sa sanlibutan; at ang lahat ng ito ay upang maisakatuparan, ang yaong isinulat ng mga propeta—

“Ang mahihinang bagay ng sanlibutan ay magsisilabas at bubuwagin ang mga makapangyarihan at ang malalakas, na ang tao ay hindi dapat magpayo sa kanyang kapwa tao, ni magtiwala sa bisig ng laman.”

Isinasaad ng kasunod na talata na ang priesthood ay dapat ipagkaloob sa mga karaniwan, at karapat-dapat na kalalakihan at batang lalaki:

“Bagkus ay makapangusap ang bawat tao sa pangalan ng Diyos, ang Panginoon, maging ang Tagapagligtas ng sanlibutan; …

“Nang ang kabuuan ng aking ebanghelyo ay mahayag ng mahihina at ng mga pangkaraniwang tao sa mga dulo ng daigdig, at sa harapan ng mga hari at namamahala.

“Masdan, ako ang Diyos at siyang nangusap nito; ang mga kautusang ito ay mula sa akin, at ibinigay sa aking mga tagapaglingkod sa kanilang kahinaan, alinsunod sa pamamaraan ng kanilang wika, upang sila ay mangyaring makaunawa.

“At yayamang sila ay nagkamali ito ay maipaalam;

“At yayamang sila ay naghangad ng karunungan sila ay maturuan;

“At yayamang sila ay nagkasala sila ay maparusahan, upang sila ay makapagsisi;

“At yayamang sila ay nagpakumbaba, sila ay maaaring gawing malakas, at pagpalain mula sa kaitaasan, at tumanggap ng kaalaman sa pana-panahon” (D at T 1:17–20, 23–28; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Ngayon isa pang henerasyon ng kabataan ang sumusulong. Nakakakita tayo ng lakas sa kanila na higit kaysa nakita natin noon. Ang pag-inom ng alak at paggamit ng droga at imoralidad ay hindi bahagi ng kanilang buhay. Nagtitipun-tipon sila sa pag-aaral ng ebanghelyo, sa mga aktibidad, at sa paglilingkod.

Hindi sila perpekto. Hindi pa. Ginagawa nila ang pinakamusay nilang magagawa, at mas malakas sila kaysa mga henersyong nauna sa kanila.

Tulad ng sinabi ng Panginoon kay Oliver Granger, “Kapag [sila] ay bumagsak [sila] ay babangong muli, sapagkat ang [kanilang] hain ay mas banal sa akin, kaysa [kanilang] yaman” (D at T 117:13).

Ang ilan ay nag-aalala dahil hindi nakapagmisyon, o hindi naging maayos ang buhay may-asawa, o hindi nagkaanak, o tila naliligaw ang mga anak, o di natupad ang mga pangarap, o di gaanong makagawa dahil sa katandaan. Sa palagay ko hindi ikinatutuwa ng Panginoon kung tayo ay nag-aalala dahil ipinapalagay nating hindi sapat ang ating ginagawa o hindi kailanman naging mahusay ang ating ginagawa.

May ilang di naman kailangang pagdusahan ang kasalanang maaalis ng pagtatapat at pagsisisi.

Hindi sinabi ng Panginoon kay Oliver na, “[Kung] siya ay bumagsak,” kundi “Kapag siya ay bumagsak siya ay babangon muli” (D at T 117:13; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Ilang taon na ang nakalilipas maaga kaming dumating sa Pilipinas para sa kumperensya. Nakaupo sa bangketa ang isang ama at ina at apat na maliliit na anak na nakasuot ng pangsimba. Ilang oras silang naglakbay sakay ng bus at noon pa lang nag-aalmusal. Kumakain sila ng malamig na nilagang mais. Marahil galing sa badyet nila sa pagkain ang ipinamasahe sa bus papuntang Maynila.

Habang minamasdan ko ang pamilyang iyon, naantig ang puso ko. Sila ang Simbahan. Sila ang kapangyarihan. Sila ang kinabukasan. Tulad ng ibang pamilya sa bansa, nagbabayad sila ng ikapu, sinasang-ayunan ang kanilang mga lider, at naglilingkod nang napakahusay.

Sa mahigit 40 taon, nalakbay na naming mag-asawa ang buong mundo. May mga kilala kaming miyembro ng Simbahan sa napakaraming bansa. Nadama namin ang kapangyarihan sa kanilang simpleng pananampalataya. Ang kani-kanilang patotoo at sakripisyo ay may malalim na epekto sa amin.

Hindi ko gusto ang tumatanggap ng parangal. Ang mga papuri ay laging nakakaasiwa sa akin, dahil ang dakilang gawaing pasulungin ang ebanghelyo, ay nakasalalay sa mga ordinaryong miyembro ng Simbahan, noon, ngayon, at sa hinaharap.

Hindi namin inaasahang mag-asawa na tumanggap ng mga pagpapala na higit sa matatanggap ng aming mga anak at mga magulang. Hindi namin hinihikayat ang mga anak namin na mithiing magpakatanyag at magpakabantog sa mundo o kahit na sa Simbahan. Walang gaanong kinalaman iyan sa halaga ng kaluluwa. Matutupad nila ang aming mga pangarap kung ipamumuhay nila ang ebanghelyo at palalakihin ang kanilang mga anak nang may pananampalataya.

Tulad ni Juan, “[Tayo ay] wala nang dakilang kagalakan [kaysa ang] marinig na ang [ating] mga anak ay nagsisilakad sa katotohanan” (3 Juan 1:4).

Maraming taon na, bilang pangulo ng New England Mission, nilisan ko ang Fredericton, New Brunswick. Nasa 40 degrees below zero ang temperatura. Habang papalayo ang eroplano sa maliit na terminal, nakita kong nakatayo ang dalawang batang elder na nakatayo sa labas at kumakaway. Naisip ko, naku, mga batang ito. Bakit kaya hindi sila pumasok sa loob kung saan mainit?”

Bigla akong nakaramdam ng malakas na inspirasyon, isang paghahayag: Nasa dalawang ordinaryong misyonerong ito ang priesthood ng Makapangyarihang Diyos. Sumandal ako, kampante nang iwan ang gawaing misyonero sa buong lalawigan ng Canada sa kanilang mga kamay. Isa itong aral na hindi ko kailanman nalimutan.

Walong taon na ang nakaraan kami ni Elder William Walker ng Pitumpu ay nagdaos ng zone conference sa Naha para sa 44 misyonero sa isla ng Okinawa. Hindi nakarating si Pangulong Mills ng Japan Fukuoka Mission dahil sa papalapit na malakas na bagyo. Pinangasiwaan ng mga batang zone leader ang miting na iyon nang may lubos na inspirasyon at dignidad na tulad ng maaaring gawin ng kanilang mission president. Umalis kami kinabukasan sa gitna ng malakas na hangin, kampanteng iwan ang mga misyonero sa kanilang pangangalaga.

Kamakailan sa Osaka, Japan, sina Elder Russell Ballard at Henry Eyring ng Labindalawa at ako, kasama sina Pangulong David Sorensen at iba pa sa mga Pitumpu, ay nakipagpulong sa mga mission president at 26 na Area Authority Seventy. Kabilang sa mga Area Authority Seventy sina Elder Subandriyo ng Jakarta, Indonesia; Elder Chu-Jen Chia ng Beijing, China; Elder Remus G. Villarete ng Pilipinas; Elder Won Yong Ko ng Korea; at 22 iba pa—dalawa lamang ang Amerikano sa kanila. Isa itong pagkakaisa-isa ng mga bansa, wika, at tao. Walang binayaran sa kanila. Lahat sila ay naglilingkod nang libre, nagpapasalamat na matawag sa gawain.

Nagsaayos kaming muli ng mga stake sa Okazaki, Sapporo, at Osaka, Japan. Lahat ng tatlong bagong pangulo ng stake at napakaraming lider ay sumapi sa Simbahan noong mga tinedyer pa sila. Karamihan sa kanila ay namatayan ng ama sa digmaan.

Si Elder Yoshihiko Kikuchi ng Pitumpu ay isa sa henerasyong iyon.

Ang mga kalamidad na ibinabala ng Panginoon ay dumarating na sa di nagsisising mundo. Kaagad na dumating nang sunud-sunod ang mga henerasyon ng kabataan. Nag-asawa sila. Tinupad nila ang mga tipang ginawa sa Bahay ng Panginoon. Nagkaanak sila at hindi hinayaang diktahan ng lipunan ang kanilang buhay-pamilya.

Ngayon tinutupad natin ang propesiya “na ang …pangalan [ni Oliver Granger] ay mapapasama sa banal na pag-aalaala sa bawat sali’t salinlahi, magpakailanman at walang katapusan” (D at T 117:12). Hindi siya bantog na tao sa daigdig. Gayunpaman, wika ng Panginoon, “Walang sinumang hahamak sa aking tagapaglingkod na si Oliver Granger, bagkus ang mga pagpapala … ay mapasakanya, magpakailanman at walang katapusan” (D at T 117:15).

Walang sinumang magmamaliit sa kapangyarihan ng pananampalataya sa mga ordinaryong Banal sa mga Huling Araw. Tandaan ang sabi ng Panginoon, “Yamang inyong ginawa sa isa dito sa aking mga kapatid, kahit sa pinakamaliit na ito, ay sa akin ninyo ginawa” (Mateo 25:40).

Ipinangako Niya na “Ang Espiritu Santo ang [kanilang] magiging kasama sa tuwina, at ang [kanilang] setro ay hindi nagbabagong setro ng kabutihan at katotohanan; at ang [kanilang] pamamahala ay magiging walang hanggang pamamahala, at sa walang sapilitang pamamaraan ito ay dadaloy sa [kanila] magpakailanman at walang katapusan” (D at T 121:46).

Wala! Walang kapangyarihang makapipigil sa pag-unlad ng gawain ng Panginoon.

“Hanggang kailan mananatiling marumi ang mga umaagos na tubig? Anong kapangyarihan ang pipigil sa kalangitan? Gayon din maaaring iunat ng tao ang kanyang maliit na bisig upang pigilin ang ilog ng Missouri sa kanyang nakatalagang daan, o ibaling ang daloy nitong paitaas, upang hadlangan ang Pinakamakapangyarihan sa pagbubuhos ng kaalaman mula sa langit sa mga ulo ng mga Banal sa mga Huling Araw” (D at T 121:33).

Ito ay pinatototohanan ko bilang Apostol, sa pangalan ni Jesucristo, amen.