Kasaysayan ng Simbahan
7 Panatilihin ang Lakas ng Loob


“Panatilihin ang Lakas ng Loob,” kabanata 7 ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 2, Walang Kamay na Di Pinaging Banal, 1846-1893 (2019)

Kabanata 7: “Panatilihin ang Lakas ng Loob”

Kabanata 7

Panatilihin ang Lakas ng Loob

mga seagull na kumakain ng kuliglig

Ang tagsibol ng 1848 ay nagdala ng mas maiinit na araw at ilang malalakas na ulan sa Lambak ng Salt Lake. Tumutulo ang mga bubong at ang lupa ay naging malambot at maputik. Gumapang ang mga ahas sa mga kubo, ginugulat ang mga matatanda at tinatakot ang mga bata. Mga mumunting daga, na may mga ngiping sintalim ng karayom, ay mabilis na nagtatakbo sa sahig ng kubo at ngumunguya ng kanilang daan sa mga supot ng pagkain, baul, at manggas ng tunika. Kung minsan sa gabi, gulat na magigising ang mga Banal habang nangagsisitakbo sa kanila ang mga daga.1

Isa sa mga pinakamatandang lalaki sa lambak ay ang animnapu’t anim na taong gulang na si John Smith. Siya ay ang tiyo ni propetang Joseph Smith at ang ama ng apostol na si George A. Smith. Matapos mabinyagan noong 1832, naglingkod si John sa mataas na kapulungan ng Kirtland at namuno sa mga stake sa Missouri at Illinois. Naglilingkod siya ngayon bilang pangulo ng Salt Lake Stake, ginagawa siyang responsable sa kapakanan ng pamayanan.2

Dumaranas ng mahinang kalusugan, ginampanan ni John ang kanyang mga bagong tungkulin sa tulong ng kanyang mga nakababatang tagapayo, sina Charles Rich at John Young, at isang bagong tatag na mataas na kapulungan.3 Bilang stake president, pinamahalaan ni John ang pagpaplano ng lunsod, pamamahagi ng lupa, at ang mga proyekto sa pagtatayo ng mga gusaling pampubliko.4 Kung minsan ay hinahadlangan siya ng karamdaman na dumalo sa mga pulong ng konseho, subalit batid pa rin niya ang lahat ng bagay na nangyayari sa lambak at mabilis na tumutugon sa mga problema.5

Sa mga liham kay Brigham, puno ng pag-asang sumulat si John tungkol sa mga Banal sa Lunsod ng Salt Lake. “Binibigyang-kunsiderasyon ang lahat ng sitwasyon, malaking pagkakaisa at pagkakasundo ang nananaig sa ating kalipunan,” sinabi niya. Sa buong pamayanan, ang mga tao ay nagsasaka o gumagawa ng mga mesa, silya, kama, banyera, pambati ng mantikilya, at iba pang mga gamit sa bahay. Maraming pamilya ngayon ay may kubo sa loob o sa paligid ng kuta. Sa mga bukid sa tabi ng mga sapa at kanal ng irigasyon, umusbong na ang mga trigo na naitatanim kapag taglamig at natamnan na ang ilang ektarya ng mga bagong pananim para sa tag-init.6

Gayunpaman ay hayagan ding isinulat ni John ang tungkol sa mga hamon sa lunsod. Maraming mga Banal ang hindi na kuntento sa buhay sa lambak at umalis papuntang California. Noong taglamig na iyon isang grupo ng mga Indian na matagal nang nangangaso ng pagkain sa Lambak ng Utah ay nagtaboy at pumatay sa ilan sa mga baka ng mga Banal. Halos magkaroon ng karahasan, ngunit nakipagkasundo ng kapayapaan ang mga Banal at ang mga Indian.7

Ang mas malaking alalahanin, gayunman, ay ang kakulangan ng pagkain. Noong Nobyembre, binigyan ni John ng awtoridad ang isang pangkat ng mga lalaki upang maglakbay sa baybayin ng California upang bumili ng mga hayop, mga butil, at iba pang mga kagamitan. Ngunit hindi pa bumabalik ang pangkat, at paubos na ang suplay ng pagkain. Halos isang libo at pintong daang mga Banal ang pakakainin, at libu-libo pa ang darating. Ang isang bigong ani ay maaaring magdala sa pamayanan sa bingit ng pagkagutom.8

May pananampalataya si John sa plano ng Panginoon para sa lambak, nagtitiwala na sa huli ay maglalaan Siya para sa Kanyang mga tao.9 Ngunit nanatiling hindi sigurado ang buhay sa Lunsod ng Salt Lake. Kung may mangyari para magulo ang marupok na kapayapaan at katatagan nito, maaaring mauwi sa mabigat na problema ang mga Banal.


“Ginto!” sigaw ni Sam Brannan habang tumatakbo siya sa gitna ng mga kalye ng San Francisco. “Ginto mula sa Ilog Amerika!” Iwinagayway niya nang malakas ang kanyang sumbrero sa hangin at itinaas ang isang maliit na bote, ang malabuhanging laman nito ay kumikislap sa sinag ng araw. “Ginto!” sigaw niya. “Ginto!”10

Sa loob ng ilang linggo, narinig nina Sam at ng mga Banal sa California ang sabi-sabi na may natagpuang ginto sa isang lugar na tinatawag na Sutter’s Mill sa Ilog Amerika, mga 225 kilometro pahilagang-silangan ng San Francisco. Ngunit hindi niya alam kung ang sabi-sabi ay totoo hanggang sa siya ay nakipag-usap sa isang grupo ng mga beterano ng Batalyong Mormon na naroon noong ang ginto ay natagpuan. Hindi nagtagal ay binisita niya mismo ang lugar at natagpuan ang mga lalaking nakatingkayad sa mababaw na tubig, inilulubog ang mga basket at kawali sa mabanlikang ilog. Sa loob lamang ng limang minuto, minasdan niya ang isang tao na nag-ahon ng walong dolyar na halaga ng ginto mula sa ilog.11

Nagkagulo ang San Francisco sa mga gintong alikabok na nasa bote ni Sam. Umalis sa kanilang mga trabaho ang mga lalaki, ibinenta ang kanilang mga lupain, at nagmamadaling pumunta sa ilog. Samantala, si Sam, ay binalak kung paano gumawa ng isang kapalaran para sa kanyang sarili. Ang California ay may ginto para minahin ninuman, ngunit hindi niya kailangang gawin ang mahirap at madalas walang pinatutunguhang trabaho ng paghuhukay ng ginto upang yumaman. Ang tangi lamang niyang kailangan gawin ay magbenta ng mga pala, kawali, at iba pang mga suplay sa mga naghahanap ng ginto. Ang pangangailangan para sa mga materyal na ito ay mananatiling mataas hangga’t naroroon ang paghahanap ng ginto.12

Tulad ng maraming iba pang Banal sa California, naghanap si Addison Pratt ng ginto sa lugar na tinatawag na Mormon Island habang hinihintay niya na matunaw ang niyebe mula sa daan ng bulubundukin ng Sierra Nevada. Upang kumita ng mas maraming pera, nakumbinsi ni Sam ang mga beterano na bigyan siya ng 30 porsiyento ng lahat ng gintong natuklasan sa lugar, upang bumili ng mga baka para sa mga Banal sa Lambak ng Salt Lake.

Duda si Addison na anumang salapi mula sa Mormon Island ay mapupunta sa pagtulong sa Simbahan. Sa mga buwan na tumira siya sa San Francisco, napansin ni Addison na si Sam, sa lahat ng mga pagpapahayag nito ng pananampalataya at katapatan, ay nagiging mas interesado sa sariling pakinabang at pagpapayaman kaysa sa kaharian ng Diyos.

Mabuti na lang, hindi na kailangan ni Addison na maghintay nang matagal—makalipas ang apat na araw ay nalaman niya na naging maaliwalas na ang mga daanan sa bundok. Nakakuha siya ng bagon at isang grupo ng baka na hihila nito at di nagtagal ay nagsimula sa paglalakbay patungo sa lambak kasama ang humigit-kumulang limampung Banal mula sa Brooklyn at Batalyong Mormon.13


Nang dumating si Harriet Young sa Lambak ng Salt Lake kasama ang paunang grupo, dismayado niyang minasdan ang bagong lugar na pagtitipunan. Mukha itong tuyot at tigang at malungkot. “Mahina at napapagod man ako,” sabi niya, “mas nanaisin ko na maglakbay pa ng ilang libong kilometro ang layo kaysa manatili sa isang pinabayaang lugar tulad nito.”14 Ang kanyang asawa, si Lorenzo, ay gayon din ang nadama. “Hindi ko mailarawan ang aking damdamin,” itinala niya sa kanyang journal. “Lahat ay mukhang mapanglaw, at pakiramdam ko ay labis akong nagdadalamhati.”15

Nagtayo sina Harriet at Lorenzo ng isang bahay na malapit sa templo noong panahon ng banayad na taglamig at lumipat mula sa masikip na kuta. Pagsapit ng Marso, nagtanim sila ng trigo para sa tagsibol, mga oat, mais, patatas, patani, at gisantes upang mapakain ang kanilang pamilya. Pagkaraan ng ilang linggo, isang matinding hamog na nagyeyelo ang tumama sa lambak, sinisira ang mga pananim at nagbabanta sa tagumpay ng anihan. Nagtagal pa ang yelo hanggang Mayo, ngunit sa pagtutulungan, nagawa ng mga Young na sagipin ang karamihan sa kanilang mga pananim.16

“Pinananatili pa rin namin ang lakas ng loob, umaasang maaayos ang lahat,” isinulat ni Lorenzo sa kanyang journal. Tulad ng nangyari sa lahat ng nasa lambak, ang kanilang mga panustos ay paubos na at kailangan nila ang isang matagumpay na pag-aani upang mapunong muli ang kanilang suplay ng pagkain.17

Noong Mayo 27, 1848, gayunman, ang mga pulutong ng mga kuliglig na walang pakpak ay sumugod sa lambak mula sa mga kabundukan at mabilis na sinuyod ang bakuran ng mga Young. Ang mga kuliglig ay malalaki at maiitim, may mga balat na tulad ng baluting kabibe at mahabang antena. Inubos nila ang taniman ng patani at gisantes ng mga Young sa loob lamang ng ilang minuto. Sinikap nina Harriet at Lorenzo na magapi ang mga kuliglig sa paghampas ng matitibay na mga sanga ng damo, ngunit lubhang napakarami ng mga ito.18

Hindi naglaon ang mga insekto ay agad kumalat, matakaw na kinakain ang mga pananim ng mga Banal, at iniiwan ang mga tuyong uhay kung saan noon ay may mais o trigo. Ginawa ng mga Banal ang lahat ng maisip nila upang pigilan ang mga kuliglig. Dinurog nila ang mga ito. Sinunog nila ang mga ito. Sinubukan nilang kalampagin ang mga kaldero at kawali, umaasang ang ingay ay magtataboy sa mga ito. Humukay sila ng mga malalalim na kanal at sinubukang lunurin ang mga ito o harangan ang mga landas ng mga ito. Nanalangin sila para sa tulong. Tila walang gumana.19

Habang patuloy ang pagkawasak, tinantiya ni Pangulong John Smith ang pinsala. Ang hamog na nagyelo at kuliglig ay lubusang winasak ang maraming taniman ng mga pananim, at ngayon mas maraming Banal ang seryosong pinagninilayan kung lilisananin ang lambak. Hinikayat ng isa sa kanyang mga tagapayo na agad siyang sumulat kay Brigham. “Sabihin mo sa kanya na huwag magdala ng mga tao rito,” sabi ng tagapayo, “Sapagka’t kung gagawin niya ito, silang lahat ay mamamatay sa gutom.”

Tahimik si John nang ilang sandali, malalim na nag-iisip. “Inakay tayo ng Panginoon dito,” sinabi niya sa wakas, “at hindi Niya tayo dinala rito upang magutom.”20


Samantala, sa Winter Quarters, hindi inisip ni Louisa Pratt na makakaya niyang maglakbay patungong Lambak ng Salt Lake noong tagsibol na iyon, ngunit sinabi sa kanya ni Brigham Young na kailangan niyang pumunta. Ang mga babae sa Winter Quarters ay nangako sa kanya na ang Panginoon ay pagsasamahin silang muli ng kanyang asawa sa lambak. At noong nakaraang taglagas, nagliham si Addison sa kanya at kay Brigham tungkol sa kanyang plano na magtungo sa Lunsod ng Salt Lake sa tagsibol. Malulungkot siya kung ang kanyang pamilya ay wala roon.21

“Umaasa ako na makikita ko ang aking mahal na pamilya,” isinulat ni Addison. “Ito ay isang mahaba at masakit na paghihiwalay sa akin, ngunit ako ay ginabayan ng Panginoon sa gitna nito, at nabubuhay pa ako sa pag-asang makikita ko sila.”22

Hiniling ni Brigham kay Louisa na ibigay ang lahat ng kaya niya upang suportahan ang kanyang pamilya, at nangako siya na tutulungan siya sa iba pa. Nagsimula siyang magbenta ng mga bagay na hindi na niya kailangan, nagdarasal para sa lakas at tapang na magawa ang paglalakbay. Pagkaraan ng limang taong pagkakahiwalay, sabik nang makita muli ni Louisa si Addison. Ang limang taon ay isang pambihirang matagal na panahon para sa misyon sa Simbahan. Karamihan ng mga elder ay umalis nang hindi hihigit sa isa o dalawang taon sa bawat pagkakataon. Inisip niya kung makikilala niya ang kanyang pamilya. Sina Ellen, Frances, Lois, at Ann ay lumaki nang husto sa kanyang pagkawala. Tanging si Ellen, ang panganay, ang may malinaw na alaala ng kanyang ama. Si Ann, ang bunso, ay hindi man lang siya naaalala.

Tiyak na hindi siya makikilala ng mga bata mula sa sinumang lalaki sa kalye. At makikilala ba siya ni Louisa?23

Nagtagumpay si Louisa sa pagbebenta ng mga kagamitan niya sa isang makatarungang presyo. Batid ang kanyang mga kahirapan at alam ang mga dakilang sakripisyo na nagawa niya at ni Addison, pinagayakan ni Brigham ang kanyang bagon at binigyan ng isang libong librang harina at isa pang pamatok ng mga baka. Umupa rin siya ng isang lalaki para gabayan ang kanyang grupo ng mga hayop at binigyan siya ng mga kagamitang may halagang limampung dolyar mula sa tindahan, kabilang na ang mga bagong damit para sa kanya at sa kanyang anak na babae.24

Handa na si Brigham na pamunuan ang grupo pakanluran noong unang linggo ng Hunyo. Karamihan sa kanyang mga asawa at mga anak ay mandarayuhan kasama niya. Kasabay nito, lilisanin ni Heber Kimball ang Winter Quarters kasama ang isang grupong may pitong daang tao, kabilang na ang kanyang pamilya. Si Willard Richards ay susunod pagkaraan ng isang buwan, kasama ang grupo na halos may anim na raang tao.25

Bagama’t lubos na handa sa kagamitan para sa kanyang paglalakbay, natatakot pa rin si Louisa sa darating na mahabang paglalakbay. Nagpasya siyang magpanggap na masaya, gayunman, ibinigay niya ang kanyang kubo sa isang kapitbahay, at nagsimulang maglakbay pakanluran. Ang kanyang grupo ay naglakbay na pinagtatabi ang tatlong bagon na nakapila sa isang linyang singhaba ng nakikita ng mata. Noong una, halos walang natatagpuang galak si Louisa sa paglalakbay. Ngunit hindi nagtagal ay nagkaroon siya ng kasiyahan na makita ang mga luntiang damo sa kaparangan, ang makukulay na mga ligaw na bulaklak, at ang maliliit na patse ng lupa sa kahabaan ng pampang ng ilog.

“Ang lungkot sa aking isipan ay unti-unting nagmaliw,” itinala niya, “at walang mas masayang babae sa buong pangkat.”26


Noong unang bahagi ng Hunyo, nilulusob pa rin ng mga kuliglig ang mga pananim sa Lambak ng Salt Lake. Maraming mga Banal ang nag-ayuno at nanalangin para sa kaligtasan, ngunit ang iba ay nagsisimulang mag-iisip kung sila ba ay dapat tumigil sa kanilang gawain, kargahan ang kanilang mga bagon, at lisanin ang pamayanan. “Tumigil ako sa pagtatayo ng gilingan ko,” ipinaalam ng isang tao kay John Smith. “Walang butil na gigilingin.”

“Hindi tayo magagapi,” mariing sinabi ni John. “Ituloy mo ang iyong gilingan, at kung gagawin mo ito, ikaw ay pagpapalain, at ito ay magiging isang walang katapusang pinagmumulan ng kagalakan at kapakinabangan sa iyo.”27

Subalit patuloy ang mga Banal sa pag-uusap tungkol sa paglipat sa California. Ang San Francisco Bay ay nangangailangan ng dalawang buwan upang marating gamit ang bagon, at para sa iba, ang muling mahabang paglalakbay ay mas maganda kaysa sa unti-unting pagkamatay sa gutom.28

Ang tagapayo ni John na si Charles Rich ay nakikisimpatiya sa mga taong nais umalis. Kung patuloy ang mga kuliglig sa kanilang pagkain ng mga pananim, halos wala nang matitira sa mga Banal upang makain. Gaya ng nangyari, ang ilang mga Banal ay halos nananatiling buhay sa mga ugat, matinik na sanga, at mga sabaw na gawa mula sa pagpapakulo ng lumang balat ng baka.

Isang araw ng Sabbath, tinipon ni Charles ang mga Banal para sa isang pulong. Ang kalangitan ay maaliwalas at asul, subalit ang kalungkutan ay nanaig sa mga tao. Sa mga kalapit na bukid, ang mga kuliglig ay mahigpit na nakakapit sa mga tangkay ng trigo at mais, kinakain ang mga pananim. Umakyat si Charles sa tuktok ng isang bukas na bagon at itinaas ang kanyang tinig. “Hindi natin nais na makipaghiwalay kayo sa inyong mga bagon at kabayo,” sabi niya, “sapagka’t baka kailanganin natin ang mga ito.”

Habang nagsasalita si Charles, nakarinig ang mga tao ng isang nakabibinging ingay na nagmumula sa kalangitan. Pagtingala, nakita nila ang isang maliit na kawan ng mga seagull mula sa Great Salt Lake na lumilipad sa itaas ng lambak. Ilang minuto pa, isang mas malaking kawan ang bumulusok at dumapo sa mga bukirin at halamanan ng mga Banal. Noong una, tila kinakain ng mga ibon ang natitirang bahagi ng mga pananim, winawakasan ang pinsalang sinimulan ng yelo at mga kuliglig. Ngunit nang tiningnan ng mga Banal nang mas malapitan, nakita nila na ang mga seagull ay nagpapakabusog sa mga kuliglig, isinusuka kung ano ang hindi maaaring kainin ng mga ito at pagkatapos ay bumabalik para kumain pa.29

“Dumating ang mga seagull sa malalaking kawan mula sa lawa at inubos ang mga kuliglig sa kanilang paglisan,” iniulat ni John Smith kay Brigham noong ika-9 ng Hunyo. “Tila ang kamay ng Panginoon ay nasa ating pagsang-ayon.”30 Higit pa ang kuliglig kaysa kayang kainin ng mga seagull, ngunit nagawang kontrolin ng mga ibon ang mga insekto. Nakita ng mga Banal ang mga seagull bilang mga anghel na isinugo mula sa Diyos, at nagpasalamat sila sa Panginoon sa pagsagot sa kanilang mga panalangin upang iligtas ang kanilang mga nasirang taniman at muling maitanim ang kanilang mga pananim.31

“Ang mga kuliglig ay marami pa rin at abalang kumakain,” pansin ni John pagkaraan ng dalawang linggo, “ngunit sa pagitan ng mga seagull, ng aming pagsisikap, at sa pagtubo ng aming mga pananim, kami ay makapag-aani ng maraming butil sa kabila ng mga ito.” Ang pag-aani ay hindi magiging kasindami tulad ng inaasahan nila, ngunit wala ni isa sa lambak ang magugutom. At ang grupong ipinadala ni John sa California noong Nobyembre ay bumalik na may dalang halos dalawang daang baka, iba’t ibang prutas, at ilang butil ng binhi.

“Nagtatamo tayo ng pondo ng kaalaman,” nalulugod na nag-ulat si John, “at, karamihan ay nakakaramdam ng lakas ng loob at lubos na nasisiyahan.”32


Dalawang buwan sa kanilang paglalakbay, si Louisa at ang kanyang mga anak na babae ay humimpil sa Independence Rock, isang malaking piraso ng granite na nakatayo na parang isang napakalaking bahay-pagong sa tabi ng Ilog Sweetwater. Nahihirapang umaakyat sa tuktok ng bato, nakita nila ang mga pangalan ng mga manlalakbay na nakaukit at ipininta sa bato. Habang nasa daan, walang kasama maliban sa kanilang mga sarili, madalas maisip ni Louisa ang mga Banal na nag-iisa sa malawak na ilang. Ngunit ang mga pangalan, napakarami at hindi pamilyar, ay nagpaalala sa kanya na hindi sila ang mga unang tao na nagawi sa ganitong daan—ni malamang ang huli.

Nadama niya na tila hindi siya isang palaboy, kahit na ang kanyang pamilya ay itinaboy mula sa Nauvoo. Dumating ang mga pagpapala sa kanilang pagkakatapon. Kung hindi tumalilis patungo sa ilang ang mga Banal, natanto niya, hindi nila makikita kung anong kagandahan ang mayroon sa kalikasan.

Mula sa kinatatayuan niya, malinaw na nakita ni Louisa ang nakapaligid na lupain. Ang grupo ni Brigham ay humimpil sa paanan ng bato, nakaikot ang mga bagon sa karaniwang paraan. Lampas nila, pumupulupot ang Ilog Sweetwater tulad ng isang ahas na patawid ng kapatagan, ang ibabaw na kulay-pilak na asul habang naglalaho sa likod ng Devil’s Gate, isang maringal na pares ng talampas walong kilometro pakanluran.

Ang Diyos, naalala niya, ay nakagawa ng isang magandang daigdig para masiyahan ang Kanyang mga anak. “Lahat ng bagay na nanggagaling sa lupa,” mababasa sa isa sa mga pahahayag, “ay ginawa para sa kapakinabangan at gamit ng tao, kapwa upang makalugod sa mata at upang pasiglahin ang puso.”

Sina Louisa at iba pang mga miyembro ng kanyang grupo ay inukit ang kanilang mga pangalan sa Independence Rock, pagkatapos ay pumasok sa isang siwang sa pamamagitan ng isang makitid na daan na nagdala sa kanila sa natural na bukal ng sariwa at malamig na tubig. Sila ay uminom at uminom, nagpapasalamat na hindi ito ang maputik na tubig ng ilog na inasahan nila mula nang lisanin ang Winter Quarters. Nasiyahan, iniwan nila ang bukal at hinanap ang kanilang daan pabalik sa kampo.

Sa mga dumating na linggo, naglakbay sina Louisa at kanyang mga anak na babae sa gitna ng matataas na dalisdis, malalalim na putik, at mga halamang willow. Nagagawa ng kanyang mga anak ang kailangang gawin, at bawat araw sila ay mas nagagawang magsarili, walang sinumang pinahihirapan. Isang umaga, nagising ang labintatlong taong gulang na si Frances at nagsimula ng apoy bago ang sinuman sa kampo. Kaagad nagtungo ang mga tao sa lugar ng kanilang kampo upang purihin siya at humingi ng ningas upang simulan ang kanilang sariling apoy.

“Dahan-dahan tayong sumusulong, umuusad nang paunti-unti sa bawat araw,” isinulat ni Louisa sa kanyang journal. “Aking nadarama ngayon na tila maaari akong maglakbay ng mahigit isang libong kilometro pa.”33