Kasaysayan ng Simbahan
31 Ang Mga Nawasak na Hibla ng Buhay


“Ang Mga Nawasak na Hibla ng Buhay,” kabanata 31 ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 2, Walang Kamay na Di Pinaging Banal, 1846-1893 (2020)

Kabanata 31: Ang Mga Nawasak na Hibla ng Buhay

Kabanata 31

Ang Mga Nawasak na Hibla ng Buhay

Lalaking suot ang guhitang uniporme ng bilanggo

Sa isang malamig na araw noong Enero 1879, umupo si Ovando Hollister sa tanggapan ni John Taylor. Si Ovando ay isang maniningil ng buwis sa Teritoryo ng Utah na kung minsan ay nagsusulat ng mga artikulo sa isang pahayagan sa mga estado sa silangan. Matapos magbigay ng hatol ang Korte Suprema ng Estados Unidos sa kaso ni George Reynolds, nais ng pahayagan na malaman ni Ovando kung ano ang nasasaisip ni John, ang senior na apostol ng Simbahan, tungkol sa desisyon.

Karaniwang hindi nagbibigay ng mga panayam sa mga mamamahayag si John, subalit dahil isang kinatawan ng pamahalaan ang nagtatanong, nadama niya na obligado siyang ipaalam ang kanyang mga pananaw tungkol sa kalayaan sa relihiyon at sa pasiya ng Korte Suprema. “Ang isang paniniwalang relihiyon ay nagiging walang halaga maliban na lamang kung kami ay pinahintulutang ipatupad ito,” sinabi niya kay Ovando. Hindi makatarungan ang desisyon ng korte, paliwanag niya, dahil nililimitahan nito ang karapatan ng mga Banal na ipamuhay ang kanilang mga paniniwala. “Hindi ako naniniwala na ang Korte Suprema ng Estados Unidos o ang Kongreso ng Estados Unidos ay may anumang karapatang makialam sa aking mga pananaw sa relihiyon,” sinabi niya.

Sulit ba na ipagpatuloy ang pagsasagawa ng maramihang pag-aasawa, tinanong ni Ovando, kung nangangahulugan ito ng palagiang oposisyon mula sa pamahalaan?

“May paggalang kong sasabihin na hindi kami ang mga pangkat na nagsimula ng suliraning ito,” sabi ni John. Naniniwala siya na ang konstitusyon ng Estados Unidos ay pumoprotekta sa karapatan ng mga Banal na isabuhay ang maramihang pag-aasawa. Sa pamamagitan ng pagpapasa ng isang batas na labag sa Saligang-Batas, ikinatwiran ni John, nilikha ng Kongreso ang anumang umiiral na tensyon sa pagitan ng Simbahan at ng bansa. “Ito ngayon ay nagiging isang tanong kung dapat ba nating sundin ang Diyos o ang tao,” sabi niya.

“Hindi ba ninyo maaaring tuluyang ihinto ang poligamya,” tinanong ni Ovando, “sapagkat walang posibilidad na mabago ang opinyon at batas ng bansa laban dito?” Hindi niya inisip na magtatagal pa ang Simbahan kung patuloy itong sasalungat sa batas laban sa poligamya.

“Ipauubaya namin iyon sa Diyos,” sabi ni John. “Kanyang tungkulin na pangalagaan ang kanyang mga Banal.”1


Noong tagsibol na iyon, sa Brigham Young Academy, sinisimulan ni Susie Young ang bawat araw sa paaralan ng alas-otso y media sa umaga. Nagtitipon ang mga estudyante sa isang gusaling may dalawang palapag na yari sa ladrilyo sa Center Street sa Provo. Binubuo sila ng mga maliliit na bata at kababaihan at kalalakihan sa kanilang ikatlong dekada. Karamihan ay hindi sanay sa pagpasok sa paaralan nang araw-araw at pagsisimula sa takdang oras. Ngunit iginiit ni Punong-gurong Karl Maeser ang kahustuhan sa oras.2

Gustung-gusto ni Susie na nasa akademya siya. Ang isa sa kanyang mga kaklase, si James Talmage, ay isang bagong dayo mula sa England na may hilig sa agham. Isa pa, si Joseph Tanner, ay nagtrabaho sa pabrika ng lana sa Provo at nahikayat si Punong-gurong Maeser na simulan ang mga klase sa gabi para sa mga manggagawa sa pabrika.3 Ang pangulo ng pabrika, si Abraham Smoot, ang namumuno sa lupon ng mga direktor ng akademya. Ang anak nito na si Anna Christina ay nagtuturo sa mga batang estudyante sa ilang bahagi ng araw habang siya mismo ay nag-aaral. Ang kanyang nakababatang kapatid na si Reed ay nag-aaral din, naghahanda para sa isang karera sa negosyo.4

Nilinang ni Punong-gurong Maeser ang pagmamahal ng kanyang mga estudyante sa ebanghelyo at pagkatuto. Hiniling sa kanya ni Brigham Young na gawing mga pamantayang aklat-aralin ang Biblia, ang Aklat ni Mormon, at ang Doktrina at mga Tipan. Nag-aaral ang mga estudyante ng mga kurso sa mga alituntunin ng ebanghelyo kasabay ng mga karaniwang paksang akademiko. Bawat Miyerkules ng hapon, tinitipon ni Punong-gurong Maeser ang mga estudyante para sa isang debosyonal. Pagkatapos magdasal, magbibigay sila ng patotoo at ibabahagi ang kanilang natutuhan sa klase.5

Tulad ng ginawa niya ilang taon na ang nakararaan habang nagtuturo sa bahay ng mga Young sa Lunsod ng Salt Lake, hinimok ni Punong-gurong Maeser na linangin ni Susie ang kanyang potensyal. Hinimok niya ito na magsulat at ipinaalala rito na hangarin ang mataas na pamantayan sa pag-aaral nito. Pinagkatiwalaan din niya ito na tumulong sa pagsusulat ng mga opisyal na tala ng mga debosyonal.

Dahil iilan lang ang mga bihasang guro ng Utah, madalas kumalap si Punong-gurong Maeser ng mga guro mula sa kanyang mas matatandang mag-aaral. Isang araw, habang naglalakad pauwi pagkatapos ng klase kasama sina Susie at ang ina nito na si Lucy, bigla siyang tumigil sa gitna ng kalsada.

“Sapat bang nauunawaan ni Binibining Susie ang musika upang ituro ito?” tanong ni Karl.

“Oo kaya niya,” tugon ni Lucy. “Nagtuturo na siya simula pa noong siya ay labing-apat na taong gulang.”

“Pagninilayan ko ang ukol doon,” sabi ng punong-guro.

Sa loob ng ilang araw, sinimulan ni Susie ang pag-oorganisa sa departamentong pangmusika ng akademya sa ilalim ng pamamahala ni Punong-gurong Maeser. Dahil walang piano ang akademya, bumili si Susie ng isa na magagamit niya at ng kanyang mga estudyante. Nang mayroon na siyang silid-aralan, tinulungan siya ni James Talmage na gumawa ng iskedyul ng mga oras para sa pagtuturo, mga panahon ng pagsasanay para sa mga konsiyerto, at indibidwal na leksyon para sa kanyang mga estudyante. Ginugugol niya ngayon ang karamihan sa kanyang panahon bilang guro ng musika.6

Bagama’t lubos na nasisiyahan si Susie sa akademya, nahirapan pa rin siyang harapin ang diborsiyo. Ang kanyang anak na lalaki, si Bailey, ay kasama niya sa Provo, ngunit ang dati niyang asawa ay ipinadala ang kanyang anak, si Lea, sa piling ng pamilya nito sa Lawa ng Bear, mahigit 240 kilometro sa hilaga. Nag-aalala si Susie na nasira niya ang kanyang buhay, at inisip niya kung nasira niya ang kanyang mga pagkakataon para sa kaligayahan.

Nitong mga huling araw, nagsimula siyang makipagpalitan ng liham kay Jacob Gates, isang kaibigan mula sa St. George na nasa misyon sa Hawaii. Noong una ay pawang pangmagkaibigan lamang ang kanilang mga liham, ngunit pagtagal ay nagsimula sila ni Jacob na mas magtiwala sa isa’t isa. Ibinahagi ni Susie ang kanyang mga panghihinayang tungkol sa kanyang unang kasal, ang kanyang kagalakan sa akademya, at ang kanyang hangarin na gumawa nang higit pa sa buhay niya kaysa magturo sa mga klase ng musika.

“Hindi, Jake, hindi ko nais na manatiling isang guro lamang sa buong buhay ko,” sinabi niya rito sa isang liham. “Nais kong maging isang manunulat kalaunan. Kapag sapat na ang aking natutuhan.”

Nang matapos ang semestre, nagplano si Susie na tumungo sa Hawaii kasama si Zina Young, isa sa mga balo ng kanyang ama na tinawag niyang “isa pang ina,” upang bisitahin ang mga Relief Society. Umaasa siyang makita si Jacob habang naroon siya. Bagama’t natatakot siya na napaglipasan na siya ng panahon, nanampalataya pa rin siya na hindi siya kinalilimutan ng Langit.

“Ang Diyos ay mabuti,” isinulat ni Susie kay Jacob, “at tutulungan Niya akong pulutin ang mga nawasak na hibla ng buhay at ayusin ang mga ito para maging isang bagay na kapaki-pakinabang.”7


Pagkaraan ng apat na araw na paglalakbay lulan ng tren, dumating si George Reynolds sa piitan ng estado ng Nebraska, mga 1,450 kilometro sa silangan ng Lunsod ng Salt Lake, upang gugulin ang kanyang dalawang-taong sentensiya dahil sa bigamya. Sa loob, kinumpiska ng mga bantay ang kanyang mga ari-arian, kabilang na ang kanyang mga damit at temple gaments. Matapos niyang maligo, ginupit nila nang maikli ang kanyang buhok at inahit ang kanyang balbas.

Itinalaga sa kanya ang isang selda at binigyan ng isang magaspang na polo, isang pares ng sapatos, isang sombrero, at isang asul-at-puting-de-guhit na uniporme ng mga bilanggo. Tatlong beses sa isang araw, tahimik na nagmamartsa si Reynolds kasama ang ibang mga bilanggo patungo sa mesa ng pagkain, kung saan niya kukunin ang kanyang pagkain at pagkatapos ay babalik sa kanyang selda upang mag-isang kumain. Makalipas ang ilang araw, ibinalik ng mga opisyal sa bilangguan ang kanyang garments, at nagpasalamat siya na ang kanyang mga paniniwala sa relihiyon ay iginagalang sa aspetong ito.

Sa loob ng sampung oras bawat araw, anim na araw sa isang linggo, nagtrabaho si Reynolds bilang tagapagtuos sa tindahan ng paggatsilyo ng bilangguan. Tuwing Linggo, dumadalo siya sa isang maikling pagpupulong na panrelihiyon para sa mga bilanggo. Isang beses kada dalawang linggo, pinapahintulutan ng mga patakaran sa bilangguan na magsulat siya sa kanyang mga asawa, sina Mary Ann at Amelia. Hiniling niya sa kanila na sumulat sa dalas na kaya nila ngunit dapat na laging isaisip na ang kanilang mga liham ay bubuksan at babasahin bago ihatid sa kanya.8

Makalipas ang isang buwan, inilipat si Reynolds sa bilangguan sa teritoryo sa Utah, isang paglilipat na isinulong ni George Q. Cannon sa Washington, DC.9

Sa Ogden, niyakap si Reynolds ng kanyang pamilya habang lumilipat siya ng istasyon at sumakay ng tren papuntang Lunsod ng Salt Lake. Ang kanyang mga musmos na anak ay hindi siya nakilala dahil wala siyang balbas.

“Mapanatag na maraming mas masahol na lugar sa mundo kaysa sa bilangguan dahil sa iyong mga paniniwala,” kalaunang iniliham ni Reynolds sa kanyang pamilya. “Hindi nito kayang alisin ang kapayapaang nananaig sa puso ko.”10


Noong tag-init na iyon, sa katimugang Estados Unidos, ang dalawampu’t dalawang taong gulang na si Rudger Clawson at kanyang kompanyon sa misyon, si Joseph Standing, ay nangangaral sa isang bukirin sa estado ng Georgia. Si Rudger, isang dating klerk sa tanggapan ni Brigham Young, ay isang bagong missionary. Ang dalawampu’t apat na taong gulang na si Joseph, sa kabilang banda, ay nakapaglingkod na sa isang misyon at ngayon ay namumuno sa mga branch ng Simbahan sa lugar.11

Ang rehiyon kung saan sila nagtatrabaho ay nawasak noong Digmaang Sibil ng Amerika, at maraming tao roon ang mapaghinala sa mga tagalabas. Mula noong ilabas ang hatol sa kaso ni George Reynolds, naging mas galit ang rehiyon laban sa mga Banal sa mga Huling Araw. Nagkakalat ng mga sabi-sabi ang mga mangangaral at mga pahayagan tungkol sa mga elder, at ipinipilit ng mga mandurumog ang kanilang mga sarili sa mga bahay ng mga taong pinaghihinalaan nilang nagtatago ng mga “Mormon” missionary.

Takot si Joseph na mahuli ng mga mandurumog, batid na kung minsan ay itinatali nila ang kanilang mga biktima sa isang troso at hinahagupit ang mga ito ng latigo. Sinabi niya kay Rudger na mas nanaisin niyang mamatay kaysa latiguhin.12

Noong umaga ng Hulyo 21, 1879, nakita nina Rudger at Joseph ang isang dosenang kalalakihan na naghihintay sa kanila sa daan. Tatlo sa mga lalaki ay nakasakay sa kabayo, habang ang iba ay nakatayo lamang. Bawat lalaki ay may dalang baril o batuta. Tumigil ang mga elder habang tahimik silang pinagmamasdan ng mga lalaki. Pagkatapos, sa isang mabilis na kilos, hinubad ng mga lalaki ang kanilang mga sumbrero at sinugod ang mga missionary. “Kayo ay aming mga bihag,” hiyaw ng isang lalaki.

“Kung mayroon kang utos ng pagpapadakip, nais naming makita ito,” sinabi ni Joseph. Ang kanyang tinig ay malakas at malinaw, subalit namumutla siya.

“Ang Estados Unidos ng Amerika ay laban sa inyo,” sabi ng isa pang lalaki. “Walang batas sa Georgia para sa mga Mormon.”

Nakabunot ang mga baril, dinala ng mga mandurumog ang mga missionary sa loob ng kalapit na kakahuyan. Sinikap ni Joseph na kausapin ang kanilang mga lider. “Hindi namin layuning manatili sa bahaging ito ng estado,” sinabi niya. “Ipinapangaral namin ang nauunawaan namin bilang katotohanan at hinahayaan ang mga tao na tanggapin ito o hindi.”

Walang naging epekto ang kanyang mga salita. Hindi nagtagal ay naghiwalay ang mga mandurumog, at ilan sa mga lalaki ay dinala sina Rudger at si Joseph sa lugar na katabi ng bukal ng malinis na tubig.

“Nais kong maunawaan ninyong mga lalaki na ako ang kapitan ng pangkat na ito,” sabi ng isang mas matandang lalaki. “Kung makita namin kayong muli sa bahaging ito ng bansa, bibigtiin namin kayo sa leeg tulad ng mga aso.”

Sa halos dalawampung minuto, nakinig ang mga missionary habang inaakusahan sila ng mga lalaki ng pagpunta sa Georgia upang dalhin ang kanilang mga asawa at anak na babae sa Utah. Marami sa mga sabi-sabi sa Timog tungkol sa mga missionary ay batay sa mga lubhang hindi tumpak na ideya tungkol sa maramihang pag-aasawa, at ilang kalalakihan ang nakadama na tungkulin ng kanilang dangal na ipagtanggol ang kababaihan sa kanilang mga pamilya sa anumang paraang kaya nila.

Natapos ang mensahe nang dumating sa bukal ang tatlong nangangabayo. “Sumunod kayo sa amin,” sabi ng isang lalaki na may riple.

Tumayo si Joseph. Siya ba ay lalatiguhin nila? Isa sa mga mandurumog ay nag-iwan ng isang baril sa isang tuod, at mabilis na kinuha ito ni Joseph.

“Sumuko kayo!” sigaw niya sa mga mandurumog.

Isang lalaki sa kaliwa ni Joseph ang tumayo at binaril siya sa mukha. Saglit na nakatayong hindi gumagalaw si Joseph, pumihit, at bumagsak sa sahig ng kagubatan. Napuno ng usok at alikabok ang paligid niya.

Idinuro ng pinuno ng mga tao ang daliri nito kay Rudger. “Barilin ang taong iyan!” sigaw niya. Luminga-linga sa paligid niya si Rudger. Bawat lalaking may baril ay itinutok ito sa kanyang ulo.

“Magpaputok kayo,” sabi ng Rudger, humalukipkip. Dilat ang kanyang mga mata, ngunit tila naging madilim ang mundo.

“Huwag kang magpaputok,” sigaw ng lider ng mga mandurumog, nagbabago ang isip nito. Ibinaba ng iba pang kalalakihan ang kanilang mga sandata, at yumukod si Rudger katabi ang kanyang kompanyon. Gumulong si Joseph at napahiga. Nagkaroon siya ng isang malaking tama ng baril sa kanyang noo.

“Hindi ba ito kahila-hilakbot na binaril niya ang kanyang sarili?” sabi ng isa sa mga mandurumog.

Ang nangyari ay pagpatay, hindi pagpapakamatay, batid ni Rudger. Subalit hindi siya naglakas-loob na hindi sumang-ayon sa lalaki. “Oo, ito ay kakila-kilabot,” tugon niya. “Kailangang humingi tayo ng tulong.” Wala ni isa sa mga mandurumog ang gumalaw, at nag-alala si Rudger. “Kailangan ninyong umalis, o ako ang ipadala ninyo,” giit niya.

“Humayo ka at humingi ng tulong,” sinabi ni isang lalaki sa kanya.13


Noong Linggo, ika-3 ng Agosto, nakatingin si John Taylor sa sampung libong taimtim na mukha mula sa pulpito sa tabernakulo sa Lunsod ng Salt Lake. Sa likod niya, ang mga upuan ay nalalatagan ng itim na tela at nagagayakan ng mga bulaklak. Ang mga lalaking inorden sa priesthood ay magkakatabing nakaupo habang ang iba pang mga Banal ay naupo sa mga natitirang upuan sa sahig at sa mga upuan sa itaas na palapag. Malapit sa pulpito, kitang-kita ng kongregasyon, nakahimlay ang kabaong ni Joseph na napapalamutian ng mga bulaklak.14

Matapos siyang pakawalan ng mga mandurumog, nakahanap ng tulong si Rudger Clawson mula sa isang kaibigan na nakatira sa kalapit na lugar at nagpadala ng telegrama sa Lunsod ng Salt Lake na nag-uulat tungkol sa pagpaslang kay Joseph. Pagkatapos ay bumalik siya sa lugar ng pagpaslang kasama ang isang coroner o imbestigador ng mga namatay upang makuha ang labi ng kanyang kompanyon na pininsala ng mga karagdagang bala sa kanyang pagkawala. Pagkaraan ng isa’t kalahating linggo, inihatid ni Rudger ang bangkay na nakalagay sa isang mabigat na kahon na yari sa bakal pabalik sa Utah sakay ng tren. Ang balita tungkol sa pagpaslang ay mabilis na kumalat sa lahat ng bahagi ng teritoryo.15

Nakibahagi si John sa galit at kalungkutan ng mga Banal. Ngunit naniwala siya na dapat nila itong ipagmalaki at ipagdalamhati. Si Joseph ay namatay nang matwid sa layunin ng Sion. Ang pagpaslang sa kanya ay hindi pipigil sa pagsulong ng gawain ng Diyos.16 Patuloy ang mga Banal sa pagtatayo ng mga templo, pagpapadala ng mga missionary sa buong mundo, at pagpapalawak ng mga hangganan ng Sion.

Sa ilalim ng pamumuno ni Brigham Young, nagtayo ang mga Banal ng daan-daang pamayanan sa kanlurang Estados Unidos, palabas na lumalaganap mula Utah patungo sa kalapit na Nevada, Wyoming, New Mexico, at Idaho. Noong huling taon ng kanyang buhay, nagpadala si Brigham ng dalawandaang nandarayuhan na manirahan sa tabi ng Ilog Little Colorado sa hilagang-silangang Arizona.

Kamakailan lamang, sa panawagan ni John Taylor, pitumpung bininyagan mula sa timog Estados Unidos ang sumama sa mga Banal na Scandinavian upang tumira sa isang bayan na tinatawag na Manassa sa kalapit na estado ng Colorado. Sa timog-silangang Utah, isang malaking grupo ng mga Banal ang tinatawid ang mga malalalim na bangin ng lupain upang magtayo ng isang tahanan sa tabi ng Ilog San Juan.17

Batid ni John na patuloy na pupunuin ng mga alituntunin ng katotohanan ang mundo, sa kabila ng mga kamay na di pinaging banal na sinisikap na pigilan sila. “Ang tao ay maaaring sumubok na agawin ang ating mga ari-arian; maaari nilang subukan na paslangin tayo gaya ng mga tao sa iba pang pagkakataon,” sabi niya, “ngunit sa ngalan ng Diyos ng Israel, ang Sion ay magpapatuloy at uunlad.”18


Umihip ang hangin sa mga taniman ng gabi habang sakay ng karwahe sina Zina at Susie Young sa kanilang paglalakbay sa matataas na bundok na naghahati sa isla ng Oahu. Naglalakbay sina Zina at Susie mula Honolulu patungong Laie, ang lugar ng pagtitipon para sa mga Banal na Hawaiian. Napakatarik ng dulong bahagi ng gulod kaya isang gabay na bakal sa isang banda ang ikinabit upang hindi madulas o malaglag ang mga manlalakbay. Kinailangan ang tulong ng dalawang lalaki na humihila sa isang matibay na lubid upang patatagin ang karwahe habang ito ay bumababa sa luntiang lambak.19

Ang Simbahan ngayon ay matatag na sa mga Isla ng Hawaii, na may halos isa sa bawat labindalawang Hawaiian ang Banal sa mga Huling Araw.20 Noong dumating sina Zina at Susie sa Laie, sinalubong sila ng mga Banal na may bandila, musika, at pagsasayaw. Pinaupo nila ang kanilang mga bisita para sa isang piging ng pagsalubong at nagtanghal ng isang awitin na isinulat nila para lamang sa okasyon.

Habang siya ay nag-aayos sa para sa dalawang buwang pananatili, nakilala ni Zina ang mga Banal na, tulad niya, ay mga pioneer na may puti nang buhok. Kabilang sa kanila ang pangulo ng Relief Society na si Mary Kapo, ang hipag ni Jonathan Napela, ang matatag na missionary na Hawaiian at lider ng Simbahan. Noong naunang bahagi ng tag-init na iyon, pumanaw si Napela sa Molokai, na tapat sa kanyang patotoo, nauna lamang ng dalawang linggo sa kanyang asawa, si Kitty.21

Gustung-gusto ni Zina ang kanyang oras sa piling ng mga Banal na Hawaiian. Siya at si Susie ay madalas nakikipagpulong sa Relief Society at sa mga kabataang babae. Sa kanilang unang pulong, nagdala ang mga kababaihang Hawaiian ng melon, isang maliit na bag ng kamote, pipino, mga itlog, isda, at repolyo. “Inakala ko na ang mga donasyon ay para sa mga maralita,” isinulat ni Zina sa kanyang journal, “ngunit ang mga ito pala ay tanda ng pagkakaibigan namin.”22

Isang gabi, nagtipon ang ilang Banal sa isang bahay upang marinig si Jacob Gates, ang kaibigang missionary ni Susie, na tugtugin ang “O My Father” sa isang organ na binili ni Zina para sa mga Banal sa Laie. Habang nakikinig siya na umawit ang mga Hawaiian, naisip ni Zina ang kaibigan niyang si Eliza Snow na sumulat ng himno sa Nauvoo maraming taon na ang nakararaan. Itinuro ng himno ang tungkol sa mga Magulang sa Langit at iba pang mga katotohanang unang natutuhan ni Zina mula kay propetang Joseph Smith. Ngayon ang himno ay inaawit sa ibang panig ng mundo.23

Tatlong araw kalaunan, magkasamang naglakbay sina Susie at Jacob paakyat sa mga bangin. Sumulat si Susie kay Jacob ng isang maikling liham ng pag-ibig dalawang linggo na ang nakararaan habang ginugol nito ang araw malayo sa Laie, na inaasikaso ang gawaing misyonero.

“Iniisip kita ngayon, malayo na nasa mga burol,” isinulat niya. “Ikaw ba ay humihiling, tulad ko, na hindi kailangang magtrabaho ngayon, upang ating mapag-usapan ang hinaharap at ipahayag sa napakaraming paraan ang nasa ating mga isipan?”24

Habang nagliligawan sina Susie at Jacob, nagplano si Zina upang ipagdiwang ang ikalawang anibersaryo ng pagkamatay ni Brigham Young kasama ang mga Banal na Hawaiian. Noong ika-29 ng Agosto, ginunita ng mga miyembro ng Simbahan sa buong Laie ang okasyon kasama niya at ni Susie. Ginanyakan ng mga batang lalaki at batang babae ang meetinghouse habang ang kababaihan ng Relief Society ay bumili ng karne ng baka para sa isang piging at ang iba pang mga Banal ay naghukay sa lupa upang gawing lutuan ng karne.

Pinahahalagahan ni Zina ang kanilang mga pagsisikap. Pinupuri nila hindi lamang ang kanyang yumaong asawa, pakiramdam niya, kundi ang mga alituntunin din na kanyang pinagsikapang itanim sa mga Banal.

Noong sumunod na Linggo, tumulong si Zina na magtatag ng bagong Relief Society na may tatlumpung miyembro. Umalis siya at si Susie kinabukasan. Habang naglalakbay silang palayo nang palayo mula sa isla, tinanong ni Zina si Susie kung natutuwa ba itong umuwi na. Naguguluhan si Susie. Sabik siyang makita muli ang kanyang mga anak, ngunit pinanabikan din niyang makasama ang taong inaasahan niya ngayong pakasalan.

“Hinihiling ko na sana ay mabilis akong makakabalik sa kung nasaan ka,” isinulat niya kay Jacob habang naglalayag pabalik sa Utah. “Hindi kita maaaring makita ngayon, at ang tanging magagawa ko lamang ay maupo at mangarap at mangarap ng masasayang nakaraan at pinagpalang hinaharap.”25


Nakatira si Meliton Trejo sa katimugang Arizona noong tumanggap siya ng tawag mula kay Pangulong Taylor na maglingkod sa isang misyon sa Lunsod ng Mexico. Mahigit tatlong taon na mula nang nagpaalam si Meliton sa mga unang missionary na patungong Mexico. Habang nasa kanilang paglalakbay, namigay ang mga missionary ng mga kopya ng mga salin ni Meliton sa mga talata sa Aklat ni Mormon. Hindi nagtagal ay nagsimulang tumanggap ng mga liham ang mga lider ng Simbahan mula sa mga mambabasa ng Trozos selectos na humihingi ng mas maraming missionary.

Napatunayan ni Meliton ang kanyang sarili sa pamamagitan ng kanyang gawain sa pagsasalin, at ngayon ay inihahanda niya ang sarili upang samahan sina James Stewart at ang bagong tawag na si apostol Moses Thatcher sa isang paglalakbay patungo sa kabisera ng Mexico.

Nagkita ang tatlong missionary noong Nobyembre sa New Orleans, kung saan sila sumakay ng bapor patungo sa Veracruz. Mula roon, naglakbay sila patungong Lunsod ng Mexico sakay ng tren.26 Isang araw matapos silang dumating, sinalubong sila sa kanilang hotel ni Plotino Rhodakanaty, isang pinuno ng isang grupo ng humigit-kumulang dalawampung nagsisisampalataya sa Lunsod ng Mexico. Si Plotino, isang tubong Greece, ay malugod silang sinalubong. Ang mga liham nito kay Pangulong Taylor ay naging mahalagang kasangkapan sa paghikayat sa mga apostol na magpadala ng mga missionary sa lunsod.27 Habang naghihintay si Plotino sa kanila, siya at ang iba pang mga hindi nabibinyagang sumasampalataya ay nagsimulang maglathala ng isang pahayagan tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo na tinatawag na La voz del desierto (Ang tinig ng disyerto).28

Kalaunan nang linggong iyon, nagtungo ang mga missionary sa isang tahimik na taniman ng olibo sa labas ng lunsod, at bininyagan ni Moses sina Plotino at ang kaibigan niyang si Silviano Arteaga sa isang lawang mainit at dinadaluyan ng bukal. “Nakangiti ang lahat ng kalikasan sa paligid namin, at naniniwala ako na ang mga anghel ay nagsasaya sa itaas,” isinulat ni Moses sa kanyang journal.29

Sa loob ng ilang araw, nabinyagan ni Meliton ang anim pang katao. Nagtatag ng isang branch ang mga missionary at nagsimulang magdaos ng mga pagpupulong sa bahay ni Plotino. Tinuruan nila ng ebanghelyo ang bawat isa at nangasiwa sa mga maysakit. Hinirang ni Moses si Plotino na maglingkod bilang pangulo ng branch, kasama si Silviano at isa pang bagong binyag, si Jose Ybarola, bilang mga tagapayo.

Matapos ang maingat na pagpaplano at pananalangin, nagpasiya ang mga missionary na isalin ang Voice of Warning [Tinig ng Babala] ni Parley Pratt at iba pang mga polyeto ng Simbahan. Kung minsan ay may kinakailangang sakripisyo ang pagsapi sa Simbahan, tulad ng natutuhan ni Plotino noong nawalan siya ng trabaho bilang guro sa paaralan dahil sa pagtanggi niyang itatwa ang kanyang bagong relihiyon. Ngunit lumalaki ang maliliit na branch, at nadama kapwa ng mga missionary at mga bagong miyembro na sila ay nakikibahagi sa isang napakahalagang bagay.

Natapos nina Meliton, James, at Plotino ang pagsasalin ng Voice of Warning noong Enero 8, 1880. Ilang araw kalaunan, sumulat si Moses kay Pangulong Taylor, iniuulat ang pag-unlad ng mission.

“Gagamitin natin ang lahat ng pagkakataon upang matamo ang makabuluhang kaalaman at kasabay nito ay gagawin ang lahat upang palawakin ang kaalaman ng mga katotohanan ng ebanghelyo,” pagtitiyak niya kay John. “At naniniwala tayo na tumulong ang Panginoon at patuloy tayong tutulungan.”30