“Habang Pinatutunayan Natin na Handa Na ang Ating Sarili,” kabanata 2 ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 3, Magiting, Marangal, at Malaya, 1893–1955 (2021)
Kabanata 2: “Habang Pinatutunayan Natin na Handa Na ang Ating Sarili”
Kabanata 2
Habang Pinatutunayan Natin na Handa Na ang Ating Sarili
Habang nagtatamasa ang mga Banal sa Estados Unidos ng magandang reputasyon at mabuting ugnayan sa iba, isang missionary na nagngangalang John James ang humaharap sa mga mangungutya sa timog-kanlurang England. Sa isang pulong, nagparatang ang isang lalaki na ang mga Banal sa Utah ay mga mamamatay-tao. Sa isa naman, may nagsabi na pumunta ang mga missionary sa England upang akitin ang mga kabataang babae at dukutin sila upang gawing isa sa maraming asawa. Hindi nagtagal pagkaraan niyon, sinubukan ng isa pa na kumbinsihin ang mga tao na hindi naniniwala si John at ang kanyang mga kasama sa Biblia—kahit nangangaral sila mula rito sa pulong.
Sa isang pagtitipon, ginambala ng isang lalaki ang mga missionary upang sabihing nagpunta siya sa Lunsod ng Salt Lake at nakita ang dalawang daang kababaihan na tinitipon sa isang kubol, kung saan mismong si Brigham Young ay nagpunta upang pumili ng dami ng asawa na nais niya. Batid ni John, na isinilang at lumaki sa Utah, na walang katotohanan ang kuwento. Ngunit ayaw pakinggan ng mga tao ang kanyang pagsalangsang.
Karamihan sa mga sinasabi ng mga kritiko na kanilang alam tungkol sa Simbahan, kutob ni John, ay nagmula kay William Jarman. Si William at ang kanyang asawang si Maria ay sumapi sa Simbahan sa England noong huling bahagi ng dekada ng 1860. Hindi nagtagal, nandayuhan sila sa New York kasama ang kanilang mga anak at si Emily Richards, ang kasamang baguhan ni Maria sa negosyo na pananahi ng damit—na, hindi alam ni Maria, ay ipinagbubuntis ang anak ni William. Kalaunan ay lumipat ang pamilya sa Utah, kung saan pinakasalan ni William si Emily bilang isa sa kanyang mga asawa at nagsimulang magnegosyo ng dry goods kung saan ang ibang suplay, di umano, ay ninakaw niya mula sa kanyang amo sa New York.
Hindi binago ng buhay sa Sion ang uri ng pamumuhay ni William. Isa siyang mapang-abusong asawa, at kapwa siya diniborsyo nina Maria at Emily. Siya rin ay pinaratangan ng malakihang pagnanakaw, na humantong sa kanyang pagkakakulong hanggang sa ipawalang-saysay ng mga hukuman ang kaso. Nawalan siya ng tiwala sa Simbahan, at nagsimulang pagkakitaan ang pagbibigay ng mga mensahe laban dito, at bumalik sa England. Kadalasan, nagagawa niyang maantig ang puso ng mga manonood gamit ang mga nakalulungkot na kuwento na nagpaparatang sa mga Banal na pumatay sa kanyang panganay na anak na si Albert.1
Nang makarating na si John James sa Great Britain, ilang taon nang naglalakbay upang magbigay ng mensahe sa publiko si William. Naglathala siya ng isang aklat na pinupuna ang Simbahan, at kung minsan ay sinasaktan ng kanyang mga tagasunod ang mga missionary. Sa isang bayan, ilan sa mga tagasunod ni William ang naghagis ng mga bato sa mga elder, na tumama sa mata ng isa.2
Sa kabila ng panganib, determinado si John na ipalaganap ang ebanghelyo sa Great Britain. “Marami kaming natanggap na pagsalungat mula sa mga lalaking nakarinig kay Jarman,” iniulat niya sa mga mission leader. “Palagay ko ay nakakaya naming harapin sila sa bawat pagkakataon at balak naming patuloy na magdaos ng mga pulong.”3
“Nagsasalita pa rin si Jarman laban sa atin at ginagamit ang pinakamalaswang pananalita,” isinulat ni apostol Anthon Lund sa kanyang asawang si Sanie sa Utah. Bilang bagong hirang na pangulo ng European Mission, na may punong-tanggapan sa Liverpool, England, alam na alam ni Anthon ang panganib na idinulot ni William Jarman sa gawain ng Panginoon. Binalewala ng maraming missionary ang bantang panganib dahil mula lamang ito sa isang hangal na lektyurer, ngunit naniniwala si Anthon na ito ay isang tusong kritiko kung saan ang mga panlilinlang ay hindi dapat maliitin.4
Nang sumapi siya sa Simbahan sa Denmark noong bata pa siya, naunawaan din ni Anthon kung gaano kahirap ang maging Banal sa mga Huling Araw sa Europa. Kapag sinasalungat sa kanilang mga paniniwala, makasusumpong ng katiyakan at lakas ang mga Banal sa Utah sa malalaking komunidad ng mga kapwa mananampalataya. Ngunit sa kabilang panig ng Atlantiko, walong libong Banal sa mga Huling Araw ang nagkalat sa kanlurang Europa at Turkey. Maraming Banal ay pawang kamakailan lamang nabinyagan na dumadalo sa maliliit na branch na kadalasang umaasa sa mga missionary para sa pamumuno at moral na suporta. Kapag kinukutya ng mga taong tulad ni Jarman ang Simbahan, ang mga branch na ito ay nagiging lubhang marupok.5
Nakita mismo ni Anthon ang mga paghihirap na naranasan ng mga branch nang kanyang binisita ang Great Britain, Scandinavia, at Netherlands noong tag-init at taglagas ng 1893. Kahit sa England, kung saan pinakamalakas ang Simbahan, nahirapan ang mga Banal na magsama-sama at magtulungan dahil malayo ang tirahan nila sa isa’t isa. Kung minsan ay hindi inaasahang makikilala ng mga missionary ang mga Banal na nawalan ng ugnayan sa Simbahan sa loob ng dalawampu o tatlumpung taon.6
Sa ibang lugar sa Europa, nakita ni Anthon ang gayon ding mga problema. Nalaman niya na isang popular na pastor sa Denmark ang nagsasalita laban sa Simbahan. Sa Norway at Sweden, nakilala ni Anthon ang mga missionary at miyembro ng Simbahan na kung minsan ay nakararanas ng oposisyon mula sa mga lokal na pamahalaan o iba pang mga simbahan. Sa Netherlands, nahirapan ang mga Banal dahil halos wala silang babasahin ng Simbahan sa kanilang wika bukod sa Aklat ni Mormon.
Sa buong kontinente, tapat ang mga Banal sa ebanghelyo. Ngunit iilan lamang sa mga branch ang talagang lumalago, at ang mga miyembro ng Simbahan ay kumakaunti sa ilang lugar.7
Sa mga nakalipas na dekada, nagtipon ang mga Banal na Europeo sa Utah, kung saan mas matibay na naitatag ang Simbahan. Subalit ang pamahalaan ng Estados Unidos, sa pag-asang mapigilan ang paglaganap ng maramihang pag-aasawa sa mga Banal, ay ipinahinto ang Perpetwal na Pondong Pang-imigrasyon ng Simbahan noong huling bahagi ng dekada ng 1880, na siyang humadlang sa Simbahan sa pagpapahiram ng pera sa mga maralitang Banal na nais lumipat sa Utah. Kasunod niyan, ang pandaigdigang krisis sa ekonomiya ang lalong nagpahirap sa buhay ng maraming Europeo. Ang ilang Banal na nag-iipon ng pera upang mandayuhan ay napilitang talikuran ang kanilang mga plano.8
Mahigpit din ang mga opisyal ng pandarayuhan ng Estados Unidos tungkol sa kung sino ang kanilang hahayaang pumasok sa bansa. Dahil iniisip pa rin ng ilang tao na nagpupunta sa Utah ang mga Banal na Europeo upang gawin ang maramihang pag-aasawa, inatasan ng mga lider ng Simbahan ang mga nandarayuhan na tumawid ng Atlantiko sa maliliit na grupo upang maiwasan na mapansin. Sa katunayan, hindi nagtagal pagkarating ni Anthon sa Europa, pinagsabihan siya ng Unang Panguluhan nang magpadala siya ng isang grupo ng 138 Banal sa Utah. Magpapunta ka ng hindi hihigit sa 50 na emigrante, babala nila sa kanya.9
Dahil walang kakayahan o awtoridad na magsagawa ng malakihang pandarayuhan, bihirang magsalita si Anthon sa publiko tungkol sa pagtitipon. Ngunit sa pribadong paraan ay hinikayat niya ang mga Banal na mandayuhan kung kaya nila itong tustusan. Noong huling bahagi ng Nobyembre, matapos bumalik sa England, may nakilala siyang matandang babae na may sapat na salaping naipon upang maglakbay patungong Utah. Pinayuhan niya itong manirahan sa Manti, hindi kalayuan sa tinitirhan ng sarili niyang pamilya.
“Maaari siyang magtrabaho sa templo,” naisip niya, “at tamasahin ang takipsilim ng kanyang buhay.”10
Samantala, bumalik si Leah Dunford sa Lunsod ng Salt Lake, nagsusulat ng mahahabang liham kay John Widtsoe na nasa Harvard University. Tulad ng ipinangako, nakipagkita siya sa ina nitong si Anna, isang apatnapu’t apat na taong gulang na balo na nakatira sa timog ng Salt Lake Temple. Sa pagbisita, ipinakita ni Anna kay Leah ang isang aparador ng aklat na ginawa ni John. Nagulat sa kasanayan sa pagkakarpintero ng iskolar, sinabi ni Leah, “Hayan, may maibibiro na ako kay John sa ngayon.”
“Ah,” sabi ni Anna, “sumusulat ka sa kanya, hindi ba?”
“Opo,” sabi ni Leah, biglang nag-alala na baka tumutol si Anna. Ngunit sinabi ni Anna na masaya siya na may kaibigan si John na katulad ni Leah.11
Matapos makumpleto ang kanyang kurso sa kalusugan at kalakasan ng katawan, pinagninilayan ni Leah kung ipagpapatuloy niya ang pag-aral sa isang unibersidad sa gitnang kanluran ng Estados Unidos. Gayunman, ang kanyang ina ay sumangguni kina Joseph F. Smith at George Q. Cannon, at naniwala na pinakamainam na hindi siya ipadala nang mag-isa sa isang lugar kung saan hindi itinatag ang Simbahan.
Nalulungkot man, nag-aral si Leah sa isang paaralan ng Simbahan sa Lunsod ng Salt Lake, at kumuha ng mga klase sa likas na agham at kimika mula kay James E. Talmage, ang pangulo ng paaralan at ang pinakapinagpipitaganang iskolar sa Simbahan. Bagama’t masaya si Leah sa kanyang mga klase at natututo ng maraming bagay mula sa kanyang mga propesor, naiinggit siya sa mga oportunidad ni John sa Harvard.
“Ah, sana naging lalaki na lang ako,” sabi nito sa kanya. “Magagawa ng kalalakihan ang anumang bagay sa mundo, ngunit kung may maiisip ang kababaihan maliban sa pag-aalaga ng kalalakihan, o pagluluto ng kanilang pagkain, ‘sila ay nalilihis sa dapat nilang kalagyan.’”
Nakahanap siya ng malaking suporta mula kay Propesor Talmage, na nagsabi kay Leah na sana ay mas maraming kabataang babae ang magnanais na magturo sa mga paaralan ng Simbahan. Ipinahiwatig din ni John ang kanyang suporta. “Wala akong higit na salitang masambit upang bigyang pugay ang iyong determinasyon sa paglaan ng iyong sarili sa ikabubuti ng iba,” isinulat niya. “Ibibigay ko sa iyo ang lahat ng tulong na maibibigay ko sa pamamagitan ng pananampalataya at panalangin.”12
Isang araw ng Linggo noong Disyembre 1893, dumating si Anna Widtsoe sa bahay ni Leah upang bumisita. Ikinuwento niya ang pagbibinyag sa kanya sa Norway at sa mga unang naranasan niya noon sa Simbahan. “Napakasaya ng kuwentuhan namin,” sinabi ni Leah kay John. “Pakiramdam ko ay napakamakasarili ko at hindi karapat-dapat kapag naririnig ko kung gaano karaming sakripisyo ang ginawa ng ibang tao para sa kanilang relihiyon.”
Nalungkot si Leah na ang mga kaedad niyang Banal ay kadalasang mas interesadong kumita ng pera kaysa sa umunlad sa espirituwal. Upang mapatibay ang bagong henerasyon, itinatag ng Simbahan ang Young Ladies’ Mutual Improvement Association at ang Young Men’s Mutual Improvement Association noong dekada ng 1870. Ang mga kabataan sa mga organisasyong ito ay karaniwang nagtitipon isang gabi bawat linggo upang pag-aralan ang ebanghelyo, linangin ang mga talento at mabubuting asal, at masiyahang makasama ang bawat isa. Inilathala rin ng mga organisasyon ang dalawang magasin, ang Young Woman’s Journal at ang Contributor, at mga manwal upang tulungan ang mga kabataang lider na maghanda ng mga lesson tungkol sa mga banal na kasulatan, kasaysayan ng Simbahan, kalusugan, siyensya, at literatura.13
Maaari ding asamin ng mga kabataang lalaki na makapaglingkod bilang missionary upang tulungan silang umunlad sa espirituwal. Ngunit ang oportunidad na ito ay hindi opisyal na ibinigay sa kababaihan. Maaaring paglingkuran ng mga young adult na babae ang kanilang mga kapitbahay sa pamamagitan ng pagiging miyembro ng Relief Society, ngunit para sa henerasyon ni Leah, itinuturing ito bilang makalumang organisasyon para sa kanilang mga ina. Para sa karagdagang espirituwal na lakas, karaniwang sumasamba si Leah kasama ang kanyang lokal na kongregasyon, regular na nag-aayuno, at naghahanap ng iba pang mga pagkakataon na mapag-aralan ang ebanghelyo.
Noong Bisperas ng Bagong Taon, dumalo si Leah sa isang espesyal na pulong kasama ang mga batang babae sa klase ng Sunday School ng kanyang ina sa Provo. Binisita nina Zina Young at Mary Isabella Horne, na kapwa kabilang sa Relief Society sa Nauvoo, ang klase at nagsalita tungkol sa mga unang araw ng Simbahan at paghirang kay Joseph Smith bilang propeta.
“Nagkaroon kami ng espirituwal na piging,” sinabi ni Leah kay John. Isa-isang ibinahagi ng bawat batang babae sa silid ang kanyang patotoo. “Iyon ang unang pagkakataon na nagpatotoo ako o nagsalita sa harap ng maraming tao tungkol sa isang paksa sa relihiyon,” isinulat niya. “Lahat kami ay lubos na nasiyahan dito.”14
Noong unang araw ng 1894, nagising si George Q. Cannon nang puno ng pasasalamat sa Panginoon para sa kapakanan ng kanyang pamilya. “Mayroon kaming pagkain, damit, at masisilungan,” isinulat niya sa kanyang journal. “Komportable ang aming mga bahay, at wala kaming kailangang idagdag para sa aming pisikal na kaginhawahan.”15
Naging mabuti ang nakaraang taon para sa Simbahan. Inilaan ng mga Banal ang Salt Lake Temple, ang Relief Society at Tabernacle Choir ay nakatamasa ng tagumpay sa Pandaigdigang Eksibit sa Chicago, at naiwasan ng Simbahan ang muntik nang pagkalugi sa pananalapi. Noong huling bahagi ng Disyembre, ang Mababang Kapulungan ng Kongreso ng Estados Unidos ay nagbigay rin ng pahintulot sa Teritoryo ng Utah na hilingin ang pagiging estado, na siyang mas nagpapalapit sa mga Banal sa isang mithiin na kanilang sinisikap na matamo mula pa noong 1849.
“Sino kaya ang magtatangkang hulaan ang gayong bagay hinggil sa Utah?” isinulat ni George sa kanyang journal. “Walang kapangyarihan kundi yaong sa Makapangyarihang Diyos ang makagagawa nito.”16
Gayunman, sa paglipas ng bagong taon, nagkaroon ng mga bagong problema sina George at ang iba pang mga lider ng Simbahan. Noong ika-12 ng Enero, ibinalik ng pamahalaan ng Estados Unidos ang humigit kumulang $438,000 na halaga ng kinumpiska nito mula sa Simbahan sa ilalim ng Batas nina Edmunds at Tucker. Sa kasamaang-palad, ang mga naibalik na pondo ay hindi pa rin sapat para mabayaran ang mga utang ng Simbahan. At kahit na nagpapasalamat para sa salapi ang mga lider ng Simbahan, naniniwala sila na wala pa sa kalahati ng mga kinumpiska nito mula sa mga Bana ang ibinalik ng pamahalaan.17
Dahil kakaunti pa rin ang salapi, patuloy na nangutang ang Unang Panguluhan upang tustusan ang pagpapatakbo ng Simbahan. Umaasang makalikha ng mga pirmihang trabaho at magdala ng kita sa teritoryo, namuhunan din ang Simbahan sa ilang lokal na negosyo. Ang ilan sa mga pamumuhunan ay nakatulong sa mga Banal na makahanap ng trabaho. Ang iba pang mga pamumuhunan ay hindi nagtagumpay, na nagpadagdag pa sa utang ng Simbahan.18
Noong unang bahagi ng Marso, si Lorenzo Snow, ang pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, ay humingi ng payo sa Unang Panguluhan kung paano isasagawa ang gawain sa templo para sa kanyang malalapit na ninuno. Interesado siya lalo na sa pagbubuklod ng mga anak sa mga magulang na hindi tinanggap ang ebanghelyo noong nabubuhay pa.19
Ang mga unang pagbubuklod ng mga anak sa mga magulang ay naganap sa Nauvoo. Noong panahong iyon, ilang Banal na hindi mga miyembro ng Simbahan ang mga magulang ay piniling mabuklod sa pamamagitan ng pagpapaampon sa mga lider ng Simbahan. Naniniwala sila na ang pagsasagawa nito ay magpapatiyak sa kanila ng isang lugar sa isang walang-hanggang pamilya at iuugnay ang komunidad ng mga Banal sa kabilang-buhay.
Matapos dumating ang mga Banal sa Utah, hindi isinagawa ang mga pagbubuklod sa pamamagitan ng pag-aampon at pagbubuklod ng mga magulang sa mga anak hanggang sa nailaan ang St. George Temple noong 1877. Mula noon, marami pang Mga Banal ang piniling mabuklod sa pamamagitan ng pagpapaampon sa mga pamilya ng mga apostol o sa iba pang mga lider ng Simbahan. Sa katunayan, ang karaniwang gawain ng Simbahan ay hindi ibuklod ang isang babae sa isang lalaking hindi tumanggap ng ebanghelyo noong nabubuhay pa ito. Nangangahulugan ito na ang isang balo na Banal sa mga Huling Araw noong panahong iyon ay hindi maaaring ibuklod sa kanyang yumaong asawa kung hindi ito kailanman sumapi sa Simbahan. Kung minsa’y masakit tanggapin ang gawaing ito.20
Matagal nang naaasiwa si George sa mga pagbubuklod sa pamamagitan ng pagpapaampon sa loob ng maraming taon. Noong binata pa siya sa Nauvoo, nabuklod siya sa pamamagitan ng pagpapaampon sa pamilya ng kanyang tiyo John Taylor, kahit naging matatapat na miyembro ng Simbahan ang kanyang mga magulang. Pinili rin ng iba pang mga miyembro ng Simbahan na mabuklod sa mga apostol sa halip na sa sarili nilang matatapat na magulang na Banal sa mga Huling Araw. Naniniwala na ngayon si George na ang gawaing ito ay lumikha sa mga Banal ng kaugalian ng pagkiling sa isang grupo lamang ng mga tao. At noong 1890, kinansela niya at ng kanyang mga kapatid ang kanilang pagbubuklod sa pamilya Taylor at sa halip ay nagpabuklod sa sarili nilang mga yumaong magulang sa St. George Temple, na siyang nagpapatibay sa mga ugnayan ng likas na pagmamahal sa kanilang pamilya.21
Habang tinatalakay ng Unang Panguluhan ang kaso ng pamilya ni Lorenzo, nagmungkahi si George ng isang posibleng solusyon. “Bakit hindi ibuklod ang kanyang ama at mga kapatid na lalaki nito sa kanyang lolo,” tanong niya, “at pagkatapos ay ibuklod ang kanyang lolo at mga kapatid na lalaki at babae nito sa kanilang mga magulang, at iba pa sa abot ng mahahanap sa kanilang talaangkanan?”
Tila nasiyahan sina Wilford Woodruff at Joseph F. Smith sa mungkahi ni George. Kapwa may itinatagong alalahanin ang dalawang lalaki tungkol sa pagbubuklod sa pamamagitan ng pagpapaampon. Subalit hindi pa handang i-endorso ni Pangulong Woodruff ang anumang pagbabago sa kaugalian. Patuloy na umasa si George na hindi magtatagal ay ihahayag ng Panginoon ang Kanyang kalooban tungkol sa paksa.22
“Ang totoo, walang gaanong nababatid tungkol sa doktrinang ito ng pag-aampon,” ang isinulat ni George sa kanyang journal. “Ating pribilehiyo na malaman ang hinggil sa mga bagay na ito, at nagtitiwala ako na magiging mabait sa atin ang Panginoon at bibigyan tayo ng kaalaman.”23
Si Albert Jarman, ang anak ng pinakamatinding kritiko ng Simbahan sa England, ay hindi naging biktima ng isang marahas na pagpaslang. Noong tagsibol ng 1894, nagmimisyon siya sa Great Britain, at ang kanyang presensya ay katibayan na hindi nagsasabi ng katotohanan ang kanyang ama.24
Nang unang dumating si Albert sa mission field, nais niyang harapin kaagad ang kanyang ama. Ngunit batid ng mission president na si Anthon Lund na hindi pa handang harapin ni Albert ang isang taong napakamapanlinlang at napakatuso. Sa halip ay ipinadala niya ang binatilyo sa London, hinihikayat itong pag-aralan ang ebanghelyo at ihanda ang sarili nito laban sa mga pagpuna ng kanyang ama. Samantala, ipinayo ni Pangulong Lund, “Padalhan mo siya ng isang magandang liham.”25
Sumulat si Albert sa kanyang ama nang makarating na siya sa London. “Mahal kong itay,” panimula niya, “taimtim kong inaasam at ipinanalangin na balang araw ay makita ninyo ang kamalian ng pagsasabi sa mga tao na pinaslang ng mga Mormon ang inyong anak.”
“Tumatanda na po kayo, at labis akong nasasaktan kapag nababasa at naririnig kong inuulit ng mga tao ang inyong sinabi,” pagpapatuloy niya. “Masisiyahan akong makipagkamay sa isang nagsisising ama, at kilalanin at igalang po kayong muli.”26
Habang hinihintay ni Albert ang tugon ng kanyang ama, nangaral at nagturo siya sa London. “Pinag-aaralan ko ang lahat ng aking matututuhan,” ipinaalam niya sa kanyang ina na si Maria Barnes. “Hindi pa ako gaanong magaling na mangangaral, ngunit umaasa akong maging isa bago ako umuwi.”
Hindi nagtagal ay tumanggap si Albert ng maikling sagot mula sa kanyang ama. “Mahalaga na pumunta ka rito,” isinulat ni William sa isang liham. “Ikalulugod kong makita ka.”
Batid kung gaano karahas si William, nag-aalala si Maria para sa kanyang anak. Ngunit sinabi ni Albert dito na huwag itong mag-alala na sasaktan siya ng kanyang ama. “Wala siyang kapangyarihan,” tiniyak sa kanya ni Albert. Higit sa lahat, sabik siyang makipag-usap kay William o sa iba pang mga kamag-anak niya sa England.
“Nais kong magpatotoo sa kanila,” isinulat niya, “kung nanaisin ng Diyos na gawin ko ito.”27
Samantala, sa Lunsod ng Salt Lake, ibinalita ni Wilford Woodruff sa kanyang mga tagapayo at sa Korum ng Labindalawang Apostol na tumanggap siya ng paghahayag tungkol sa batas ng pagpapaampon para sa pagbubuklod. “Nadama ko na napakahigpit natin hinggil sa ilan sa ating mga ordenansa sa templo,” ipinahayag niya noong gabi bago ang pangkalahatang kumperensya ng Abril 1894. “Partikular ito sa kaso tungkol sa mga asawang lalaki at mga magulang na nagsipanaw na.”
“Sinabi sa akin ng Panginoon na nararapat para sa mga anak na mabuklod sa kanilang mga magulang, at mabuklod ang mga ito sa kanilang mga magulang hanggang sa abot ng ating makakayang makuha sa mga talaan,” pagpapatuloy niya. “Tama rin para sa kababaihan na mabuklod sa kanilang mga asawa na hindi kailanman narinig ang ebanghelyo.”
Naniniwala si Pangulong Woodruff na marami pa silang dapat matutuhan tungkol sa mga ordenansa sa templo. “Ipapaalam ito ng Diyos,” tiniyak niya sa kanila, “kapag ating pinatunayan na handa na tayong tanggapin ito.”28
Nang sumunod na Linggo, sa pangkalahatang kumperensya, hiniling ni Pangulong Woodruff kay George Q. Cannon na basahin ang isang talata mula sa bahagi 128 ng Doktrina at mga Tipan sa kongregasyon. Sa talata, nagsalita si Joseph Smith tungkol sa pagbaling ni Elijah ng mga puso ng mga ama sa mga anak at sa puso ng mga anak sa mga ama sa mga huling araw. “Ang mundo ay babagabagin ng isang sumpa,” pahayag ni propetang Joseph, “maliban kung may isang pag-uugnay ng anumang uri o iba pa sa pagitan ng mga ama at ng mga anak.”29
Pagkatapos ay bumalik si Pangulong Woodruff sa pulpito. “Hindi pa tayo natatapos tumanggap ng paghahayag,” ang wika niya. “Hindi pa natin natatapos tanggapin ang lahat ng kaalaman sa gawain ng Diyos.” Binanggit niya kung paano ipinagpatuloy ni Brigham Young ang gawain ni Joseph Smith na pagtatayo ng mga templo at pag-oorganisa ng mga ordenansa sa templo. “Ngunit hindi niya natanggap ang lahat ng paghahayag na may kinalaman sa gawaing ito,” paalala ni Pangulong Woodruff sa kongregasyon. “Hindi rin batid lahat ni Pangulong Taylor, at gayundin si Wilford Woodruff. Walang katapusan ang gawaing ito hanggang sa ito ay maging ganap.”
Matapos mapansin na kumilos ang mga Banal ayon sa lahat ng liwanag at kaalamang natanggap nila, ipinaliwanag ni Pangulong Woodruff na siya at ang iba pang mga lider ng Simbahan ay matagal nang pinaniniwalaan na marami pang ihahayag ang Panginoon tungkol sa gawain sa templo. “Nais naming matunton ng mga Banal sa mga Huling Araw sa panahong ito ang kanilang mga talaangkanan hanggang sa abot ng kanilang makakaya, at mabuklod sa kanilang mga ama at ina,” pahayag niya. “Ibuklod ang mga anak sa kanilang mga magulang, at ipagpatuloy ang gawaing ito hanggang sa abot ng makakaya ninyo.”
Ibinalita rin niya ang pagwawakas sa patakaran na humahadlang sa isang babae na mabuklod sa isang asawang pumanaw nang hindi natatanggap ang ebanghelyo. “Maraming puso ng kababaihan ang nagdurusa dahil dito,” sabi niya. “Bakit ipagkakait sa isang babae na mabuklod sa kanyang asawa dahil hindi nito kailanman narinig ang ebanghelyo? Ano nga ba ang alam ng sinuman sa atin tungkol sa kanya? Hindi ba niya maririnig ang ebanghelyo at yayakapin ito sa daigdig ng mga espiritu?”
Ipinaalala niya sa mga Banal ang pangitain ni Joseph Smith tungkol sa kanyang kapatid na si Alvin sa Kirtland Temple. “Lahat ng nangamatay na walang kaalaman sa ebanghelyong ito, na kanilang tatanggapin ito kung sila lamang ay pinahintulutang manatili, ay magiging mga tagapagmana ng kahariang selestiyal ng Diyos.”
“Gayon din ang mangyayari sa inyong mga ninuno,” sabi ni Pangulong Woodruff tungkol sa mga nasa daigdig ng mga espiritu. “Kakaunti lamang, kung mayroon man, na hindi tatanggapin ang ebanghelyo.”
Bago tinapos ang kanyang mensahe, hiniling niya sa mga Banal na pagnilayan ang kanyang mga salita—at hanapin ang kanilang mga kamag-anak na pumanaw na. “Mga kapatid,” sabi niya, “patuloy nating asikasuhin ang ating mga talaan, punan natin ang mga ito nang matwid sa harapan ng Panginoon, at isagawa ang alituntuning ito, at ang mga pagpapala ng Diyos ay mapapasaatin, at ang mga tinubos ay pagpapalain tayo sa darating na mga araw.”30