Kasaysayan ng Simbahan
Kabanata 38: Tunay at Hindi Masusukat


Kabanata 38

Tunay at Hindi Masusukat

labas ng San Salvador El Salvador Temple

Noong Pebrero 2011, nagulat sina Marco at Claudia Villavicencio nang tumanggap sila ng email mula kay Joshua Perkey, isang patnugot para sa mga magasin ng Simbahan sa Lunsod ng Salt Lake. Noong nakaraang taon, nagpunta si Joshua sa El Coca, Ecuador, bilang bahagi ng pagsisikap na maglathala ng mas maraming artikulo sa magasin tungkol sa mga Banal sa buong mundo. Sa loob ng ilang araw, binisita ni Josh ang mga Villavicencio at iba pang mga miyembro ng branch, dumalo ng mga pulong ng Simbahan at mga klase sa seminary, at kumuha ng mga rerato ng lunsod at mga residente nito.

Noong panahon na bumisita si Joshua, iisang taon pa lamang ang branch sa El Coca. Ngunit lumago na ito mula sa dalawampu’t walong miyembro ay naging walumpu’t tatlo na. Pinuri ni Marco ang mga pagsisikap ng branch para tulungan ang lahat na madama na sila ay kailangan at minamahal. “Sinisikap naming sundin ang payo ni Pangulong Gordon B. Hinckley na bawat bagong binyag ay kailangang pangalagaan ng mabuting salita ng Diyos, magkaroon ng kaibigan, at magkaroon ng tungkulin,” sinabi ni Marco kay Joshua. Sang-ayon si Claudia, na naglilingkod pa rin bilang pangulo ng Young Women. “Kapag dumarating ang mga tao sa simbahan sa unang pagkakataon,” sabi niya, “ang nakikintal sa isipan nila ay kung paano sila tinatanggap. Kaya itinuturo namin sa mga kabataang babae kung gaano kahalaga ang bawat kaluluwa sa Panginoon.”

Marami sa mga miyembro ay nagbahagi kay Joshua ng nakaaantig na mga kuwento at patotoo. Si Lourdes Chenche, ang pangulo ng Relief Society sa branch, ay nagkuwento ukol sa ligayang naranasan niya at ng kanyang panguluhan sa kanilang paglilingkod sa kababaihan ng branch. “Pinupuntahan namin sila kapag may mga problema sila,” sabi niya. “Ipinadarama namin na hindi sila nag-iisa, na tutulungan sila ni Jesucristo at ng branch.”

Ngayon, sa kanyang email sa mga Villavicencio, ipinaliwanag ni Joshua na gumagawa siya ng isang maikling video para sa mga magasin ng Simbahan. Ang video ay bahagi ng isang bagong online na serye para sa mga bata sa Primary. Tinatawag na “One in a Million,” tampok nito ang kabataan mula sa buong mundo na nagsasalaysay ng kuwento tungkol sa kanilang mga buhay at nagtataglay ng patotoo. Sa isang video, isang bata mula sa Ukraine ang nagkuwento tungkol sa pag-anyaya sa kanya ni Pangulong Thomas S. Monson na maglagay ng kaunting argamasa [mortar] para sa batong panulok ng bagong templo sa Kyiv. Sa isa pang video, isang batang babae sa Jamaica ang nagkuwento tungkol sa pagsubok nitong maging mabuting halimbawa sa paaralan.

Bawat video ay isa’t kalahating minuto ang haba, at nais malaman ni Joshua kung papayagan nina Marco at Claudia ang kanilang anim na taong gulang na anak na si Sair na matampok rito. Naging mahirap para kay Sair na malayo mula sa kanyang mga kamag-anak at klase sa Primary. Ngunit noong nakaraang taon, sa pagdami ng mga batang nagsisimba, nagawa niyang makadalong muli sa Primary. Inisip ni Claudia na isang magandang pagkakataon ang video para tulungan itong maaalala ang banal na pagkakakilanlan nito.

Nagpadala si Joshua kay Sair ng mga tanong tungkol sa mga paborito nitong libangan, pagkain, at mga himno ng Simbahan, at tinulungan nina Claudia at Marco ang kanilang anak na sagutin ang mga tanong. Sabik si Sair na gawin ang pag-rekord kasama si Claudia, at itinatangi nito ang panahong ginugol nila ng anak.

Ipinadala nila ang audio file kay Joshua, at isinama ito sa ilang larawang kuha ng patnugot noong bumisita siya sa El Coca. Makalipas ang sandaling panahon, nang matapos gawin ang video at nai-post na online, naupo ang mga Villavicencio sa harap ng isang computer sa kanilang sala para panoorin ito. Sabik na sabik si Sair na makita kung ano ang kinalabasan nito.

Nagsimula ang video sa larawan ng pamilya. Pagkatapos ay bumungad ang maliit na boses ni Sair na nagsasalita sa wikang Espanyol, “Ako po si Sair, at taga-Ecuador ako.” Lumitaw sa screen ang mga litrato ng El Coca, at inilarawan ni Sair ang mga makukulay na ibon at hayop ng lunsod, pati na rin ang kanyang mga paboritong pagkain at laro. Nagkuwento rin siya tungkol sa paglipat sa El Coca bago inorganisa ang branch. “Wala po kaming simbahang mapuntahan,” sabi niya. “Hindi nagtagal ay lumipat ang ibang pamilya rito, at mas maraming tao ang nabinyagan.”

“Lahat po kami ay mga misyonero!” sabi niya. “Ngayon ay marami na akong kaibigan sa Primary. Inaawit po namin ang tungkol kay Jesucristo at sa Ama sa Langit gaya ng ibang bata sa buong mundo. Gusto ko pong awitin ang ‘Ako ay Anak ng Diyos.’”

Habang nakaupo si Claudia kasama ang anak niya, hindi siya makapaniwala na nakikita na ngayon ng mga tao sa lahat ng dako kung gaano pinasasaya ng ebanghelyo ang kanyang pamilya. Ipinaalala sa kanya ng video na binabantayan ng Diyos ang mga lugar gaya ng El Coca—at kumikilos sa pamamagitan ng mga taong gaya niya, ni Marco, ni Sair, at iba pang mga Banal sa branch.

Umaasa siyang ipapaalala ng video kay Sair na bahagi siya ng isang malaki at mahalagang organisasyon gaya ng Primary—at kahit isang bata lamang, nagawa nitong paglingkuran ang Panginoon.


Noong huling bahagi ng Pebrero 2011, personal na inihatid ni Emma Hernandez sa kanyang ama ang imbitasyon sa pagtatapos. Anim na taon na ang nakararaan, tinutulan nito ang pagpapakasal niya sa kanyang asawang si Hector David dahil inaakala nitong magiging hadlang ito sa kanyang pag-aaral. Ngunit sa pamamagitan ng suportang pinansyal ng Perpetual Education Fund, natamo ni Emma ang isang degree sa marketing mula sa isang tanyag na unibersidad sa Honduras.

Masaya para sa kanya ang ama niya, at ipinagmamalaki niya ito. Matagal na itong nagbago ng isip tungkol sa pag-aasawa niya. Bago pa man ang mismong kasal, nanalangin si Emma na nawa’y lumambot ang puso nito. At tumulong ang kanyang inang makita nito na nababagay sa kanilang anak si Hector David. Kamakailan lamang, ang mga pagsisikap sa paglilingkod ng isang masipag na pangulo ng elders quorum, kasama ang masigasig na pagnanais na lumapit kay Cristo at gumawa ng tipan sa Kanya, ay nagbalik sa kanyang ama sa simbahan makalipas ang maraming taong malayo rito.

Nagalak si Emma sa pagbabalik ng kanyang ama sa Simbahan. Ilang taon silang nanalangin ng kanyang ina na magbabago ang puso nito upang magkakasamang pumunta ang pamilya nila sa bahay ng Panginoon. Sinagot ang kanilang mga panalangin noong umaga ng ika-1 ng Abril 2010, nang si Emma at karamihan sa kanyang pamilya ay dumating sa Guatemala City Temple upang mabuklod sa bawat isa para sa walang hanggan. Maaliwalas ang langit, at pinalamutian ng mga bagong tanim na bulaklak ang hardin ng templo habang pumapasok siya sa templo kasama ang kanyang ama, ina, at kapatid na babae.

Nadama ni Emma ang Espiritu nang pumasok siya sa silid-bukluran at nakita ang kanyang mga magulang na nakaluhod sa altar. Nanahan ang kapayapaan at pagmamahal sa kanila habang hawak-kamay silang nakatitig sa mata ng bawat isa. Makalipas ang seremonya sa silid-selestiyal, niyakap nila ang isa’t isa at umiyak dahil sa kaligayahan. Hindi basta nagpapakita ng damdamin ang ama ni Emma, ngunit nababanaag niya ang mga nadarama nito habang yakap siya.

Ngayon, isang taon makalipas ang pagbubuklod, siya at si Hector David ay kapwa nakamit ang kanilang mga mithiin sa pag-aaral habang bumubuo ng pamilya at laging naglilingkod sa Simbahan. Natuklasan ni Emma ang kanyang hilig sa marketing, at ngayon ay mayroon na siyang karunungan at mga kasangkapan upang maging kuwalipikado sa kanyang propesyon. Kasama ang degree ni Hector David sa finance, kapwa sila may mas magandang kita para itaguyod ang kanilang pamilya. Ang pinakamahalaga, nag-mature si Emma noong kanyang pag-aaral, natutuhan kung paano pagtagumpayan ang kanyang mga hamon at umasa sa Panginoon.

Noong una, nalulula siya sa unibersidad. May panahon na hindi niya maisip na may sapat na pera ang pamilya niya upang makapagtapos siya. Subalit inalis ng Perpetual Education Fund ang alalahaning iyon, at ang suporta ng kanyang pamilya ay nagbigay sa kanya ng lakas upang ituloy ang kanyang pangarap at panatilihin siyang magsigasig. Lumaki ang pasasalamat niya sa Panginoon, at nakita nila ni Hector David ang kanilang paglilingkod sa Panginoon bilang pagkakataong magpasalamat at magpakita ng kanilang pagmamahal sa Tagapagligtas. Ngayon, sabik nang gamitin ni Emma ang napag-aralan niya at bayaran ang kanyang utang sa PEF. At naniniwala siyang may kakayahan siyang makamit ang mas malaking tagumpay sa hinaharap.

Noong ika-4 ng Marso 2011, sa mismong araw ng pagtatapos ni Emma, muling nagtipon ang kanyang pamilya, ngayon ay sa gymnasium ng kanyang unibersidad para sa seremonya ng pagtatapos niya. Maaga siyang dumating kasama ang mga kapwa niya nagtapos upang mag-ensayo para sa seremonya, suot ang magkapares na itim na sumbrero at kasuotan ng seremonya. Nang dumating ang kanyang pamilya, natuwa si Emma na makita hindi lamang si Hector David at Oscar David kundi maging ang kanyang ina, ama, at iba pang mga kamag-anak.

Habang dinadaanan niya ang hilera ng mga opisyal ng unibersidad, kinakamayan sila at sa wakas ay tinatanggap ang kanyang diploma, nagpasalamat si Emma sa Panginoon para sa kanyang mga pagpapala. Ang kanyang ama ang unang yumakap sa kanya nang matapos ang seremonya. “Maligayang pagbati, anak,” sabi nito, tila nabawasan ang mabigat na pasanin sa mga balikat nito. Masaya si Emma na makitang payapa ito.

Pagkatapos ay niyakap at hinalikan niya si Hector David, nagpapasalamat sa suportang binigay nito sa kanya sa kabuuan ng pag-aaral niya.

“Maraming salamat,” sinabi niya rito nang magyakap sila. “Hindi ko magagawa ito nang wala ka.”


Noong umaga ng ika-2 ng Abril 2011, nakatayo si Pangulong Thomas S. Monson sa pulpito ng Conference Center at nakatingin sa ilang libong Banal na nagtipon para sa taunang pangkalahatang kumperensya ng Simbahan. “Nang planuhin ang gusaling ito, akala namin ay hinding-hindi natin ito mapupuno,” sinabi niya nang buong ngiti. “Ngunit tingnan lang ninyo ito ngayon.”

Ang kumperensya ay tanda ng kanyang ikatlong taon bilang pangulo ng Simbahan, isang paghirang na nagpanatili sa kanyang abala nang higit pa sa maiisip ng karamihan. Lubos siyang nagpapasalamat sa mga Banal sa buong mundo, na bumibilang na ngayon sa mahigit labing-apat na milyon. “Mga kapatid, salamat sa inyong pananampalataya at katapatan sa ebanghelyo, sa pagmamahal at pangangalagang ipinakikita ninyo sa isa’t isa, at sa paglilingkod ninyo sa inyong mga ward at branch at stake at district,” he said.

Kapana-panabik na oras noon na maging Banal sa mga Huling Araw. Kalahating siglo na ang nakararaan, ipinagdiwang ni Pangulong David O. McKay ang magandang reputasyon ng Simbahan, lalo na sa Estados Unidos. Subalit kahit noon pa man, masasabing hindi kilala ang Simbahan sa karamihan sa mga tao. Hindi na ganoon ang nangyayari. Ang ilang dekada ng malawakang gawaing misyonero, epektibong inisyatibo sa public relations, malalaki at maliliit na mga proyekto sa pagkakawanggawa, at ang mga simpleng ginagawa ng mga indibidwal na Banal ay ginawang pamilyar na bahagi ang Simbahan sa maraming lugar sa buong mundo.

Kailan lamang din, ang Simbahan ay binigyan ng matinding atensyon ng mga mamamahayag. Ang pagbabalita ng Simbahan noong 2002 Winter Olympics ay lumabas na pasimula sa pagdagsa ng publisidad na dumating nang si Mitt Romney, ang pinuno ng komite sa pag-organisa ng 2002 Olympics at isang tanyag na pulitikong Banal sa mga Huling Araw, ay inanunsyo na tatakbo siya bilang pangulo ng Estados Unidos. Bagama’t hindi niya napanalunan ang nominasyon ng kanyang partido noong 2008, maraming tao ang umasang tatakbo siyang muli sa 2012.

At nanatiling mataas ang interes ng publiko sa Simbahan. Nalagay sa balita ang mga Banal sa mga Huling Araw bilang mga mambabatas at mga lider sa negosyo. May ilang lumahok sa mga reality tv show at sa mga propesyonal na isports. May ilan namang nakamit ang katanyagan bilang mga rock star at musikero sa mga bulwagan ng konsiyerto. May iba namang sumulat ng mga patok na nobela, kung saan ang iba ay inilapat sa mga pelikulang tumabo sa takilya.

Ang lumalaking interes sa Simbahan at sa mga miyembro nito ay hindi nangangahulugang handa ang lahat na tanggapin ang ipinanumbalik na ebanghelyo. Maraming tao ang may maling pag-aakala sa Simbahan o hindi sang-ayon sa mga itinuturo nito. Sa katunayan, nag-aalala si Pangulong Monson at iba pang lider na unti-unting lumalayo ang lipunan mula sa mga matagal nang pinahahalagahan ng mga Kristiyano at sa mga turo at kaugalian ng Simbahan. Nakita ang paglayong ito lalo na sa mga paniniwala ukol sa pag-aasawa.

Nitong mga nakaraang taon lamang, ang mga tagapagtaguyod para sa mga lesbian, gay, bisexual, transgender, at queer (LBGTQ) ay nagsusulong ng karapatang makasal sa parehong kasarian. Ang Simbahan at iba pang organisasyong nakabatay sa pananampalataya ay tinuligsa ang mga panukalang ito, naniniwala na ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae ay inorden ng Diyos.

Isang halimbawa na marami ang nakabatid ay naganap noong Nobyemre 2008 nang ang mga residente ng California ay binigyan ng pagkakataong bumoto sa isang susog ng saligang-batas ng estado na legal na kikilalanin ang kasal na para lamang sa pagitan ng isang lalaki at isang babae. Sumama ang Simbahan sa ibang mga grupong nakabatay sa pananampalataya sa paglikom ng pondo para suportahan ang panukala. Hinikayat din ng mga lider ng Simbahan sa Lunsod ng Salt Lake ang mga miyembro sa California na aktibong suportahan at isulong ito.

Bagama’t muntik nang hindi naipasa ang panukala, tumanggap ng maraming kritisismo ang Simbahan sa papel nito sa boto, dahil dito ay may ilang taong nagdaos ng mga protesta sa labas ng mga templo.

Nanatiling tapat sina Pangulong Monson at ibang mga lider ng Simbahan sa pagtataguyod ng doktrina ng pag-aasawa at sa mga pamantayan ng Simbahan. Nagsalita sila tungkol sa kalayaan sa relihiyon at sa kalayaang bigyang-kahulugan at ituro ang kasal bilang sagradong pag-iisang dibdib sa pagitan ng isang lalaki at isang babae. Hinangad rin nilang makipag-ugnayan sa ibang mga grupo, gaya ng Simbahang Romano Katoliko, na pareho ang paniniwala.

Dumarami ang kanilang mga pagsisikap na makahanap ng pagkakapareho sa komunidad ng mga LGBTQ. Habang patuloy ang mga debate tungkol sa kasal at gay rights, hinikayat ng mga lider ng Simbahan ang mga Banal sa mga Huling Araw na maging mapagmahal at magalang kapag lumalabas ang mga hindi pagkakaunawaan at tutulan ang pag-aalipusta sa mga taong LGBTQ. Noong Nobyembre 2009, sumama ang Simbahan sa mga mambabatas ng Lunsod ng Salt Lake sa pagsuporta sa pantay na karapatan para sa pamamahay anuman ang sinasabi ng isang tao na kasarian niya. Naghanap din ang mga lider ng Simbahan ng pagkakataong magbigay ng mas mainam na resource at isulong ang mas maraming pagdamay sa mga miyembro ng Simbahan na LGBTQ, na madalas ay nadaramang naiipit sila sa gitna ng mga debate. Kabilang sa mga binubuong resource na ito ay isang bagong website ng Simbahan na may mga artikulo at video ng mga Banal at kanilang mga pamilya na nagbabahagi ng kanilang mga karanasan at patotoo.

Isa sa mga video ay naglalahad ng kuwento ni Suzanne Bowser, isang Banal sa mga Huling Araw na ilang taong nahihirapang tanggapin ang pagkakaakit niya sa mga kapwa babae. Patuloy siyang dumadalo sa simbahan, subalit kung minsan ay pakiwari niyang taliwas ang nais iyang gawin. Sa paglipas ng panahon, sa tulong ng mga kaibigan at pamilya na dinamayan siya sa kanyang mga paghihirap, nakadama siya nang mas mapayapang damdamin. “Ang atraksyong ito ay bahagi ko, mananatili itong bahagi ko, at OK lang ako” natanto niya. “Maaari pa rin akong maging masaya. Maaari ko pa ring taglayin ang Tagapagligtas sa buhay ko.” Ang pagmamahal Niya sa kanya ang pumuno sa kahungkagang minsan niyang nadarama.

Mayroon din siyang mga lider ng Simbahan na handang makinig sa kanya, at malaki ang kaibhang ginawa nito. “Mayroon akong mga lider ng priesthood,” gunita niya, “na nais lang talagang makinig sa halip na manghusga.”

Habang winawakasan ni Pangulong Monson ang pangkalahatang kumperensya noong Abril 2011, hinikayat niya ang mga Banal na paliwanagin nila nang gayon ang kanilang ilaw, gaya ng itinuro ng Tagapagligtas. “Nawa’y maging mabubuting mamamayan tayo ng mga bansang ating tinitirhan at mabubuting kapwa sa ating komunidad, na tumutulong sa mga miyembro ng ibang pananampatalaya at sa mga kamiyembro rin natin,” sabi niya. “Nawa’y maging mga halimbawa tayo ng katapatan at integridad saanman tayo magpunta at anuman ang ating ginagawa.”

Nauunawaan at binigyang-diin niya at ng iba pang mga lider ng Simbahan ang kahalagahan ng pagiging mga tagasunod ni Cristo sa salita at sa gawa. Kung wala mang iba, ipinakita ng kailan lamang na atensyon ng mga mamamahayag na bagama’t marami mang tao ang nakarinig na tungkol sa Simbahan, lubhang magkakaiba ang mga pananaw tungkol sa relihiyong ito at sa pangunahing mensahe nito. Para sa maraming tao, nanatiling misteryoso ang Simbahan.

Batid ng mga lider ng Simbahan na kailangan itong mabago. Wala dapat maging pagdududa na sumusunod ang mga Banal sa mga Huling Araw kay Jesucristo.


Noong ika-17 ng Agosto 2011, lumipad sina Silvia at Jeff Allred papuntang San Salvador, El Salvador, ang lunsod kung saan isinilang at pinalaki si Silvia at kung saan, sa loob ng apat na araw, ilalaan ang isang bahay ng Panginoon. Inanunsyo ang templo noong kakatawag pa lang sa kanya sa pangkalahatang panguluhan ng Relief Society, at hindi siya nakadalo sa groundbreaking dahil sa kanyang mga bagong responsibilidad. Ngunit ngayon, sa paanyaya ng Unang Panguluhan, may pagkakataon na siyang makibahagi sa paglalaan nito. Lubos silang natutuwa ni Jeff.

Apat na taon nang naglilingkod si Silvia sa pangkalahatang panguluhan Relief Society. Noong panahong iyon, ang mga tema ng pananampalataya, pamilya, at pagtulong ay gumagabay sa bawat pagsisikap ng organisasyon. Naglakbay sa maraming lugar ang panguluhan, ginagamit ang binagong Hanbuk ng mga Tagubilin ng Simbahan upang turuan ang mga lokal na lider ng Relief Society sa pagtanggap ng paghahayag, pakikibahagi sa mga kapulungan ng Simbahan, paglilingkod sa mga nangangailangan, at pagtupad ng ibang mga responsibilidad. Mismong si Silvia, kasama ng mga sister niya sa Relief Society, ay bumisita sa dalawampung bansa sa limang kontinente.

Nakipagtulungan din ang panguluhan sa kanilang mga board member upang gumawa ng mga video na nagbibigay ng agarang pagsasanay para sa mga bagong hirang na lider sa buong mundo. Maaaring panoorin ang mga video na ito sa web page ng Relief Society at isinama sa Leadership Training Library, isang bagong koleksyon ng mga online na resource sa pagtuturo na matatagpuan sa website ng Simbahan.

Ang pagpapalakas ng visiting teaching ay isa pang malaking tuon ng kanilang gawain. Sa loob ng ilang taon, naglathala ang mga magasin ng Simbahan ng mga simpleng aralin tungkol sa visiting teaching. Ngayon ay inilimbag ang mga aralin kasama ang mga karagdagang tip at resource upang palawigin ang pagtururo ng mga sister. Sa ilalim ng pamamahala ni Silvia, naghanap din ang mga board member ng mga paraan upang suportahan ang paglipat ng kababaihan mula sa Young Women tungo sa Relief Society. Habang naglalakbay, madalas na makipag-usap si Silvia sa mga lokal na lider ng Relief Society at Young Women tungkol sa pagpapaliit ng puwang sa pagitan ng mga organisasyon sa pamamagitan ng paghihikayat sa kanilang paigtingin ang pakikipag-ugnayan sa bawat isa. Hinikayat din niya ang mga sister ng Relief Society na kumustahin ang kanilang mga pinakabagong miyembro at humanap ng mga paraan upang maturuan ang mga kabataang babae.

Nainspirasyunan ng kasaysayang natanggap nila mula kay Pangulong Boyd K. Packer at sa pagtatalaga ng Unang Panguluhan, inihahanda ng Relief Society na maglathala ng aklat, ang Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian: Ang Kasaysayan at Gawain ng Relief Society. Puno ng iginuhit na larawan ang aklat at isinulat ito sa isang simpleng paraan na angkop sa mga mambabasa anuman ang kanilang kakayahan. Isasalin din ito sa dalawampu’t tatlong wika at ipamamahagi sa kababaihan ng Simbahan. Umaasa ang panguluhan na makatutulong ito sa mga sister na matuto mula sa nakaraan, mas maunawaan ang kanilang pamanang espirituwal bilang mga disipulo ni Cristo, at tanggapin ang banal na itinakdang misyon ng Relief Society.

Noong bisperas ng paglalaan ng San Salvador Temple, nilibot nina Silvia at Jeff ang gusali at namangha sa mga magarbong detalye nito—ang magandang nililok na kahoy at ang mga palamuting salamin at mga tansong muwebles na inukitan ng bulaklak ng yucca, ang pambansang bulaklak ng El Salvador. Malapit sa pasukan, sa likod ng mesa para sa recommend, nakita ni Silvia ang isang orihinal na ipinintang larawan ng Tagapagligtas. Nakaakbay Siya sa dalawang bata, mga walo o siyam na taong gulang, na tila nagmula sila sa Gitnang Amerika. Ang likurang eksena ay mayabong at luntian, gaya ng mga halaman sa El Salvador. Puspos ng pagmamahal ng Tagapagligtas para sa lahat ng Kanyang anak, umiyak si Silvia.

Kinabukasan sa paglalaan, hindi mapigilan ni Silvia na isipin ang tungkol sa nakaraan. Isa siya sa mga pinakaunang miyembro ng Simbahan sa El Salvador, at bagama’t ang mga paglalakbay niya ay nagdala sa kanya sa buong mundo, lubos na nakaaantig na makitang lumalago ang Simbahan sa kanyang sinilangang-bayan.

Habang nakaupo sa silid-selestiyal, inilibot niya ang kanyang paningin sa mga lokal na miyembrong nakaupo sa mga upuan. Marami sa kanila ay mas matanda na at, gaya niya, bininyagan noong bago pa ang Simbahan sa El Salvador. Nanatili silang tapat sa kanilang mga tipan, madalas sa gitna ng karalitaan at pagsubok. Ang ilan sa kanila ay magiging mga ordinance worker kapag binuksan ng templo ang mga pinto nito. Alam niyang ilang taon na nilang ipinapanalangin ang templong ito.

Nang sumapi si Silvia sa Simbahan noong tinedyer pa lamang siya noong taong 1959, ang pinakamalapit na templo ay nasa Mesa, Arizona—apat na araw ng paglalakbay ang layo nito. Ngayon ay mayroong isang daang libong Banal sa El Salvador. Lumago doon ang Simbahan sa mga paraang hindi niya naiisip noong mas bata pa siya.

Nang pagkakataon na niyang magsalita, tumayo si Silvia. Bagama’t matatas siya sa wikang Ingles, nanatiling sa wikang Espanyol siya nag-iisip, nananalangin, at naghahangad ng paggabay ng Espiritu Santo. Sa paglalaang ito, ibibigay niya ang kanyang mensahe sa kanyang katutubong wika, dahil dito ay mas madali para sa kanyang ipahatid ang nasa pinakakaibuturan niya. Hindi lamang siya nagsasalita sa mga tao sa bahay ng Panginoon kundi maging sa ilang libong Banal sa temple district na pinanonood ang brodkast ng paglalaan sa kanilang mga meetinghouse.

“Puspos ng kaligayahan at kapayapaan ang puso ko ngayong araw,” sabi niya. “Pinatototohanan ko sa inyo na ang mga pangakong ibinigay ng ating mahal na propeta ay mga pangakong ibinigay mismo ng Tagapagligtas. Ang templo ang bahay ng Panginoon. Siya mismo ang nagpabanal dito. Ang Kanyang mga mata at Kanyang puso ay mananatili rito magpakailanman.”


Makalipas ang anim na linggo, noong ika-2 ng Oktubre 2011, isang de-gasolinang generator ang maingay na umandar sa meetinghouse ng Luputa sa Democratic Republic of the Congo. Sa loob, halos dalawang daang Banal—kabilang na sina Willy at Lilly Binene—ay naghahanap ng mga upuan sa harap ng telebisyon sa kapilya. Sa loob ng ilang sandali, magsisimula na ang brodkast sa Linggo ng gabi ng ika-181 Ikalawang Taunang Pangkalahatang Kumperensya ng Simbahan, na isinalin sa wikang Pranses—isa sa limampu’t isang wika na ginamit sa kumperensya para sa mga Banal sa buong mundo. Ito ang unang pangkalahatang kumperensya na mapapanood ng mga miyembro ng Simbahan sa Luputa bilang mga miyembro ng isang stake sa Sion.

Ang pag-organisa ng Luputa Stake tatlong buwan na ang nakararaan ay hindi na nakakagulat sa sinumang nakasaksi sa mabilis na paglago ng Simbahan sa lunsod. Noong 2008, sa parehong taon na ibinuklod ang pamilya Binene sa templo, mahigit sa isang libo dalawang daang mga Banal ang nakatira sa Luputa. Noong panahong iyon, walang full-time na misyonero na naglilingkod sa lunsod. Subalit sa sumunod na tatlong taon, nakipagtulungan sina Willy at iba pang mga lider ng Simbahan sa mga tapat na misyonero ng branch upang paramihin nang higit sa doble ang bilang ng mga Banal sa kanilang district—isang pagsisikap na walang dudang pinadali ng pagtulong ng Simbahan sa paghahatid ng malinis na tubig sa lunsod. Nagpadala pa nga ang district ng tatlumpu’t apat na full-time na misyonero upang maglingkod sa iba pang mga bahagi ng DRC, Africa, at sa mundo.

Gayunpaman, nagulat si Willy nang hinirang siya nina Elder Paul E. Koelliker at Elder Alfred Kyungu ng Pitumpu upang maging pangulo ng bagong stake. Ang Simbahan sa Luputa ay maraming lider ng priesthood na may karanasan na, bawat isa sa kanila ay maaaring maglingkod nang may kakayahan bilang pangulo ng stake. Hindi ba pagkakataon ng iba para mamuno?

Noong ika-26 ng Hunyo, ang araw na inorganisa ang stake, tinulungan ni Willy sina Elder Koelliker at Elder Kyungu na ipamahagi ang pagbibigay ng mission call sa labinlimang kabataang babae at kabataang lalaki ng stake. Pagkatapos, ngumiti si Willy habang nakatayo siya para sa makuhanan ng litrato kasama ng grupo. Dalawang dekada na ang nakararaan, ang sagupaang etniko at pagdanak ng dugo ay nagpalayas sa kanya mula sa kanyang tahanan, dahil dito ay napagkaitan siya ng pagkakataong maglingkod ng sarili niyang full-time na misyon para sa Panginoon. Ngunit ang kanyang mga taon ng tapat na paglilingkod sa Simbahan sa Luputa ay nakapagbigay sa umuusbong na salinlahi ng mga Banal ng mga pagkakataong ipinagkait sa kanya.

Habang nagsisimula ang brodkast ng kumperensya, naupo nang maayos si Willy upang makinig sa mga tagapagsalita. Karaniwang si Pangulong Monson ang unang tagapagsalita sa pambungad na sesyon ng kumperensya, ngunit pinatagal ng problema sa kalusugan ang pagpunta niya sa Conference Center. Subalit matapos ang panggitnang himno, lumapit siya sa pulpito at binati ang mga Banal sa kumperensya nang may masayang “kumusta.”

“Kapag abala tayo, parang napakabilis ng oras,” sabi niya, “at para sa akin walang ipinagkaiba ang nakalipas na anim na buwan.”

Nagsalita si Pangulong Monson tungkol sa paglalaan ng templo sa El Salvador maging sa muling paglalaan ng templo sa Atlanta sa timog Estados Unidos. “Ang pagtatayo ng mga templo ay magpapatuloy, mga kapatid,” sabi niya. “Ngayon ay pribilehiyo kong ibalita ang ilan pang bagong templo.”

Nakinig nang mabuti si Willy. Kailan lamang, iniisip ng mga lider ng Simbahan ang tungkol sa mga templo. Sa katunayan, sa unang kumperensya ng stake sa lunsod, marami sa mga mensahe ay nakatuon sa paghahanda sa mga Banal na dumalo sa bahay ng Panginoon. Bukod sa mga Binene, iilang Banal lamang mula sa Luputa ang nakapunta sa Johannesburg Temple. Bagama’t madaling kumuha ng pasaporte sa DRC, ang pagkuha naman ng mga visa sa paglalakbay patungong South Africa ay hindi. Nangangahulugan ito na maraming Banal sa DRC ay maiipit sa paghihintay, inaalala na ang mga pasaporte nila ay mapapaso bago pa sila makatanggap ng visa at makadalo sa templo.

Ang unang templong inanunsiyo ni Pangulong Monson ay ang ikalawa para sa lunsod ng Provo, Utah. Kailan lamang, ang makasaysayang tabernakulo ng lunsod ay hindi sinasadyang nasunog, at tinupok ng apoy ang halos lahat maliban sa panlabas na mga pader nito. Ngayon ay plano ng Simbahan na muling itayo at muling gamitin ito bilang bahay ng Panginoon.

“Masaya rin akong ibalita na may mga bagong templong itatayo sa sumusunod na mga lugar,” pagpapatuloy ni Pangulong Monson. “Barranquilla, Colombia; Durban, South Africa; Kinshasa sa the Democratic Republic of the Congo; at—”

Pagkarinig nila sa salitang “Kinshasa,” sina Willy at lahat sa paligid niya ay tumayo at nagdiwang. Lubos silang nagulat sa balita. Hindi magtatagal, ang mga Banal mula sa Congo ay hindi na kinakailangang alalahanin ang mga visa sa paglalakbay o mapapaso na pasaporte. Binago ng simpleng pahayag ng propeta ang lahat.

Ni walang mga sabi-sabi, walang mga pahiwatig na plano ng Simbahan na magtayo ng templo sa DRC. Ang mayroon lamang ay pag-asa—pag-asa na isang araw ay magtatayo ang Panginoon ng Kanyang bahay sa kanilang lupain.

Ngayon ay mangyayari na! Mangyayari na sa wakas!

  1. Perkey, Oral History Interview, [00:00:54]–[00:06:48], [00:13:07]–[00:13:55]; Villavicencio at Villavicencio, Email Interview [July 2023]; Joshua Perkey to Marco Villavicencio, Email, Feb. 7, 2011, Marco Villavicencio at Claudia Villavicencio, Oral History Interviews, CHL; Villavicencio at Villavicencio, Oral History Interview [May 2023], 21–28. Paksa: Mga Peryodiko ng Simbahan; Globalisasyon; Ecuador

  2. Joshua J. Perkey, “Gutom sa Salita sa Ecuador,” Liahona, Peb. 2012, 46–51; Villavicencio, Oral History Interview, 17.

  3. Joshua Perkey to Marco Villavicencio, Email, Feb. 7, 2011, Marco Villavicencio at Claudia Villavicencio, Oral History Interviews, CHL; Perkey, Oral History Interview, [00:07:10]–[00:07:50]; R. Scott Lloyd, “‘One in a Million’ Feature Spotlights Primary Children,” Church News, Peb. 12, 2011, 14; “Danil,” at “Giordayne,” One in a Million, ChurchofJesusChrist.org/media/video; Villavicencio at Villavicencio, Email Interview [July 2023]; Villavicencio at Villavicencio, Oral History Interview [May 2023], 2, 8, 21–28.

  4. Villavicencio at Villavicencio, Email Interview [July 2023]; “Sair,” One in a Million, ChurchofJesusChrist.org/media/video. Paksa: Primary

  5. Hernandez at Hernandez, Oral History Interview [2023], [21]–[29], [34]–[41]; Hernandez at Hernandez, Oral History Interview [2022], [5], [7]–[11], [15], [23]–[25], [33], [37]–[38]; Emma Hernandez to James Perry, Emails, Oct. 11, 2023; Mar. 14, 2024, Emma Acosta Hernandez at Hector David Hernandez, Oral History Interviews, CHL.

  6. Hernandez at Hernandez, Oral History Interview [2023], [35], [39]–[41]. Paksa: Pagbubuklod

  7. Hernandez at Hernandez, Oral History Interview [2023], [25], [27], [29], [32]–[33]; Hernandez at Hernandez, Oral History Interview [2022], [5], [11], [17], [19], [24]–[26], [30]–[31], [33], [36]; Emma Hernandez to James Perry, Emails, Sept. 12, 2023; Oct. 11, 2023; Mar. 12, 2024, Emma Acosta Hernandez at Hector David Hernandez, Oral History Interviews, CHL.

  8. Hernandez at Hernandez, Oral History Interview [2023], [25]–[27], [29]–[33]; Hernandez Family at Emma Hernandez’s University Graduation, Mar. 4, 2011, Photograph; Emma Hernandez to James Perry, Email, Sept. 12, 2023, Emma Acosta Hernandez at Hector David Hernandez, Oral History Interviews, CHL.

  9. Thomas S. Monson, “Kumperensya na Naman,” at Brook P. Hales, “Ulat sa Estadistika, 2010,” Liahona, May 2011, 4, 6, 29; Monson, Journal, Jan. 31, 2011; Feb. 1, 2011; Mar. 2 and 16, 2011.

  10. Haws, Mormon Image in the American Mind, 172–75, 195–99, 207–38; Shipps, Sojourner, 98–123; Walter Kirn, “The Mormon Moment,” Newsweek, Hunyo 5, 2011, newsweek.com. Paksa: Public Relations

  11. Haws, Mormon Image in the American Mind, 237–38; Thomas S. Monson, “Kapangyarihan ng Priesthood,” Liahona, Mayo 2011, 66; Monson, Journal, Feb. 16, 1999; Mar. 30, 1999; Oct. 8, 1999; May 31, 2006.

  12. NeJaime, “Before Marriage,” 87–172; Russell M. Nelson, “Elder Russell M. Nelson: The Family: The Hope for the Future of Nations,” Church News, Ago. 12, 2009, thechurchnews.com; First Presidency to General Authorities and others, June 20, 2008, sa “California and Same-Sex Marriage,” Newsroom, Hunyo 30, 2008; “Church Readies Members on Proposition 8,” Newsroom, Okt. 8, 2008, newsroom.ChurchofJesusChrist.org; Young, “Mormons and Same-Sex Marriage,” 159–60.

  13. Young, “Mormons and Same-Sex Marriage,” 161–62; “Catholic Bishop Decries Religious Bigotry against Mormons,” Newsroom, Nob. 7, 2008, newsroom.ChurchofJesusChrist.org.

  14. Young, “Mormons and Same-Sex Marriage,” 164–66; “Church Issues Statement on Proposition 8 Protest,” Newsroom, Nob. 7, 2008, newsroom.ChurchofJesusChrist.org; Scott Taylor, “Mormon Church Supports Salt Lake City’s Protections for Gay Rights,” Deseret News, Nob. 10, 2009, deseret.com; “Church Responds to HRC Petition: Statement on Same-Sex Attraction,” Newsroom, Okt. 12, 2010, newsroom.ChurchofJesusChrist.org.

  15. God Loveth His Children, 1; “New Pamphlet: ‘God Loveth His Children,’” Church News, Ago. 4, 2007, 5; Doug Andersen and others to Michael Otterson, Jan. 25, 2010; “Gays and Mormons,” Feb. 22, 2010; Doug Andersen to Michael Otterson, Mar. 10, 2010; Paul Pieper to Michael Otterson, Apr. 12, 2011; “Mormon Issues: Sexual Orientation and Identity,” webpage mockup, Mar. 8, 2012; Dallin H. Oaks, “Helping Leaders, Families, and Individuals Deal with Same-Gender Attraction,” Mar. 30, 2012, Public Affairs Department, Michael Otterson Files, CHL.

  16. “Disciples of Christ Love All People,” “True to Beliefs,” at “I Never Stopped Going to Church,” mga video transcript, Love One Another: A Discussion on Same-Sex Attraction, Mormons and Gays (website), mormonsandgays.org, capture [21:20:06], Set. 14, 2016, na-archive sa Wayback Machine, web.archive.org.

  17. Thomas S. Monson, “Sa Paghihiwa-hiwalay,” Liahona, Mayo 2011, 114.

  18. “Directors’ Council Discussion on Branding,” May 8, 2009, Public Affairs Department, Michael Otterson Files, CHL; “Driving Core Messages for the Church,” Jan. 12, 2010, sa Michael Otterson to Quorum of the Twelve, Memorandum, Jan. 13, 2010; Church Messaging Presentation, July 2010, Public Affairs Department, Michael Otterson Files, CHL.

  19. Allred, Journal, Aug. 17, 2011; Chris Morales, “New Temple for El Salvador,” Church News, Nob. 24, 2007, 3; Allred at Allred, Oral History Interview, 7; Allred, Oral History Interview [June 2021], 10; First Presidency to Silvia Allred, Feb. 24, 2011, Relief Society, Silvia Allred Files, CHL.

  20. Beck, Relief Society General Presidency Executive Summary, [6]–[10], [18]–[20], [29]–[32]; Priesthood Executive Council, Minutes and Records, Feb. 9, 2011; Priesthood Executive Council to First Presidency, Memorandum, Mar. 9, 2011, Priesthood Executive Council, Minutes and Records, CHL; Priesthood Department to General Authorities and others, Oct. 5, 2011, Historical Department, Circular Letters, CHL.

  21. Beck, Relief Society General Presidency Executive Summary, [45]–[48]; Allred, Oral History Interview [2023], 13–15.

  22. “Relief Society History Book Proposal,” Mayo 19, 2009, Relief Society, General Presidency Meeting Minutes, CHL; Priesthood Executive Council, Minutes, May 20, 2009; Priesthood Executive Council, Minutes and Records, Jan. 12, 2011; Mar. 22, 2011; Apr. 6, 2011; Beck, Relief Society General Presidency Executive Summary, [41]–[44], [49]–[54]; Sarah Jane Weaver, “Witness of Divine Roles,” Church News, Set. 10, 2011, 3; Daughters in My Kingdom, xi–xiv. Paksa: Relief Society

  23. Allred, Oral History Interview [Mar. 2012], 41–42; Allred, Oral History Interview [June 2021], 10–12; Allred, Oral History Interview [2023], 17–18. Paksa: El Salvador

  24. Silvia Allred, Address, San Salvador El Salvador Temple Dedication, Aug. 21, 2011, 1–2, Relief Society, General Presidency Meeting Minutes, CHL; Allred, Oral History Interview [June 2021], 10–13; Allred, Oral History Interview [2023], 18; Jason Swensen, “El Salvador Temple: A Symbol of Peace and Hope,” Church News, Ago. 27, 2011, 6.

  25. Allred, Oral History Interview [June 2021], 13; First Presidency to General Authorities and others, Jan. 28, 2011, First Presidency, Circular Letters, CHL; Silvia Allred, Address, San Salvador El Salvador Temple Dedication, Aug. 21, 2011, 1, 4, Relief Society, General Presidency Meeting Minutes, CHL. Paksa: Paglalaan ng Templo at Mga Panalangin Nito

  26. Willy Binene, Oral History Interview [Dec. 2023]; Binene at Binene, Oral History Interview [June 2023]; First Presidency to General Authorities and others, Aug. 18, 2011, First Presidency, Circular Letters, CHL.

  27. “Growth of Church in Remote Central Africa Is Remarkable,” Church News, Hulyo 23, 2011, 10; “Membership by Branch in the Luputa Democratic Republic of the Congo District for Years 2006–2012,” ang kopya ay nasa pag-iingat ng mga patnugot; Willy Binene, Oral History Interview [Dec. 2023]; Willy Binene and Church Leaders with Newly Called Missionaries, [June 26, 2011], Photograph, Luputa Democratic Republic of the Congo Stake Photographs, CHL.

  28. Monson, Journal, Sept. 30–Oct. 1, 2011; Thomas S. Monson, “Sa Muli Nating Pagkikita,” Liahona, Nob. 2011, 4; “Growth of Church in Remote Central Africa Is Remarkable,” Church News, Hulyo 23, 2011, 10; Binene at Binene, Oral History Interview [June 2023].

  29. Thomas S. Monson, “Sa Muli Nating Pagkikita,” Liahona, Nob. 2011, 5; Cowan at Bray, Provo’s Two Temples, 148–71, 176–79, 185. Isang kopya ng Christ’s Second Coming [Ikalawang Pagdating ni Cristo] ay nakaligtas sa sunog. (Ryan Morgenegg, “Fire Devastates Historic Provo Tabernacle,” Church News, Dis. 25, 2010, 2.)

  30. Thomas S. Monson, “Sa Muli Nating Pagkikita,” Liahona, Nob. 2011, 5; Binene at Binene, Oral History Interview [June 2023]. Mga Paksa: Democratic Republic of the Congo; Pagtatayo ng Templo