Upang Magtamo ng Espirituwal na Patnubay
Sa mabuting pagsasanay, sa pamumuhay ayon sa mga tamang alituntunin, at pagiging sensitibo sa mga damdaming dumarating, magtatamo kayo ng espirituwal na patnubay.
Sa nagdaang mga panahon, maraming nagkamit ng patnubay na nakatulong sa paglutas ng mga hamon nila sa buhay sa pagsunod sa halimbawa ng mga respetadong taong lumutas ng ganitong klaseng mga problema. Ngayon, napakabilis ng pagbabago ng mga kalagayan sa mundo kaya madalas ay hindi natin iyon magawa.
Ako mismo ay nagagalak sa katotohanang iyan dahil lumilikha ito ng kalagayan kung saan tayo, dahil kailangan, ay mas umaasa sa paggabay ng Espiritu sa malalaking pagbabago sa buhay. Samakatwid, inaakay tayong maghangad ng personal na inspirasyon sa mahahalagang desisyon sa buhay.
Ano ang magagawa ninyo para maragdagan ang kakayahan ninyong maakay sa mga tamang desisyon sa buhay? Ano ang mga alituntuning pinagbabatayan ng espirituwal na komunikasyon? Ano ang mga potensyal na sagabal sa gayong komunikasyon na kailangan ninyong iwasan?
Isinulat ni Pangulong John Taylor: “Si Joseph Smith, ay nagsabi sa akin, apatnapung taon na ang nakararaan na: ‘Brother Taylor, natanggap mo ang Espiritu Santo. Ngayon sundin mo ang impluwensya ng Espiritu, at aakayin ka nito sa lahat ng katotohanan, hanggang ito ay unti-unting maging alituntunin ng paghahayag sa iyo.’ Pagkatapos ay sinabi niya sa akin na huwag babangon sa umaga nang hindi yumuyukod sa harapan ng Panginoon, at ilaan ang aking sarili sa kanya sa araw na iyon.”1
Batid ng Ama sa Langit na haharap kayo sa mga hamon at kakailanganin ninyong gumawa ng ilang desisyong lalampas sa kakayahan ninyong magpasiya nang tama. Sa Kanyang plano ng kaligayahan, naglaan Siya ng paraan para tumanggap kayo ng tulong sa gayong mga hamon at desisyon habang kayo ay nabubuhay. Ang tulong na iyon ay darating sa inyo mula sa Espiritu Santo bilang espirituwal na patnubay. Isa itong kapangyarihan, na higit pa sa sarili ninyong kakayahan, na gusto ng mapagmahal na Ama sa Langit na gamitin ninyo palagi para sa inyong kapayapaan at kaligayahan.
Naniniwala ako na walang simpleng pormula o pamamaraang agad magtutulot sa inyo na mabihasa sa kakayahang magabayan ng Banal na Espiritu. Inaasahan ng ating Ama na matututo kayong makamit ang tulong na iyon ng langit sa pagsampalataya sa Kanya at sa Kanyang Banal na Anak na si Jesucristo. Kung tatanggap kayo ng inspiradong patnubay sa paghingi lamang nang hindi ito pinagsisikapan, maghihina kayo at higit na aasa sa Kanila. Alam Nila na darating ang mahalagang personal na pag-unlad kapag pinagsikapan ninyong matutuhan kung paano magabayan ng Espiritu.
Ang akala ninyong nakakatakot na tungkulin ay magiging mas madaling gampanan sa paglipas ng panahon kapag palagi ninyong sinisikap kilalanin at sundin ang damdaming ipinadarama ng Espiritu. Mag-iibayo rin ang tiwala ninyo sa patnubay na tinatanggap ninyo sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Nakikita ko na kapag nagtatamo kayo ng karanasan at tagumpay dahil sa paggabay ng Espiritu, magiging mas tiyak ang tiwala ninyo sa mga nadarama ninyo kaysa sa pag-asa ninyo sa inyong nakita o narinig.
Dalawa ang bunga ng espirituwalidad. Ang una ay inspirasyong malaman ang gagawin. Ang pangalawa ay kapangyarihan, o kakayahang gawin ito. Magkasama ang dalawang kakayahang ito. Kaya nga masasabi ni Nephi, “Hahayo ako at gagawin ang mga bagay na ipinag-uutos ng Panginoon.”2 Alam niya ang mga espirituwal na batas na pinagbabatayan ng inspirasyon at kapangyarihan. Oo, sinasagot ng Diyos ang panalangin at binibigyan tayo ng espirituwal na patnubay kapag masunurin tayo at sapat na sumasampalataya sa Kanya.
Ngayo’y magbabahagi ako ng karanasan na nagturo sa akin ng paraan para magtamo ng espirituwal na patnubay. Isang araw ng Linggo dumalo ako sa miting ng priesthood ng isang Spanish branch sa Mexico City. Malinaw sa alaala ko kung paano sinikap ng abang Mexicanong lider ng priesthood na iparating ang mga katotohanan ng ebanghelyo sa kanyang aralin. Napansin ko ang matinding hangad niyang ibahagi ang mga alituntuning iyon na napakahalaga sa kanila ng mga miyembro ng kanyang korum. Alam niya na napakahalaga ng mga ito sa kalalakihang naroon. Sa kanyang kilos, kitang-kita ang dalisay na pag-ibig ng Tagapagligtas at pagmamahal ng mga tinuturuan niya.
Dahil sa kanyang katapatan, kadalisayan ng layon, at pagmamahal ay nabalot ng espirituwal na lakas ang silid. Lubha akong naantig. Pagkatapos ay tumanggap na ako ng mga personal na paramdam bunga ng mga alituntuning itinuro ng abang gurong iyon. Ang mga ito ay personal at may kinalaman sa mga tungkulin ko sa area. Sagot ito sa mahaba at mapanalangin kong mga pagsisikap na matuto.
Tuwing may darating na paramdam, maingat ko itong isinusulat. Sa prosesong ito, binigyan ako ng mahahalagang katotohanang kailangang-kailangan ko para maging mas epektibong lingkod ng Panginoon. Ang mga detalye ng komunikasyon ay sagrado at, tulad ng patriarchal blessing, para ito sa aking kapakinabangan. Binigyan ako ng mga natatanging patnubay, tagubilin, at pangakong may kundisyon na nagpabago nang husto sa landas ng buhay ko.
Pagkaraan, binisita ko ang Sunday School class sa aming ward, kung saan inilahad ng isang napakaedukadong guro ang kanyang aralin. Ang karanasang iyan ay taliwas na taliwas doon sa ikinagalak ko sa miting ng priesthood. Tingin ko ay talagang layon ng guro na pumili ng malalabong reperensya at mga pambihirang halimbawa para ilarawan ang mga alituntunin ng aralin. Malinaw ang dating sa akin na sinamantala ng gurong ito ang pagkakataong makapagturo para pahangain ang klase sa malawak niyang kaalaman. Ano’t anuman, wala siyang intensyong ituro ang mga alituntunin na katulad ng ginawa ng abang lider ng priesthood.
Sa sitwasyong iyon, muling dumaloy sa akin ang malalakas na paramdam. Isinulat ko ang mga ito. Kabilang sa mensahe ito ang natatanging payo kung paano maging mas epektibong kasangkapan sa mga kamay ng Panginoon. Nakatanggap ako ng napakalakas na pagbuhos ng mga paramdam na napakapersonal kaya’t nadama ko na hindi angkop na itala ko ang mga ito sa loob ng klase ng Sunday School. Humanap ako ng mas pribadong lugar, kung saan patuloy kong isinulat nang tapat hangga’t maaari ang mga damdaming dumaloy sa aking puso’t isipan. Matapos maitala ang bawat malakas na paramdam, pinagbulayan ko ang mga nadama ko para matiyak kung tumpak ang pagkasulat ko sa mga ito. Bunga nito, gumawa ako ng ilang maliliit na pagbabago sa nakasulat na. Pagkatapos ay pinag-aralan ko ang kahulugan at kaangkupan nito sa sarili kong buhay.
Kasunod nito ipinagdasal ko sa Panginoon kung tama ang inakala kong itinuro sa akin ng Espiritu. Nang makadama ako ng kapayapaan, pinasalamatan ko Siya sa patnubay. Pagkaraan ay naisip kong itanong, “May iba pa bang ibibigay?” Tumanggap ako ng iba pang mga paramdam, at naulit ang pagsulat sa mga ito, pagninilay-nilay, at pagdarasal para sa patibay. Muli kong nadamang magtanong, “May dapat pa ba akong malaman?” At mayroon nga. Nang matapos ang huli at napakasagradong karanasang iyon, natanggap ko ang ilang napakahalaga, partikular, at personal na patnubay na aasaming matamo ng sinuman sa buhay na ito. Kung hindi ko pinansin ang mga unang paramdam at itinala ang mga iyon, hindi ko sana natanggap ang huli at napakahalagang patnubay.
Hindi namumukod ang inilarawan kong karanasan. Naroon ang ilang tunay na alituntunin tungkol sa komunikasyon ng Panginoon sa Kanyang mga anak dito sa lupa. Naniniwala ako na hindi ninyo maririnig ang napakahalaga at personal na patnubay ng Espiritu kung hindi ninyo papansinin, itatala, at ipamumuhay ang mga unang paramdam na dumarating sa inyo.
Ang mga paramdam ng Espiritu ay darating bilang tugon sa agarang panalangin o kahit hindi hiniling kapag kailangan. Kung minsan inihahayag ng Panginoon ang katotohanan sa inyo nang hindi ninyo ito hinahangad, tulad ng kapag nasa panganib kayo at hindi ninyo alam. Gayunman, hindi kayo pipilitin ng Panginoon na matuto. Dapat ninyong gamitin ang inyong kalayaang tulutan ang Espiritu na turuan kayo. Kapag nakasanayan ninyo ito sa buhay ninyo, higit ninyong madarama ang pagdating ng espirituwal na patnubay. Sa gayon, pagdating ng patnubay na iyon, na kung minsan ay kapag hindi ninyo inaasahan, mas madali ninyo itong makikilala.
Ang nagbibigay-inspirasyong impluwensya ng Banal na Espiritu ay mapapangibabawan o matatakpan ng matitinding damdamin tulad ng galit, poot, silakbo ng damdamin, takot, o kayabangan. Kapag may gayong mga impluwensya, para itong pagtikim sa masarap na lasa ng ubas habang kumakain ng siling jalapeño. Pareho itong malalasahan, pero mas matapang ang lasa ng isa. Sa gayon ding paraan, nangingibabaw ang matitinding damdamin sa maseselang paramdam ng Banal na Espiritu.
Ang kasalanan ay nakalululong; nangwawasak sa sarili; naggaganyak ng iba pang katiwalian; nagpapamanhid sa espirituwalidad, budhi, at katwiran; bumubulag sa katotohahanan; nakakahawa; nakasisira ng isip, katawan. at espiritu. Ang kasalanan ay nakakabulok ng espirituwalidad. Kapag hindi napigilan makakapaso ito. Nadaraig ito ng pagsisisi at kabutihan.
Binabalaan ko kayo. Napakahusay ni Satanas sa pagharang sa espirituwal na komunikasyon sa pag-uudyok sa mga tao, sa panunukso, na labagin ang mga batas na kinasasaligan ng espirituwal na komunikasyon. Nakukumbinsi pa niya ang ilan na hindi nila kayang tumanggap ng gayong patnubay mula sa Panginoon.
Bihasa na si Satanas sa paggamit ng nakalululong na kapangyarihan ng pornograpiya para mawalan ng kakayahan ang tao na maakay ng Espiritu. Ang pag-atake ng pornograpiya sa lahat ng malupit, nakabubulok, nakakasirang anyo nito ay nakapagdulot na ng hapis, pagdurusa, hinanakit, at paghihiwalay ng mag-asawa. Isa ito sa pinakamasasamang impluwensya sa daigdig. Sa pamamagitan man ng babasahin, pelikula, telebisyon, malalaswang musika, kabastusan sa telepono, o sa nag-aanyayang personal computer screen, ang pornograpiya ay lubhang nakalululong at nakakasira. Ang mabisang kasangkapang ito ni Lucifer ay nagpapababa sa puso’t isipan at kaluluwa ng gumagamit nito. Lahat ng nabibihag sa kaakit-akit at nakasasabik na web at nananatiling gayon ay malululong sa imoral at mapangwasak na impluwensya nito. Para sa marami, ang pagkalulong ay hindi madaraig nang walang tulong. Napakapamilyar ng kalunus-lunos na gawaing ito. Nagsisimula ito sa pag-uusisa na ginagatungan ng pag-uudyok at kinakatwiranan ng maling paniniwala na kapag ginawa nang lihim, hindi nito ipapahamak ang iba. Dahil sa paniniwala sa kasinungalingang ito, lalo nila itong sinusubukan, na mas matitindi ang pag-uudyok, hanggang sa magsara ang bitag at kontrolin sila ng napakaimoral at nakalululong na mga gawing ito.
Ang pakikilahok sa pornograpiya sa anumang nakakaakit na anyo nito ay pagpapakita ng di-mapigil na pagkamakasarili. Paano naaatim ng isang lalaki, lalo na ng isang maytaglay ng priesthood, na hindi isipin ang emosyonal at espirituwal na kasiraang dulot sa kababaihan, lalo na sa kanyang asawa, ng nakasusuklam na gawaing iyon?
Malinaw na ipinahayag ng inspiradong si Nephi, “At gagawin [sila ng diyablo na] payapa … , at dahan-dahan silang aakayain tungo sa mahalay na katiwasayan, … at sa gayon lilinlangin [niya] ang kanilang mga kaluluwa, at maingat silang aakayin pababa sa impiyerno.”3
Kung kayo ay nabitag sa pornograpiya, lubos na mangakong daigin ito ngayon. Humanap ng tahimik na lugar; agarang manalangin para sa tulong at suporta. Magtiyaga at sumunod. Huwag sumuko.
Mga magulang, mabatid na ang pagkalulong sa pornograpiya ay maaaring magsimula sa kabataan sa napakamurang edad. Mag-ingat para maiwasan ang trahedyang iyan. Mga stake president at bishop, magbabala tungkol sa kasamaang ito. Anyayahan ang sinumang iniisip ninyo na nalulong dito na magpatulong sa inyo.
Ang isang tao na may matibay na mga pamantayan at matatag na pangakong sundin ang mga ito ay hindi madaling matatangay. Ang isang tao na patuloy na iwinawaksi ang mabibigat na kasalanan at sinusupil ang sarili laban sa impluwensya ng mundo ay may paninindigan. Ang pagsisisi ay magiging mas epektibo sa gayong klaseng tao. Ang paghihinagpis matapos magkamali ay isang matabang lupa kung saan yayabong ang pagsisisi.
Magtiyaga habang nagsasanay sa kakayahan ninyong maakay ng Espiritu. Sa mabuting pagsasanay, sa pamumuhay ayon sa mga tamang alituntunin, at pagiging sensitibo sa mga damdaming darating, magtatamo kayo ng espirituwal na patnubay. Pinatototohanan ko na ang Panginoon, sa pamamagitan ng Espiritu Santo, ay mangungusap sa inyong puso’t isipan. Kung minsan ang mga paramdam ay mga karaniwang damdamin lamang. Kung minsa’y napakalinaw at hindi maipagkakamali ang patnubay kaya maisusulat ang bawat salita nito, na parang espirituwal na pagdidikta.4
Taimtim kong pinatototohanan na kapag kayo ay nanalangin nang buong alab ng kaluluwa at mapakumbaba at may pasasalamat, matututo kayo na palagiang magabayan ng Banal na Espiritu sa lahat ng aspeto ng inyong buhay. Napatunayan ko na ang katotohanan ng alituntuning iyan sa sarili kong pagsubok sa buhay. Pinatototohanan ko na personal kayong matututong mabihasa sa mga alituntunin ng magabayan ng Espiritu. Sa ganyang paraan, mapapatnubayan kayo ng Tagapagligtas sa paglutas sa mga hamon sa buhay at magtatamasa kayo ng malaking kapayapaan at kaligayahan. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.