2009
Ano ang Nagawa Ko Ngayon para sa Isang Tao?
Nobyémbre 2009


Ano ang Nagawa Ko Ngayon para sa Isang Tao?

Laging nariyan ang mga pangangailangan ng iba, at may magagawa ang bawat isa para makatulong sa iba.

President Thomas S. Monson

Mahal kong mga kapatid, binabati ko kayo sa magandang umagang ito nang may pagmamahal sa ebanghelyo ni Jesucristo at sa bawat isa sa inyo. Nagpapasalamat ako sa pagkakataong makatayo sa harap ninyo, at dalangin na mabisa kong maihatid sa inyo ang nadama kong kailangang sabihin sa inyo.

Ilang taon na ang nakalilipas nabasa ko ang isang artikulong isinulat ni Jack McConnell, MD. Lumaki siya sa mga burol ng timog-kanlurang Virginia sa Estados Unidos bilang isa sa pitong anak ng isang ministrong Metodista at inang namamalagi sa tahanan. Simple lang ang buhay nila noon. Naaalala niya na noong bata pa siya, sa araw-araw na pag-upo ng pamilya sa paligid ng mesa ay itinatanong ng tatay niya, “At ano ang ginawa ninyo ngayon para sa isang tao?”1 Ang mga bata ay determinadong gumawa ng mabuti araw-araw para makapag-ulat sa kanilang ama na may natulungan sila. Para kay Dr. McConnell ang gawaing ito ang pinakamahalagang pamana ng kanyang ama, dahil ang ekspektayon na iyon at mga salitang iyon ang naging inspirasyon niya at ng kanyang mga kapatid sa pagtulong sa iba sa buong buhay nila. Nang tumanda na sila, ang kagustuhan nilang makapaglingkod ay nagbago at naging marubdob na hangaring tulungan ang iba.

Bukod sa pagiging bantog na doktor ni Dr. McConnell—kung saan pinamahalaan niya ang pagbuo ng tuberculosis Tine Test, nakilahok sa pagtuklas ng bakuna sa polio, pinangasiwaan ang pagtuklas ng Tylenol at naging kasangkapan sa paggawa ng magnetic resonance imaging procedure, o MRI—bumuo siya ng samahan na tinawag niyang Volunteers in Medicine, na nagbigay pagkakataon sa mga retiradong tauhan ng medisina na magboluntaryo sa mga free clinic na naglilingkod sa mga taong walang seguro. Sinabi ni Dr. McConnell na ang oras niya sa paglilibang simula nang magretiro ay “naging 60-oras bawat linggo ng libreng pagtatrabaho, na ang [kanyang] enerhiya ay nadagdagan at may nadarama siyang kasiyahan na wala doon noon.” Ganito ang sabi niya: “Ang nakakatuwa dito, ako ang mas nakinabang mula sa Volunteers in Medicine kaysa sa mga pasyente ko.”2 Ngayon mahigit 70 na ang ganitong mga klinika sa iba’t ibang panig ng Estados Unidos.

Siyempre, hindi puwedeng maging Dr. McConnells tayong lahat, na nagtatatag ng mga medical clinic para tulungan ang mahihirap; kaya lang, laging nariyan ang mga pangangailangan ng iba, at may magagawa ang bawat isa sa atin para makatulong sa iba.

Paghikayat ni Apostol Pablo, “Sa pamamagitan ng pagibig ay mangaglingkuran kayo.”3 Gunitain natin ang pamilyar na salita ni Haring Benjamin sa Aklat ni Mormon: “Kung kayo ay nasa paglilingkod ng inyong kapwa-tao, kayo ay nasa paglilingkod lamang ng inyong Diyos.”4

Itinuro ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo, “Sapagka’t ang sinomang magibig iligtas ang kaniyang buhay, ay mawawalan nito; datapuwa’t sinomang mawalan ng kaniyang buhay dahil sa akin, ay maililigtas nito yaon.”5

Naniniwala ako na sinasabi sa atin ng Tagapagligtas na maliban na kalimutan natin ang ating sarili sa paglilingkod sa iba ay kaunti lamang ang layunin ng ating buhay. Ang mga nabubuhay para sa sarili lamang nila ay nangunguluntoy at nawawalan ng buhay, samantalang ang mga lumilimot sa kanilang sarili sa paglilingkod sa iba ay umuunlad at nananagana—at tunay na naliligtas ang kanilang buhay.

Sa Oktubre 1963 na Pangkalahatang Kumperensya—ang kumperensya kung saan sinang-ayunan akong miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol—sinabi ni Pangulong David O. McKay: “Ang pinakamalaking kaligayahan ng tao ay nagmumula sa paglimot sa kanyang sarili para sa kapakanan ng iba.”6

Kadalasan magkakasama tayo ngunit hindi tayo nagkakaroon ng mga masinsinang usapan. May mga taong nasa ilalim ng ating nasasakupan na, habang nakaunat ang mga kamay ay sumasamong, “Wala bagang balsamo sa Galaad?”7

Tiwala ako na layon ng bawat miyembro ng Simbahan na maglingkod at tulungan ang mga nangangailangan. Sa binyag ay nakipagtipan tayong “mag[pa]pasan ng pasanin ng isa’t isa, nang ang mga yaon ay gumaan.”8 Ilang beses na bang naantig ang inyong puso nang makita ninyo ang pangangailangan ng iba? Gaano kadalas ninyo binalak tulungan ang isang tao? Gayunman, gaano kadalas humahadlang ang pang-araw-araw na buhay at ipinaubaya ninyo sa iba ang pagtulong, iniisip na “ah, tiyak na may mag-aasikaso sa pangangailangang iyan.”

Masyado tayong nagiging abala sa ating buhay. Gayunman, kung titigil tayo sandali, at mamasdan ang ating ginagawa, makikita nating masyado tayong abala sa “mga bagay na di gaanong mahalaga.” Sa madaling salita, kadalasan ay ginugugol natin ang ating oras sa mga bagay na hindi gaanong makabuluhan sa kabuuang plano ng buhay, at napapabayaan ang mas mahahalagang dahilan.

Maraming taon na ang nakalilipas narinig ko ang isang tulang nasa isip ko pa rin ngayon at sinikap kong gawin itong gabay sa aking buhay. Isa ito sa mga paborito ko:

Magdamag na tinangisan,

Ang pagbubulag-bulagan,

Sa mga taong nangangailangan;

Ngunit kailanman

‘Di ko pinagsisihan

Ang labis na kabaitan.9

Mga kapatid, napaliligiran tayo ng mga taong nangangailangan ng ating pansin, ating paghikayat, ating suporta, pag-alo, kabaitan—sila man ay mga kapamilya, kaibigan, kakilala o dayuhan. Tayo ang mga kamay ng Panginoon dito sa lupa, na inutusang maglingkod at tulungan ang Kanyang mga anak. Umaasahan Siya sa bawat isa sa atin.

Maaaring hinaing ninyo’y: Halos hindi ko na makaya ang bawat araw, sa paggawa ng lahat ng kailangan kong gawin. Paano ako makapaglilingkod sa iba? Ano ang maaari kong gawin?

Mahigit isang taon na ang nakalilipas, ininterbyu ako ng Church News bago sumapit ang aking kaarawan. Pagkatapos ng interbyu, nagtanong ang reporter kung ano ang itinuturing kong magandang maireregalo sa akin ng mga miyembro sa buong mundo. Sagot ko ay, “Maghanap ng taong nahihirapan, o may karamdaman, o nalulungkot, at gumawa ng isang bagay para sa kanya.”10

Labis ang tuwa ko nang sa kaarawan ko sa taong ito ay tumanggap ako ng daan-daang mga kard at liham mula sa mga miyembro ng Simbahan sa iba’t ibang panig ng mundo na nagsasabi kung paano nila ginawa ang kahilingang iyon sa kaarawan ko. Ang mga paglilingkod ay iba-iba; mula sa pagbuo ng mga humanitarian kit hanggang sa paggawa sa bakuran.

Dose-dosenang Primary ang humamon sa mga bata na maglingkod, at pagkatapos ang mga gawang iyon ng paglilingkod ay inirekord at ipinadala sa akin. Masasabi kong ang paraan ng pagrerekord sa mga iyon ay malikhain. Marami ang ginawang mga pahina na pinagsama-sama sa iba’t ibang hugis at laki ng mga aklat. Ang ilan ay may mga kard o drowing o kinulayan ng mga bata. Isang napakamalikhaing Primary ang nagpadala ng malaking garapon na pinagsidlan ng daan-daang “maliliit na laruan,” bawat isa ay sagisag ng paglilingkod na ginawa sa buong taon ng isa sa mga bata sa Primary. Para ko nang nakita ang kaligayahang nadama ng mga batang ito habang ikinukuwento ang kanilang paglilingkod at inilalagay ang “maliit na laruan” sa garapon.

Babanggitin ko ang ilan sa maraming munting mensahe sa mga regalong natanggap ko. Isang maliit bata ang sumulat, “Na-istrok po ang lolo ko, at hinawakan ko ang kamay niya.” Mula sa isang 8-taong gulang na batang babae: “Kami po ng kapatid ko ay naglingkod kay Inay at sa pamilya sa pamamagitan ng pag-aayos at paglilinis ng lalagyan ng mga laruan. Ilang oras din naming ginawa iyon at ang saya namin. Ang pinakamaganda sa lahat ay nasorpresa si Inay at naging maligaya siya dahil ni hindi na niya kami inutusang gawin ito.” Isang 11-taong gulang na batang babae ang sumulat: “Mayroon pong isang pamilya sa aming ward na kaunti lang ang pera. May tatlo silang maliliit na anak na babae. Kinailangang umalis ang tatay at nanay nila kaya nag-alok akong bantayan ang tatlong bata. Aabutan na po sana ako ng ama ng $5. Sabi ko, ‘Hindi ko po matatanggap [‘yan].’ Naglingkod po ako sa pagbabantay sa mga bata nang libre.” Isang batang Primary sa Mongolia ang sumulat na sumalok siya ng tubig mula sa balon para hindi na sumalok pa ang nanay niya. Mula sa isang 4-na taong gulang na batang lalaki, walang dudang Primary teacher ang sumulat nito: “Umalis po si Tatay para sa army training sa loob ng ilang linggo. Ang espesyal kong trabaho ay yakapin at hagkan si Inay.” Isinulat ng 9-na taong gulang na batang babae: “Namitas po ako ng mga strawberry para sa lola ko. Maganda ang pakiramdam ko!” At may isa pa: “Nakipaglaro po ako sa isang batang malungkot.”

Mula sa 11-taong gulang na batang lalaki: “Nagpunta po ako sa bahay ng isang ale at tinanong siya, at kinantahan ko siya. Maganda ang pakiramdam ko na nabisita ko siya. Masaya siya dahil walang dumadalaw sa kanya.” Sa pagbasa sa munting liham na ito naalala ko ang mga isinulat noon ni Elder Richard L. Evans ng Korum ng Labindalawa. Sabi niya: “Hindi madali sa mga bata na maunawaan ang kalungkutan kapag nagbago ang buhay mula sa panahon ng paghahanda at paggawa at naging panahon ng pagliligpit… . Ang matagal na maging sentro ng isang tahanan, na laging kailangan at naroon, at pagkatapos ay biglang mapupunta sa isang tabi at minamasdan na lang ang nangyayari sa buhay ng iba—ito ang malungkot na buhay… . Kailangang matagal kang mabuhay para malaman mo kung gaano kalungkot ang isang silid na tanging mga kasangkapan ang laman. Kailangan ang isang taong … hindi inuupahan, isang taong gagawa nito kahit hindi niya ito trabaho, para maibalik ang mga alaala ng nakaraan at manatiling masaya ang ganitong tao sa kasalukuyan… . Hindi na natin maibabalik ang kanilang kabataan. Ngunit matutulungan natin silang maging panatag sa nalalabing araw ng kanilang buhay na lalo pang pinaganda ng ating pagkamaalalahanin … at walang-maliw na pagmamahal.”11

Ang mga natanggap kong birthday card at liham ay mula din sa mga tinedyer sa mga klase ng Young Men at Young Women na gumawa ng mga kumot para sa mga ospital, nagsilbi ng mga pagkain, nagpabinyag para sa mga patay, at naglingkod sa iba pang paraan.

Ang mga Relief Society, kung saan laging may tutulong, ay naglingkod nang higit at lampas sa karaniwan nilang ibinibigay. Ganoon din ang mga grupo ng priesthood.

Mga kapatid, madalang maantig at magpasalamat nang gayon ang puso ko, lalo na nang gumugol kami ng ilang oras sa pagbabasa ng mga regalong ito. Ang puso ko ay tuwang-tuwa ngayon habang binabanggit ang karanasan at iniisip ang mga buhay na pinagpala dahil na rin kapwa sa nagbigay at tumanggap.

Ang mga salita mula sa kabanata 25 ng Mateo ang nasa isip ko:

“Magsiparito kayo, mga pinagpala ng aking Ama, manahin ninyo ang kahariang nakahanda sa inyo buhat nang itatag ang sanglibutan:

“Sapagka’t akoy nagutom, at ako’y inyong pinakain: Ako’y nauhaw, at ako’y inyong pinainom: Ako’y naging taga ibang bayan, at inyo akong pinatuloy:

“Naging hubad, at inyo akong pinaramtan: Ako’y nagkasakit, at inyo akong dinalaw: Ako’y nabilanggo, at inyo akong pinaroonan.

“Kung magkagayo’y sasagutin siya ng mga matuwid, na mangagsasabi, Panginoon, kailan ka namin nakitang nagutom, at pinakain ka namin? o nauuhaw, at pinainom ka?

“Kailan ka namin nakitang isang taga ibang bayan, at pinatuloy ka? o hubad, at pinaramtan ka?

“O kailan ka namin nakitang may-sakit, o nasa bilangguan, at dinalaw ka namin?

“At sasagot ang Hari at sasabihin sa kanila, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Yamang inyong ginawa sa isa dito sa aking mga kapatid, kahit sa pinakamaliit na ito, ay sa akin ninyo ginawa.”12

Mga kapatid, nawa itanong natin sa sarili ang tanong na bumungad kay Dr. Jack McConnell at sa kanyang mga kapatid sa bawat gabi sa hapunan: “Ano ang nagawa ko ngayon para sa isang tao?” Nawa ang mga titik ng pamilyar na himno ay tumimo sa ating kaluluwa at manatili sa ating puso:

Ako ba’y may kabutihang nagawa?

Ako ba ay nakatulong na?

Nakapagpasaya, nakapagpasigla?

Kundi ay bigong talaga.

May napagaan bang pasanin ngayon

Dahil ako ay tumulong?

Ang mga nanghihina, nalunasan ba?

Nang kailangan ako’y naro’n ba?13

Ang paglilingkod kung saan tinawag tayong lahat ay ang paglilingkod ng Panginoong Jesucristo.

Sa pagtawag Niya sa atin, inaanyayahan Niya tayong lumapit sa Kanya. Tayo ang kausap niya:

“Magsiparito sa akin, kayong lahat na nangapapagal at nangabibigatang lubha, at kayo’y aking papagpapahingahin.

“Pasanin ninyo ang aking pamatok, at magaral kayo sa akin; sapagka’t ako’y maamo at mapagpakumbabang puso: at masusumpungan ninyo ang kapahingahan ng inyong mga kaluluwa.

“Sapagkat malambot ang aking pamatok, at magaan ang aking pasan.”14

Kung talagang nakikinig tayo, nawa marinig natin ang malayong tinig, habang nagsasalita ito sa iba, “Mabuting gawa, mabuti at tapat na alipin.”15 Na bawat isa ay maging karapat-dapat sa pagpapalang ito mula sa ating Panginoon ang dalangin ko, sa Kanyang pangalan, maging si Jesucristo, na ating Tagapagligtas, amen.

MGA TALA

  1. Jack McConnell, “And What Did You Do for Someone Today?” Newsweek, Hunyo 18, 2001, 13.

  2. Jack McConnell, “And What Did You Do for Someone Today?” 13.

  3. Mga Taga Galacia 5:13.

  4. Mosias 2:17.

  5. Lucas 9:24.

  6. David O. McKay, sa Conference Report, Okt. 1963, 8.

  7. Jeremias 8:22.

  8. Mosias 18:8.

  9. Di kilala, sinipi sa Richard L. Evans, “The Quality of Kindness,” Improvement Era, Mayo 1960, 340.

  10. Tingnan sa Gerry Avant, “Prophet’s Birthday,” Church News, Ago. 23, 2008, 4.

  11. Richard L. Evans, “Living into Loneliness,” Improvement Era, Hulyo 1948, 445.

  12. Mateo 25:34–40.

  13. “Ako Ba’y May Kabutihang Nagawa?” Mga Himno, blg. 223.

  14. Mateo 11:28–30.

  15. Mateo 25:21.