2015
Nakatayo sa Bato
Marso 2015


Hanggang sa Muli Nating Pagkikita

Nakatayo sa Bato

Mula sa mensaheng ibinigay sa pangkalahatang kumperensya noong Okt. 7, 1916, ayon sa muling pagkalimbag sa “Nakatayo sa Bato,” Liahona, Hunyo 2010, 12–13.

Hindi sapat ang malaki o magandang aklat para mamuno sa Simbahang ito.

Maraming taon na ang nakalipas dumating sa Utah ang isang matalinong pastor ng [ibang] simbahan. Galing siya sa isang “Mormon” sacrament meeting at maraming pintas sa paraan ng pangangasiwa natin sa Hapunan ng Panginoon, lalo na sa paggamit natin ng tubig sa halip na alak sa gayong mga pagkakataon. Kinilabutan daw siya nang makita niyang hinihigop ng mga tao ang tubig; at binigyang-diin ang isang katotohanan, at totoo naman, na ayon sa Biblia ang Tagapagligtas, nang pasimulan Niya ang sakramento sa mga Judio, ay gumamit ng alak, at sinabing ito ang Kanyang dugo o sagisag ito ng Kanyang dugo. Masasabi kong nakasaad din sa Aklat ni Mormon na gumamit ng alak ang Tagapagligtas nang pasimulan Niya ang sakramento sa mga Nephita.

Batid man o hindi ng aking … kaibigan, napuna niya ang kakaibang katangian ng Simbahan ng Diyos sa lahat ng iba pang simbahan sa lupa—ito ay, na samantalang nakasalig sila sa mga aklat at tradisyon at mga panuntunan ng tao, ang Simbahang ito ay nakatayo sa bato ni Cristo, sa alituntunin ng agaran at patuloy na paghahayag. Hindi ginagawa ng mga Banal sa mga Huling Araw ang mga bagay-bagay dahil lamang sa nakasaad ang mga ito sa isang aklat [ng banal na kasulatan]. Hindi nila ginagawa ang mga bagay-bagay dahil sinabi ng Diyos sa mga Judio na gawin ang mga ito; ni hindi nila ginagawa o iniiwang hindi nagawa ang anumang bagay dahil sa mga tagubilin ni Cristo sa mga Nephita.

Jesus Christ appearing to Joseph Smith and Oliver Cowdery in the Kirtland Temple.

Nagpakita ang Panginoon sa Kirtland Temple, ni Del Parson

Anuman ang [opisyal na] ginagawa ng Simbahang ito ay dahil sa ang Diyos, na nangungusap mula sa langit sa ating panahon, ay nag-utos sa Simbahang ito na gawin ito. … Ganyan ang pagkakatatag ng Simbahan ni Cristo. Gumagamit man tayo ng tubig sa halip na alak sa [sakramento] ng Hapunan ng Panginoon, iyon ay dahil iniutos ito ni Cristo [tingnan sa D at T 27:1–4].

Ang banal na paghahayag ay umaakma sa mga sitwasyon at kalagayan ng tao, at nagkakaroon ng mga pagbabago habang patuloy na sumusulong ang gawain ng Diyos tungo sa tadhana nito. Hindi sapat ang malaki o magandang aklat para mamuno sa Simbahang ito.

Sa pagsasabi nito, nagsasalita ako nang may lubos na pagpipitagan sa nakasulat na salita ng Diyos, na nakalimbag sa mga aklat, na may bahaging maaaring lipas na, dahil natupad na ang layunin nito at naitabi na [tulad ng pagsasakripisyo ng mga hayop; tingnan sa 3 Nephi 9:19–20], samantalang ang ibang bahagi ay may bisa pa, puno ng buhay, at angkop sa kalagayan natin sa kasalukuyan—sa antas ng ating pag-unlad ngayon. Ngunit kahit ang bahaging ito ay dapat unawain nang wasto. Hindi dapat makipagtalo ang sinuman tungkol sa nakasulat sa mga aklat, para labanan ang sugo ng Diyos, na nangungusap para sa Kanya at nagbibigay-kahulugan sa Kanyang salita [tingnan sa D at T 1:37–38]. Ang gayong pakikipagtalo ay pagpanig sa lumang sulat kaysa sa mga salita ng buhay na propeta, na palaging maling pagpanig.

Ang sinabi ng Panginoon sa mga Judio at Nephita 2,000 taon na ang nakalipas o sa mga Banal sa mga Huling Araw 50 o 60 taon na ang nakalipas ay walang bisa maliban kung umaayon ito sa paghahayag sa kasalukuyang panahon, sa pinakabagong mga tagubilin ng Panginoon sa Kanyang mga tao sa pamamagitan ng Kanyang pinili o hinirang na lingkod o mga lingkod; at sila na nagbabalewala sa katotohanang ito ay mapapahamak.