Isang Bagong Destinasyon
Ang awtor ay naninirahan sa France.
Ang buong buhay ko ay tila walang katapusang pagsakay sa eroplano. Gusto ko ng kapayapaan at seguridad ngunit hindi ko ito natagpuan hanggang sa talagang bumaling ako sa Panginoon.
Kung minsan ang buhay ko ay tila walang katapusang pagbibiyahe. Ang nanay ko ay taga-Ecuador at ang tatay ko ay taga-Poland. Isinilang ako sa Ecuador, pero noong 10 taong gulang ako lumipat kami sa Spain. Nanirahan kami roon nang dalawang taon lang. Sa edad na 12, sumakay muli ako ng eroplano at sa pagkakataong ito papunta sa Poland. Gusto ko ng seguridad, mga kaibigan at kalapit na pamilya, at wala nang pamamaalam.
Unang Pagharap sa mga Elder
May kumatok sa pintuan namin. Binuksan ko ang pinto, may dalawang binatang nakatayo roon. Walang anu-anong isinara ko ang pintuan bago pa sila nakapagsalita.
“Buksan mo uli ang pinto at humingi ka ng paumanhin,” ang utos ni Itay mula sa likuran ng bahay. “Hindi ka namin tinuruan na tratuhin mo nang ganyan ang mga tao!”
Medyo napahiya, binuksan ko ang pinto. “Sori po,” sabi ko.
“Gusto kong malaman ang tungkol sa inyo, tungkol sa mga paniniwala ninyo. Pumasok kayo,” pag-anyaya ng tatay ko. Nagpakilala ang mga binata bilang mga missionary mula sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Atubiling nakinig ako sa kanilang mensahe—sa edad na 13, wala akong nagawa kundi makibahagi.
Sa loob ng apat na buwan pinuntahan ng mga missionary na iyon ang aming tahanan, itinuro ang mga doktrina ng ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo. “Iginagalang namin at hinahangaan ang inyong pagpupursigi, pero hinding-hindi namin babaguhin ang aming relihiyon,” ang sa huli ay sinabi ng aking ama sa kanila, at hindi na namin kailanman nakita ang mga elder na iyon.
Ang Hangaring Hanapin ang Katotohanan
Dalawang taon ang lumipas, at dahil sa mga pagbabago sa sitwasyon ng aming pamilya nakadama ako ng matinding kalungkutan. Nilisan ni Itay ang Poland para maghanap ng trabaho kayaʼt nahati ang aming pamilya. Nawawalan na ako ng pag-asa, at hinanap ko ang Diyos. Naging mas taimtim ang aking mga panalangin, sumasamo sa Ama sa Langit na tulungan ako na mahanap Siya.
Isang araw sinabi ni Inay, “May taong naghahanap sa iyo, Garling daw ang pangalan. Sinabi ko sa kanya na tumawag sa susunod na linggo.” Alam niya na missionary iyon at hindi siya interesado sa mensahe, kaya hindi siya tumugon agad.
Nang Biyernes ng gabing iyon may kumatok muli sa pinto. Sa pagkakataong ito, tinanggap ko ang mga missionary nang malugod at may ngiti. “Maaari kayong bumisita rito sa bahay namin, pero kailangan ninyong malaman na hinding-hindi ako magiging Mormon,” ang sabi ko sa kanila.
Tinuruan pa rin ako ng mga missionary na ito—tuwing Biyernes ng hapon sa loob ng anim na buwan. Matapos kumain ng maraming cookies na niluto ni Inay at maraming tanong kalaunan, nagsimulang masagot ang lahat ng pinakamahirap na tanong ko. Tila sa tuwing bibisita ang mga missionary, isa pang aspeto ng buhay ang naunawaan ko. Dahil gusto kong malaman kung totoo, sa wakas ay ginawa ko ang ipinagagawa sa akin ng mga missionary: magdasal at magtanong sa Ama sa Langit kung totoo ang mga sinabi nila at ang Aklat ni Mormon. Tiniyak nila sa akin na sinasagot ng Diyos ang mga panalangin.
Pagpapatunay at Pag-aatubili
Nang ipagdasal at pag-aralan ko ang mga banal na kasulatan nang mas taimtim, ang mga doktrinang ito ay naging kasiya-siya sa aking kaluluwa. Ilang buwan akong nag-atubili, nadama na kailangan ko ng matibay na katibayan, na kailangang malaman ko ang lahat tungkol sa ebanghelyo bago sumapi sa Simbahang ito. Sa huli, ang mga salita ng Tagapagligtas sa Juan 20:29 ay nangusap sa aking kaluluwa: “Mapapalad yaong hindi nangakakita, at gayon maʼy nagsisampalataya.” Nagpasiya akong magpabinyag.
Hiniling ng mga magulang ko na saka na ako magpabinyag kapag nasa hustong gulang na ako, ngunit inisip ko na sapat na ang panahong hinintay ko para malaman ko nang husto ang ebanghelyo. Ang nakakalungkot nga lang, habang papalapit ang petsa ng aking binyag, hindi na ako sigurado sa pasiya ko. Natuon ang pansin ko sa mga bagay ng mundo at natakot na ang aking pasiyang magpabinyag ay hindi tanggapin ng mga mahal ko sa buhay.
Unti-unti, dahil sa mga pagkakamali at pagpapasiya, hindi ko na marinig ang mga bulong ng Espiritu. Ang mga banal na kasulatan ko ay nakatago na lamang sa lalagyan ko at hindi na ako nagdarasal.
Ang Pagpapala ng Pagsisisi
Ang nangyari sa buhay ko ay hindi ko inaasahan—napakaraming luha at kabiguan. Mahirap maunawaan kung bakit dumaranas ang pamilya ko ng maraming pagsubok. Bago ang huling taon ko sa high school, kailangang umalis ang mga magulang ko sa Poland. Ang posibilidad na lumipat muli ng tirahan ay nagpalungkot sa akin. Sa huli, muli akong lumuhod at nanalangin, nang taos-puso: “Ama sa Langit, ang Inyo pong kalooban ang masusunod, hindi po sa akin.”
Ang panalanging iyon ay tanda ng pagsisimula ng pagbalik ko sa Simbahan, at alam ko na kailangan kong magsisi. Nang Linggong iyon, sa unang pagkakataon sa loob ng halos isang taon, dumalo ako sa sacrament meeting. Kinabukasan nagpasiya akong muli na magpabinyag.
Tinulungan ako ng Panginoon na makabalik sa mga bagay na alam ko nang totoo noon. Ngayon masasabi ko na ang mahihirap na sitwasyong iyon ay ilan sa magagandang pagpapala mula sa Diyos. Hindi Niya ako kinalimutan. Nakinig Siya sa mga panalangin ko at naghintay na mahiwatigan ko ang Kanyang sagot. Tinulungan niya ako sa lahat ng pagdurusang dinanas ko, pinapalakas at pinoprotektahan ako. Dahil dito mas naunawaan ko ang kahulugan ng banal na misyon at Pagbabayad-sala ni Cristo.
Nabinyagan ako noong Abril 2011. Sumakay na naman ako ng eroplano—ako ngayon ay naninirahan sa France, na ibig sabihin ay mas maraming pagbabago. Gayunman, ako ngayon ay nagpapasalamat sa Kanya para sa buhay ko at sa mga pinagdaanan ko. Dahil sa aking patotoo sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, nauunawaan ko na ngayon na hindi ako nag-iisa, saan mang destinasyon ako susunod na dadalhin ng buhay. Hindi ko alam kung lilipat pa ako ng ibang lugar. Ang tanging alam ko ay na ang bago kong destinasyon ay ang makitid na daang iyon tungo sa buhay na walang hanggan kasama ang Ama sa Langit at Kanyang Anak na si Jesucristo.