Nangungusap Tayo Tungkol kay Cristo
Bawat Pagsubok ay MAAARING MAGPALAKAS NG Pananampalataya
Ang awtor ay naninirahan sa Sardinia, Italy.
Bilang pitong-taong-gulang na bata, nang malaman kong nasawi sa isang aksidente si Itay, nagdasal ako na magkaroon ng himala.
Noong bata pa ako, isa sa mga paborito kong gawin sa maghapon ay hintayin si Itay sa pag-uwi galing sa trabaho. Nakatanaw ako sa bintana at nakikita siyang dumarating, at binibilang ko ang bawat hakbang niya palapit sa bahay, nasasabik sa dala niyang pasalubong. Hindi ko inisip na hindi na mangyayari iyon.
Isang araw noong ako ay pitong taong gulang, sa tahanan ng aking ama, may dumating na isang malungkot na lalaki at sinabi sa amin na nasawi sa aksidente si Itay.
Nang araw na iyon tahimik ako. Tiningnan ko ang aking apat-na-taong-gulang na kapatid na lalaki at ang aking ina, na napakabata pa at naiwang mag-isa, at hindi ako umiyak. Hindi ko inisip na totoo iyon, kaya nagpunta ako sa bintana at tumitig sa kalye. Nagsimula akong makadama ng mabigat na damdamin, bigat na nagpasikip ng aking paghinga, at nagpahirap sa aking kalooban.
Hindi pa natatagalan pagkamatay ni Itay, nagpunta ako sa aking silid na nag-iisa nang magdadapit-hapon na at, tulad ng itinuro sa akin, ay nanalangin ako sa aking Ama sa Langit. Nagsumamo ako sa Kanya na ipakita muli sa akin ang mahal kong ama, para lang mayakap siya. Sa aking puso natitiyak ko na maibibigay sa akin ng Ama sa Langit ang himalang ito.
Nang araw na iyon hindi ko nakita o nayakap si Itay, ngunit higit pa ang natanggap ko. Para bang nadama ko ang mga kamay ng Tagapagligtas sa aking mga balikat. Ang Kanyang presensya ay halos naroon nang alisin Niya ang bigat na nasa aking dibdib.
Ngayon, mahigit 20 taon na ang nakalipas, ang kapanatagang iyon ay dama ko pa rin. Kung minsan nakadarama ako ng lungkot ngunit hindi kailanman kahungkagan sa pagkamatay ni Itay. Naaalala ko ang maraming beses na pagdating ng Espiritu upang panatagin ako, tulungan ako, at ipakita ang daan upang masundan ko ang mga yapak ng Tagapagligtas. Nadama ko ang Kanyang presensya sa aking buhay dahil sa unang pagsubok na iyon, na tumulong sa akin na makita ang mga pagsubok sa araw-araw na may pananaw sa kawalang-hanggan. Alam ko na dahil sa ebanghelyo sa ating buhay nadarama natin ang hindi nakikitang paghaplos ng kamay ng Tagapagligtas.
Ikinasal ako sa templo, at ngayon kaming mag-asawa ay may tatlong anak na babae, na nagdudulot ng saya sa aming tahanan. Kapag nakikita ko sila, nagagalak ako sa kapayapaan at kaalaman na bawat kalungkutan, pagsubok at hamon sa kanilang buhay ay maghahatid ng mas malaking pananampalataya, bagong patotoo, at kamangha-manghang mga himala. Nagagalak ako sa lubos na katiyakan na kapag kinakailangan nila ang isang bagay na hindi namin maibibigay na mag-asawa, sila ay poprotektahan, papanatagin, at ililigtas, tulad ko.