2015
Nagbago ang Puso Ko sa Natutuhan Ko
Marso 2015


Nagbago ang Puso Ko sa Natutuhan Ko

Darcy Logan, Alaska, USA

Nang mamatay ang aming 18-taong-gulang na anak na lalaki na si Jaxon, pinag-isipan kong mabuti ang kalidad at direksyon ng buhay ko. May anak ako sa mga kawalang-hanggan, at matindi ang hangarin kong mamuhay sa paraan na balang-araw ay magkasama kaming muli bilang pamilya. Gusto ko ring mas maunawaang mabuti ang mga banal na kasulatan para magabayan ako nito sa buhay.

Hindi ko tiyak kung kailan ko unang nadama sa puso ko ang hangaring ito, ngunit pinaigting ito ng pag-asa na makikita kong muli ang aming anak. Nang basahin ko ang Aklat ni Mormon, napansin ko kung paano ginamit ang puso bilang simbolo ng kalagayan ng buhay ng isang tao o ng direksyon o kalagayan ng mga tao.

Tuwing mababanggit ang puso, matigas man o malambot, nagdodrowing ako ng maliit na pulang puso sa gilid ng pahina. Nakakita ako ng mga huwaran. Nang lumambot ang puso ng mga tao, nagkaroon sila ng lakas na makayanan ang paghihirap, nag-ibayo ang kanilang pagmamahal sa iba, at naging mas mabait at magiliw sila. Natutuhan ko na pagsisisi ang nagpapabago ng puso kapag umasa tayo sa Tagapagligtas at sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo.

Masaya ang naging pag-aaral ko ng Aklat ni Mormon. Nagbago ang puso ko sa natutuhan ko, kaya nagbago ang buhay ko. Nakatulong din sa trabaho ko ang natutuhan ko nang tulungan ko ang mga mag-asawa sa kanilang mga hamon sa buhay. Naunawaan ko na matuturuan at mapapaalalahanan ko ang mga mag-asawa tungkol sa mga karaniwang alituntunin na magpapasaya at tunay na maglalapit sa kanila bilang mag-asawa. Ngunit hangga’t walang malambot na pusong nananaig sa kanilang pagsasama, malamang na hindi mangyari o magtagal ang pagbabago.

Simula nang magdrowing ako ng mga puso sa mga gilid ng pahina ng aking Aklat ni Mormon, madalas ko iyong balikan para muling basahin ang mga talatang iyon at patuloy akong natututo mula roon. May nakita pa nga akong mga bagong talata tungkol sa puso na hindi ko napansin sa una kong pagbabasa, na nagpapaalala sa akin na laging may bagong matututuhan, mauunawaan, at maipapamuhay sa mga banal na kasulatan.

Higit sa lahat, naaalala ko ang pagmamahal ng aking Ama sa Langit at ng aking Tagapagligtas. Dahil sa pagmamahal na iyan, makakasama ko ang aking pamilya magpakailanman. Alam ko ito nang buong puso, at lubos ko itong pinasasalamatan.