Ang Selestiyal na Sapatos ng Kompanyon Ko
Michael Reid, Arizona, USA
Ilang taon na ang nakalipas, matapos kong lisanin ang Provo Missionary Training Center, dumating ako sa Florida na handa at sabik na magsimula sa misyon. Nang makilala ko ang bagong kompanyon ko, marami kaming gusto na magkakapareho at parang akmang-akma kaming maging magkompanyon.
Gayunman, makalipas ang ilang linggo, napansin ko ang ilang pagkakaiba. Halimbawa, handa akong magbahay-bahay araw-araw, pero hindi masigasig ang kompanyon ko sa pagkatok sa mga pintuan. Katunayan, bagaman siya ang senior companion, pinili niyang huwag gaanong maghanap ng matuturuan.
Napansin ko rin na tila madalas kaming mag-usap ng kompanyon ko tungkol sa kanyang sarili. Mayaman ang pamilya niya, at marami na siyang bagay na naranasan na hindi ko pa naranasan, dahil mahirap lang kami.
Dahil sa mga bagay na ito, hindi na napanatag ang kalooban ko, at halos sumama ang loob ko. Naapektuhan ang espirituwalidad ko ng pagtatanim ko ng sama-ng-loob sa kompanyon ko, lalo na habang sinisikap kong ituro ang ebanghelyo. Kinailangan kong kumilos. Noong una inisip kong kausapin ang kompanyon ko at ilabas lang ang lahat ng inis ko. Pero iba ang pinili kong paraan.
Tuwing umaga naghahalinhinan kaming magkompanyon sa paliligo at paghahanda para sa maghapon. Habang nasa banyo siya, ipinasiya kong palihim na magpunta sa paanan ng kama niya at pakintabin ang sapatos niya. Matapos linisin at pakintabin nang mabilis ang mga ito, maingat kong ibinabalik ang sapatos niya sa pinagkunan ko. Ginawa ko ito tuwing umaga sa loob ng mga dalawang linggo.
Sa panahong ito napansin ko na nagsisimulang mawala ang sama-ng-loob ko. Nang paglingkuran ko ang kompanyon ko, nagsimulang magbago ang puso ko. Wala akong sinabi sa kanya tungkol sa munting paglilingkod ko. Gayunman, isang araw, binanggit ng kompanyon ko na biniyayaan siguro siya ng “selestiyal na sapatos” dahil parang hindi ito narurumihan.
Dalawang magandang aral ang natutuhan ko mula sa karanasang ito. Una, nalaman ko na nasa akin ang tunay na problema—kahit ang nagtulak sa akin na sumama ang loob ay nagmula sa labas. Hindi ang kompanyon ko ang problema.
Pangalawa, alam ko na karaniwan na nating pinaglilingkuran ang ating mga minamahal. Pero hindi ko natanto na ang alituntuning ito ay epektibo rin kapag binaliktad: napapamahal sa atin ang mga pinaglilingkuran natin.