Nakilala Ko ang Tinig ng Propeta
Miriam Ruiz, Utah, USA
Isang Linggo ng gabi mga tatlong buwan matapos akong lumipat sa Estados Unidos mula sa aking bayang Mexico para mag-aral, nagpalipat-lipat ako ng istasyon ng radyo para makahanap ng magandang musika sa araw ng Linggo. Habang pinakikinggan ko ang ilang lokal na istasyon, narinig ko ang isang pamilyar na tinig at tumigil ako.
Naghinala ako na tinig iyon ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910−2008), na siyang Pangulo ng Simbahan noon. Natanto ko na kakatwang makilala ko ang tinig niya. Sanay na akong makinig sa pangkalahatang kumperensya, mga Church Educational System fireside, at iba pang mga brodkast ng Simbahan sa pamamagitan ng tinig ng Spanish interpreter na humahalili sa tinig ng tagapagsalita. Ngunit sa di-mawaring dahilan alam ko na ang tinig sa radyo ay kay Pangulong Hinckley.
Hindi pa ako gaanong bihasa sa wikang Ingles para maunawaan ang sinasabi niya, pero pinakinggan ko pa rin ang mensahe sa radyo. Napanatag ako sa tinig niya. Nang matapos ang mensahe, sinabi ng radio announcer, “Narinig natin si Pangulong Gordon B. Hinckley.”
Alam ko na nangungusap ang Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang mga lingkod at dumating man ang mensahe sa pamamagitan ng Kanyang tinig o sa tinig man ng Kanyang mga propeta, ito ay iisa (tingnan sa D at T 1:38).
Naisip ko na hindi karaniwan sa akin na makilala ang tinig ni Pangulong Hinckley. Dahil nakilala ko ito natanto ko na gusto kong makilala palagi ang tinig na ginagamit ng Panginoon para mangusap sa Kanyang mga anak—kaninumang tinig ito nagmula.
“Dinirinig ng aking mga tupa ang aking tinig, at silaʼy aking nakikilala, at silaʼy nagsisisunod sa akin,” sabi ng Tagapagligtas (Juan 10:27).
Sa isang mundong puno ng maraming tinig—maraming “istasyon”—na maililipat-lipat, sana’y lagi akong nakaayon para makilala ko ang tinig ng aking Pastol at ng Kanyang mga lingkod at maging handa akong sundin ang kanilang payo.