2015
Kapag Nagkaroon ng mga Pag-aalinlangan at mga Tanong
Marso 2015


Kapag Nagkaroon ng mga Pag-aalinlangan at mga Tanong

Ang awtor ay naninirahan sa Georgia, USA.

Ang pagtatanong ay mahalagang bahagi ng ating walang-hanggang pag-unlad, at ang paghahanap ng mga sagot sa paraan ng Panginoon ay maglalapit sa atin sa ating Ama sa Langit.

illustration of a path in form of question mark

Mga paglalarawan ni Beth Jepson

Dahil sa Internet kaya pangkaraniwan na sa mga miyembro ng Simbahan ang magkaroon ng mga ideyang humahamon sa kanilang mga paniniwala. Nadarama ng ilang miyembro na ang pagtatanong ay nakakalito at iniisip nila kung katanggap-tanggap bang magtanong tungkol sa kanilang pananampalataya.

Mahalagang maunawaan na makabubuti sa atin ang magtanong. Sa katunayan, ang pagtatanong nang may pananampalataya ay mahalaga sa ating espirituwal na pag-unlad. Gayunman, ang taimtim na pagtatanong ay hindi kapareho ng pag-aalinlangan.

Pagtatanong Bersus Pag-aalinlangan

Ano, kung gayon, ang kaibhan ng pagtatanong sa pag-aalinlangan? Ang mga tanong, kapag sinambit nang may taimtim na hangaring dagdagan ang pang-unawa at pananampalataya ng isang tao, ay kailangang mahikayat. Maraming sinauna at makabagong paghahayag na dumating bunga ng isang taimtim na tanong.1 Ang utos sa banal na kasulatan na maghangad at magtanong upang makaunawa ay kasama sa pinakamadalas ulitin. Ang taimtim na mga tanong ay mga itinatanong na may “tunay na layunin” (Moroni 10:4) na mas maunawaan at masunod nang lubusan ang kalooban ng Panginoon.

Ang isang taong taimtim na nagtatanong ay patuloy na sumusunod habang naghahanap ng mga sagot. Sa kabilang banda, nakita ko na kapag nag-alinlangan ang mga tao sa kanilang mga paniniwala, madalas ay tumitigil sila sa pagiging tapat sa mga kautusan at tipan habang naghihintay ng mga sagot. Ang nag-aalinlangan ay karaniwang tumitigil sa pagsunod o nililimitahan ito, habang naghihintay na malutas ang mga pag-aalinlangan.

Walang mungkahi sa mga banal na kasulatan o mga turo ng mga propeta na naghihikayat ng pag-aalinlangan. Sa katunayan, ang mga banal na kasulatan ay puno ng mga turo na salungat dito. Halimbawa, hinihikayat tayo na “huwag mag-alinlangan, huwag matakot” (D at T 6:36). At sa Mormon 9:27, hinihikayat tayo na “huwag mag-alinlangan, kundi maging mapagpaniwala.”

Ang isang problema sa pag-aalinlangan ay ang hangaring sumunod lamang matapos malutas ang kawalang-katiyakan sa kasiyahan ng nag-aalinlangan. Ito ang pag-uugaling ipinakita ni Korihor, na nagsabing, “Kung magpapakita ka sa akin ng isang palatandaan … sa gayon ako ay ma[ni]niwala sa katotohanan” (Alma 30:43).

Ang kapangyarihan ng pag-aalinlangan na sirain ang pananampalataya, pag-asa, at maging ang pamilya ay nababawasan kapag taimtim na sinabi ng isang tao na, “Gagawin [ko] ang mga bagay na ipinag-uutos ng Panginoon, malutas man kaagad o hindi ang aking mga tanong, dahil nakipagtipan akong gawin ito.” Ang kaibhan sa pagitan ng tapat na “Susundin ko ang mga kautusan dahil …” at ng nag-aalinlangang “Susundin ko ang mga kautusan kung …” ay may matindi at walang-hanggang kahalagahan.

Ang Huwaran ng Panginoon sa Pagtanggap ng mga Sagot

Bilang network engineer, kailangan kong sundin ang mahihigpit na patakaran kung gusto kong makakonekta ang mga computer network ko sa iba pang mga network. Kung minsan ang mga patakarang ito ay parang nakakapagod sundin, pero kapag sinunod ng bawat network engineer ang mga pamantayan, nakakalikha kami ng isang bagay na mas mabisa kaysa magagawang mag-isa ng bawat isa sa amin.

Gayundin, kung naghahanap kayo ng sagot sa isang espirituwal na tanong mula sa Pinagmumulan ng lahat ng kaalaman, kailangan ninyong sundin ang Kanyang mga patakaran para makuha ang sagot. Ang prosesong ito ay nangangailangan ng kahit hangarin man lang na maunawaan ang katotohanan at ng kahandaang sundin ang kalooban ng Diyos (tingnan sa Alma 32:27). Kung hindi, nanganganib kayong kumbinsihin ang inyong sarili na paniwalaan ang gusto ninyong paniwalaan sa halip na tanggapin ang totoong mga sagot mula sa Diyos.

Normal lang na mag-alala at mabahala kapag naharap tayo sa isang di-pamilyar na ideya, lalo na kung hinahamon nito ang isang matagal nang paniniwala. Ang mahalaga ay huwag maging dahilan ang pagkabahalang iyon para talikuran natin ang ating mga tipan habang naghahanap tayo ng mga sagot. Natutuhan ko mula sa personal na karanasan na hindi natin maaaring talikuran ang Diyos at asahan pa rin Siyang sagutin ang ating mga tanong ayon sa inaasahan natin. Kailangan ng pananampalataya para patuloy na masunod ang mga kautusan habang nilulutas natin ang ating mga pag-aalinlangan. Maaari tayong matuksong ipagpaliban o limitahan ang ating pagsunod habang hinihintay nating malutas ang ating mga problema, ngunit hindi ito ang paraan ng Diyos.

Sa praktikal na pananalita, dapat muna nating itanong sa ating sarili, “Handa ba akong gawin ang lahat para masagot ako ng Panginoon, o gusto ko lang gawin ang gusto ko?” Itinuro ng Tagapagligtas Mismo ang huwarang ito nang sabihin Niyang, “Kung ang sinomang tao ay nagiibig gumawa ng kaniyang kalooban, ay makikilala niya ang turo, kung ito’y sa Dios, o kung ako’y nagsasalita na mula sa aking sarili” (Juan 7:17).

Kaya ang unang hakbang sa paglutas ng mga tanong ay manatiling “matatag at di natitinag sa pagsunod sa mga kautusan ng Diyos” (Alma 1:25). Itinanong ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Paano kayo mananatiling ‘matatag at di natitinag’ sa oras ng pagsubok sa inyong pananampalataya? Magtuon kayo sa mismong mga bagay na nagpalakas sa inyong pananampalataya: manampalataya kay Cristo, manalangin, pagnilayan ang mga banal na kasulatan, magsisi, sundin ang mga utos, at maglingkod sa kapwa.

illustration for When Doubts and Questions Arise

“Kapag naharap sa pagsubok ng pananampalataya—anuman ang gawin ninyo, huwag kayong lumayo sa Simbahan! Ang paglayo ninyo sa kaharian ng Diyos sa oras ng pagsubok sa pananampalataya ay parang pag-alis sa ligtas na kanlungan nang matanaw ninyo ang buhawi.”2

Itinuro din ni Elder Andersen na “ang pananampalataya … ay isang desisyon.”3 Hindi pipilitin ng Panginoon ang inyong isipan o pagsunod. Kailangan ay sadya ninyong piliing sumampalataya! Ang pasiyang iyan ay hindi sumasalungat sa katapatan ng inyong isipan; ito ay katibayan ng walang-hanggan at banal na paggalang sa inyong kalayaan.

Nadaragdagan ang Pang-unawa sa Pagtatanong

Mali ang akala ng ilan na ang pagkakaroon ng tunay na mga problema tungkol sa kasaysayan o doktrina ng Simbahan ay katibayan na hindi sinusunod ng isang tao ang mga pamantayan ng Simbahan. Ang pagtatanong ay hindi nangangahulugan na may malaki kayong kasalanan. Ang pagtatanong ay bahagi ng buhay at kailangan para sa ating pag-unlad at dagdag na pag-unawa. Ang problema ay hindi kung magkakaroon tayo ng mga tanong kundi kung susundin natin ang mga kautusan kapag sinunod natin ang proseso ng paghahayag na humahantong sa mga sagot.

Dapat ninyong malaman na mapapalaki ni Satanas ang ating mga pag-aalinlangan o hihikayatin tayong pangatwiranan ang ating mga kasalanan. Hindi tayo papanatagin ng Espiritu Santo kapag nagkasala tayo, at maaari tayong magsisi o kaya’y balewalain ang mga pahiwatig na ito. Kapag nagkaroon ng mga pag-aalinlangan, maaaring makatulong na tapat na itanong sa inyong sarili, May ginagawa o hinahangad ba ako na taliwas sa ebanghelyo? Kung oo ang sagot ninyo, humingi ng tulong sa inyong bishop. Maaari itong makagawa ng malaking kaibhan! Ang pangangatwiran na kaya kayo nagkasala ay dahil sa inyong mga pag-aalinlangan ay hindi kailanman mainam na kahalili ng pagsisisi.

May ilang taong natitisod din sa mga pahayag ng mga lider ng Simbahan na natuklasang mali, hindi tungkol sa doktrina kundi sa kanilang mga personal na opinyon. Halimbawa, isinulat ni Pangulong Joseph Fielding Smith (1876–1972) sa unang edisyon ng kanyang aklat na Answers to Gospel Questions, “Kaduda-duda na papayagan ang tao na gumawa ng anumang instrumento o barko para maglakbay sa kalawakan at bumisita sa buwan o anumang malayong planeta.”4

Kalaunan, kasunod ng mga paglapag ng Apollo sa buwan at ng pagkamatay ni Pangulong David O. McKay, si Joseph Fielding Smith ang naging Pangulo ng Simbahan. Sa isang press conference, tinanong siya ng isang reporter tungkol sa pahayag na ito. Sumagot si Pangulong Smith, “Nagkamali ako, hindi ba?”5

Tulad ng napuna ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol: “[Maaaring] ibinubuhos natin ang ating damdamin at espirituwalidad sa mahigpit na pagkapit sa … isang pangyayari sa kasaysayan ng Simbahan na nagpatunay na patuloy na sisikapin ng mga mortal na tao na makaagapay sa inaasahan sa kanila ng Diyos.”6

Paghahanap sa Nakasisiglang Paraan

Napakaraming aklat ang naisulat at napakaraming oras ang nagugol sa pagsisiyasat sa kuwento tungkol sa Panunumbalik. Madalas itong humantong sa dagdag na pagkaunawa, ngunit maaari din itong magpahiwatig ng nakalilitong mga tanong, lalo na kapag hindi natin nauunawaan ang mga motibo ng mga tao noong panahong iyon. Madali ring makapagod ang pagsasaliksik sa mga nangyari sa kasaysayan na maaaring hindi maunawaan o nawala na sa atin ngayon, ngunit laging posibleng makakuha ng totoo at kaukulang impormasyon mula sa Kanya na nakakaunawa sa lahat.

Ito marahil ang pinakamahalagang susi sa lahat: kapag tayo ay matatag sa pagtupad sa ating mga tipan at namumuhay nang tapat sa liwanag na taglay natin, pagpapalain ng Panginoon ang ating buhay at bibigyan tayo ng inspirasyon. Nadama ko na ang magigiliw na awang ito; ang mga ito ay napakapersonal at tuwirang mga karanasan sa pagitan natin at ng ating Ama sa Langit. Ang mga ito ay liwanag at kaalaman. Walang pagbabasa o pag-aaral ng mga karanasan ng iba ang makakatumbas sa epekto ng sariling mga karanasang ibinibigay sa atin sa pamamagitan ng awa at pagmamahal ng ating Ama.

Patuloy na magkakaroon ng mga tanong sa araw-araw na pag-aaral natin ng mga banal na kasulatan at iba pang pag-aaral ng ebanghelyo. Kapag gusto tayong turuan ng Panginoon, madalas Niya itong gagawin sa pamamagitan ng pagbibigay sa atin ng isang tanong na pagninilayan. Dumarating ang mga sagot sa pagiging tapat sa ating mga tipan at paglilingkod sa iba habang nag-aaral tayo, dahil iyan ang landas tungo sa pagkakaroon ng mga personal na karanasan na sa paglipas ng panahon ay sumasagot sa lahat ng tanong.

Mga Tala

  1. Tingnan, halimbawa, sa Genesis 25:21–23; Exodo 3:11–22; Mosias 26; Alma 40; 3 Nephi 27; Doktrina at mga Tipan 76; 77; 138.

  2. Neil L. Andersen, “Pagsubok sa Inyong Pananampalataya,” Liahona, Nob. 2012, 40.

  3. Neil L. Andersen, “Sapat na ang Alam Ninyo,” Liahona, Nob. 2008, 14.

  4. Joseph Fielding Smith, Answers to Gospel Questions (1958), 5 tomo, 2:191.

  5. Personal na paggunita ni David Farnsworth; ang press conference ay naganap noong Ene. 23, 1970, anim na buwan matapos ang paglapag sa buwan.

  6. Jeffrey R. Holland, “Ang mga Manggagawa sa Ubasan,” Liahona, Mayo 2012, 32.