Pagninilay
Lolo, Ama
Ilarawan sa isipan ang 3,000 missionary na nakatipon sa isang malaking silid. Dalawang libo siyam na raan siyamnapu’t siyam sa kanila ang tuwang-tuwang nag-uusap at nakatingin sa iisang lugar sa silid. Ang ilan ay nakatingkayad. Ang ilan ay lumulundag para makatingin nang mabilis sa uluhan ng mga nakatingkayad. Ang ilan ay nakatayo sa naitutuping mga silya. Isang missionary ang nakaupo sa isang naitutuping silya, nakatukod ang mga siko sa kanyang mga tuhod, magkadaop ang mga palad, at nakayuko.
Maaaring hindi gayon mismo ang nangyari, pero gayon ang pagkaalala ko. Gayon ang pakiramdam ko. Ako ang missionary na iyon.
Habang nakikinita ninyo ang tagpo, maaari ninyong isipin na nalulumbay ako o nalulungkot. Ang totoo, isa iyon sa pinakamaliligayang sandali sa buhay ko—isang sandali na ikinagagalak kong gunitain nang maraming beses simula noon.
Nasa missionary training center ako sa Provo, Utah, at naghahandang maglingkod bilang full-time missionary sa Ecuador Quito Mission. Dumating si Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008), na siyang Unang Tagapayo noon sa Unang Panguluhan, para magsalita sa lahat ng missionary sa MTC.
Pagkatapos ng pulong nagsimula na ang pagkakaingay. Napansin ko na hindi pumila sa may pintuan ang mga tao, kaya tinanong ko ang isa pang elder kung ano ang nangyayari.
“Narito sa MTC ang apong lalaki ni Pangulong Hinckley,” sabi niya, “at kabababa lang ng pulpito ni Pangulong Hinckley para yakapin siya!”
Sa paliwanag na iyon, tumuntong na sa silya niya ang elder para mas makakita, at napabulalas ng, “Wow! Masarap kayang maging lolo si Pangulong Hinckley?”
Minahal ko at iginalang si Pangulong Hinckley, at nabigyang-inspirasyon ako ng kanyang mensahe sa araw na iyon. Ngunit sa sandaling iyon may pumasok sa isip ko na nagtulak sa aking umupo sa silya sa halip na tumayo sa ibabaw nito. Sa gitna ng lahat ng saya at kasiglahang iyon, tahimik akong nakaupo at nag-iisip, “Sigurado akong masarap maging lolo si Pangulong Hinckley. Pero hindi ko ipagpapalit ang Lolo Felt o Lolo West ko sa kanya.” Nag-angat ako ng ulo at nadama ko ang matinding pasasalamat habang iniisip ko ang aking pamana, ang aking pamilya.
Pagkatapos ay may isa pang pumasok sa isip ko, na mas matindi kaysa sa una: “Bukod dito, ako ay anak ng Diyos.” Alam ko na ako, na apo ng isang dentista at superbisor sa pabrika, ay mahalaga ring tulad ng apo ng isang propeta. Bakit? Kaming dalawa ay may iisang Ama sa Langit.
Naglakad kalaunan ang 2,999 pang missionary papunta sa pintuan ng malaking silid na iyon. Sumama ako sa kanila, na mas handang maglingkod sa Panginoon kaysa sa nakaraang ilang minuto bago iyon.