2015
Paghahanda para sa Paskua
Marso 2015


Paghahanda para sa Paskua

Nagpakita si Jesucristo ng perpektong halimbawa na dapat nating tularan. Magagamit ninyo ang aktibidad na ito para malaman ang iba pa tungkol sa Kanya at maging handa kayo para sa Paskua. Magsimula sa numero 1 sa Linggo bago sumapit ang Paskua. Bawat araw, magbasa tungkol kay Jesus at sagutin ang tanong. Pagkatapos ay gupitin ang katugmang larawan at idagdag ito sa tsart.

  1. Hinugasan ni Jesus ang mga paa ng Kanyang mga disipulo at inaliw sila sa pagsasabing, “Huwag magulumihahan ang inyong puso, ni matakot man (Juan 14:27). Ano ang magagawa ninyo para mapaglingkuran o mapanatag ang kalooban ng isang kaibigan ngayon?

  2. Sa Huling Hapunan, itinuro ni Jesus sa Kanyang mga disipulo na tumanggap ng sakramento. Sinabi Niya sa kanila, “Gawin ninyo ito sa pagaalaala sa akin” (Lucas 22:19). Ano ang isang paraan na magiging mas mapitagan kayo sa oras ng sakramento?

  3. Nang simulan ni Jesus ang Pagbabayad-sala sa Halamanan ng Getsemani, ginawa Niya ang ipinagawa sa Kanya ng Ama sa Langit, kahit napakahirap nito. “Huwag mangyari ang aking kalooban, kundi ang iyo” (Lucas 22:42). Ano ang isang paraan na magiging mas masunurin kayo sa simbahan, paaralan, o tahanan?

  4. Nang saktan ng mga tao si Jesus habang nakapako Siya sa Krus, sinabi Niya, “Ama, patawarin mo sila; sapagka’t hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa” (Lucas 23:34). Bakit mahalagang patawarin ang ibang tao?

  5. Siniguro ni Jesus na maaalagaan ang Kanyang ina pagkamatay Niya. Sinabi niya kay Juan, “Narito, ang iyong ina,” o ituring niya si Maria na parang sarili niyang ina (Juan 19:27). Ano ang magagawa ninyo para matulungan ang inyong mga magulang o tagapag-alaga?

  6. Bago Siya namatay, nanalangin si Jesus sa Ama sa Langit at sinabi, “Sa mga kamay mo ay ipinagtatagubilin ko ang aking espiritu” (Lucas 23:46). Paano ninyo magagawang mas espesyal ang inyong mga panalangin?

  7. Pagkamatay ni Jesus, muli Siyang nabuhay! Iyan ang dahilan kaya natin ipinagdiriwang ang Paskua. Binisita ni Cristo ang Kanyang mga disipulo matapos ang Pagkabuhay na Mag-uli at sinabi, “Huwag kang di mapanampalatayahin, kundi mapanampalatayahin” (Juan 20:27). Bakit napakahalaga ng Paskua?