2015
Tumayo Bilang mga Saksi ng Diyos
Marso 2015


Tumayo Bilang mga Saksi ng Diyos

Mula sa isang mensahe sa debosyonal, “Witnesses of God,” na ibinigay sa Brigham Young University noong Pebrero 25, 2014. Para sa buong teksto sa Ingles, magpunta sa web.byui.edu/devotionalsandspeeches.

Bilang “asin ng lupa,” kailangang panatilihin nating mga Banal sa mga Huling Araw ang ating impluwensya sa pamamagitan ng pamumuhay ng ating relihiyon at pagpapahayag na tayo ay mga saksi ng Diyos.

Illustration for Stand as Witnesses of God

Mga paglalarawan ni Scott Greer

Nabubuhay tayo sa mundo kung saan marami ang nagtatatwa sa pag-iral ng Diyos o sa kahalagahan ng Kanyang mga kautusan. Makatulong sana ang aking sasabihin para mas magampanan ninyo ang inyong tungkulin na maging saksi ng Diyos at kumilos ayon sa katotohanan at kabutihan.

I.

Magsisimula ako sa unang tatlo nating Mga Saligan ng Pananampalataya:

“Naniniwala kami sa Diyos, ang Amang Walang Hanggan, at sa Kanyang Anak, na si Jesucristo, at sa Espiritu Santo.

“Naniniwala kami na ang mga tao ay parurusahan dahil sa kanilang sariling mga kasalanan, at hindi dahil sa paglabag ni Adan.

“Naniniwala kami na sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Cristo, ang buong sangkatauhan ay maaaring maligtas, sa pamamagitan ng pagsunod sa mga batas at ordenansa ng Ebanghelyo” (Mga Saligan ng Pananampalataya 1:1–3).

Itinuro din ng isang dakilang propeta sa Aklat ni Mormon ang mga katotohanang ito:

“Maniwala sa Diyos; maniwala na siya nga, at na siya ang lumikha ng lahat ng bagay, kapwa sa langit at sa lupa; maniwala na taglay niya ang lahat ng karunungan, at lahat ng kapangyarihan, kapwa sa langit at sa lupa; maniwalang hindi nauunawaan ng tao ang lahat ng bagay na nauunawaan ng Panginoon.

“At muli, maniwala na kayo ay kinakailangang magsisi ng inyong mga kasalanan at talikdan ang mga ito, at magpakumbaba ng inyong sarili sa harapan ng Diyos; at humingi nang taos sa puso nang kayo ay kanyang patawarin” (Mosias 4:9–10).

Sa kabilang banda, marami ngayon ang nagtatatwa o nagdududa sa pag-iral ng Diyos at iginigiit nila na lahat ng tuntunin ng pag-uugali ay gawa-gawa ng tao at maaaring tanggapin o tanggihan kung gusto nila.

Bakit ako nagsasalita tungkol sa mga pangunahing katotohanang ito tulad ng pag-iral ng Diyos at na totoong may lubos na tama at mali na umiimpluwensya sa ating pag-uugali? Kung minsan ang mga bagay na kailangang-kailangan nating maituro ang siya pang binabalewala natin. Maaari nating makaligtaan ang mga pangunahing katotohanan dahil akala natin ay nauunawaan ito ng lahat, ngunit hindi naman. Kailangan nating bigyang-diin ang mahahalagang katotohanang pinagbabatayan ng ating mga paniniwala. At kabilang nga rito ang pag-iral ng Diyos at ang pagiging walang hanggan ng mga katotohanan at ng tama at mali na nilinaw sa Kanyang mga turo at Kanyang mga kautusan.

II.

Ang pagtatatwa sa Diyos o paghamak sa Kanyang papel sa kapakanan ng tao na nagsimula noong Renaissance ay laganap na ngayon. Ang pagpuri sa pangangatwrian ng tao ay may mabubuti at masasamang epekto. Ang likha ng siyensya ay nakagawa ng napakaraming pagbabago sa ating buhay, ngunit ang pagtanggi sa banal na awtoridad bilang pinakabatayan ng tama at mali ng mga taong inihalili ang siyensya sa Diyos ay nagbunsod sa maraming relihiyoso na itanong ito: “Bakit ang kagustuhan ng sinuman sa matatalinong pilosopo ng liberal na tradisyon [o maging ang kagustuhan ng anumang sangay ng Korte Suprema ng Estados Unidos] … ang mas pinagbabatayan ng mga desisyon ukol sa moralidad sa halip na pagbatayan ang kagustuhan ng Diyos”?1

Ang mga gumamit ng pangangatwiran ng tao kapalit ng impluwensya ng Diyos sa kanilang buhay ay hinamak ang kanilang sarili at pinababa ang uri ng sibilisasyon bunga nito.

Nagpapasalamat akong malaman na may dalawang pamamaraan ng pagtatamo ng karunungan—ang pamamaraan ng siyensya at ang espirituwal na pamamaraan, na nagsisimula sa pananampalataya sa Diyos at nakasalig sa mga banal na kasulatan, inspiradong turo, at personal na paghahayag. Walang sadyang pagtatalunan sa pagitan ng kaalamang natamo gamit ang magkaibang pamamaraang ito dahil alam ng Diyos, ang ating makapangyarihang Amang Walang Hanggan, ang lahat ng katotohanan at hinihikayat tayong matuto gamit ang dalawang pamamaraang ito.

Ang mga propesiya sa mga huling araw ay nagbabadya ng malaking oposisyon sa inspiradong katotohanan at pagkilos. Ang ilan sa mga propesiyang ito ay tungkol sa anti-Cristo, at ang iba ay tungkol sa makapangyarihan at karumal-dumal na simbahan.

Anti-Cristo

Ginamit ni Apostol Juan ang salitang anti-Cristo para ilarawan ang taong “tumatanggi sa Ama at sa Anak” (1 Juan 2:22). Ngayon ang mga taong nagtatatwa sa pag-iral ng Diyos ay tinatawag na mga ateista. Binabatikos ng ilan sa kanila ang pananampalataya ng mga taong nananalig sa mga bagay na hindi maaaring patunayan, kahit hindi naman nila mapabulaanan ang pag-iral ng Diyos.

Handa tayo para sa gayong mga pagtatatwa sa Diyos dahil sa salaysay sa Aklat ni Mormon tungkol sa isang lalaking nagngangalang Korihor. Sa mga katagang nagpapagunita sa mga isinulat ng mga ateista sa ating panahon, itinuro ni Korihor, na dalawang beses tinawag na “Anti-Cristo” (Alma 30:6, 12):

“Hindi ninyo maaaring malaman ang mga bagay na hindi ninyo nakikita; anupa’t hindi ninyo maaaring malaman na magkakaroon ng isang Cristo.

“Umaasa kayo at sinasabing nakikita ninyo ang kapatawaran ng inyong mga kasalanan. Subalit masdan, ito ay likha ng isang isipang matinding nababalisa; at ang kaguluhang ito sa inyong mga isipan ay dumating dahil sa mga kaugalian ng inyong mga ama, na umakay sa inyo palayo tungo sa isang paniniwala [sa] mga bagay na hindi naman gayon” (Alma 30:15–16).

Sinabi rin ni Korihor “na hindi maaaring magsagawa ng pagbabayad-sala para sa mga kasalanan ng tao.” Ang paglalarawan niya sa ibubunga ng kanyang pagtanggi sa konsepto ng kasalanan at sa isang Tagapagligtas ay katulad na katulad ng paniniwala ng marami sa ating panahon: “Ang bawat tao ay namumuhay sa buhay na ito alinsunod sa pangangasiwa ng nilikha; anupa’t ang bawat tao ay umuunlad alinsunod sa kanyang likas na talino, at … bawat tao ay nagagapi alinsunod sa kanyang lakas; at ang ano mang gawin ng tao ay hindi pagkakasala” (Alma 30:17; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Moralidad na Depende sa Tao

Ang tawag natin ngayon sa pilosopiya ni Korihor ay moralidad na depende sa tao. Ganito ang paglalarawan ng dalawang mapagmasid sa pilosopiyang ito: “Pagdating sa mga problema sa moralidad walang tama o maling sagot na para sa lahat, walang angkop o di-angkop na mga paghatol, at walang makatwiran o matalinong paraan para matukoy kung ano ang mabuti at masama na aangkop sa lahat ng panahon, sa lahat ng lugar, at sa lahat ng tao.”2

Ito ang paniniwalang gamit ng marami sa popular na media at sa pagtugon sa panghihimok ng barkada. “Kumawala sa mga lumang patakaran. Gawin kung ano sa pakiramdam mo ang mabuti para sa iyo. Walang pananagutan ang mga nahuling lumabag kung hindi ito sakop ng ipinatutupad na mga batas ng tao o hindi sang-ayon dito ang publiko.” Ang pinagmumulan ng gayong mga ideya ay ang palagay na walang Diyos o, kung mayroon man, wala Siyang ibinigay na mga kautusan na angkop sa atin ngayon.

Sekular na Pagkamakatao

Napakalakas ng impluwensya ng pagtanggi sa isang Diyos na hindi mapatunayan at pagtatatwa sa tama at mali sa mga taong mas mataas ang pinag-aralan. Ang sekular na pagkamakatao, isang bahagi ng pagkamakatao na malamang na tinawag nang gayon dahil sa malaking pagkakatulad nito sa sekularismo, ay sadya o di-sadyang naipapahayag sa mga turo ng mga guro sa maraming kolehiyo at unibersidad.

Para sa mga relihiyosong tao, ang hindi katanggap-tanggap na elemento sa iba’t ibang pilosopiya ng mga taong makatao ay ang pagtanggi nila sa pag-iral ng Diyos at ang pagtatatwa nila sa mga tiyak na panuntunan ng moralidad na nakabatay sa Kanyang mga kautusan. Sa gayon, tinanggihan sa 1973 Humanist Manifesto ang “tradisyonal na mga pamantayan ng moralidad” at ang “tradisyonal na mahihigpit o diktador na mga relihiyon na higit na nagpapahalaga sa paghahayag, Diyos, ritwal, o doktrina kaysa mga pangangailangan at karanasan ng tao.” Sabi pa roon, “Wala tayong matutuklasang banal na layunin … para sa mga tao. … Responsibilidad nating mga tao ang anumang kinahinatnan o kahihinatnan natin. Walang diyos na magliligtas sa atin; kailangan nating iligtas ang ating sarili.”3

Mangyari pa, ang mga tumatangkilik sa pagkamakatao, na tinatawag na mga taong makatao, ay nakagawa ng maraming magagandang kontribusyon. Halimbawa, sinuportahan nila ang demokrasya, mga karapatang-pantao, edukasyon at materyal na pag-unlad. Hangga’t kasama sa mga pag-unlad na ito ang mga nananalig, ang inaalala lang natin sa mga taong makatao ay ang kanilang pagtanggi sa banal na awtoridad at mga pinahahalagahan.

Illustration depicting three adults holding arrows above their heads.  The arrows are pointing straight down.

Tulad ng isinulat ng dating BYU philosophy professor na si Chauncey Riddle, “Ang pagkamakatao ay ginagawang diyos ang tao, ang pinakadakilang nilalang, at ang matalinong pag-iisip ng tao ang tagahatol sa lahat ng totoo, mabuti, at maganda.” Ipinaalala rin niya sa atin na ang pagkamakatao ay “nagtatamasa ng magandang ulat mula sa mga mamamahayag dahil karamihan sa mga manunulat, tagapaglathala, iskolar at mga tao sa media ay mga taong makatao.”4

Ang marami na nagtatatwa o nagdududa sa pag-iral ng Diyos ay malamang na hindi maniwala sa pilosopiya na ang moralidad ay depende sa tao. Ang tingin nila sa sarili nila ay may ilan silang panlabas na mga pamantayan ng tama at mali, bagaman ang tiyak na mga pamantayan na hindi nakabatay sa paniniwala sa Diyos ay mahirap ipaliwanag. Ang sekular na mga taong makatao, na pormal na tumatanggi sa “tradisyonal na moralidad ng relihiyon” at nagsasabing umaasa sila sa “mga bagay na pinatunayan ng siyensya,”5 ay tila katuparan ng propesiya sa Aklat ni Mormon tungkol sa mga taong “nabubuhay [na]ng walang dini-Diyos sa daigdig” (Mosias 27:31).

Ang Makapangyarihan at Karumal-dumal na Simbahan at ang Iba pang “mga Simbahan”

Inilarawan sa mga propesiya sa Aklat ni Mormon ang “makapangyarihan at karumal-dumal na simbahan sa buong mundo, na ang diyablo ang nagtatag” (1 Nephi 14:17). Ang “simbahan” ay ipinropesiya na magkakaroon ng “kapangyarihan … sa buong mundo, sa lahat ng bansa, lahi, wika, at tao” (1 Nephi 14:11). Tinawag na “pinakakarumal-dumal sa lahat ng ibang simbahan,” sinabi rin na ang simbahang ito ay kumikilos “[para purihin] ng sanlibutan” sa pagdadala ng “mga banal ng Diyos … tungo sa pagkabihag” (1 Nephi 13:5, 9).

Dahil wala pang sekta ng relihiyon—Kristiyano man o di-Kristiyano—na nagkaroon ng “kapangyarihan” sa lahat ng bansa ng mundo o ng kakayahang dalhin ang lahat ng banal ng Diyos sa “pagkabihag,” kailangang maging mas laganap at kalat ang makapangyarihan at karumal-dumal na simbahang ito kaysa sa iisang “simbahan,” ayon sa pagkaunawa natin sa katagang iyan ngayon. Maaari itong maging anumang pilosopiya o organisasyon na kumokontra sa paniniwala sa Diyos. At ang “pagkabihag” na hangad ng “simbahang” ito na kalagyan ng mga banal ay hindi magiging pisikal na pagkakulong kundi pagkabihag sa mga maling ideya.

Sinabihan si Nephi sa paghahayag na mayroon lamang “dalawang simbahan”: “ang simbahan ng Kordero ng Diyos” at “ang simbahan ng diyablo” (1 Nephi 14:10; tingnan din sa 13:4–6). Ang paglalarawang ito ay nagpapahiwatig ng kaibhan sa pagitan ng mga taong naniniwala sa Diyos at naghahangad na paglingkuran Siya alinsunod sa kanilang lubos na pagkaunawa at ng mga taong hindi naniniwalang may Diyos (tingnan sa 1 Nephi 14:10).

Illustration depicting groups of people holding arrows.

Ginamit din sa iba pang mga turo sa Aklat ni Mormon ang salitang simbahan bilang tanda ng paniniwala o kawalan ng paniniwala sa Diyos. Ipinropesiya sa mga huling kabanata ng 2 Nephi na sa mga huling araw ang mga Gentil ay magtatayo ng “maraming simbahan” na “itinatanggi … ang kapangyarihan at ang mga himala ng Diyos, at ipinangangaral sa kanilang sarili ang sarili nilang karunungan at kaalaman, upang makakuha sila ng yaman” (2 Nephi 26:20). Nagsasabi sila ng “mga simbahang naitayo, at hindi sa Panginoon” (2 Nephi 28:3), na “magtuturo … sa pamamagitan ng sarili nilang kaalaman,” at “[itatatwa] ang kapangyarihan ng Diyos” (2 Nephi 28:4, 5). “[Sasabihin] nila sa mga tao: Makinig sa amin, at pakinggan ninyo ang aming tuntunin; sapagkat masdan wala nang Diyos ngayon” (2 Nephi 28:5).

Sa ministeryo ng Tagapagligtas sa mga Nephita, nagbabala Siya laban sa isang simbahan na hindi “nakatayo sa aking ebanghelyo, [kundi] nakatayo sa mga gawa ng tao, o sa mga gawa ng diyablo” (3 Nephi 27:11; tingnan din ang turo tungkol sa “malaki at maluwang na gusali” sa 1 Nephi 8:26–33; 11:35; at 12:18). Ang mga babalang ito ay hindi limitado sa mga organisasyong pang-relihiyon. Sa mga kalagayan ng ating panahon, kabilang dito ang napakaraming sekular na pilosopiya at aktibidad.

III.

Maraming tao na naniniwala sa Diyos at sa umiiral na tama at mali dahil sa Kanyang mga kautusan ang dumaranas ng panlilibak at pangungutya mula sa mga turo ng mundo at pagtatatwa sa Diyos na nagaganap sa maraming organisasyon, kabilang na ang mga institusyong pang-edukasyon at media. Ang ipinropesiyang mga hamong iyon ay kinakaharap ng lumiliit na bilang ng mga taong may takot sa Diyos, na tulad natin ay naniniwala sa Diyos at sa tama at mali na umiiral dahil sa Kanyang mga kautusan. Inuulit lamang nito ang umiral noong panahon ng Tagapagligtas.

Kahit tayo sa “magkabikabila ay nangagigipit,” tayo ay “hindi nangawawalan ng pag-asa” (II Mga Taga Corinto 4:8). Alam natin na kailangan ang “pagsalungat sa lahat ng bagay” para tayo espirituwal na umunlad (2 Nephi 2:11). Alam din natin na, “minarapat ng Panginoon na pahirapan ang kanyang mga tao; oo, sinusubukan niya ang kanilang tiyaga at kanilang pananampalataya” (Mosias 23:21). Ngunit itinuturo din sa mga banal na kasulatan na ililigtas Niya ang mga nagtitiwala sa Kanya (tingnan sa 1 Samuel 17:37, 45–46; Awit 34:22; Mga Kawikaan 3:5–6; Alma 36:27; 38:5).

Magmumungkahi ako ngayon ng tatlong uri ng mga bagay na magagawa natin bilang tugon sa mga kalagayan ngayon, simula sa pinakamadali. Lahat ng ito ay tumutugon sa isang dakilang turo sa Aklat ni Mormon na dapat tayong “tumayo bilang mga saksi ng Diyos sa lahat ng panahon at sa lahat ng bagay, at sa lahat ng lugar kung saan [tayo] ay maaaring naroroon, maging hanggang kamatayan” (Mosias 18:9).

Igalang ang Pangalan at Impluwensya ng Diyos

Tinuruan tayong “maniwala kay Cristo, at hindi siya itatwa” (2 Nephi 25:29); na “isaalang-alang [si Cristo] sa bawat pag-iisip; huwag mag-alinlangan, huwag matakot” (D at T 6:36); at “[mangusap] tungkol kay Cristo,” “[magalak] kay Cristo”, at “[mangaral] tungkol kay Cristo” (2 Nephi 25: 26). Ang dalawang paraan na magagawa natin ito ay sa ating mga pansariling panalangin at personal na pagbati.

Sa ating pansarili at pampamilyang panalangin, dapat nating hilingin sa Diyos na tulungan tayo at ang ating mga kapitbahay at lider na makilala ang Diyos na ating Lumikha at malaman ang tama at mali ayon sa nakasaad sa Kanyang mga kautusan. Dapat nating gawin ito para sa ikabubuti ng Kanyang mga anak sa lahat ng dako.

Kailangan din nating labanan mismo ang kalakaran ngayon na iwasang banggitin ang anumang tungkol sa relihiyon maging sa mga pribadong komunikasyon. Nitong mga nakaraang taon ang paglalakip ng mga simbolo ng relihiyon at mapitagang mga salita ng pagbati sa araw ng Pasko at mga kard ng pakikiramay ay halos nawala na. Kapag nagpapasiya tayo tungkol sa ganitong uri ng komunikasyon, hindi tayo dapat sumali sa pag-aalis ng mga sagradong paalaala sa ating mga personal na komunikasyon. Bilang mga sumasampalataya, tungkulin nating ingatan ang pangalan at impluwensya ng Diyos at ni Cristo sa ating mga pag-uusap, sa ating buhay, at sa ating kultura.

Hayagang Kilalanin ang mga Pagpapala ng Diyos

Suportahan ang hayagang pagkilala sa mga pagpapala ng Diyos. Hangad nitong pigilin ang nababawasang pagbanggit sa relihiyon at pagtukoy sa Diyos at sa Kanyang mga pagpapala sa ating pampublikong talakayan. Ihambing, halimbawa, ang kasalukuyang mga pampublikong dokumento at retorika ng mga lider ng pamahalaan sa Estados Unidos ngayon sa kahalintulad na mga dokumento at pananalita ng mga lider noong unang dalawang siglo ng Amerika. Sa paghahambing na iyan mapapatunayan ninyo na sadyang inalis ang mga pagtukoy sa Diyos at ang impluwensya ng relihiyon sa pagtatatag at pangangalaga sa Amerika.

Ano ang magagawa natin tungkol dito? Una, makakapagpakita tayo ng tamang halimbawa sa ating pamilya at sa mga turo ng Simbahan sa pamamagitan ng pagpapasalamat para sa mga pagpapala ng Panginoon sa ating buhay at sa ating bansa. Upang magawa ito “sa karunungan at kaayusan” (Mosias 4:27), hindi natin dapat itanggi na ang ating mga bansa ay kinabibilangan at pinagpapala ng mga mamamayang Judio, Muslim, at iba pang kabilang sa relihiyong di-Kristiyano, gayundin ng mga ateista. Ngunit dapat nating sabihin nang tapat ang katotohanan na ang Estados Unidos, halimbawa, ay itinatag ng mga tao at pinuno na halos puro Kristiyano at nakalakip ang mga alituntunin ng kanilang relihiyon sa Konstitusyon, mga batas, at kultura ng bansa.6

Isang bagong sanaysay ni Brother Clayton Christensen, propesor sa Harvard Business School at dating Area Seventy, ang mariing nagpahayag na relihiyon ang pundasyon ng demokrasya at kaunlaran. Ipinaalala niya sa atin na ang demokrasya at kapitalismo ay kapwa nakasalalay nang husto sa pagsunod sa mga bagay na hindi maipatutupad at na depende ito sa mga relihiyong nagtuturo ng mga pangunahing alituntuning tulad ng “pagkakapantay-pantay ng tao, kahalagahan ng paggalang sa ari-arian ng iba, at personal na katapatan at integridad.” Ang sekularismo, na nagtatangkang palitan ang relihiyong may paniniwala sa Diyos, ay walang kapangyarihan o programa na ilaan ang tinatawag ni Brother Christensen na “kailangang pundasyon ng malawakang pagsunod sa mga bagay na hindi maipatutupad.”7

Ipaglaban ang Kalayaang Ipamuhay ang Relihiyon

Ipaglaban ang kalayaang ipamuhay ang relihiyon. Mas mahirap ito dahil kailangan dito ang pagtutulungan ng mga miyembro ng iba’t ibang relihiyon. Kapag ginarantiyahan ng pamahalaan ang kalayaang ipamuhay ang relihiyon, dapat nating igiit sa mga opisyal ng pamahalaan na igalang ang mga garantiyang iyon. Dalawang halimbawa lamang ng kasalukuyang problema ang bibigyang-diin ko rito.

Ang una ay ang pagdarasal sa publiko. Nangyayari ang pagdarasal kapag kinausap ng tao ang Banal na Nilalang, anuman ang kanilang konsepto tungkol sa Diyos at paano man nila Siya gustong tawagin. Anuman ang nilalaman ng isang panalangin, na nagkakaiba-iba ayon sa paniniwala ng nagdarasal, kapag inialay ang panalangin sa isang pampublikong lugar, mahalaga ito bilang patibay o simbolo ng karaniwang pag-asa at pagpipitagan ng isang grupo sa Diyos. Ito ang klase ng mga panalanging inuusal sa pagsisimula ng mga pulong ng mga mambabatas o konseho at sa mga panunumpang isinasagawa bago dinggin ang isang testimonya sa hukuman o magtalaga ng mga opisyal. Anuman ang konsepto ng isang panalangin tungkol sa Diyos at anuman ang relihiyon o wikang ginamit ng nagdarasal sa kanyang panalangin, sana’y maipakita natin ang ating paniniwala sa Diyos sa pamamagitan ng panalangin, na inusal nang may katalinuhan at pagsasaalang-alang. Nararapat iyang ipaglaban.

Pangalawa, dapat ay handa tayong salungatin ang mga opisyal ng pamahalaan at mga tagapagtaguyod ng pampublikong patakaran na nagmumungkahi na ang kalayaang ipamuhay ang relihiyon ay limitado sa “kalayaang sumamba.” Sa Estados Unidos, halimbawa, ang garantiya na “malayang makapamuhay” ay nagpoprotekta sa karapatang lumabas sa ating mga pribadong lugar, kabilang na ang mga simbahan, sinagoga, at moske, upang kumilos ayon sa ating mga paniniwala, at sasailalim lamang sa mga lehitimong kapangyarihan ng pamahalaan na kailangan para maprotektahan ang kalusugan, kaligtasan, at kapakanan ng publiko. Ang kalayaang mamuhay ay tiyak na nagpoprotekta sa mga relihiyosong mamamayan sa pagkilos ayon sa kanilang mga paniniwala sa patakaran sa mga pampublikong debate at sa mga pagboto bilang mga mamamayan o mambabatas.

Tulad ng sabi ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol sa isang nakaaantig na mensahe sa lupon ng mga pinunong Kristiyano sa bansa, tayong mga Banal sa mga Huling Araw ay “lubos [na] … gugustuhing makipagtulungan … [upang] tiyakin ang kalayaan sa relihiyon para lahat tayo ay makapagsalita [at kumilos] tungkol sa mga bagay na malinis sa budhi ng Kristiyano hinggil sa mga usaping panlipunan ng ating panahon.”8

Kailangan nating suportahan ang mga pagsasanib ng mga pinuno ng relihiyon at mga taong may takot sa Diyos na nagsasama-sama upang ipaglaban ang tradisyonal na kultura ng paniniwala sa Diyos at ang pasasalamat sa Kanyang mga pagpapala.

People holding arrows.

IV.

Bilang pagtatapos, ipinahihiwatig ko sa lahat ng nagsisisampalataya saanman na may banal na tungkulin tayong maging mga saksi ng Diyos. Kailangan tayong manindigan sa ating katapatan sa relihiyon, magkaisang ipaglaban ang ating karapatan na malayang ipamuhay ang ating relihiyon, at igalang ang mahalagang papel nito sa pagtatatag at pangangalaga at pagpapaunlad ng mga bansa.

Ipinapaalala ko sa aking kapwa mga Kristiyano ang matapat na turo ni Apostol Juan:

“At ang bawa’t espiritung hindi ipinahahayag si Jesus, ay hindi sa Dios: at ito ang sa anticristo, na inyong narinig na darating; at ngayo’y nasa sanglibutan na” (1 Juan 4:3).

Ang kahihinatnan ng hindi natin pagkibo bilang mga saksi ng Diyos ay malinaw na naipakita sa turo ng ating Tagapagligtas tungkol sa asin na nawalan ng lasa. Kapag nahalo sa iba pang mga sangkap—tulad din natin na maaaring mahaluan ng mga pinahahalagahan ng mundo—nawawala ang kakaibang lasa nito sa pinaghalong mga sangkap. Tulad ng itinuro ng Tagapagligtas, “[Ito simula noon ay] wala nang ano pa mang kabuluhan, kundi upang itapon sa labas at yurakan ng mga tao” (Mateo 5:13).

Bilang “asin ng lupa,” (Mateo 5:13), tayong mga Banal sa mga Huling Araw ay kailangang manatiling may impluwensya sa pamamagitan ng pamumuhay ng ating relihiyon at pagpapahayag na tayo ay mga saksi ng Diyos. Kapag ginawa natin ito, ibinibilang natin ang ating sarili sa mga taong magtatamasa ng lubos na tagumpay sa katotohanan at kabutihan, kung kailan “ang bawa’t tuhod ay luluhod, at ang bawa’t dila ay magpapahayag sa Dios” (Mga Taga Roma 14:11) at sa Panginoong Jesucristo, na ating sinasamba at pinaglilingkuran.

Mga Tala

  1. Stephen L. Carter, The Culture of Disbelief: How American Law and Politics Trivialize Religious Devotion (1993), 226; tingnan sa kabanata 11 sa kabuuan.

  2. Francis J. Beckwith at Gregory Koukl, Relativism: Feet Firmly Planted in Mid-Air (1998), 12–13.

  3. Sa Paul Kurtz, ed., Humanist Manifestos I and II (1973), 14, 15–16.

  4. Chauncey Riddle, Think Independently: How to Think in This World but Not Think with It (2009), 120, 121.

  5. Sa Kurtz, Humanist Manifestos I at II, 16.

  6. Tingnan sa John A. Howard, Christianity: Lifeblood of America’s Free Society, 1620–1945 (2008), 51.

  7. Clayton Christensen, “Religion Is the Foundation of Democracy and Prosperity,” tingnan sa mormonperspectives.com/2011/02/08/religion-is-the-foundation-of-democracy-and-prosperity.

  8. Tingnan sa Jeffrey R. Holland, “Pagsasama-sama para sa Layunin ni Cristo,” Liahona, Ago. 2012, 26.