Alalahaning Sila ang Magpapasiya
Ang kalayaan ay angkop sa lahat, pati na sa mga inaanyayahan ninyong alamin ang tungkol sa Simbahan.
Kapag inanyayahan ninyo ang iba na alamin ang tungkol sa ebanghelyo, mahalagang matanto na may kalayaan silang magpasiya kung pauunlakan nila o hindi ang inyong paanyaya. Ang inyong tagumpay ay hindi nasusukat sa kanilang tugon; nasusukat ito sa inyong tapat na pangako na magbahagi.
Kaya kung ang tagumpay ay hindi nasusukat sa kung sino ang pumayag o nagpabinyag, saan kayo dapat magtuon ng pansin kapag gumawa kayo ng mga mithiin para sa gawaing misyonero? Ituon ang inyong tingin sa magagawa ninyo kaysa sa paano tutugon ang iba. Alalahanin, may kalayaan din kayo. Maaari ninyong ipasiyang:
Mag-anyaya nang madalas, at anyayahan ang lahat. Dahil imposibleng malaman nang maaga kung sino ang magiging interesado o hindi interesado sa ebanghelyo, regular kayong mag-anyaya at ibahagi ito sa abot-kaya ninyo, na mas nakatuon sa mga pahiwatig ng Espiritu. Nagtatagumpay tayo bilang mga missionary kapag inanyayahan natin ang mga tao na pag-aralan at tanggapin ang katotohanan.
Manatiling magiliw. Kung tatanggi ang isang tao sa paanyaya na dagdagan ang kaalaman niya, patuloy na maging magalang at mabait. Panatilihin ang pagkakaibigan basta’t mataas ang mga pamantayan. Magpakita ng pagmamahal na katulad ni Cristo sa lahat sa abot-kaya ninyo, kahit hindi nila nauunawaan ang lahat ng pinaniniwalaan at ginagawa ninyo.
Manatiling tapat. Napakaganda ng pagkasabi ng Tagapagligtas dito: “Lumiwanag na gayon ang inyong ilaw sa harap ng mga tao, upang mangakita nila ang inyong mabubuting gawa, at kanilang luwalhatiin ang inyong Ama na nasa langit” (Mateo 5:16). Mahalin ang ebanghelyo at ipamuhay ito, at sa malao’t madali ay makakakita kayo ng mga taong nais malaman ang dahilan at handang tanggapin ang ebanghelyo.
Patuloy na magtiyaga. Tulad ng nakasaad sa kuwento sa kanan, kung minsan ay kailangan ng maraming paanyaya bago dumating ang tamang panahon. Patuloy na magbahagi, patuloy na maging magiliw, at huwag panghinaan ng loob. Alam ng Panginoon ang inyong mga pagsisikap at pagpapalain Niya kayo. (Tingnan sa D at T 98:2.)