Para sa Maliliit na Bata
Pagtulog nang Maaga sa Araw ng Sabado at Pagngiti sa Araw ng Linggo
Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.
“Masaya ako sa tuwing akoʼy nagsisimba” (Children’s Songbook, 157).
Gustung-gusto ni Mara na napapangiti ang mga tao. Napapangiti niya ang kanyang titser sa eskuwelahan kapag nagtataas siya ng kamay para magtanong. Napapangiti niya ang kanyang kapatid na si Marcella kapag magaganda ang sinasabi niya rito.
At ngumingiti rin si Mara. Ang ganda ng pakiramdam na napapangiti mo ang mga tao.
Pero may oras sa bawat linggo na halos hindi ngumingiti si Mara. Ang oras na iyon ay tuwing Linggo ng umaga. Iyon ang oras na palaging pagod na pagod sina Mara at Marcella. Nagiging bugnutin sila dahil nagmamadali silang maghanda para magsimba. Pagkatapos ay mahaba pa ang lalakarin nila papunta sa simbahan. Mahigit sa isang milya ang layo niyon! Madalas mahuli sina Mara at Marcella. Hindi sila nakakadalo sa unang bahagi ng Primary.
“Nami-miss namin kayo kapag wala kayo rito sa takdang oras,” sabi ni Sister Lima isang araw. Siya ang Primary president ng kanilang ward sa Brazil.
Alam ni Mara na dapat siyang makasimba sa takdang oras. Pero paano? Pagkatapos ay may naisip si Mara. Sa sumunod na Sabado ng gabi, nagpasiya si Mara na gawin ang isang bagong bagay.
Sa halip na kumain ng meryenda pagkatapos ng hapunan, nagsipilyo ng ngipin si Mara. Kadalasan ipinapaalala ni Inay sa mga batang babae na isara ang TV at matulog na. Gayunpaman naglalaro pa sila at nagbubulungan habang nakatalukbong ng kanilang mga kumot hanggang maghating-gabi. Kung minsan dahil napuyat sila, hindi nila halos maidilat ang kanilang mga mata. Kinailangan nilang gumalaw-galaw para hindi sila makatulog.
Ngayong gabi isinuot ni Mara ang kanyang padyama at nahiga na sa kama. Hindi na siya kailangang paalalahanan ni Inay. Sinimulan niyang tingnan ang mga larawan sa harap ng kanyang Aklat ni Mormon.
“Ano ang ginagawa mo?” tanong ni Marcela.
“Isang eksperimento,” sabi ni Mara. Ang isipan niya ay puno ng masasayang kaisipan. At inaantok na rin siya.
Nagising na lang si Mara na pumapasok na ang sinag ng araw sa kanyang bintana. Oras na para maghandang magsimba. Sa halip na makadama ng pagkayamot, maganda ang pakiramdam ni Mara. Hindi masakit ang ulo niya. Hindi pagod ang katawan niya.
Dumating siya sa Primary bago pa nagdatingan ang ilan sa mga lider.
“Salamat sa pagiging mabuting halimbawa mo sa ibang mga bata,” sabi ni Sister Lima.
Ngayon napapangiti na si Mara. Nagpasiya siya na laging matutulog nang maaga sa araw ng Sabado. Sa ganyang paraan makakangiti siya sa lahat ng tao sa buong araw ng Linggo.