Paghihimagsik ni Satanas
Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.
Ano ang tunay na layunin ng panukala ni Satanas sa kapulungan sa langit bago tayo isinilang?
Noong binata pa ako, napansin ko nang mahilig mag-usisa ang ilang miyembro ng Simbahan. Kapag may nakita silang isang sitwasyon kung saan napagkasunduan na ang mga patakaran at ipinatupad ang mga bunga ng pagsuway (halimbawa, sa pagdisiplina ng Simbahan, pagdisiplina ng magulang, o pagpapatupad ng mga patakaran sa misyon o mga pamantayan ng pag-uugali sa mga paaralan ng Simbahan), madalas nilang sabihing, “Hindi ba’t ganyan din ang paraan ni Satanas? Hindi ba nila pinipilit ang mga tao na maging matwid?”
Nagulat ako sa reaksyong ito noong una—paano naisip ng sinuman na ang mga gawaing inaprubahan ng Panginoon at ng Kanyang Simbahan ay maaaring bahagi ng “plano ni Satanas?” Simula noon ay natanto ko na ang mga maling pagkaunawang tulad nito tungkol sa paghihimagsik ni Satanas at sa Digmaan sa Langit ay talagang karaniwan na, at karaniwan na rin sa mga tao na magparatang na ang ilang sitwasyon ay mukhang plano ni Satanas. Sa kasamaang-palad, ang mga maling pagkaunawang ito tungkol sa doktrina ay maaaring makapinsala.
Halimbawa, ang mga maling pagkaunawang ito ay maaaring humantong sa pag-iisip ng ilang magulang na hindi nila mahihikayat ang kanilang mga anak na magsimba. Maaaring mahikayat nito ang mga miyembro ng Simbahan na suportahan ang pagiging legal ng mabibigat na kasalanan. At maaari pa ngang mahikayat ng mga maling pagkaunawang ito ang ilang miyembro ng Simbahan na mag-isip na ang paggawa at pagtupad ng mga tipan at pangakong sumunod ay tila salungat sa plano ng Diyos samantalang, sa kabaligtaran, ang gayong tipan ng pagsunod ay mahalaga sa tunay na plano ng Diyos ukol sa kaligtasan.
Ang Nakasaad sa mga Banal na Kasulatan
Ang ilang ideya tungkol sa panukalang ginawa ni Satanas sa daigdig bago tayo isinilang ay tila nagmula sa ipinasa-pasang kuwento sa halip na magmula sa totoong paghahayag tungkol sa paksa. Dahil dito, makabubuting basahing muli ang mga banal na kasulatan upang malaman kung ano talaga ang inihayag ng Panginoon ukol sa mahalagang bagay na ito. Sa mga banal na kasulatan, ang pangunahing pinagkunan ng tungkol sa ginawang panukala ni Satanas ay sa unang mga talata ng ikaapat na kabanata ng Moises:
“At ako, ang Panginoong Diyos, ay nangusap kay Moises, sinasabing: Yaong si Satanas, na iyong pinalayas sa pangalan ng aking Bugtong na Anak, ay yaon ding nagmula sa simula, at siya ay lumapit sa aking harapan, nagsasabing—Masdan, naririto ako, isugo ninyo ako, ako ang magiging inyong anak, at aking tutubusin ang buong sangkatauhan, upang wala ni isa mang katao ang mawala, at tiyak na akin itong magagawa; kaya nga, ibigay ninyo sa akin ang inyong karangalan.
“Subalit, masdan, ang aking Minamahal na Anak, na aking Minamahal at Pinili mula pa sa simula, ay nagsabi sa akin—Ama, masusunod ang inyong kalooban, at ang kaluwalhatian ay mapasainyo magpasawalang hanggan.
“Dahil dito, sapagkat yaong si Satanas ay naghimagsik laban sa akin, at naghangad na wasakin ang kalayaan ng tao, na ako, ang Panginoong Diyos, ang nagbigay sa kanya, at gayon din, na aking dapat ibigay sa kanya ang aking sariling kapangyarihan; sa pamamagitan ng kapangyarihan ng aking Bugtong na Anak, aking pinapangyaring siya ay mapalayas;
“At siya ay naging si Satanas, oo, maging ang diyablo, ang ama ng lahat ng kasinungalingan, upang linlangin at bulagin ang mga tao, at akayin silang bihag sa kanyang kagustuhan, maging kasindami ng hindi makikinig sa aking tinig” (Moises 4:1–4).
Ang Ama ng Lahat ng Kasinungalingan
Mula sa mga talatang ito malinaw na hindi humingi ang ating Ama sa Langit ng mga boluntaryo para mag-imbento at maglahad ng iba’t iba at alternatibong mga plano ng kaligtasan, tulad ng palagay ng ilan. Sa halip, ito ay plano ng ating Ama sa Langit, at inilahad Niya ito sa Kanyang mga espiritung anak na nagtipon sa Malaking Kapulungan sa Langit. Si Jesucristo, na “pinili mula sa simula” na maging Tagapagligtas sa planong iyon, ay mapagpakumbabang nagmungkahi na ang plano ng Ama sa Langit ang suportahan, na sinasabing “Ama, masusunod ang inyong kalooban [iyon nga, ang inyong plano].” Sa tagpong ito gumawa si Satanas ng di-katanggap-tanggap at palalong mungkahing baguhin ang plano ng Ama sa Langit upang maligtas ang buong sansinukob (tingnan sa Moises 4:1). Bago natin talakayin kung paano niya sinabi na kaya niyang gawin ito, mahalagang pansinin na si Satanas ay tinukoy sa mga talatang ito bilang “ang ama ng lahat ng kasinungalingan” (Moises 4:4). Sa isa pang pagkakataon tinawag siyang “isang sinungaling mula pa sa simula” (D at T 93:25). Napakahangal na natin kapag naniwala pa tayo na totoo ang sinabi ni Satanas na kaya niyang iligtas ang buong sansinukob.
Kung nauunawaan natin ang pagkatao at kasaysayan ni Satanas, mas angkop siyang ituring na unang taong manlilinlang na nagtangkang bentahan tayo ng isang produkto na alam niyang hindi niya maibibigay kailanman. Sinabi niyang maililigtas niya tayong lahat kung siya ang susundin natin sa halip na sundin ang plano ng ating Ama sa Langit na nilikha para sa ating kaligtasan at sinang-ayunan ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo.
Ang panukala ni Satanas ay isang kasinungalingan. Hindi ito mangyayari kailanman. Hindi ito epektibong alternatibo sa perpekto nang plano ng Ama sa Langit, sa halip ito ay isang patibong upang bitagin at linlangin ang mga tao na sundin si Satanas. Sa huli, ito ay isang plano ng kapahamakan, hindi ng kaligtasan.
Pagwasak sa Kalayaan
Higit sa lahat, hindi nilinaw sa mga talatang ito ng banal na kasulatan kung paano isasagawa ni Satanas ang kasinungalingang ito. Ang tanging nakasaad sa mga banal na kasulatan ay “[wa]wasakin [nito] ang kalayaan ng tao” (Moises 4:3). Nagmungkahi si Pangulong J. Reuben Clark (1871–1961), Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, ng dalawang malaking posibilidad para sa balak gawin ni Satanas at ipinaalala sa atin na hindi maisasakatuparan ang alinman sa dalawang ito. Ipinaliwanag niya: “Ayon sa pagkaunawa ko sa banal na kasulatan, kailangan sa plano ni Satanas ang isa sa dalawang bagay: Ang piliting sumunod ang … tao, o dili kaya’y iligtas ang mga tao sa kanilang kasalanan. Hindi ako naniniwala na mapipilit ang isipan at kalooban ng tao. Tiyak na hindi maliligtas ang mga tao sa kanilang kasalanan” (sa Conference Report, Okt. 1949, 193; binanggit sa Doctrines of the Gospel Student Manual [2010], 15).
Bagama’t hindi naisakatupran ang mga balaking ito, nakikita natin ang mga elemento ng bawat isa sa mga gawain at taktika ni Satanas ngayon. Halimbawa, ang pamimilit at pamumuwersa ay ginagamit ngayon ng malulupit na pinunong naghahangad ng kapangyarihan sa mga bansa at ng mga aktibista sa pulitika na naghahangad na limitahan ang kalayaan sa relihiyon at piliting tanggapin ng lipunan ang masamang pag-uugali. Isinumpa ng Panginoon lalo na ang paggamit ng “lakas o kapangyarihan o pamimilit sa mga kaluluwa ng mga anak ng tao, sa alinmang antas ng kasamaan” (D at T 121:37).
Gayunman, ipinaliwanag din ng Panginoon na ang kapangyarihan at impluwensya ay maaaring gamitin upang manghimok ng kabutihan sa pamamagitan ng mapagmahal na panghihikayat, matwid na pagkagalit, at angkop na mga resulta (tingnan sa D at T 121:41–43). Ang mahalagang paglilinaw na ito ay nagpapakita na ang wastong pagdidisiplina ng Simbahan at ng mga magulang, pagpapatupad ng mga patakaran at pamantayan sa mga mission at paaralan ng Simbahan, at pagtatakda ng makatwirang mga batas sa lipunan ay pawang mga gawaing sinang-ayunan ng Panginoon at hindi bahagi ng “plano ni Satanas.” Ang paggalang sa kalayaan ay hindi nangangahulugang pagtanggap sa anarkiya.
Ang pangalawang posibilidad kung paano iminungkahi ni Satanas na iligtas ang lahat ay inilarawan sa LDS Bible Dictionary: “Hangad ni Lucifer at ng kanyang mga alagad na agaran at kusang maligtas ang lahat ng naging mortal, nang hindi isinasaalang-alang kung ano ang kagustuhan, kalayaan, o kusang-loob na katapatan ng bawat tao” (“War in Heaven”). Sa madaling salita, ang isa pang ibig sabihin nito ay ipinanukala ni Satanas na iligtas tayong lahat, anuman ang ginawa natin. Wawasakin nito ang kalayaan dahil hindi na ito magagamit. Kung aalisin ang lahat ng bunga ng ating mga pasiya at pare-pareho ang gantimpalang tatanggapin ng lahat, mawawalan ng kuwenta ang ating mga pagpapasiya at mawawasak ang ating kalayaan.
Ang pakahulugang ito tungkol sa panukala ni Satanas kung paano tayo ililigtas ay nakikita rin sa marami sa kanyang mga gawain at taktika na pamilyar sa ating panahon ngayon. Si Satanas ay palaging nangangako sa mga tao na maaari silang mamuhay sa kasalanan at maliligtas pa rin o na makasusumpong sila ng kaligayahan sa kasamaan. Ang mapanghimok na mensaheng ito ng kaligtasang madaling matamo at ng makasalanang pamumuhay ay lubhang popular ngayon, tulad ng panukala ni Satanas sa Digmaan sa Langit kung saan “marami ang sumunod sa kanya” (Abraham 3:28).
Makikita natin sa mga halimbawang ito na ang paraan ni Satanas ay hindi gaanong nagbago simula pa noong bago tayo isinilang. Patuloy na nagsisinungaling si Satanas sa mga tao sa pangangako sa kanila na kung susunod sila sa kanya ay maliligtas sila, o liligaya, o anumang iba pang gusto nilang marinig. Patuloy rin siyang gumagamit ng pamumuwersa upang subukang ipilit ang kanyang di-matwid na mga pananaw at gawi sa iba. Sa gayon, “nagpatuloy ang digmaan sa mortalidad … iyon pa rin ang mga usaping pinaglalabanan, at ang kaligtasan pa ring iyon ang nakataya” (Bible Dictionary, “War in Heaven”).
Isang Plano ng Paghihimagsik
Sigurol ang pinakasimpleng paraan para mailarawan ang plano ni Satanas ay hindi batay sa mga haka-hakang teorya tungkol sa balak gawin ni Satanas kundi tungkol sa talagang ginawa niya at ng kanyang mga alagad dahil sa kanyang plano—walang iba kundi ang maghimagsik. Paulit-ulit na sinabi sa mga banal na kasulatan na si Satanas ay hayagang naghimagsik laban sa Diyos. Halimbawa, sinabi ng Panginoon na “si Satanas ay naghimagsik laban sa akin” (Moises 4:3); “ang anghel ng Diyos na may kapangyarihan sa harapan ng Diyos [ay] naghimagsik laban sa Bugtong na Anak” (D at T 76:25); at “siya ay naghimagsik laban sa akin, nagsasabing, Ibigay mo sa akin ang iyong karangalan, na siyang aking kapangyarihan” (D at T 29:36).
Mula sa mga talatang ito malinaw na ang panukala ni Satanas ay hindi inosenteng mungkahi na baguhin ang plano ng Diyos. Ito ay paghihimagsik, isang rebelyon, isang tangkang pag-aalsa upang agawin ang trono ng Diyos at maghari sa langit. Ang mga sumunod kay Satanas ay nagdeklara ng digmaan sa langit at naging mga kaaway ng Diyos. Ang kanilang kalayaan ay nawasak dahil hindi nila pinili ang “kalayaan at buhay na walang hanggan, sa pamamagitan ng dakilang Tagapamagitan,” at sa halip ay pinili ang “pagkabihag at kamatayan, alinsunod sa pagkabihag at kapangyarihan ng diyablo; sapagkat hinahangad niya na ang lahat ng tao ay maging kaaba-abang katulad ng kanyang sarili” (2 Nephi 2:27). Dahil dito, ang “ikatlong bahagi ng hukbo ng langit ay inilayo niya sa [Diyos] dahil sa kanilang kalayaang pumili” (D at T 29:36).
Sa madaling salita, ang pinakasimpleng paraan ay ituring ang plano ni Satanas bilang isang plano ng paghihimagsik at pagsuway sa Diyos. Sa kabilang dako, ibinuod ng Diyos ang Kanyang plano sa mga salitang ito: “At susubukin natin sila upang makita kung kanilang gagawin ang lahat ng bagay anuman ang iutos sa kanila ng Panginoon nilang Diyos” (Abraham 3:25). Bukod pa riyan, “Naniniwala kami na sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Cristo, ang buong sangkatauhan ay maaaring maligtas, sa pamamagitan ng pagsunod sa mga batas at ordenansa ng Ebanghelyo” (Mga Saligan ng Pananampalataya 1:3). Sa gayon, ang plano ng Diyos ay isang plano ng pagsunod at kabutihan, samantalang ang plano ni Satanas ay pagsuway at paghihimagsik.
Pagkilala sa Plano
Sa wastong pag-unawa sa kaibhan ng plano ng Diyos sa mga mithiin ni Satanas, mas malinaw nating mahihiwatigan kung sino ang sumusunod at sino ang hindi talaga sumusunod kay Satanas. Matutulungan tayo nito na iwasang paratangan ang mga nanghihikayat ng kabutihan at pagsunod na sinusunod nila ang plano ni Satanas samantalang sinusunod naman talaga nila ang plano ng Diyos. Ilalantad din nito ang mga tunay na sumusunod sa plano ni Satanas sa ngayon.
Ang mga tumututol at naghihimagsik laban sa Diyos at sa Kanyang mga propeta, ang mga naghahangad na baguhin ang plano ng Diyos, ang mga namimilit na ibaba ang mga pamantayan ng kabutihan at naghahangad na pilitin ang iba na tanggapin ang imoral na pag-uugali, at ang mga naghahangad na linlangin ang mga tao na maniwala na ang kasamaan ay kaligayahan at na makasusumpong tayo ng kaligtasan sa kasalanan, ay sumusuportang lahat sa iba’t ibang elemento ng mapanghimagsik na istratehiya ni Satanas.
Nawa’y sundin natin ang tunay na plano ng Ama sa Langit, isang plano ng kaligtasan “sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Cristo” at sa “pagsunod sa mga batas at ordenansa ng Ebanghelyo” (Mga Saligan ng Pananampalataya 1:3).