2015
Mga Banal na Kasulatan sa Ilalim ng mga Bituin
Marso 2015


Mga banal na Kasulatan sa Ilalim ng mga Bituin

Bonnie L. Oscarson

“Espiritu’y dama, sa puso ko t’wina, nalalamang aklat ay tunay” (Aklat ng mga Awit Pambata, 66).

Noong bata pa ako, mahilig kaming magkakapatid na matulog sa labas ng bahay tuwing tag-init. Naglalatag kami ng tulugan sa balkon, pagkatapos ay naghahanap kami ng mga konstelasyon sa mga bituin at nakikinig sa mga kuliglig hanggang sa makatulog kami.

Isang gabi nasa balkon kami ni Kuya Larry. Humiga kami at tiningnan ang mga bituin. Karaniwan ay hindi masyadong madaldal si Kuya Larry, pero nang gabing iyon ay sinabi niya na kukuwentuhan niya ako. Nagkuwento siya sa akin mula sa Aklat ni Mormon, simula kay Lehi at sa kanyang pamilya nang lisanin nila ang Jerusalem.

Narinig ko na noon ang mga kuwento mula sa Aklat ni Mormon sa Primary, pero nang ikuwento iyon ni Kuya Larry, kakaiba iyon. Parang mas totoo. Nang tumingala ako sa mga bituin at nakinig sa kuya ko, sumigla at sumaya ang puso ko. Bagaman hindi ko pa alam noon, nadama ko ang Espiritu Santo na sinasabi sa akin na ang Aklat ni Mormon ay totoo.

Pagkaraan ng ilang buwan, nakakita ako ng isang aklat ng isinalarawang mga kuwento mula sa Aklat ni Mormon sa bahay namin. Nang simulan kong basahin ito, natuwa ako at napanatag tulad noong ikuwento sa akin ni Kuya Larry ang mga kuwentong iyon.

Pagkaraan ng ilang taon, habang sinisikap kong magpasiya kung mayroon na akong patotoo, medyo nalungkot ako na hindi pa ako nakatanggap ng malaki o matinding sagot. Ibig bang sabihin nito ay wala akong patotoo? Pagkatapos ay naalala ko ang nadama ko noong magkuwento sa akin ang kuya ko mula sa Aklat ni Mormon, at nabatid ko na talagang alam ko na ang Simbahan ay totoo.

Ang patotoo ay hindi laging dumarating nang biglaan at malakihan. Kadalasan ay dumarating ito sa maraming maliliit at tahimik na sandali kung saan ang Espiritu Santo ay bumubulong sa atin na ang mga bagay na ito ay totoo.