2015
Nayakap ng mga Bisig ng Kanyang Pagmamahal
Marso 2015


Mensahe ng Unang Panguluhan

yakap ng mga Bisig ng Kanyang Pagmamahal

An angel comforting Jesus Christ in the Garden of Gethsemane. "The Gospel of Luke describes the Savior's dark hours in Gethsemane: 'And there appeared an angel unto him from heaven, strengthening him' (Luke 22:43). Here the angel stands above the kneeling Christ, enveloping Him in a warm embrace. With wings extended, the angel seems to banish the darkness, if only for a moment." (description from https://store.moa.byu.edu/agony-in-the-garden.html)

The Agony in the Garden, ni Frans Schwarz

Tulad ng marami, ako ay madalas mabigyang-inspirasyon ng magagandang gawang-sining at musika. Isa sa gayong mga pagkakataon ay noong nasa harapan ako ng isang painting na napakahusay na iginuhit ng Danish artist na si Frans Schwarz na may pamagat na The Agony in the Garden.1

Makikita sa napakagandang painting na ito ang Tagapagligtas na nakaluhod sa Halamanan ng Getsemani. Habang nananalangin Siya, isang anghel ang tumayo sa Kanyang tabi, niyakap Siya ng mga bisig ng pagmamahal, nagbigay ng kapanatagan, makalangit na tulong, at suporta.

Habang iniisip ang ipinintang larawang ito, mas lalong napuspos ang aking pusoʼt isipan ng hindi mailarawang pagmamahal at pasasalamat. Nadama ko, nang bahagya, kung ano ang pakiramdam ng naroon habang sinisimulan ng Tagapagligtas ang Kanyang dakilang gawain sa mortalidad sa pag-ako Niya sa mga kasalanan ng sanlibutan. Namangha ako sa walang hanggang pagmamahal at awa ng Ama sa Langit para sa Kanyang mga anak. Napuspos ako ng malaking pasasalamat para sa ginawa ng walang-salang Anak para sa buong sangkatauhan at sa akin.

Ang Sakripisyo ng Anak ng Diyos

Sa ganitong panahon bawat taon, inaalala at iniisip natin ang pagsasakripisyo ni Jesucristo para sa buong sangkatauhan.

Ang ginawa ng Tagapagligtas mula sa Getsemani hanggang sa Golgota para sa ating kapakanan ay hindi ko kayang maunawaan. Inako Niya mismo ang bigat ng ating mga kasalanan at nagbayad ng isang walang-hanggan at walang katapusang pangtubos hindi lamang para sa paglabag ni Adan kundi maging para sa mga kasalanan at paglabag ng bilyun-bilyong tao na nabuhay. Ang walang-hanggan at sagradong sakripisyong ito ang dahilan upang, “maging ang Diyos, ang pinakamakapangyarihan sa lahat, [ay] manginig dahil sa sakit, at labasan ng dugo sa bawat pinakamaliit na butas ng balat, at magdusa kapwa sa katawan at sa espiritu” (D at T 19:18).

Siya ay nagdusa para sa akin.

Siya ay nagdusa para sa inyo.

Napupuspos ang aking kaluluwa ng pasasalamat kapag pinagninilayan ko ang mahalagang kahulugan ng sakripisyong ito. Napakumbaba ako nang malaman ko na lahat ng taong tatanggap sa kaloob na ito at itutuon ang kanilang mga puso sa Kanya ay patatawarin at malilinis sa kanilang mga kasalanan, napakaitim man ng kanilang dungis o napakabigat man ng kanilang pasanin.

Maaari tayong muling maging walang bahid-dungis at dalisay. Matutubos tayo ng walang hanggang sakripisyo ng ating pinakamamahal na Tagapagligtas.

Sino ang Magpapanatag sa Atin?

Bagamaʼt walang sinuman sa atin ang daranas kailanman ng tindi ng pagdurusa ng ating Panginoon, bawat isa sa atin ay magkakaroon ng madidilim at mapapait na sandali—mga panahon na tila ang ating kalungkutan at pagdadalamhati ay higit pa sa kaya nating makayanan. May panahon na walang awa tayong ilulugmok ng bigat at tindi ng ating mga kasalanan.

Magkagayunman, kung iaangat natin ang ating puso sa Panginoon sa mga panahong iyon, tiyak na malalaman at mauunawaan Niya. Siya na mahabaging nagdusa para sa atin sa halamanan at sa krus ay hindi tayo iiwang namimighati ngayon. Palalakasin, hihikayatin, at pagpapalain Niya tayo. Yayakapin Niya tayo sa mga bisig ng Kanyang pagmamahal.

Siya ay magiging higit pa sa anghel sa atin.

Siya ay magdadala sa atin ng kapanatagan, paggaling, pag-asa, at kapatawaran.

Sapagkat Siya ang ating Manunubos.

Ang ating Tagapagligtas.

Ang ating maawaing Tagapagligtas at ating mapagpalang Diyos.

Tala

  1. Ang pari na nagsalita sa libing ni Frans Schwarz ay nagsabing “ang kanyang sining ay kaloob ng langit at tila mas marapat kaysa sa maraming sermon” (Emmilie Buchanan-Whitlock, “History of Artists’ Lives Gives Greater Context for Exhibit,” Deseret News, Set. 29, 2013, deseretnews.com).