Paulit-ulit Akong Nag-imbita
Ang awtor ay mula sa São Paulo, Brazil.
Alam ko na dapat ibahagi nating lahat ang ebanghelyo, pero kailanman ay hindi pa ako nagtagumpay. Gayunman, sa isang Spanish course na kinuha ko, nakilala ko ang binatang si Tiago. Naging magkaibigan kami at madalas kaming maglakad nang sabay pauwi mula sa paaralan. Isang araw napadaan kami sa isang bagong tayong LDS chapel.
“Ilang taon na akong miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw,” sabi ko. Ibinahagi ko sa kanya ang ilan sa mga bagay na pinaniniwalaan natin, at kung gaano pinagpala ang pamilya namin dahil sa ebanghelyo. Inimbitahan ko siyang dumalo sa mga pulong sa darating na Linggong iyon sa ganap na alas-9:00 n.u.
Sumapit ang Linggo at sabik akong naghintay, pero hindi siya dumating. Nang sumunod na linggo, inimbitahan ko siyang muli. Ginawa ko ito linggu-linggo sa loob ng dalawa o tatlong buwan. Lagi siyang may dahilan kung bakit hindi siya nakakapunta: “Gabing-gabi na akong natulog,” “Pagod ako,” “Nagkaproblema.” Pero patuloy ko pa rin siyang inimbitahan, at parang ayos lang sa kanya.
Isang Linggo ng umaga naupo ako sa isa sa mga upuan sa bandang likod ng chapel. Ilang minuto pa bago magsimula ang pulong nang may tumawag nang mahina sa pangalan ko. Napatingin ako sa pintuan, at naroon si Tiago!
“Hindi ba nangako ako sa iyo na darating ako isang araw?” sabi niya. Dumalo siya sa sacrament meeting, at nagulat ako nang tapusin niya ang iba pang mga pulong at tila nasiyahan siya nang ipakilala ko siya sa mga missionary. Nagsimula siyang magpaturo sa kanila nang regular. Nag-uusap pa rin kami ni Tiago habang naglalakad pauwi mula sa paaralan, ngunit ang mga pag-uusap namin ay tungkol sa mga katotohanang natututuhan niya. Nasagot ko ang mga tanong niya at nakapagpatotoo ako. Sa wakas, nagkaroon siya ng sariling patotoo at sumapi sa Simbahan.
Ngayon ay full-time missionary ako sa Brazil Santa Maria Mission. Bago ako umalis papuntang misyon, nagsumite rin ng application si Tiago para maging full-time missionary, at naglilingkod siya ngayon sa Brazil Manaus Mission.
Tumanggap ako ng liham mula sa kanya kamakailan. “Salamat sa paulit-ulit mong pag-imbita sa akin na magsimba,” pagsulat niya. “Walang hanggan ang pasasalamat ko.” Masaya ako dahil hindi ko lamang naibabahagi ang ebanghelyo araw-araw kundi alam ko na ito rin ang ginagawa ni Tiago.